PUMANAW kamakailan ang nanay ng aking kaibigang si Benjie
“TsongkiBenj” Felipe. May kaugnay na kuwento ang malungkot na kabanatang ito ng
kanyang buhay sa kanyang showbiz column na lumabas noong February 27 sa The
Daily Sun, isang bagong pahayagan. Nakikiramay tayo kay Tsongki, at sana’y
madali siyang maka-move on.
Hindi tayo nagdalawang salita nang magsabi sa kanya na
pakitulungan tayo sa pagbubukas ng The Daily Sun. Malakas na siya sa publiko
dahil mayroon siyang dalawang radio program sa 92.3 FM radio ng TV5. Kilala
siya sa entertainment field, at matagal din siyang naging editor-in-chief ng
The Buzz Magasin ng ABS-CBN Publishing kung saan kami nagkasama. Hindi rin kami
nag-usap kung magkano ang kanyang rate—ang importante sa kanya ay matulungan
ang kanyang kaibigan.
Sa pagiging magkaibigan namin ay ako pa ang medyo may
diprensya sa aming samahan. Iniwan ko siya sa isang programa niya sa radio kung
saan ako ang writer/researcher niya. Hindi rin ako nakadalo sa binyag ng
kanyang bunso dahil naroon ang isang dating business associate na nakaaway ko.
Noong time na down ako financially ay inaabut-abutan niya ako ng pera. May
ibinibigay pa siya noon na segunda manong kotse sa akin—na hindi ko naman
kinuha dahil wala akong pambili ng gasoline. Baka ‘kako lalo lang akong magipit
sa maintenance.
Anyway, naibalita niya sa akin na nakaburol nga ang nanay
niya noon. Hindi naman ako nakadalaw dahil sunud-sunod ang aking deadline.
Humingi na lang ako ng pasensya sa kanya, at sabi ko’y pag nakaluwag-luwag sa
oras ay saka kami magkita. Nagpaabot din ako ng aking pakikiramay.
Pero sa lahat nang ito, sa kabila ng kanyang dalamhati ay
nakabibilib ang kanyang propesyunalismo. Alam n’yo bang hindi niya
nakakaligtaan ang kanyang showbiz column sa The Daily Sun? Tinitiyak niyang
kahit may lungkot sa kanyang puso ay nakapaghahatid siya ng saya sa kanyang mga
tagasubaybay.
At sa puntong iyan, saludo tayo sa kanyang
propesyunalismo.
Nang huli kaming magkita ni Tsongki ay mahigit dalawang
taon na yata ang nakararaan. Bagumbago ang kanyang sasakyan. Sabi pa niya sa
akin ay may nabili siyang dalawang ekstaryang farm na balak niyang taniman ng
gulay.
Nakakatuwa ang kanyang pag-asenso mula nang huli kaming
magkasama sa trabaho. Masipag naman kasi siya dahil bukod sa pagiging anchor sa
radio, entertainment writer, news writer ay isa rin siyang actor. Marami na
siyang nalabasang pelikula, at nakakasama rin siya ngayon sa mga indie films.
Walang masamang tinapay, ‘ika nga.
Pero bukod sa sipag at talent, malaking factor sa kanyang
pag-unlad ang kanyang propesyunalismo. At muli niya iyong pinatunayan sa akin.