Thursday, August 9, 2012

here comes the sun...

Photobucket

NAIKUWENTO ko last time na napasama ako sa gimik noong July 27. Araw iyon ng Biyernes, pero Huwebes pa lang ay maulan na rito sa Manila—at walang bagyo ayon sa Pagasa.
Araw ng Sabado ay wala ring tigil ang ulan, and usually ay TV day ko iyon kaya okey lang ang ulan. Maraming palabas sa TV ang sinusubaybayan ko pag weekend. Sunday ay nagyaya ang mga relatives ni Misis na manood ng Batman; sumama naman kami pero hindi kami nanood kundi naglakad-lakad lang sa mall para makapag-unat-unat ng buto. Pauwi kami bandang hapon ay malalim na ang baha sa mga kalsadang aming dinaanan.
At simula sa panahong iyon ay hindi pa sumisilip man lang ang araw. Tuloy ang habagat at malakas na ang usap-usapan na simula na raw ng siyam-siyam na araw ng pag-ulan. Medyo kinabahan na ako. Malalakas na ang nagiging pag-ulan, at dahil bahain na nga ang Maynila, kinukutuban ako na may mangyayaring hindi maganda.
Noong a-sais ng Agosto ay nakapasok pa ako sa opisina pero basambasa na ang paligid at may baha na sa bawat nadaraanan ko—wala pa ring tigil ang ulan. Martes ay hindi na ako nagbakasakali lalo pa’t tumataas na ang level ng tubig sa Marikina River at nasa kritikal na level naman ang mga dam. Kinagabihan ay grabe ang buhos ng ulan, para bagang nabutas na ang langit. Miyerkules ay nag-anunsyo na ang ilang pribadong kumpanya na huwag na munang pumasok ang mga empleyado dahil nagbukas na ng gate ang mga dam, at lumampas na sa kritikal ang Marikina River.
Wala pa kaming baha bandang umaga. Tumawag pa sa akin si Tatay Ani, publisher ng The Batangas Post, ng long distance at nakibalita dahil napanood daw niya sa TV na sa Nagtahan ay lampas-tao na ang baha at malapit lang kami roon. Safe pa naman ‘kako, at maraming salamat sa pag-aalala. Pero bandang alas tres ng hapon ay rumagasa ang baha, napakabilis at pinasok agad ang aming bahay.
May itaas ang bahay namin kaya nakilipat ang mga kamag-anak ni Misis. Siksikan kami dahil medyo maliit ang space. Pero sa panahon ng kalamidad, ang importante ay safe. Nagsalu-salo kami sa kung anong pagkain ang meron. Risky nang lumabas dahil malakas ang agos ng baha.
Nabawasan naman ang buhos ng ulan noong Huwebes. Bandang tanghali ay sumikat ang araw nang matindi—matapos ang halos dalawang linggo! Nakikinig ako sa radyo dahil walang kuryente, at nagsasaya raw ang buong Maynila sa muling pagsikat ng araw. Here comes the sun, sabi pa ng announcer.
Nang sumilip ako sa bintana at makita ang sikat ng araw ay halos mapaluha ako. Ang sinag niyon at init na pumawi sa ginaw na nararamdaman ko ay mensahe ng Panginoon. Pinagpapala tayo sa gitna ng kalamidad. Mensahe rin iyon na posibleng tapos na ang habagat.
Dumarating ang kalamidad para subukin kung hanggang saan ang ating pananampalataya. Nakakatuwa na sa kabila ng tila kawalan na ng values ng maraming Pilipino, hindi naman tayo bumibitaw sa pananalig sa Maykapal.
Ang sikat ng araw matapos ang mahabang panahon ng ulan ay isang munting milagro. Laging may liwanag gaano man katagal namayani ang karimlan.
Habang sinusulat ko ang blog na ito ay maaraw na muli sa Kamaynilaan at maliwanag na maliwanag ang aming bintana. Ang bangungot ng habagat at baha ay napawi na. Sabi nga ng Beatles:
“Here comes the sun
Here comes the sun,
And I say it’s all right...”


(Larawan mula kay: jeromedowney_ca)