Friday, December 28, 2012

'duck walk'

http://s163.photobucket.com/albums/t309/kc013_photos/?action=view&current=dognduck.jpg" target="_blank">http://i163.photobucket.com/albums/t309/kc013_photos/dognduck.jpg
" border="0" alt="Photobucket">

NOONG isang araw ay nakatuwaan kong makipaglaro sa isa naming aso. Siya kasi ‘yung tipo ng aso na hindi maharot. Though paminsan-minsan ay tumatakbo, mas gusto niyang nakahiga sa ilalim ng mesa at tila nagmumuni-muni.
Sa panonood ko sa Animal Channel sa Cable TV ay sinasabi ng mga pet experts na mahalagang may pisikal na aktibidad ang mga pets lalo na ang mga aso. Kung lagi silang nakaungkot, mas prone sila sa pagkakasakit. At mas gusto kong makipaglaro sa aso dahil libre—kaysa sa ipagamot siya.
Since hindi ko siya maakit na lumabas sa ilalim ng mesa at tila nagpakamatay pa nang tinatawag ko ang pangalan, naisip kong mag-improvise ng style. Dahil nakaupo ako, biglang-bigla ay nakatuwaan kong mag-duck walk. Ito ‘yung habang nakaupo ka, ilalagay mo ang dalawang kamay mo sa likod saka ka lalakad na parang bibe sabay huni ng “kwak-kwak!”
Habang nagda-duck walk ako, mukhang naging epektibo sa aking pet. Nanlaki ang mga mata niya sa excitement, lumabas sa ilalim ng mesa at hinabol ako na para siyang humahabol sa bibe. ‘Yun nga lang, ang bilis ko namang napagod.
Habang umiinom ako ng tubig ay napatingin ako sa wall clock. Alas tres ng hapon. Bigla akong nag-down memory lane. May isang pangyayari sa buhay ko na may kinalaman din sa duck walk—noong grade one ako.
It was the ‘70s, folks, at grade one nga ako noon. Sa pagkatanda ko ay pissed off ang aming teacher dahil maraming hindi makabasa at sobrang iingay pa ng mga kaklase ko. Hinampas niya ng kanyang nakatatakot na stick (na alam kong maraming puwet na ang napalo kasama na ang sa mga kapatid ko at pinsan) ang mesa at sapat iyon para tumahimik ang klase.
Noong panahong iyon ay uso pa ang pagpaparusa ng mga guro sa mga estudyante. At kapag naparusahan ka ni Ma’am, stigma iyon. Gagawing joke sa iyo ng mga kaklase. Ipapanakot na isusumbong ka sa iyong ina na naparusahan ka ni Ma’am. At ang iyong nanay naman, sa halip na sugurin si Ma’am ay siguradong makukurot ka rin, mapipingot o mapapalo dahil sa hiya kay Ma’am. Noon ay ganoon ka-powerful ang isang guro—hindi tulad ngayon na mahawakan lang sa anit ang pupilong di makabasa ay kakasuhan na agad ng ina ang guro sa principal’s office at babantaang ipatatanggal sa serbisyo. Eh, paano naman kung bukod sa tanga talaga ang bata ay matigas pa ang ulo? Siyempre’y kahit papaano’y pipisikalin ni Ma’am.
Anyway, sabi ni Ma’am ay magda-duck walk ang sinumang mahuli niyang gagawa ng mali. ‘Yun nga lang, hindi namin define kung ano ‘yung mali. Siguro ay kung maingay o hindi makabasa.
Ilan agad ang nasampulan ni Ma’am. Para silang mga bibe na nagkarera sa loob ng classroom habang kumakwak-kwak. Siyempre pa ay walang makatawa dahil baka makasama sa mga nagmistulang bibe.
Kung bakit naman nang mapatingin sa akin si Ma’am ay bigla akong napahikab! Isinigaw niya ang pangalan ko sabay sabing sumama ako sa mga nagda-duck walk.
Marami akong kasuntukan noong ako’y grade one at kitang-kita ko sa mga mata nila ang tuwa. Na-shock naman ako dahil ano ba ang kasalanan ko? Hindi ako maingay. Mabilis akong magbasa dahil kahit grade one pa lang ako’y nababasa ko na ang mga kuwento sa komiks at mga prosa sa Liwayway. Napahikab lang ako may parusa na. Napaiyak ako.
Sa pagkatanda ko’y iyon ang unang pagkakataon na nagawa kong sumuway sa nakatatanda sa akin—at sa isang guro pa. Sabi ko sa sarili ko’y hinding-hindi ako lalakad na parang isang bibe—mangyari na ang mangyayari! Lalong tumaas ang boses niya nang maramdaman niyang hindi ako tatalima. Lumapit siya sa akin at hinila ako pero kumapit ako sa desk. Dala niya ang stick niya kaya alam kong pag tumayo’y ako ay tiyak na tiyak ang lagapak sa puwet. Ang pagkakakapit ko sa desk ay parang lingkis ng sawa sa puno. Anu’t anuman, hindi ako bibitaw.
Naramdaman ko ang lagitik sa may braso ko. Doon niya ako pinalo. Lalong lumakas ang aking iyak—na naging sigaw nang makita ko ang mapulang-mapulang guhit sa aking braso. Mas hinigpitan ko ang hawak sa desk. Sa isip-isip ko, patayin na ninyo ako pero hindi ako magpapaka-BiBe Gandanghari.
Hindi na niya sinundan ang palo sa akin, at sa pagkatanda ko, hanggang sa mag-uwian kami ay hindi na nag-lecture si Ma’am at nagpakopya na lang ng mga nakasulat sa pisara. Marahil ay nahimasmasan din siya sa sobrang lakas ng palo sa akin na parang matabang alupihan ang naging latay.
Nang umuwi ako ay nakita ng aking ina ang latay sa aking braso. Namumugto rin ang mga mata ko kaya alam niyang may nangyari sa school. Ikinuwento ko sa kanya, at sabi lang niya sa akin, sana raw ay nag-duck walk na lang ako. At nilagyan niya ng Vicks vaporub ang aking latay. Hindi na niya ako pinalo—pero tanung nang tanong kung hanggang sa mag-uwian daw ba ay galit pa sa akin si Ma’am. Alam kong mas concern siya sa galit ni Ma’am kaysa sa naging latay ko. Maging ang aking ama, nang makita ang latay ay simple lang ang naging reaksyon: matigas daw siguro ang ulo ko.
See? Kung ngayon nangyari ito, TV Patrol tiyak si Ma’am.
Mabuti na lamang at araw ng Biyernes naganap iyon. Dumaan ang Sabado’t Linggo na umiwas akong makipaglaro sa mga kaklase kong kapitbahay ko lang. Ayokong maging tampulan ng kanilang tukso at tawanan. Pagkakaligo ko ay nilalagyan ng Inay ng Vicks ang aking latay, kaya pagdating ng Lunes, wala na. Pero nagsakit-sakitan ako ng tiyan sa loob ng isang linggo para di muna ako pumasok dahil ayoko pang makita si Ma’am. Nahalata iyon ni Inay, at hinayaan muna niya ako. Kaya makalipas ang isang linggo, pagpasok ko uli ay wala na ang aking latay—at hindi ako tinatawag ni Ma’am sa recitation o anuman. Pero napapansin kong palihim niyang tinitingnan ang braso ko na kanyang inasbaran. May ilan akong kaklaseng hindi nakalimot sa insidente at tinutudyo ako na kaya di ako pumasok ay dahil napagpalo ako ni Ma’am.
Sa isip-isip ko, eh, ano? At least hindi ako naging bibe. Ang mga kaklase ko kasing napa-duck walk ni Ma’am, ang tukso nila lagi ay kung nakapangitlog na raw! Mas macho naman sa pakiramdam ang nakipagmatigasan ka kay Ma’am kaysa tuksuhin na may egg na lumabas sa iyong derrière, di baga?
Anyway, nakakapagod mag-duck walk para lang pasayahin ang isang matamlay na aso. Kamakailan ay nakabili ako ng laruang bibe na humuhuni. Basta narinig niya ang huni, sapat iyon para siya magrumpi at tumakbu-takbo.
Good boy!

Wednesday, December 5, 2012

vietnamese dream

http://s163.photobucket.com/albums/t309/kc013_photos/?action=view&current=vietnam.jpg" target="_blank">http://i163.photobucket.com/albums/t309/kc013_photos/vietnam.jpg
" border="0" alt="Photobucket">

DUMARATING din ako sa punto na nais kong magtrabaho sa abroad. Gusto ko naman ng ibang challenge. Makakita ng ibang kultura. At siyempre, gusto ko ring subukan kung talagang mabilis ang pag-asenso kapag sa ibang bansa nagtatrabaho.
Madalas mangyari sa akin ito kapag may mga disappointments ako sa mga kliyente ko rito sa Pilipinas. Ang ibang publication kung saan konektado ako ay kadalasang may hatid sa akin na sakit ng ulo.
Middle of this year ay nag-browse ako sa internet ng mga trabahong puwedeng pasukan. Mas gusto ko ang Asean countries para madali kong mai-adapt ang sarili ko lalo na sa klima at pagkain. Ang prayoridad ko talagang puntahan ay Vietnam dahil sinasabing papaunlad ang bansang ito. Nagpunta ako sa kanilang website at naghanap ng job opportunities.
May nakita naman ako na medyo eksakto sa mga qualifications ko—ang magturo ng Filipino language sa mga Filipino community roon. May mga kababayan kasi tayong doon na nagkaanak, o nagkaasawa ng tagaroon. Gusto nilang mahasa pa rin ang mga magiging anak nila sa ating wika—at suportado iyon ng Vietnamese government.
Nag-e-mail ako sa contact person ng nasabing job vacancy. Sinabi ko ang layunin ko na makapagtrabaho roon, at maging ang aking kapasidad para sa posisyon na hinahanap nila. Sumagot naman, at medyo nagulat ako sa mga alituntunin bago nila ako i-hire.
Ayon sa nag-reply sa akin, once na ma-hire nila ako ay maninirahan muna ako sa isang village. Libre lahat mula tirahan, pagkain, damit at iba pang pangangailangan. Isang taon ako sa village na iyon para maka-adapt sa kultura ng Vietnam. Pag-aaralan ko ang kanilang wika—at kailangang matuto ako. Sa loob din ng isang taon ay hindi muna ako makakapagbakasyon. Inaasahan din nila na sa loob ng isang taon, marami na akong alam tungkol sa Vietnam, sa wika nila at kultura. Pagkatapos ng pagsasanay na iyon at makapasa ako sa kanilang evaluation—tanggap na ako sa puwesto.
Medyo nag-alanganin ako. Unang-una ay mahina ako sa pag-aaral ng ibang wika. Wala kasi akong interes. Pero siguro naman ay mapagtitiyagaan ko rin. Kung naroon na ako, madali na lang siguro iyon lalo na kung pipilitin ko ang sarili ko. Kung lagi mo raw naririnig ang banyagang wika, masasanay rin ang iyong dila.
At nabasa ko ang tungkol sa kumpensasyon. Dito lalong lumaylay nang todo ang aking pag-asa.
Ayon sa nag-reply sa akin, sa loob ng isang taon na mananatili ako sa isang village at mag-aaral ng evertyhing Vietnamese, may allowance ako na $1,000. Lilinawin ko lang po—ang $1,000 ay sa loob ng isang taon, hindi ng isang buwan.
Ito ay dahil wala naman akong pagkakagastusan dahil shouldered nila ang lahat nang pangangailangan ko habang nasa village. Iniisip kong ang $1,000 marahil ay pocket money ko lang para sa ‘ika nga’y “much needed R&R.” Ibibigay naman daw agad iyon once na dumating ako sa village, nakapirma sa agreement at nagsimula ng training.
Siyempre’y hindi ko naman gagamitin sa “much needed R&R” ang pera at ipapadala ko sa aking pamilya rito sa Pilipinas. At kung iyon lang ang kikitain ko for a year (roughly P40,000/year), baka sa kuryente lang at iba pang bills ay di na kasya.
At paano kung after a year ay hindi ako makapasa sa kanilang evaluation? Uuwi akong luhaan. O kaya ay maghahanap ako roon ng ibang trabaho na di akma sa aking kakayahan. Sa edad kong ito, hindi ko na kayang mamasukan halimbawa sa mga restoran at maghugas ng plato. Medyo pasmado na ako, tiyak na lagi akong makakabasag ng mga baso.
Nag-e-mail uli ako sa nag-reply sa akin at nag-request na baka naman pwedeng $5,000 ang maging annual allowance ko (roughly P200,000 at baka maka-survive na rito ang pamilya ko for a year). Hindi na siya nag-reply. At maliwanag sa akin ang mensahe—kung ano ang patakaran nila, iyon ang dapat sundin. No buts, no ifs.
And there goes my Vietnamese dream.
Anyway, matapos ang aking pangangarap ay muling nagbalik sa akin ang diwang makabayan. Pilipino ako. Kung may kaunti man akong talento, dito ko dapat gamitin sa Pilipinas. Sabi nga ni Jay Ilagan sa pelikulang Kadete (na wala akong makitang kopya samantalang napakagandang pelikula nito) nang plano siyang ipadala sa Westpoint Academy matapos ang kanilang graduation sa PMA, “Gusto kong makita ang liwanag sa aking sariling bayan.”
Pero kung may maganda pa ring oportunidad sa ibang bayan, susubukan ko pa rin. Isa lang ang tiyak—babalik at babalik ako para rito makita ang bukang liwayway.
Pansamantala, hahayaan ko na lang ang mga disappointments ko sa mga publikasyon na aking pinaglilingkuran. Afterall, wala namang empleyado na walang issues laban sa kanyang pinamamasukan.

(Larawan mula sa vagabondjourney.com)

Monday, December 3, 2012

kuwentong renta

http://s163.photobucket.com/albums/t309/kc013_photos/?action=view&current=rent1.jpg" target="_blank">http://i163.photobucket.com/albums/t309/kc013_photos/rent1.jpg
" border="0" alt="Photobucket">
KAPITBAHAY ko si Choi. Binata, nagtatrabaho sa isang malaking hotel sa Makati City. Umuupa siya sa apartment na katabi lang namin. Dati ay tatlo silang magkakapatid doon at naghahati-hati sa upa. Nang magsipag-asawa ang dalawang kapatid niya at bumukod na, solo na niya ang renta.
For a while ay may mga kaopisinang single na nakasama si Choi sa apartment. Pero dahil problema sa lugar namin ang parking, at may mga kotse ang mga katrabaho niya, hindi nagtatagal. Makipot kasi ang aming kalye, bukod pa sa maraming may sasakyan din. Ang iba naman na walang sasakyan ay ayaw magpa-park sa kanilang tapat.
May common denominator kami ni Choi. Pareho kaming mahilig sa aso at badminton. Hindi kami nakapaglalaro ng badminton, pero madalas kaming nagkakatambayan sa labas dala ang aming mga aso. May alaga siyang malteze, ako naman ay bichon frise. Habang naghuhuntahan kami, naglalaro ang dalawang aso.
Aniya ay nahihirapan na siyang magbayad ng upa sa apartment. Nasa P7,000 pala kada buwan ang upa. Ipagpalagay na nating sumasahod siya ng P20,000 kada buwan, dahil binata siya at mahilig magdamit at sa tingin ko ay medyo may lifestyle bukod pa sa girlfriend, talagang mahihirapan siyang mabalanse ang kinikita.
Isang umaga ay nakarinig ako ng kalabugan na tila may nag-aaway. Narinig kong nagbabalitaktakan sina Choi at ang kanyang landlady. Sa pakikiusyuso ko, nalaman kong tinanghali ng gising si Choi at nabuwisit nang katukin ng landlady para singilin sa buwanang upa. Sabi pa ni Choi, akala mo raw naman ay mamamatay na ang landlady kung mamayang hapon pa siya magbabayad.
Ang away ay nauwi sa barangay--hindi naman sa Face to Face ni Tsang Gellie.
Nang minsang magkahuntahan uli kami ni Choi ay sinabi ko sa kanyang bakit di na lang siya kumuha ng condo unit? May mga unit ngayon within Metro Manila na P4,000 lang ang monthly na hulog. Rent to own pa. Siyempre nga lang ‘kako, ang kailangan niya ay pang-down payment na siguro naman ay mahahagilap niya. Kung magde-date sila ng GF niya ay puwedeng sa condo na lang, takeout ng pagkain at DVD marathon. Kung gustong mag-loving-loving, di na rin kailangang mag-check in.
Natawa siya nang malakas.
Sabi ko pa sa kanya, ang P7,000 na ibinabayad niya sa landlady niya ay halos 2 buwan na ng condo unit na sa malao’t madali ay magiging kanya. Posibleng hindi kalakihan ang space, pero dahil solong katawan naman siya ay hindi niya kailangan ang malawak na tirahan. Wala pang landlady na tatalak sa kanya pag na-late siya ng bayad. Isang studio-type lang na may higaan, kusina at bathroom, ayos na sabi ko pa sa kanya.
Nakita kong napaisip siya.
Matapos ang aming pag-uusap ay hindi ko masyadong napagkikita si Choi. Nabalitaan ko rin na ipinadala niya ang kanyang aso sa kanyang nanay sa Pangasinan. Kaya pala ‘kako wala na kaming dog bonding moments.
Isang gabi ay may narinig akong ugong ng malaking sasakyan sa labas. Maya-maya pa ay tinatawag ni Choi ang aking pangalan. Paglabas ko, masaya siyang kumamay sa akin. Magpapaalam na raw siya. Nakakita raw siya ng condo unit sa may Sta. Ana, Manila. Mas malapit sa kanyang opisina sa Makati, at P3,700 daw ang hulog kada buwan. Nag-down payment daw siya ng P100,000—na hiniram muna niya sa kanyang mama.
Ayos ‘kako. Mainam na ‘yung solo niya ang lugar. Minsan daw ay susunduin niya ako para ipakita ang place. ‘Yun nga lang, bawal daw ang aso. Sige ‘kako, para may bonding pa rin. Sabi ko pa ay baka matuloy na rin ang plano naming paglalaro ng badminton. At inihabol ko ang, "Good luck sa libreng check-in, ha?" Natawa na naman siya nang malakas.
Isa lang si Choi sa maraming nakikita ko na umuupa ng malaki sa paninirahan sa apartment samantalang marami namang murang tirahan na rent to own. Karamihan kasi sa ating mga kababayan ay hindi iniisip ang mag-invest sa bahay o tirahan. Mas gusto ang naninirahan. Natatakot kasi sa mga 15 years to pay scheme. Sa bilis ng panahon ngayon, malalaman mo na lang 15 taon na pala ang nakalipas—at kung kumuha ka ng bahay o condo na magiging iyo balang araw mare-realize mo na lang na bayad ka na pala. Kaysa naman makalipas ang 15 taon, nangungupahan ka pa rin at bilanggo sa kasungitan ng landlord.
Sa mga kabataan ngayon na may trabaho na, umpisahan agad ninyong ipundar ang bahay gaano man ito kaliit. Walang pinakamasarap kundi ang paninirahan sa bahay o condo na sa iyo talaga—cash mo man binili ito o hulugan. Huwag kayong mamimihasa na nagrerenta dahil ang binubuhay lang ninyo ay ang inyong kasera.