Sunday, September 30, 2012

kaisa-isang old pic...

Photobucket

ITO ang kaisa-isa kong litrato noong bata pa ako. Hindi ko lang sure kung two or three years old ako rito. Kuha ito ng first cousin ng aking ama sa farm ng uncle niya. US Navy officer ang pinsan ng aking ama at isa sa mga libangan nito pag nagbabakasyon ang i-Polaroid ang mga kamag-anak.
May isa pa siyang kuha sa akin noong grader na ako na may kasama akong baka pero hindi ko na makita ang kopya. Naitago lang ito ng nanay ko at nakita ko sa aparador niya nang maghalungkat ako kamakailan.
Masuwerte ang henerasyon ngayon dahil kahit segu-segundo ay pwede nilang kunan ang kanilang sarili. Hindi gaya noon na suwerte kung may kamag-anak na may camera.
Natuwa lang ako rito sa kuha kong ito dahil medyo chubby pala ako noong baby pa samantalang mula elementary hanggang napapasok ako sa Atlas Publishing ay mukha akong kalansay na naglalakad.
Masarap talaga pag bata pa ang hitsura; inosente, healthy, walang problema,walang allergy,  walang stress sa katawan, walang iniisip na bills at pagkakagastusan, malinaw ang mata, walang sumasakit na kasu-kasuan—at higit sa lahat, hindi ka natatakot na baka balang araw ay kailanganin mo ang stem cell therapy para lang maging healthy muli, he-he.

Friday, September 28, 2012

space

Photobucket

Photobucket


WALA akong sariling puwesto sa bahay kapag nagsusulat o nagbabasa. Kahit saan lang basta komportable ang upo dahil medyo madaling mapagod ang aking likod. Ang aking misis ang nag-suggest na dapat ay may sarili akong workstation.
Sabi ko ay pang-artist lang ang workstation. Saka nasanay na ako nang palipat-lipat. Gayunpaman, naglaro na rin sa isip ko ang ideya na magkaroon nga ng sariling puwesto.
Pinaka-ideal ang ilalim ng aming hagdan sa second floor. May space kasi roon na ginawa naming imbakan ng mga lumang gamit at nilagyan lang namin ng kurtina para hindi masakit sa mata. Karamihan sa mga nakaimbak doon ay mga plato at iba pang gamit sa kusina, libro, mga regalong di nabuksan, kahon ng mga biniling appliances, lumang appliances at kung anu-ano pa.
Si misis na rin ang nag-suggest na iuwi ko na lang sa probinsya ang mga lumang gamit namin at gawin kong workstation ang malilibreng space. Na-excite ako sa idea, umarkila ng sasakyan at ipinakuha ko sa utol ko ang mga lumang gamit para iuwi na lang sa Batangas.
Si misis na rin ang nagpintura sa nabakanteng space. Sumunod ay naghanap kami ng table. Nagkataon naman na ‘yung model na nakita namin sa SM Hypermart ay eksakto sa space; pati clearance na tig-2 inches sa buong paligid ay nag-eksakto rin para madaling iusod kapag nililinis.
May mga piyesa ako ng PC na hindi nagagamit kaya kinomisyon ko ang paborito kong technician sa Gigahertz para ipagbuo ako ng kickass na unit. Sa ngayon ay mas desktop ang gamit ko at standby na lang ang laptop.
Mahilig ako sa paligid na walang kalat o mga dekorasyon. Nasanay kasi ako na walang nakikitang mga nakadikit sa pader dahil pakiramdam ko ay nakakadagdag lang sa inaalikabok.
Kaya ngayon, heto na. Simple lang. Masarap ang bentilasyon. Maliwanag ang area. Okey rin ang cushion at sandalan ng upuan. Iniisip ko lang na lagyan ng seksing poster ni Danica Patrick ‘yung malawak na space sa harapan—kaya lang ay kokontra iyon sa prinsipyo ko na walang nakasabit sa paligid. At isa pa, baka hindi pumayag si misis!

Tuesday, September 25, 2012

nakakatuwa...

Photobucket

NAKATUWAAN ko lang pitikan ng camera ng cellphone ang mga batang ito habang trapik sa isang kalye sa Makati City. Kahit sa bangketa ay nagrerepaso ng kanilang mga aralin. Sana lang ay hindi abalahin ng mga magulang at utusan ng kung anu-anong mga gawaing bahay. Sa aking palagay, kapag ang mga bata ay nasa moment ng pagbubuklat ng kanilang mga kuwaderno at libro, hayaan lang.
Sana makatapos ang mga batang ito ng pag-aaral at makakita ng mas magandang tirahan sa hinaharap.