Thursday, October 17, 2013

Ang malupit na ina


BATO na ang puso ko sa mga napapanood kong balita sa telebisyon. Bahagi rin kasi iyon ng training ko bilang journalist. Hindi mo kailangang samahan ng emosyon ang trabahong ito. Ikaw man ang nagbabalita o nakapanood ng balita, hindi ka dapat maapektuhan.
Ngunit nasira ako sa kumalat na video ng isang ina na pinapalo ang kanyang anak habang naliligo ang paslit. Sobra akong na-bother.
Unang naging viral ang video sa mga social networking sites bago na-pick up ng mga TV stations.
Nakakaawa ang bata na halos dalawang taon lang. Ilang beses siyang sinuntok ng kanyang ina. Pinukpok ng tabo. Hinampas ng tuwalya.
Isipin ninyo ang ganoon kamurang katawan ng bata na tatanggap ng mabigat na parusa.
Sa video ay maririnig ang tili ng bata. Tili ng takot. Nang sakit na tinatamasa. Marahil ay paghingi na rin ng saklolo.
Shock ang una kong naramdaman. Mayroon bang ina na ganito kawalang puso? Sa patuloy niyang pananakit sa bata, kumulo na ang dugo ko. Marahil, kung sa harapan ko nangyayari ang ganitong kalupitan sa isang paslit, bawal man sa batas ang manakit ng babae ay baka sa unang pagkakataon ay makapanakit ako ng isang kabaro ni Eva.
Maya’t maya ay naghihintay ako ng update sa TV tungkol sa video na iyon. Bahagya akong napayapa nang malaman kong nakarating na pala sa kaalaman ng DSWD ang video at hinahanap na nila kung sino ang babaeng nananakit ng bata, ano ang relasyon nila sa isa’t isa. Humingi rin sila ng tulong sa NBI para matukoy kung tagasaan o kung sino ang nag-upload ng video. Tama ang sinabi ng taga-DSWD na hindi natin alam kung ano na ang sitwasyon ngayon ng dalawa. Matagal na ba iyong ginagawa ng babae sa bata? At huwag naman sanang itulot ng pagkakataon, ano pang kalupitan ang nagawa niya sa paslit?
Makalipas ang ilang araw ay na-relieve na ako. Natukoy na ang babae na taga-Negros Occidental. Anak nga niya ang bata. Pareho na silang nasa custody ng DSWD para sa mga proseso kung paano ibabalik sa normal ang kanilang buhay.
Umamin ang ina ng bata na problemado lang siya kaya sinasaktan ang anak. Hindi na umano maganda ang relasyon nila ng ama ng bata, at matigas daw ang ulo kaya niya pinalo. Ayaw raw kasing maligo.
Buti na lang at hindi ako ang nag-interview sa kanya. Dahil sa mga naging sagot niya, baka nasampal ko lang.
Ito ang hirap sa mga pumapasok sa relasyon at nagkakaanak pero hindi kayang panindigan. Kapag naaburido, ang anak ang pagbabalingan ng poot. Puno sila ng libog habang ginagawa ang bata, pero kapag nailabas na, konting iyak ng paslit ay halos patayin na. Hindi siya dapat naging ina.
Salamat na lang at nakunan ng isang kamag-anak ng babae ang kanyang pagmamalupit. Ayon sa kamag-anak, maging siya ay nabahala sa pananakit ng babae sa anak. Ang video raw ang ginamit nitong panakot sa babae na ia-upload nga sa net kapag hindi tinigilan ang nasabing kalupitan.
Sino man po kayo, salamat...
Sana ay marami pang kababayan natin ang tumulad sa may mabuting kalooban na ito na gumagawa ng paraan para mapigilan ang isang kademonyuhan. Sabi nga, “Evil triumphs when good men do nothing.”
At sa malupit na ina, ito lang ang masasabi ko: Darating ang panahon, ang batang ito na iyong pinagmalupitan ang siyang magbibigay sa iyo ng kaginhawaan sa buhay. Habang maaga, humingi ka na ng sorry sa kanya at mahalin mo na siya ngayon—bago siya matutong mamuhi sa iyo at suklian ka ng dobleng kalupitan paglaki niya.

Tuesday, October 1, 2013

Failed... sad face...

NAIBALITA ko kamakailan na may kakilala akong negosyante na nagplanong bilhin sana ang Atlas Publishing. Nakausap namin ang general manager na si Mr. Deo Alvarez at napagkayarian ng dalawa na mag-uusap sila in private tungkol sa presyo.
Well, mukhang hindi sila nagkasundo. "Failed" daw ang kanilang negosasyon. Ang sabi sa akin ng kakilala kong negosyante ay masyadong mataas ang presyo. End of the story.
Tuluyan nang nagsara ang Atlas last September 2013. Sa pagkaalam ko, ngayong October matatanggap ng kanilang mga empleyado ang separation pay.
Nakakalungkot ang nangyari. Sa Atlas ako nag-umpisang magsulat at maging editor. Bagaman at 17 years na pala akong wala sa company, apektado pa rin ako ng mga kaganapan sa kumpanyang nagpala sa akin sa loob naman ng pitong taon.
Sad face...