Thursday, May 3, 2012
no parking
Nakabili ng owner-type jeepney si Fidel. Sabihin pa ay sari-saring satsat ang naririnig niya mula sa mga kapitbahay. Inherent naman kasi sa mga kapitbahayan ang kailangang may opinion sa nangyayari sa kanyang kahanggan. Bulok naman daw ang owner ni Fidel. Bumili raw ito ng batong ipupukpok sa ulo. At kahit daw ibigay sa kanila iyon, di nila tatanggapin.
Alam naman ni Fidel ang kondisyon ng kanyang nabiling sasakyan pero may mga dahilan siya kung bakit. Unang-una ay iyon lang ang kaya ng kanyang budget. Bukod doon, hindi siya tumitingin sa aesthetic value ng sasakyan. Mas pinagbatayan niya kung okey pa ang makina at under chassis.
Dati siyang mekaniko bago naging clerk sa munisipyo kaya may alam siya sa sasakyan. At kayang-kaya na niyang gawin kung anuman ang mga dapat pang ayusin sa nabili niyang owner. Isa pa, sa gaya niya na matandang binata, kailangan niya ng mapaglilibangan. At dahil noon pa niya passion ang magkaroon ng sariling sasakyan, nang makakita siya ng kaya na ng kanyang budget, binili na niya.
At araw-araw mula nang mabili niya ang owner, lagi niya itong kinakalikot basta wala siyang pasok sa munisipyo. Inaayos niya ang mga dapat ayusin. Nag-e-enjoy siya sa ginagawa at pakiramdam niya palibahasa ay laging nababatak ang katawan niya, sumisigla siya.
Samantala, tuloy ang pagkutya sa kanya ng mga kapitbahay. Lagi na lang daw nakataas ang hood ng kanyang owner. Mas matagal pa raw ang pagkalikot dito ni Fidel kaysa sa pagmamaneho. Nagkikibit-balikat na lang siya. Sasakyan niya ito, anuman ang gusto niyang gawin, walang pakialam ang iba.
Hanggang dumating ang problema.
Sinita siya ni Daniel, isa nilang kapitbahay. Sa tapat kasi ng bahay nito nakaparada ang kanyang owner. Doon na lang kasi may bakante dahil kung anu-anong kalat ang nasa kalye nila. Di naman puwede sa tapat ng bahay niya dahil sa kabilang bahagi ang parking lane.
Ipinaliwanag niya kay Daniel na karapatan naman niyang mag-park sa tapat ng bahay nito kasi kalye naman iyon. Isa pa, dahil taga-munisipyo nga siya ay kumuha siya ng overnight parking permit para nga kahit saan sa lugar nila ay puwede niyang iparada ang sasakyan.
Maraming masasakit na sinabi sa kanya si Daniel. Kesyo ang yabang-yabang niya dahil taga-munisipyo. Bumili raw siya ng sasakyan ay wala naman siyang garahe. Di bale raw sana kung hindi mukhang basura ang kanyang sasakyan, kung brand new sana, hindi masakit sa mata.
Walang nagawa si Fidel kundi tanggapin muna ang masasakit na salita ni Daniel. Ganoon talaga, siya ang dapat magpasensya dahil siya ang nakikiparada. Saka siguro naman ay sa una lang ito magagalit. Baka may inggit factor pa. Lilipas din siguro pag tumagal-tagal pa.
Iyon ang akala niya…
Minsan ay nakita niyang basag ang kanyang side mirror. Wala siyang mapagbintangan. Binutas din ang kanyang mga gulong. Ayaw niyang mambintang pero alam niyang si Daniel ang may gawa niyon. Nakikita niya sa mga ngisi nito kapag inaayos niya ang binalasubas na bahagi ng kanyang owner. Gusto niyang mapikon pero nagtimpi siya.
Isang araw ng Lunes na may miting sila sa munisipyo at bihis na bihis siya, paglabas niya ng bahay ay napansin niyang nakatingin sa kanya ang mga kapitbahay. Kinutuban siya. Pagdating niya sa kanyang owner, natuklasan niya kung bakit.
May dumi ng tao sa hood! Sariwang-sariwa pa. Ang pagkakatumpok ay parang cobra ng snake charmer na handang manuklaw. Ginawang kasilyas ang kanyang sasakyan!
Gusto niyang masuka. Gusto rin niyang manuntok ng kahit sino. Sobrang kababuyan na ang ginawa sa owner niya. At parang nahuhulaan na niya kung sino ang may gawa niyon.
Nagtaksi na lang muna siya papasok. Pagbalik niya kinahapunan saka na niya nilinis ang owner. Naririnig niya ang tawanan ng mga kapitbahay pero nagbingi-bingihan na siya dahil baka makapatay siya ng tao.
Nakipag-usap siya sa kanilang chairman para maki-park sa tapat ng barangay tutal ay wala namang sasakyan ang kanilang barangay. Sinabi rin niya rito ang kanyang nagiging problema sa parking. Pumayag naman ito. Medyo malayo nga lang sa kanya pero at least ay hindi na siya makukunsumi.
Pansamantala, nawala ang pambabalasubas sa kanyang sasakyan. At sa wakas ay tumigil na rin ang mga kapitbahay niya sa panlalait sa kanyang owner nang mapaganda niya ito nang todo. Mula sa pagiging bulok, unti-unti ay naging maporma.
Nalaman din niya na si Daniel talaga ang sumasabotahe sa kanyang sasakyan, at ito rin ang nagbawas sa ibabaw ng hood ng owner. Hindi naman kasi lahat na kapitbahay niya ay inggit sa kanya, kaya may isang nakapagkuwento sa kanya nang makiusap ito sa kanya na itubos ng sedula. Buti na lang at hupa na ang galit niya kay Daniel, kung hindi ay baka nasampal niya ito.
Hanggang mangyari ang insidenteng ito…
Isang gabing nanonood siya ng America’s Next Top Model sa cable TV (isa sa mga fetish ni Fidel ang mga female Caucasians na balingkinitan) nang biglang magkaroon ng sigawan sa labas. Napadungaw siya at akala niya ay may saksakan na naman. Pag nagkakalasingan kasi ang mga tambay sa kanila, kadalasan ay nauuwi sa sakitan.
Lumabas siya ng bahay at nakiusyuso.
Nagkakagulo sa bahay ni Daniel. Narinig niyang inatake ito sa puso. Napasarap daw sa pagkain ng sitsarong baboy. Nakita pa niyang karga-karga ito ng mga kalalakihan habang ibinababa sa bahay. Nakangiwi na nakalabas ang dila, ang isang kamay ay nakabaluktot.
Kanya-kanyang sigawan. Hanap kayo ng sasakyan! Nagkataon namang madalang ang dumaraang sasakyan noon dahil umulan ng malakas. Kahit traysikel ay walang nagagawi sa kanilang kalye dahil may malalim na baha pa ang ilang bahagi.
Sa gitna ng chaos ay nakita siya ng isang kapitbahay. “Si Ka Fidel! ‘Yung owner ni Ka Fidel!”
Sumunod ang reaction ng iba.“Oo nga! Ka Fidel, ‘yung owner mo! Dali! Dalhin natin sa ospital si Daniel!”
Kung cliché ang kuwento, magmamadali si Fidel na kunin ang susi at ihatid sa ospital si Daniel. Pero sabi ko nga sa umpisa, puwedeng mahulaan ninyo ang ending, at ‘yun ang cliché. Kaso, dahil sa takbo ng mga pangyayari ay nagkaroon na ng character change ang ating bida sa gitnang bahagi pa lang ng kuwento. Nag-iba na rin ang takbo ng istorya at lumihis na sa formula.
Napaangat ang kilay ni Fidel. Sa isip-isip niya, hindi ba’t bulok ang owner ko? At teka, akala ba ng mga ito ay ganoon siya ka-excited ihatid sa ospital ang taong umebak sa hood ng kanyang sasakyan?
Nagkibit-balikat siya. Tumalikod, pumasok muli sa kanyang bahay at nag-enjoy sa legs ng mga kandidata sa ANTM na kasalukuyang rumarampa.
Kinabukasan ay narinig niya sa satsatan muli ng mga kapitbahay na hindi naman na-DOA si Daniel pero baka maimbalido na. Naririnig din niya ang mga impit na pagmumura sa kanya. Napakayabang daw niya. Walang puso. Maramot. Lahat nang negatibo. Sana raw ay atakehin din siya sa puso, wala raw tutulong.
Sumakay siya sa kanyang owner, ini-start iyon at umalis para pumasok sa opisina nang hindi apektado sa kanyang naririnig. Nag-iisa siya sa buhay, handa siya sa posibilidad na baka bangungutin isang gabi at mamatay sa higaan. Ganoon talaga, pag oras na niya, handa na siya.
Sadya rin niyang hindi tinulungan si Daniel para maramdaman nito at ng kanyang mga kapitbahay ang sakit ng rejection. Hindi maka-Diyos ang ginawa niya, pero may sarili siyang dahilan kung bakit nang pukulin siya ng bato ay hindi tinapay ang ibinalik niya. Para sa kanya, may mga pagkakataon na kapag pinukol ka ng bato, bakal ang ibalik mo para maramdaman ng ibang tao kung paano ang mabukulan.
Subscribe to:
Posts (Atom)