MIYERKULES, SETYEMBRE 25, 2013.
Ang araw na ito ang ika-17 death anniversary ng aking
ina. Namatay siya dahil sa medical malpractice sa isang ospital dito sa Batangas
City.
Inamin naman sa akin ng doktor na nagkamali sila. Magpapa-check
up lang siya ng mata, bigla siyang ipina-X-Ray. Sa edad niyang halos otsenta at
nagsisigarilyo pa, siyempre ay malabo ang baga. Binigyan siya ng todong dosage
kontra-PTB, at bumigay ang kanyang mga internal organs.
Nang kinagagalitan ko ang doktor ay sumabat ang attending
nurse at inaway ako. Bakit daw ako nagagalit sa doktor? Iniwan pa niyang
nakatali ang goma sa bisig ng aking ina na ginagamit kapag nagkukuha ng blood
pressure.
Hindi ko alam kung bakit ganoon na lang ang pagtatanggol
ng nurse na iyon sa doktor, samantalang ang huli ay maginoong umamin sa kanyang
pagkakamali.
Marahil ay may guilt din ang nurse na iyon dahil naging
bahagi siya sa pagpatay sa aking ina.
Sa mahabang panahon ay kinimkim ko ang poot sa nasabing
ospital. Dumating ako sa puntong muntik nang sumama sa isang armadong grupo
para lang mapasabog iyon.
Pero dinalaw ako sa panaginip ng aking ina. Aniya ay
huwag na. Ang isang pagkakamali ay hindi maitutuwid ng karahasan.
Masakit sa akin ang mga unang taon na ginugunita ko ang
kanyang kamatayan—nila ng aking ama. Mula sa malayong lugar ay bumibiyahe ako
para dumalaw sa kanilang puntod, gayundin kapag birthday nila. Naging panata ko
na iyon.
Minsan ay nanaginip ako na kitang-kita ko ang aking ama’t
ina na nakasuot ng makinang na damit. Pareho silang masaya na nakatingin sa
akin. Maliliwanag din ang kanilang aura. Kumakaway sila sa akin hanggang sa tuluyang
maglaho sa aking paningin.
May kaibigan akong psychic at naikuwento ko sa kanya ang
tungkol sa panaginip. Sabi niya sa akin ay narating na ng kaluluwa ng aking ama’t
ina ang pinakamataas na antas ng cleansing o paglilinis sa mga kasalanang
nagawa nila sa mundo. Dagdag pa niya, tuluyan nang nagpaalam sa akin ang mga
magulang ko dahil iyon na ang hudyat na sasapit na sila sa kaharian ng
Maykapal.
Itinanong niya sa akin ang mga ginagawa ko para sa
kaluluwa ng aking mga magulang. Sabi ko, lagi kong ipinagdarasal at
ipinagtitirik ng kandila basta may pagkakataon, pag death anniversary nila, pag
birthday. Lagi rin ‘kako akong humihingi ng tawad sa mga kasalanan at
pagkukulang ko sa kanila bilang anak—lalung-lalo na sa aking ina.
Sabi niya sa akin ay nakatulong ang mga ginagawa ko para
mapabilis ang kanilang pagkalinis ng kaluluwa. At ang maganda pa, sabay silang
nagtungo sa kaharian ng Maykapal. Kung mayroon man umano silang naging
paghihirap dito sa lupa, puno na sila ng kaligayahan ngayon.
At naniniwala akong ganoon nga. Dahil kahit maging ako ay
puno na rin ng kapayapaan para sa kanila. Hindi na rin sila dumalaw sa aking
panaginip.
Naaalala ko pa rin ang mapait na kamatayan ng aking ina
lalo na sa ganitong petsa. Malinaw pa rin sa akin ang mga eksena sa ospital;
ang pag-amin ng doktor, ang pagmumura sa akin ng nurse. Pero inalis ko na sa
puso ang poot. Sila na ngayon ang may bagahe sa dibdib dahil sa kasalanang
nagawa nila.
Madalas kong ipayo sa aking mga nakakakilala na kung
buhay pa ang kanilang mga magulang ay ibigay na nila ang lahat na magpapaligaya
sa mga ito. Para kung sakali mang dumating na ang panahon ng paghihiwa-hiwalay
rito sa lupa, nagawa nila ang kanilang tungkulin sa kanilang mga magulang.
Maliit na babae lang ang aking ina. Masayahin. May magandang
disposisyon sa buhay. Laging sinasabi sa akin ng aking ama na kung hindi ang
aking ina ang naging katuwang niya sa buhay, hindi siya magiging masaya sa
kanyang pagiging padre de pamilya. Iyon din naman ang sabi ng aking ina,
masuwerte siya sa aking ama na bukod sa tall, dark and handsome ay
napakaresponsable pa.
Ngayong araw na ito ay gagawin ko muli ang mga bagay na
lagi kong ginagawa kapag sasapit ang ganitong petsa. Hahalungkatin ko mula sa
alaala ang masasayang sandaling kasama ko ang pinakamahalagang babae sa buhay
ko—ang aking ina—mula sa pag-uugoy niya sa akin ng duyan hanggang sa kanyang
paglisan. Ang mga liham niya sa akin. Ang mga iniwang payo na pilit kong
sinusunod kahit wala na siya.
“Sana’y di magmaliw ang tangi kong yaman
Nang munti pang bata sa piling ni Nanay...
At sa iyong paglisan, ang tanging pabaon ko ay
pag-ibig..."
Salamat, Inay... at kumustang muli sa inyo ni Tatay.