Thursday, October 23, 2014

not exactly a love story...

Photobucket

HINDI rin masasabing first love. Mas tamang sabihin na noon ako unang humanga sa isang kagandahan.
Fourth year high school ako noon, mid 80s. Second year high school naman siya. Tawagin na lang natin sa pangalang Paris—dahil para siyang Pinay version ni Paris Hilton; maganda at maamo ang mukha, diretso ang mahabang buhok, balingkinitan, matangkad para sa isang 14 years old—and unlike the original Paris, masyado siyang mahinhin.
Kapag umaga ay dumaraan siya sakay ng dyip papasok sa private school sa kabayanan. Ako naman ay naglalakad patungo sa barangay high school. Sa hapon, ganoon din ang eksena; sakay siya ng dyip papauwi sa kanila, nagmamadali naman ako sa paglalakad dahil naghihintay na ang mga nagugutom kong alagang manok, kambing at baka.
Sa bawat eksenang ganito ay nagtatama ang aming mga mata… at nagkakangitian. Mula Lunes hanggang Biyernes ay paulit-ulit ang eksenang ganito at ang ngiti niya ay parang aurora borealis na nagbibigay ng liwanag sa aking buhay.
Sabi ng isa kong pinsan ay nangangarap lang daw ako nang ikuwento ko sa kanya si Paris. Huwag daw akong maghangad ng mataas.
May katwiran siya. Mayaman sina Paris at ako’y hamak na anak ng magsasaka. Langit at lupa ang pagitan. Ngunit malakas ang loob ko na ang pakikipagpalitan niya ng ngiti sa akin ang unti-unting gumigiba sa kung anumang pader na nakapagitan sa amin.
Ayokong isipin ninyo na masyado akong egotistical, male chauvinist pig. Sa aking palagay, noon ay hindi naman ako alangan kay Paris kung hitsura ang pag-uusapan. Hindi ako katangkaran, pero I could pass as a boy next door when I was younger. Maganda ang performance ko sa school at kahit ako’y payat ay masyado akong athletic. Sabi nga ng mga kaklase kong babae noon, kung may pera lang daw ako sa bulsa, boyfriend material na.
Minsang bumibili ako ng kerosene sa tindahan ay nagkataon na bumibili rin si Paris ng folder at coupon bond. Nag-‘hi!’ ako sa kanya at nagsukli naman siya ng mahinhing ‘hello…’ Itinanong ko kung para saan ang binibili niya, may project daw siyang tatapusin. Nang itanong naman niya kung para saan ang kerosene na binili ko, bigla akong naging makata. Sabi ko sa kanya, sisindihan ko sana ang sarili ko kung hindi niya ako kinausap. Nagpakawala siya ng masarap na tawa. Feeling ko noon, sa maikling interaction na iyon, close na agad kami.
Naging simula iyon ng pagbabantay ko sa kanya sa tindahan at pagpapalitan namin ng maliliit na kuwento kapag natitiyempuhan ko siya roon. Mahilig pala siyang magbasa ng Mills and Boon series. Naisip kong mag-ipon ng pabeinte-beinte singko sentimos para mabilhan ko siya bilang regalo. Tinitipid ko ang baon ko para lang masorpresa siya kapag nabili ko na ang latest edition.
Minsan ay maglakas-loob akong sabihin sa kanya na ihahatid ko siya pauwi sa kanila. Pumayag naman siya. Habang daan ay nagkukuwento siya ng tungkol sa mga nababasa niyang pocketbooks. Nang bigla ay mapahinto siya sa paglalakad… at namutla. Makakasalubong pala namin ang kanyang ina.
Bata pa ang kanyang ina noon, early 40s. Kahawig niya, at kung sa panahon ngayon, nasa kategorya ng isang hot mama. Agad nameywang ang kanyang ina, at sa pagkagulat ko, bago pa man lang ako nakapagmagandang hapon ay binanatan na ako ng mura—at mga panlalait na ‘ika nga sa aming baryo ay hindi kayang kainin ng aso.
“P@#$%$^^^&&*(@#!” sigaw ng ina ni Paris sa akin na ang dulo ng hintuturo ay halos isundot sa aking mata. “Nanliligaw ka sa anak ko ay wala nga kayong makain! Tingnan mo nga ang hitsura mo! Tigilan mo’ng anak ko! P@#$%$^^^&&*(@#!”
Wala akong naisagot kahit ano. Napaiyak si Paris at nagtatakbo papauwi. Napahiya siguro sa akin. Bago sumunod sa kanya ang kanyang ina ay sinabihan pa ako na layuan ang anak niya. “May kinabukasan ang anak ko, huwag mong balasubasin!” sigaw pa ng matapobreng ale.
Habang papauwi ako, noon ko lang naramdaman ang maawa sa aking sarili. Bakit sa buong maghapon ay para naman akong sinagasaan ng malas? Bakit puro panlalait ang nakuha ko ay hindi naman Friday the 13th?
Noong umaga kasi sa klase, pinagdadala kami ng titser namin sa PE ng basahan. Wala akong dala. Nang tanungin niya ako kung bakit wala akong basahan, isang kaklase ko ang sumagot, “Suot po kasi niya, ma’am!” At nagtawanan ang buong klase.
Hindi kasi ako nakakabili ng damit noon at tatlong pirasong kamisetang puti lang ang pinagpapalit-palit ko sa buong linggo. Open book naman sa aming school kung gaano kami kahirap noon. At sa mga pagkakataong tulad nito, kung may project o kontribusyon, siguradong magiging object of ridicule ako dahil lagi akong hindi nakakapagbigay.
Dahil napagtawanan ako sa klase, oras ng recess ay lumapit ako sa isang kaklase ko na nagsisigarilyo. Hindi pa ako nakakahawak man lang ng yosi noon. Pahingi naman ‘kako ng isang stick at makapag-alis ng sama ng loob. Binugahan niya ako ng usok sa mukha at mapanlait na, “Kung magbibisyo ka, ang una mong pag-aaralan ay ang magkaroon ng perang pambili! Huwag ‘yang ganyang nanghihingi ka! Masamang tingnan na magsisigarilyo ka nguso lang ang dala mo!”
Gusto ko siyang bigyan ng suntok sa sikmura pero naisip kong tama naman siya. Ang hindi lang tama ay ang sobrang pagka-sarcastic niya. Gayunpaman, ramdam na ramdam ko ang pagkapahiya. Strike two.
Mas masakit ang strike three. Ayon sa aking adviser, dahil ilang linggo na lang at graduation na, baka raw hindi ako makasama sa honor roll dahil hindi pala ako miyembro ng Kabataang Barangay. Iniisip ko pa naman na kung gagradweyt ako na honor student, redeeming factor iyon sa mahabang panahon na panlalait sa akin ng aking mga kaklase.
Ang ikaapat, nakausap ko ang coach na nagbubuo ng team kung saan kasali ako para sa inter-barangay summer basketball league. Inalis na raw niya ako sa mga player niya dahil wala pa akong uniform ay malapit na ang parada.
At ang pinakahuli nga, ang insidente sa mommy ni Paris.
Iniisip ko kung ano ang kinain ko noong umaga at inararo naman akong masyado ng malas. Murphy’s Law. Kung alam ko lang na I was into a series of rude awakenings, hindi na muna sana ako bumangon sa higaan.
Ang lalong nagpalungkot sa akin, ibinalita ng isa kong pinsan na ipinagkakalat pala kung kani-kanino ng mommy ni Paris ang ginawang panghihiya sa akin. Kaya pala bawat kapitbahay namin ay napapatingin sa akin.
Pero okey lang. magsasaka ako pero halaman lang ang aking itinatanim, hindi sama ng loob. Hindi rin ako nagbalak makabawi balang araw; ni hindi ako nagbitaw ng mga katagang babangon ako’t dudurugin kita, o kaya’y bukas luluhod ang mga tala. Ang tanging konsolasyon ko, kausuhan noon ng USA for Africa/We Are the World at kumpara sa mga nagugutom sa Africa ay mas masuwerte pa rin ako. And it was the 80s; the fashion sucks but the music is inspiring. Ang national anthem ko ay ang Never Surrender ni Corey Hart. Inspiring din ang Bagets movie ni Maryo J. Delos Reyes kung saan naka-relate ako sa karakter ni Herbert Bautista, at ang Karate Kid na ang mensahe ay kahit mahina ka ay kaya mong lumaban. Walang panahon para maging emo; life must go on. Nagbuo ako ng isang resolusyon kahit hindi New Year: Forget Paris.
Kaya nawala na sa eksena ang umaga at hapong pagngingitian namin ni Paris. Ang iniipon kong pambili ng Mills and Boon paperback para sa kanya ay ginamit ko sa mga project sa school, hindi ko na rin pinakokopya ang kaklase kong maramot sa sigarilyo, at hindi baleng magtapos akong walang honors.
Nagkaroon na rin ako ng konting pride. Naisip ko rin, hindi excuse ang pagiging poor para maging masyadong mabait. Nang magsimula ang inter-barangay ay kinukuha akong scorer ng aming coach. Kahit adik ako sa basketball ay tumanggi ako. Kumbaga, hindi na nga ako inimbita sa kainan paghuhugasin naman ako ng plato?
Nakatuon na ang atensyon ko noon sa pagpasok sa college. Kumuha ako ng two-year technical course at masasabi kong mas okey ang buhay college ko kaysa high school. Na-develop na nang todo ang interes ko sa Filipino language at naging staff ako ng college paper. Ibinuhos ko ang panahon sa pagbabasa at pagsusulat at halos lahat yata ng contest ay napanalunan ko—hindi lang ang beauty contest dahil wala naman akong planong maging si Bebe Gandanghari.
Nakikita ko pa rin si Paris, may mga guys na naghahatid na sa kanya. Hindi ako nasasaktan; I’m past the Romeo and Juliet stage of my life, at mas priority ko na ang makatapos ng pag-aaral agad at matubos ang lupa namin na napasangla na sa bangko.
Hindi na ako nag-attend ng graduation sa college at naghanap na agad ako ng trabaho sa Maynila. Nakipanirahan bilang alilang-kanin sa mga kamag-anak pansamantala. May dramatikong pangyayari kung bakit ako nakarating sa Atlas Publishing pero saka na lang iyon. Bago matapos ang dekada 80, ang pinakamaapoy na dekada sa buhay ko, naging editor ako sa komiks. Dito na nagsimula ang maraming pagbabago sa buhay ko.
Masyado ng mahaba, okey lang bang mag-fast forward na ako?
So, bihira na akong makauwi sa aming baryo. Minsang umuwi ako ay may tsismis pa akong nasagap. Nabuntis pala si Paris pero hindi pinakasalan ng lalaki. Nalungkot ako para sa kanya. Ang huling balita ko kasi bago ito, nagtatrabaho siya sa isang department store sa Makati. Doon yata nakilala ang lalaking nanloko sa kanya.
Para namang sinadya ng pagkakataon, nang paluwas na ako sa Maynila ay nakasakay ko pa siya sa dyip. Magkatapat kami. Buntis na nga. Wala akong nasabi sa kanya. Panay naman ang iwas niya ng tingin sa akin. Maganda pa rin siya subalit wala na ang sigla sa mga mata dala ng kahihiyang sinapit. Nabalitaan ko rin nang manganak siya.
Ewan kung bakit lagi kaming nagkakatagpo sa dyip. Dahil siguro sa ganoong eksena kami nagsimula. Minsang dumalaw ako sa aking parents ay nakasabay ko uli siya dala ang kanyang baby. Gano’n muli ang eksena namin na parehong nag-iiwasan ng tingin kahit magkatapat. Sa haba ng byahe ay nagutom yata ang baby at umiyak. Wala pa naman siyang dalang bote ng gatas kaya napilitan siyang ilabas ang kanyang boobs at magpadede! Sa napaka-awkward na sitwasyon na iyon, kahit malayo pa ako sa amin ay nagpara na ako at bumaba bitbit ang dalawang balde ng biscuit na pasalubong ko sa aking mga kamag-anak.
Sa nangyari kay Paris ay nabawasan din ang pagkapalalo ng kanyang mommy. Isang pinsan kong babae ang nagsabing nakakuwentuhan niya ang ina ni Paris at nabalitaan na medyo nagkatrabaho na ako (I’m keeping a low profile here). Sayang nga raw kasi nanligaw raw ako kay Paris… sana ako na lang daw ang nakatuluyan ng anak niya. Ang tanong pa raw sa pinsan, kung sakali raw bang magpakita akong muli ng interes kay Paris, wala raw kayang masabi ang parents ko? Okey lang daw kaya sa mga oldies ko kahit may anak na si Paris? Nabaligtad na ang sitwasyon. Sa akin na siya naninimbang ngayon.
On my part, okey lang siguro. Pag mahal mo ang isang tao, mamahalin mo kung ano siya, kung ano man ang nakaraan niya. Pero binura na ng panahon ang pahina ng aking aklat kung saan kasama si Paris since during that time I was already dating a Salma Hayek look-alike… and eventually became the girl I am now sharing the rest of my life with. O, kinilig kayo, ha?
Hindi naman naging todong malupit ang kapalaran kay Paris. Nakatagpo rin siya ng lalaking magtototoo sa kanya at sa pagkaalam ko’y nagpakasal sila. Medyo may edad nga lang ‘yung lalaki. Halos kasing-edad ng matapobre niyang mommy. Kapag may mga okasyon sa aming baryo gaya ng fiesta, semana santa, etc na napapadalaw ako ay nakikita ko pa rin siya. ‘Yun nga lang, we totally became strangers to one another. Walang ‘hi’, walang ‘hello.’
Hindi rin naman ako nagtanong kahit minsan sa sarili ko ng ‘what if’ naging kami. Kung may damdamin man kami noon sa bawat isa, naging parang passenger plane na bago pa man nakapag-take off ay pinasambulat na ng mga terorista.
O parang St. Elmo’s Fire na bago pa nakapagpamangha sa nakakita ay naging kidlat na sumambulat at pumatay sa kanya.
But there were times that I do remember Paris with fondness. Dahil sa kanya ay marami akong natutunan sa buhay. And with that, hindi ko man siya naging first love at hindi man tuluyang umusbong ang aming mga murang damdamin noon, para sa kanya, maraming salamat… At sana’y gaya ko ay masaya rin siya sa piling ng lalaking minahal niya.
I don’t know kung ano ang naging estado ko sa puso niya. Iniisip ko na lang na siguro sa nakalipas na panahon, ang naging bahagi ko sa buhay niya ay gaya na lang ng isang linya sa awitin ni Joey Albert: “I remember the boy, but I don’t remember the feelings anymore…”