LAGI akong namamangha sa lobo. Palibhasa kasi ay lumaki ako sa bukid na puro halaman lang ang nasa paligid, kapag nakakakita ako ng lobo noong bata pa ako ay rocket science na iyon sa akin. May mga pinsan ako sa kabayanan na mas matatanda sa akin, pag dinadalaw nila ako sa bukid ay lobo ang pasalubong nila sa akin, at sapat iyon para maglakbay ako sa ibang dimension habang nilalaro ko.
At siguro nga ang mga bata ay talagang fascinated sa lobo. Nang mag-second birthday ang anak ko ay sa bukid na nilakihan ko namin ginanap. Ang buong paligid ay pinalibutan namin ng lobo. Hindi pa man nagsisimula ang program, ang mga nanay ng mga batang imbitado ay nakapuwesto na sa mga lobo para pitasin. Actually, saglit lang ay kanya-kanya na silang kuha para sa kanilang mga anak. Parang mas importante pa ang lobo kaysa sa spaghetti at cake na handa.
Nang nag-aaral na ako, may mga tindang kendi na may kakambal na lobo. Kung kasing-edad ko kayo or mas matanda kaysa sa akin, aminin ninyong alam ninyo itong sinasabi ko. ‘Yun nga lang, hindi lumilipad ang lobong ito. Hinihipan, at nagkakaroon lang ng movement kapag ini-release ang hangin. Hindi ako nakakabili dahil walang pambaon, pero nakikilaro ako sa mga kaklase kong meron sa paghabol sa lobo pag pinakakawalan. Kung minsan, pag nagsasawa na sila o gusto ng ibang kulay, ibinibigay nila sa akin ang luma. Pinalolobo ko iyon pagdating sa bahay, isinasabit sa aming dingding at ini-imagine na umaangat sa ere gaya ng lobong kargado ng helium. Iyon ang masarap sa pagiging bata, ang imahinasyon ay parang katotohanan na rin.
Anyway, kamailan ay naimbitahan ako ng isang kaibigan na mag-attend ng 7th birthday party ng kanyang anak sa isang sikat na pizza house sa may UN Avenue. Tumanggi ako noong una dahil wala naman akong anak na maliit. Sabi niya ay kokonti ang bisita dahil mga matatanda naman talaga ang invited. May nauna na raw kasing celebration kung saan invited ang mga kalaro at kaklase ng anak niya. This time, mga kapamilya at kaibigan naman ng parents ang invited. May ganoon yata silang tradisyon pag may anak na sumasapit sa ikapitong taon. Dahil mahigpit ang imbitasyon, umoo ako.
Maganda ang venue at sa hagdan pa lang (sa second floor ginanap ang kainan) ay marami nang naka-display na lobo. Pumisil-pisil pa ako sa mga kumpul-kumpol habang umaakyat. Sa loob ay marami ring nakasabit sa mga upuan. May libre ring face painting. Sabi ng kaibigan ko, lahat ay dapat magpapintura ng mukha. Bagama’t ayoko ay hindi ko rin naman planong magpaka-killjoy. Nilagyan ng painting na dragon ang aking mukha at braso. For a while ay nagbalik ako sa pagkabata. Sabagay, walang ganito noong panahon ko. It’s not too late to rock and roll, ‘ika nga.
Nang matapos ang selebrasyon ay nakatuwaan kong magbitbit ng isang lobo. Habang nasa dyip ako ay pinagtitinginan ako ng mga pasahero. Naghilamos ako ng mukha, pero ang dragon sa kamay ko ay di ko inalis. Obvious na galing ako sa children’s party. But what the heck; kanya-kanyang trip lang ‘yan, at ‘ika nga ay walang basagan.
Ang lobo ay balak kong ipalaro sa dalawa kong dogs. Naalala ko noon na nag-uwi rin ako ng lobo mula sa party ng ABS-CBN at tuwang-tuwa ang dalawa nang ipalaro ko. Nang sumabog, kapwa sila nagtago sa ilalim ng mesa at matagal na di nakalabas. Nasa mga mata nila ang guilt dahil iniisip nilang may nasira silang gamit. Tuwang-tuwa ako noon sa expression nila at gusto ko uling ma-witness ang ganoong eksena.
Nang naglalakad na ako papauwi sa amin ay may nakasalubong akong nanay na nangangalakal at may tulak na kariton ng bote diyaryo. May tatlong anak siyang maliliit na nakasakay sa kariton. Ang batang lalaki, na sa wari ko ay pinakamatanda, ay kumislap ang mata pagkakita sa lobong dala ko. Sabi niya, “Kuya, akin na lang po ang lobo.”
Huminto sa pagtutulak ng kariton at tumingin sa akin ang nanay, at ngumiti na parang nakikiusap. “Akin na lang po ang lobo,” ulit ng bata, at maging ang dalawa niyang kapatid ay nanghihingi na rin. Tuwang-tuwa sila. Nagkibit-balikat lang ako at nagdiretso sa paglalakad.
Pagdating ko sa bahay ay excited na sumalubong ang dalawang dogs sa akin. Agad kong binitawan ang lobo at masaya nilang nilaro. Wala pa yatang ten seconds, “Boom!” Sumabog na ang lobo at ang dalawang dogs gaya ng dati ay nagtago sa ilalim ng mesa dahil sa guilt.
Pero mas matindi ang guilt na naramdaman ko...
Noon lang nag-sink in sa akin kung gaano kasaya sana ang mga musmos kung ibinigay ko sa kanila ang lobo. Baka mas kumislap ang kanilang mga mata, mas maluluwang ang mga ngiti. Baka natuwa ang nanay nila na hirap na hirap sa pagbobote-diyaryo at di sila mabilhan ng laruan. Baka hanggang ngayon, nilalaro pa nila ang lobo na iilang segundong pinaglaruan at pinasabog ng dalawang dogs.
Guilt...
Lapse in judgment. Sana pala ibinigay ko na lang sa kanila.
Iniisip ko na lang ngayon na sana’y nakalimutan na ng mga bata na minsan ay may maramot na mama silang nakasalubong at di sila binigyan ng lobo. At sana rin ay may ibang tao na mas mabait kaysa sa akin na sa paglilibut-libot nila araw-araw sakay ng kariton ng nanay nila, ay naaabutan sila kahit lumang laruan na nagpapakislap ng kanilang mga mata at naghahatid ng ngiti sa kanilang mga mukha.