Wednesday, September 24, 2014

Kuwentong Hilmarc's Construction Corporation

Ang kontrobersyal na Makati Parking Building (Photo from the web)



NANG lumabas ang issue tungkol sa kontrobersyal na Makati City Hall-slash-Parking Lot building, na ang contractor ay ang Hilmarc’s Cosntruction Corporation, parang may pamilyar na tunog, ‘ika nga, ng kampana na umalingawngaw sa magkabilang tainga ko. At iyon na nga, naalala kong naging bahagi ako ng kumpanyang ito.
Hindi ako naging empleyado ng Hilmarc’s, sa halip ay sa isang kumpanya na pag-aari ng pamilya nila ako naging bahagi—ang Corazon Publishing na nasa ilalim naman ng isa pang kumpanya nila, ang Trinitas Publishing. Year 2002 noon.
Ang Trinitas Publishing ay isang publication ng mga textbooks. Nang magplano silang maglabas ng pocketbooks at songhits magazines ay itinayo nila ang Corazon Publishing.
Noong umpisa ay sa mismong opisina ng Hilmarc’s sa E. Rodriguez kanto ng New York Street sa may Cubao, Quezon City naroon ang editorial office ng Corazon. Kasa-kasama namin ang mga engineers, artchitects at iba pang empleyado nila. Tahimik ang lugar, laging busy ang mga empleyado. Isa sa mga enjoy na enjoy ako ay ang kanilang canteen. Masasarap at mura ang mga pagkain. Nang ma-recognize ng kanilang chef ang pangalan ko at nagkataong may mga nobela pala ako sa komiks na sinubaybayan niya noong nasa Atlas Publishing pa ako, laging puno ang lalagyan ko ng ulam pag umo-order ako, bukod pa ang paminsan-minsang libreng meryenda.
Nang maisaayos na ang condominium unit na talagang nakalaan para sa editorial ay lumipat na kami sa may Hillcrest Street, along E. Rodriguez pa rin. Sa Corazon Publishing ay nakapagsulat sina Tita Opi Concepcion, Vincent Kua, Benjie Valerio, Flora Simon Rivera, Diana Morrow, Beth Rivera, Ron Mendoza, Nadz Tabuso, Maureen Pelayo at ang ngayon ay sikat na sikat na PHR writer na si Camilla. Karamihan sa kanila noon ay gumamit ng pen names. May mga baguhan din noon na nabigyan ko ng break sa pagsusulat.
Naging staff ko naman ang mga mula sa sister companies ng GASI na sina Ruby Solano at Cecille Carillo—na sa pagkaalam ko ay niligawan ng mga bigating comics illustrators na sina Randy Valiente at Rommel Fabian.
Naging close ako sa panganay na anak ng mga may-ari ng Hilmarc’s, si Edong. Kahit engineering graduate ay mahusay siyang mag-layout. Si Edong ang gumawa ng company logo at masthead ng mga products. Kung minsan ay siya na rin ang naglalatag ng cover. Noong time na iyon ay nagrre-review na siya para sa board exams.
Maayos naman ang takbo ng sirkulasyon ng mga produkto palibhasa’y kokonti pa ang kumpetisyon noon at maganda pa ang sitwasyon ng pagpa-publish lalo na ng pocketbooks at songhits. Nabago lang ang lahat nang manalo ang Trinitas sa bidding para sa textbooks at ipinasa sa editorial team ng Corazon ang trabaho. Sabi ng management sa akin, doon muna kasi sa siguradong kita. Kaya nag-shift kami sa textbooks.
Ilang buwan din naming inasikaso ang mga textbooks na ang mga nagsulat ay pawang mga PhDs at may masterals na ayaw na ayaw na may babaguhin ako sa kanilang mga sinulat. Kakaibang karanasan din ang makatrabaho ang mga ganitong matataas ang pinag-aralan—at ego. Gayunpaman, naitawid namin nang maayos ang proyekto at natapos namin bago ang deadline sa Department of Education.
Balik na sana uli kami sa pocketbooks at songhits nang magkaroon ng panibagong development. May expansion ang Hilmarc’s at kailangan kaagad ng bagong office. Ang desisyon, ilipat ang Corazon sa Bulacan kung saan nakabase ang Trinitas Publishing. Dahil masyadong malayo, nagpaalam na muna ako gayundin ang iba kong staff na Metro Manila-based. Hindi ko kaya ang Monday to Friday na pagko-commute sa ganoon kalayong destinasyon ng trabaho. Later on naman ay napapunta na ako sa Manila Times.
Ilang buwan lang ako sa Corazon pero masasabi kong maganda ang pamamalakad nila sa mga empleyado. Naipaghulog nila kami sa SSS pero hindi kinaltasan at binuwisan ang aming suweldo. Nang magpaalam kami ay binigyan pa kami ng separation pay kahit wala pa kaming isang taon sa kanila. Kumbaga, napakaayos ng paghihiwalay. Gusto pa nga nila akong bigyan ng project na sa bahay ko gagawin, pero hindi ko na naipagpatuloy.
Madalas ko ring makasalamuha noon ang mag-asawang may-ari ng Hilmarc’s. Ang lalaki ay tahimik lang, napakasimpleng tao at minsan na may bara ang lababo sa opisina ay siya pa mismo ang nag-ayos. Makuwento naman ‘yung babae at relihiyosa. At dahil ako’y mapagpanggap, pag alam kong may meeting kaming dalawa ay magbabasa muna ako ng mga berso sa Bibliya, mememoryahin at isisingit iyon sa aming huntahan—na labis niyang ikinatutuwa.
Noon pa man ay marami na silang construction projects—at talagang maganda na ang buhay nila dahil may eskuwelahan pa sila sa Bulacan at housing projects. Minsan ay naisasakay ako ng lalaki sa magagara nilang sasakyan. Nagkaroon din kami ng company outing sa Pundaquit, Zambales kung saan may napakaganda silang resort.
Sa kontrobersyal na issue ng Makati Linkin Park, este, Makati Building, ang hirap mag-isip kung saan ako papanig sapagkat nakita ko ang mga positibong bahagi ng Hilmarc’s at ng mga taong nakapaloob dito. Kung pupuntahan ninyo ang kanilang website ay makikita ninyo ang iba pa nilang proyekto na bukod sa magaganda na ay hindi naman balot ng kontrobersya.
Engineer na si Edong, at siya rin ang publisher ng Clavel, ang nag-iisang sneaker magazine. May kakilala akong empleyado nila at nakukumusta pa rin daw naman ako, maging ng ibang mga naging bossing ko roon.
Umaasa akong malalagpasan ng Hilmarc’s ang isyung ito. Sabagay, hindi naman talaga sa kanila nakatuon ang pansin ng publiko kundi sa mga taong kumuha ng kanilang serbisyo na may iba yatang motibo kaya ipinatayo ang nasabing gusali.