BAGAMAN at madalas akong ginagabi sa labas ay wala akong nightlife. Ang night life ay ‘yung nagpupunta ka sa mga kainan at inuman—na sa lingo ng mga bagets ngayon ay gimik.
Noong Biyernes (Hulyo 27) ay naimbitahan ako ng isang grupo ng mga kakilala na mixed ng mga bagets at forgets. May kaunting salu-salo dahil may nagdaos ng kaarawan at gustong magpakain. Sa Timog area (Quezon City) ang kitakits, and since nagtatapos ako ng deadline ng The Buzz Magasin at naroon din lang ako sa malapit, nagpaunlak ako.
Noong binata pa ako ay medyo may nightlife ako. Madalas akong maisama ng mga lasenggo sa Atlas Publishing Inc. kung saan-saang inuman sa Cubao. Nang magkaasawa ako ay hindi na dahil ang pambayad sa beer/pulutan at pang-tip sa waitress ay kailangang ilaan na sa budget ng pamilya. Well, may mga pagkakataon naman na nakakalabas pa rin, pero ‘ika nga ay once in a blue moon na.
Maulan noong Biyernes pero tuloy ang gimik. Kumain muna kami sa Tramway (along Morato) na eat-all-you can. Ang isang tao ay P300 ang babayaran, pero puwedeng kumain nang sagad hanggang leeg. Hindi ako foodie kaya mga basic lang ang kinain ko. Maraming prutas kaya doon ako medyo nagpasasa. Sa Tramway pa lang ay uminom na ang mga kasama ko, pero dahil hanggang alas diyes lang open ang place, nabitin.
Lumipat kami sa Torio’s Grill na hindi ko na nalaman kung anong street iyon dahil sobrang lakas ng ulan. Siksikan kami sa Patrol. Sa isip-isip ko’y napasubo yata ako dahil baka bumaha ay ang hirap umuwi. Kaya lang, dahil naroon na ay bahala na.
Bukana pa lang ng Torio’s ay nagbabadya na ng kasayahan. Malakas ang music mula sa live band. Laganap ang sanghaya ng mababangong pulutan. Sa loob ay hati ang populasyon ng lalaki at babae. Noong dekada 80 hanggang 90 ay wala halos mga babae sa mga inuman maliban sa mga hostess at waitress. Ngayon ay mas maraming babae ang tumutoma kaysa sa mga lalaki. Salamat sa mga serbesang “light” na paborito nilang inumin.
Wala akong planong uminom nang gabing iyon dahil magka-copyread pa ako kinabukas kaya sabi ko sa mga kasama ko ay hanggang kape na lang ako at magpapababa ng busog. Umorder sila ng bucket at pulutan. Kadarating lang sa mesa namin ng inorder ay nagkaroon agad ng suntukan!
Sa labas ng venue ang rambol. Agad isinara ng security ang gate. Isang kasama ko ang sumilip para makiusyoso. Pagbalik niya, balita niya, “Pare, mga babae at lalaki ‘yung nagsasapakan. Mga lasing na!”
Sa loob-loob ko, iba na talaga ang panahon.
Hindi ako nakiusyoso dahil may phobia ako sa ganitong mga eksena. Minsang nasa bar din ako ay may nag-away rin sa labas at nakisilip ako. Nang magkabatuhan ay isang piraso ng basag na bote ang tumama sa paa ko. Sa bahay ko na nakita na may nakabaon palang bubog sa hita ko at palibhasa’y lasing ako ay di ko naramdaman. Kaya pala malagkit ang sapatos ko, basa na ng dugo.
Anyway, may dumating na mobile at naaresto ang mga nagkakagulo sa labas. Tahimik na nag-inuman ang mga kasama ko. Nagpahinga sandali ang banda para kumain, babalik pa raw sila para sa kanilang final set. Isang lasing na lalaki sa katabi naming mesa ang na-bad trip at nabitin yata sa sound tripping dahil medyo sumasayaw-sayaw siya kani-kanina lang. Pinayapa siya ng mga waitress.
Pero mukhang bitin talaga siya sa music. Kumuha ng kutsara’t tinidor at tinambol niya ang mga bote ng beer at plato ng pulutan. Bukod doon, hinawi pa niya ang mga baso’t bote sa mesa niya. Kalansingan. Napapalingon na sa kanya ang ibang naroroon. Sa isip-isip ko, trobol ito. Marami nang lasing sa paligid, at ang ginagawa ng lalaki ay nag-aanyaya ng suntukan.
“Hindi okey ‘to,” sabi ng isang kasama ko. “Baka magkabatuhan!”
Maagap naman ang isang waitress at tinawag ang sobrang laki ng katawan na bouncer. Nilapitan ng bouncer ang buraot na lalaki at nakangiting kinausap. Pinanood ko kung papalag ang lasing. Kung sakali, dahil pang-MMA ang katawan ng bouncer, makakakita siguro ako ng customer na lilipad palabas ng inumang iyon.
Nagkamayan ang dalawa. Sa higpit ng pagkakakamay ng bouncer ay napangiwi ang lasing na lalaki. Lihim akong natawa. Mensahe iyon na umayos ang lalaki dahil kung hindi ay matindi pa sa pisil na iyon ang aabutin niya. Saglit pa ay nagbayad na ang lalaki at natulog na lang sa mesa. Mainam na nga naman iyon kaysa makatulog siya sa buntal.
Medyo napayapa na ang sitwasyon. Tumugtog uli ang banda. Okey naman, medyo nakakabingi nga lang dahil sobrang lapit namin sa stage. Nag-enjoy ang mga kasama ko sa babaing singer dahil alam nila ang mga kinakanta nito at nakakasabay pa sila (bukod pa sa cute ito at flawless). Ako’y walang alam sa mga kinakanta niya dahil matagal na rin akong hindi updated sa mga usong kanta ngayon—though ‘yung huling kinanta niya ay medyo pamilyar sa tenga ko dahil naririnig ko sa mga stereo ng dyip na sinasakyan ko: Price Tag.
Dahil ‘yung singer lang naman yata ang habol ng mga kasama ko, pagkatapos ng final set ng banda ay nagbayad na kami—este, sila pala! Nag-CR muna ako para kahit matrapik sa pag-uwi ay di ako ma-jingle. Pagbukas ko ng pinto ng CR, tatlong lalaki ang nagkokontes sa pagsuka! Nawala ang nararamdaman kong wiwi. Ang amoy ng nakakaalibadbad na suka ay pumawi sa busog na taglay ko pa. Bad trip, pero ganito talaga sa mga inuman.
Nag-offer ang nag-imbita sa akin na ihahatid ako pero magkaiba naman kami ng way saka masyadong malayo ang kanyang uuwian kaya sabi ko ay huwag na lang, magtataksi na lang ako. Salamat sa blowout, nag-enjoy ‘kako ako. Inabutan pa niya ako ng pantaksi na tinanggihan ko. Na ipinilit niya kaya kinuha ko na rin.
Honestly, nag-enjoy naman talaga ako. Hindi na nga lang ako sanay lalo na pag nag-aamoy trobol. Ayoko na rin ng masyadong malakas na music kahit pa ang kumakanta ay hot chick. Mas gusto kong nasa bahay; nagbabasa, nanonood ng TV, nagkakalikot, tumatakbo sa treadmill, nagpapaligo ng tuta, nakikipaghuntahan kay Misis, natutulog. Tapos na nga siguro ako sa nightlife, sa mga gimik lalo na pag Thank God It’s Friday. Pero okey na rin ang paminsan-minsan ay ganito na nayayaya—lalo na kung libre.