NOONG isang araw ay tumunog ang
aking cellphone. May tumatawag. Hindi nakalista sa aking contacts ang number
kaya hindi ko sinagot. Allergic na kasi ako sa mga tawag na wala sa aking phone
book. Kung minsan ay mga pamangkin ko lang na nanghihingi ng load, o kaya ay
kapatid na nanghihingi naman ng pambili ng gamot.
Hindi naman tayo nagmamaramot. Kung
minsan lang kasi ay hassle lalo na kung may importanteng ginagawa.
Anyway, walang tigil sa katatawag
ang may-ari ng number. Dahil iniisip kong baka naman ma-low batt ako ay sinagot
ko na lang. Inipit ko ang aking boses para kunwari, kung sakali, ay namali lang
ng pindot ang natawag.
Pag-hello ko, sabi ng nasa kabilang
linya: “Pare!”
Inisip ko kung kaninong boses iyon
sa mga kumpare ko pero wala akong matandaan na ganoong boses. Sa ipit na tinig
pa rin ay tinanong ko siya: “Sino ‘to?”
“Si Ricardo ito, pare...” sagot
niya.
Na-realize kong hindi ko siya
kilala. Wala akong acquaintance o kaya ay kumpare na Ricardo ang pangalan.
Magalang kong sabi sa kanya sa ipit pa ring boses, “Wrong number po.”
Tumawa siya. Sa pagkagulat ko, ang
sumunod niyang sinabi, “Bakla ka, ano?” At humalakhak siya nang malakas.
Okey, inakala niyang gay ako dahil
sa inipit kong boses. Malaki ang boses ko at nang minsang mag-guest ako sa DZJV
sa Laguna ay pinansin iyon ng isang lady DJ at sinabing puwede raw akong
announcer. I never thought na pag inipit ko pala ang aking bedroom voice ay
boses beki na ako.
“O...” patuloy ng lalaki. “Hindi ka
na nagsalita. Bakla ka, di ba?”
That got into my nerve. Hindi naman
sa ayokong mapagbintangan akong bakla kundi dahil sa pitik ng pananalita niya
ay para bagang isang krimen ang maging bakla. Sabi ko sa kanya, “May problema
ba kung bakla ako? Kasalanan ba iyon?”
Ang lakas ng tawa niya. “Sabi ko na
nga bakla ka, eh!” at hindi matapus-tapos ang tawa niya.
Tutal ay hindi naman ako ang
mauubusan ng load ay hinayaan ko lang siya. Sa dami na rin ng mga nakatalo kong
salbahe—pisikal man o verbal—lagi akong nakakapuntos sa huli. Alam kong later
on ay mabibingguhan ko rin siya.
“Tagasaan ka, beki?” tanong niya sa
mapang-asar na tinig.
“Quiapo...” sagot ko.
“Talaga?” naramdaman ko ang
excitement sa boses niya. “May kilala ka bang Usmad?”
“Saan ba si Usmad dito sa Quiapo?”
tanong ko.
“Malapit lang sa simbahan. May
atraso ‘yan sa akin, eh,” bahagyang nagkaroon ng galit sa tinig niya.
“Anong atraso?”
“Eh, kinasuhan ako ng tarantadong ‘yan,
eh!” sigaw niya.
“Anong kaso?” kaswal kong tanong.
“E-estafa...” nauutal niyang sambit.
Well, it takes a veteran journalist
to realize if the person he’s conversing is telling the truth or not.
Naramdaman ko, batay sa mga factors na sinabi niya na posibleng hindi estafa
ang ikinaso sa kanya.
“Sumabit ka sa droga, ano?” tanong
ko sa kanya.
Hindi siya sumagot.
Kinargahan ko ang tanong sa kanya. “Ilang
taon ang senstensya sa ‘yo? Mabigat na kaso ang drug pushing.” Sa ngayon ay
ina-assume kong nasa kulungan na siya.
Wala na ang bravado sa boses niya
nang sumagot. “S-sampung taon, pare...” aniyang nauutal.
Bingo!
Ngayon, ako naman ang nasa opensiba.
Isa siyang bilanggo. Inisip kong
nag-trial dial lang siya kung may sasagot sa number na tsinambahan niya. Huwag
na tayong magtaka kung kahit preso ay cellphone, nangyayari ito lalo na kung
gaya niya na dating pusher at may koneksyon sa sindikato—maliit man o big time.
Napangiti ako sa naisip na pangganti
sa kanya.
“Ilang taon ka ‘kamo riyan sa loob?”
tanong ko sa kanya.
“Sampu...” malungkot niyang sagot.
“Diyan ka na mamamatay,” walang pusong
sabi ko sa kanya.
Naramdaman ko ang pagkabigla sa
boses niya nang sumagot. “Ha? Bakit mo nasabi?”
Tumawa ako. Ako naman ang kriminal
ngayon. “Eh, marami na akong beses nakarating ng bilangguan. ‘Yung mga preso na
nakikita ko, diyan na namamatay.”
“Hindi mangyayari sa akin ‘yun!”
maagap niyang sagot. “Pitong taon na nga lang, laya na ako.”
“’Yung mga huling taon ang delikado,”
sabi ko naman sa kanya. “Kasi hihina na ang katawan mo, pati resistensya. Pag
tinamaan ka ng pigsa sa puwet, damay pati bituka mo niyon. Diretso kamatayan na
‘yun. Mabubulok na lahat nang laman-loob mo...”
May hinanakit sa boses niya nang
muling magsalita. “Pambihira ka, pare. Sa halip na pinalalakas mo ang loob ko
tinatakot mo pa ako.”
“Yun ang totoo, e. sinasabi ko lang
sa ‘yo.”
Huminga siya nang malalim. “Sa halip
na palakasin mo ang loob ko, ganyan ka pa.”
Ibinato ko sa kanya ang sisi. “Kanina
nang pinagbibintangan mo akong bakla ang saya-saya mo, ang yabang-yabang mo. Ngayon
sinabi ko lang ang posibleng maging kamatayan mo, naduwag ka na. Ganyan talaga
singilin ng tadhana ang mga nagbebenta ng droga. Nabubulok sa kulungan at diyan
na namamatay. Baka nga netx week tamaan ka na ng pigsa.”
Nag-busy na ang linya niya.
After 10 minutes ay tumunog muli ang
cellphone ko. Ang kriminal muli. Sinagot ko.
“Pare...” ngayon ay mahinahon na ang
boses niya. “Sorry kanina na sinabi kong bakla ka. Biro lang ‘yun. Malungkot
dito sa loob, puwede ba tayong maging magkaibigan?”
Napangiti ako. At nagpasyang isagad
na ang pambibinggo sa kanya. “Huwag na lang, pare... Pag naging magkaibigan
tayo ay malulungkot lang ako dahil mami-miss kita...”
Nagulat siya. “Ha? Bakit mo ako
mami-miss?”
“Eh, kasi sabi ko nga sa ‘yo...
mamamatay ka na!” at ako naman ang humalakhak.
Hindi ko siya kita at hindi ko alam
ang hitsura niya pero parang nahuhulaan ko ang naging expression niya. ‘Ika nga
ni Vice ganda, “Boom, panis!”