Tuesday, January 19, 2016

Goodbye, Glenn Frey


TEENAGER pa ako at nasa college na nang mapanood ko ang isang binatang kapitbahay namin na malupit na hinihimay sa kanyang gitara ang “The One You Love” ni Glenn Frey. Kausuhan noon ng nasabing kanta. Nagkainteres akong mag-aral maggitara dahil doon.
Maramot ang binata. Ayaw akong turuan, at ni ayaw akong pahawakin ng kanyang gitara.
Nanalo ako sa isang campus writing contest. High school pa lang ay nananalo na ako sa writing contest bukod sa track and field na siyang sport ko noon (Run, Forrest, run!). May nililigawan palang teacher ang maramot na binata—na guro ko naman noong elementary. Nang malaman niyang nakakasulat ako, igawa ko raw siya ng love letter.
“Turuan mo akong maggitara,” sabi ko sa kanya. “Igagawa kita ng love letter kay Ma’am.”
“Hindi lang kita tuturuan. Ibibigay ko pa sa iyo ang isa kong gitara pag napaoo natin siya,” sagot naman niya.
Deal.
At nagpalitan ng love letters ang dalawa—na kahit magkapitbahay ay idinadaan pa sa post office. Mula sa pagsasabing may gusto si binatang gitarista kay Ma’am hanggang maging sila na nga—na umabot yata ng 10 palitan ng love letters—ay alam ko ang mga nangyayari sa kanilang romansa. Kaya nang ipabasa ni binatang gitarista sa akin ang sagot ni Ma’am na “Oo na nga, tayong dalawa na...” ay dala na rin niya ang isa niyang “luma na” (termino sa Lumanog guitar na pinagsawaan na) at issue ng Jingle Magazine kung saan nasa cover si Glenn Frey, at may kantang The One You Love with chords sa loob. Ang saya-saya ni Karlo Cesar!
Nagkatuluyan ang dalawa. Nang ikasal sila ay special guest nila ako noong gabi bago sila nagpunta sa hotel kung saan sila magha-honeymoon. Sabi ni Ma’am sa akin, nagulat daw siya na dati pala niyang estudyante noong elementary ang “nagpasagot” sa kanya. Siyempre, hindi na ako sumama sa kanilang honeymoon. Later on ay nag-migrate na sila sa Amerika.
Ang malungkot na bahagi, hindi ako natutong maggitara. Nakabisado ko lahat nang chords sa chart, pero wala ako sa tiyempo. Hindi ko rin makanta ang The One You Love dahil wala ako sa tono.
May naging kaibigan akong faith healer bago ako lumuwas ng Maynila. Ibinigay ko sa kanya ang gitara para turuan naman niya akong manghuli ng multo.
May koneksyon pa rin ang love letter, gitara at multo sa naging buhay ko.
Love letter—dahil naging editor ako ng Extra Komiks ng Atlas na karamihan ay love story ang laman. Isa ako sa iilang lalaking naging romance writer in Filipino. Up to now, editor ako ng mga kuwento tungkol sa love.
Gitara—sa kabila ng kawalan ko ng talent sa music ay ilang songhits magazines na concept ko ang sumikat at nagpayaman sa publishers ng Risingstar.
Ghost hunting—naging editor ako ng komiks na True Ghost Stories ng Atlas; ng Nginiig! at Sindak! ng ABS-CBN; at Ghost Mini Pocketbook (na, again, ay isa sa nagpayaman sa publishers ng Risingstar).
Goodbye, Glenn Frey. Hindi tayo magkakilala, pero isa ako sa mga nagmahal sa musika mo.