Monday, July 25, 2011

state of the nation address

Photobucket

Maupo po tayong lahat.

Senate President Juan Ponce Enrile; Speaker Feliciano Belmonte Jr.; Bise
Presidente Jejomar Binay; mga dating Pangulong Fidel
Valdez Ramos at Joseph Ejercito Estrada; Chief Justice Renato Corona at ang
ating mga kagalang-galang na mahistrado ng Korte
Suprema; mga kagalang-galang na kasapi ng diplomatic corps; mga miyembro ng
Kamara de Representante at ng Senado; mga
Local Government officials; mga miyembro ng ating Gabinete; mga
unipormadong kasapi ng militar at kapulisan; mga kapwa ko
nagseserbisyo sa taumbayan;

At sa mga minamahal kong kababayan, ang aking butihing mga boss:

Humarap po ako sa inyo noong aking inagurasyon at sinabing: Walang
wang-wang sa ating administrasyon. At ngayon, patuloy
nating itinitigil ito. Naging hudyat at sagisag po ito ng pagbabago, hindi
lamang sa kalsada, kundi pati na rin sa kaisipan sa lipunan.

Sa matagal na panahon, naging simbolo ng pang-aabuso ang wang-wang. Dati,
kung makapag-counterflow ang mga opisyal ng
pamahalaan, para bang oras lang nila ang mahalaga. Imbes na
maglingkod-bayan, para bang sila ang naging hari ng bayan. Kung
maka-asta ang kanilang mga padrino't alipores, akala mo'y kung sinong
maharlika kung humawi ng kalsada; walang pakialam sa
mga napipilitang tumabi at napag-iiwanan. Ang mga dapat naglilingkod ang
siya pang nang-aapi. Ang panlalamang matapos
mangakong maglingkod—iyan po ang utak wang-wang.

Wala silang karapatang gawin ito. Ayon sa batas, tanging ang Presidente,
Bise Presidente, Senate President, House Speaker, Chief
Justice, pulis, bumbero, at ambulansya lang ang awtorisadong gumamit ng
wangwang para sa kanilang mga opisyal na lakad. Kung
sa trapiko nga ay di masunod ang batas, paano pa kaya sa mga bagay na mas
malaki ang makukuha, tulad ng sa mga proyektong
pinopondohan ng kaban ng bayan?

Kayo po ba gusto ninyong makulong ang lahat ng tiwali? Ako rin po. Gusto ba
ninyong matanggal ang wang-wang, hindi lamang sa
kalsada, kundi sa kaisipang nagdulot ng baluktot na sistema na
pagkatagal-tagal na nating pinagtiisan? Ako rin. Gusto po ba
ninyong mabigyan ng patas na pagkakataon ang lahat na umasenso? Siyempre,
ako rin po.

Narito po ang halimbawa ng resulta ng ating kampanya kontra wang-wang sa
sistema. Nitong taong ito, taumbayan na mismo ang
nagsabi nabawasan ang nagugutom sa kanila. Mula 20.5% na self-rated hunger
noong Marso, bumaba na ito sa 15.1% nitong
Hunyo, katumbas ng isang milyong pamilyang Pilipinong nagugutom dati, pero
ngayon ay nakakakain na nang tama kada araw.

Sa larangan po ng negosyo, sino ba ang nag-akalang pitong ulit nating
malalampasan ang all-time-high ng stock market? Ang dating
4,000 index na inaakalang hindi maaabot, o kung maabot man ay pansamantala
lang, ngayon, pangkaraniwan nang hinihigitan.

Kung dati napako na ang bansa sa mababang credit ratings, itinaas ng
Moody’s, Standard and Poors, Fitch, at Japan Credit Ratings
Agency ang ating ranking, bilang pagkilala sa ating tamang paggugol ng
pondo at sa malikhain nating pananalapi. Ang mataas na
credit rating, magpapababa ng interes sa perang inuutang natin. Kumpara sa
unang apat na buwan ng nakaraang taon, mas malaki
po ng 23 billion pesos ang natipid nating interest payments mula Enero
hanggang Abril ng 2011. Maaari na po nitong sagutin ang
dalawang milyon at tatlongdaan libong benepisyaryo ng CCT hanggang sa
katapusan ng 2011.

Paalala ko lang po, sa siyam at kalahating taon bago tayo maitalaga sa
puwesto, iisang beses lang tayong nakatikim ng ratings
upgrade, at anim na beses pang na-downgrade ng iba’t ibang ratings agency.
Sa isang taon pa lang po natin, apat na beses na
tayong nabigyan ng upgrade. Alam naman po natin na hindi madaling
ma-upgrade sa mga panahong ito. Itong mga ratings agency,
nabatikos na mali raw ang payo bago magkakrisis sa Amerika, kaya ngayon ay
mas makunat na sila sa pagbibigay ng
magagandang ratings, at nakikita nga natin ito sa sunud-sunod na
pag-downgrade sa ibang bansa. Pero tayo po, inupgrade pa nila.
Sang-ayon silang lahat: gumanda at lalo pang gaganda ang ekonomiya ng
Pilipinas. Isang hakbang na lang po, aabot na raw tayo sa
investment grade, at wala pong tigil ang ating economic team upang tuluyan
na tayong makaarangkada.

At may mabubuting balita pa pong parating. Dahil wala nang wang-wang sa
DOE, muling nabuhay ang kumpiyansa ng mga
namumuhunan sa ating energy sector. Patunay dito ang isandaan at
apatnapung kumpanya na nakahandang tumaya sa
eksplorasyon at pagpapalakas ng ating oil at natural gas resources. Sa
huling energy contracting round noong 2006, tatlumpu’t lima
lang po ang nakilahok. Nitong Biyernes lamang po, nilagdaan na ang
panibagong kasunduan para sa isang bagong power plant sa
Luzon grid upang pagdating ng 2014, may mas mura at mas maaasahang
pagmumulan ng enerhiya ang bansa.

May kumpiyansa, may pag-asa, at tinutupad po natin ang ating mga pangako.
Naaalala ko nga po ang babaeng nakausap ko nang
ako’y unang nagha-house-to house campaign para sa akng sarili. Ang kaniyang
hinaing: “Miski sino naman ang manalo, pare-pareho
lang ang kahihinatnan. Mahirap ako noong sila ay nangangampanya; mahirap
ako habang nakaupo sila, at malamang mahirap pa rin
ako pag nagretiro na sila.” Sa madaling salita, ang hinaing po ng marami,
“Walang pakialam ang mga pinuno namin kahapon, wala
silang pakialam ngayon. Bukas, wala pa rin silang pakialam.”

Di po ba’t may katuwiran naman siya sa pagsasabi nito, dahil sa
pagwawang-wang sa mga ahensya ng gobyerno? Wang-wang po
ang pagbili ng helicopter sa presyong brand new, pero iyon pala ay gamit na
gamit na. Wang-wang ang milyun-milyong pabuya na
tinanggap ng mga opisyal ng GOCC, tulad ng sa Philippine National
Construction Corporation, gayong hindi naman sila
nakapaghandog ng disenteng serbisyo, at ibinaon pa sa utang ang kanilang
mga ahensya. Bago sila bumaba sa puwesto,
dalawandaan, tatlumpu’t dalawang milyong piso po ang inomento ng dating
pamunuan ng PNCC sa kanilang sarili. 2007 pa lang po,
wala na silang prangkisa; lahat ng kikitain, dapat diretso na sa pambansang
gobyerno. Hindi na nga nag-abot ng kita, sinamantala pa
ang puwesto. Ang bonus nila mula 2005 hanggang 2009, dinoble pa nila sa
unang anim na buwan ng 2010. Ibinaon na nga po nila sa
bilyun-bilyong pisong utang ang kanilang tanggapan, nasikmura pa nilang
magbigay ng midnight bonus sa sarili.

Para po pigilan ang pagwang-wang sa kaban ng bayan, sinuyod at sinuri natin
ang mga programa. Dalawang magkasunod na taon na
po nating ipinatutupad ang zero-based budgeting, na magsisilbing kalasag sa
walang-saysay na paggastos.

Sa Laguna Lake po, magtatanggal nga sabi nila ng 12 million cubic meters sa
dredging, pero pagkatapos ng tatlong taon,
garantisado naman itong babalik. 18.7 billion pesos ang magiging utang
natin para lang maglaro ng putik. Hindi pa bayad ang utang,
nag-expire na ang pakinabang. Pinigilan po natin iyan. Ang food-for-school
program na bara-bara lang ang paghahanap ng
benepisyaryo, at iba pang inisyatibang pinondohan ngunit walang
pinatunguhan—binura na natin sa budget upang ang pera namang
nalibre, ay mailaan sa mga proyektong totoong may silbi.

Ang budget po ang pinakamalinaw na pagsasabuhay ng ating tuwid na landas.
Ang aking pahiwatig sa lahat ng gusto pang ilihis tayo
rito: Kung mang-aagrabyado ka lang ng mahirap, huwag ka nang magtangka.
Kung sarili mo lang ang papayamanin mo, huwag ka
nang magtangka. Kung hindi iyan para sa Pilipino, huwag ka nang magtangka.

Sana masabi na natin na tapos na ang utak wang-wang, pero nakikita po natin
ang latak ng ganitong kaisipan na pilit bumubulahaw
sa aliwalas ng ating biyahe sa tuwid na landas.

Mukhang marami rin po kasi ang nagwawang-wang sa pribadong sektor. Ayon sa
BIR, mayroon tayong halos 1.7 million na self-
employed at professional tax payers gaya ng mga abogado, doctor at
negosyante na nagbayad lamang, sa suma total, ng 9.8 billion
pesos noong 2010. 5,783 pesos lang ang ibinayad na income tax ng bawat isa
raw sa kanila, on the average, ang ibig sabihin, kung
totoo po ito, ang kabuuang kita nila ay umaabot lang ng 8,500 pesos lamang
kada buwan. Mababa pa sa minimum wage. Naman.

Nakikita naman po ninyong napupunta na sa tama ang buwis ninyo, kaya wala
na pong dahilan upang iwasan natin ang pagbabayad.
Nananawagan po ako sa inyo: Hindi lang po gobyerno, kundi kapwa natin
Pilipino ang pinagkakaitan sa hindi pagbabayad ng tamang
buwis.

Pinananagot at pananagutin po natin ang wang-wang saanmang sulok ng
gobyerno. Ang masakit, hanggang sa mga araw pong ito,
may sumusubok pa ring makalusot. Mayroon nga pong isang distrito sa Region
4B, may proyektong gagastusan ng 300 million
pesos. Kaso hanggang 50 million pesos lang ang puwedeng aprubahan ng
district engineer.

Kaya naisip nilang ichop-chop ang proyekto para di lumampas sa 50 million
pesos ang halaga, at di na umabot sa regional at central
office ang mga papeles. Kani-kaniyang diskarte, kani-kaniyang kaharian ang
nadatnan nating situwasyon sa DPWH. Sinubukan
nilang ipagpatuloy ang nakasanayan na nila. Kadalasan, dahil sa lump-sum na
pagbibigay ng pondo, wala nang tanung-tanong kung
ano ang plano at detalye ng proyekto. Miski yata sabi ng iba bahay ng
gagamba ang ipapatayo, bibigyan ng pondo, basta may
padrino.

Hindi ito pinalusot ni Secretary Babes Singson. Tinanggal na niya sa
puwesto ang district engineer. Pinigilan din po ang pag-award
ng proyektong ito para busisiin kung ano pang magic ang nangyari. Masusi na
ring iniimbestigahan lahat ng nagkuntsabahan. Ang
mga kontratistang mapatunayang nakipagsabwatan para mag-tongpats sa mga
proyekto, ibablack-list natin.

Tingnan nga po ninyo ang idinulot na perhuwisyo ng pagwawang-wang sa
sistema: Tuloy ang pagdusa ng mamamayang dapat
nakikinabang na sa proyekto ng bayan.

Hindi lang po iyan sa region 4B nadiskubre. Ngunit natigil na po ito dahil
hindi na padrino kundi tamang proseso ang naghahari sa
DPWH. Hindi na puwedeng walang work program; kailangang magpakita ng
pinag-isipang plano para hindi magkasalungat ang
pagsasagawa ng mga proyekto. Malinis at hayag na ang bidding, at pantay na
ang pagkakataon sa pagpasok ng mga kontratista.

Sa sistemang pinaiiral ngayon sa DPWH, nakatipid na tayo ng dalawa’t
kalahating bilyong piso, at umaasa tayo na aabot pa sa anim
hanggang pitong bilyong piso ang matitipid sa taon na ito. Ang
pinakamahalaga po, nakakaasa na tayo sa mga kalsadang matino,
hindi ‘yung maambunan lang ay lulundo o mabibiyak agad. Paniwala natin
dati, imposibleng maitama ng DPWH ang sistema nila.
Hindi lang po ito posible; sa unang taon pa lamang, ginagawa na natin ito.

Kahit po sa mga bukirin, may mga nagwawang-wang din. Bago tayo maupo noong
2010, nag-angkat ang bansa ng 2.3 million metric
tons ng bigas. 1.3 million metric tons lamang ang kailangan nating
angkatin, ngunit pinasobrahan pa nila ito ng isang milyon
tonelada. Dahil nga sobra-sobra ang inangkat, kinailangan pa nating
gumastos muli sa mga bodegang pagtatambakan lang naman ng
barko-barkong bigas.

Ilang taon bang walang saysay na pinasobrahan ang bigas na inaangkat? Dahil
dito, umiral ang pag-iisip na habambuhay na tayong
aangkat ng bigas. Ang akala ng marami, wala na talaga tayong magagawa.

Ngunit sa loob lamang ng isang taon, pinatunayan nating mali sila. Ngayon,
ang dating 1.3 million metric tons na kakulangan natin
sa bigas, halos nangalahati na; 660,000 metric tons na lang po ang
kailangan nating angkatin. Kahit dagdagan pa natin iyan ng
panangga laban sa sakuna at gawing 860,000 metric tons—na ginagawa na nga
po natin—mas mababa pa rin ito sa tinatayang
taunang kakulangan na 1.3 million metric tons.

At hindi po buwenas lang ang nangyaring pag-angat ng ating rice
productivity. Bunga po ito ng matinong pamamalakad: ng paggamit
ng maiinam na klase ng binhi, at masusi at epektibong paggastos para sa
irigasyon. Nito nga pong nakaraang taon, labing-isang libo,
animnaraan at labing-isang bagong ektarya ng bukirin ang napatubigan natin.
Dagdag pa iyan sa halos dalawandaan at labindalawang
libong ektarya na nakumpuni o nabigyang muli ng irigasyon matapos ang
panahon ng pagkakatiwangwang. Ang resulta: umangat ng
15.6% ang ani nating palay noong nakaraang taon.

Ang gusto nating mangyari: Una, hindi tayo aangkat ng hindi kailangan, para
lang punan ang bulsa ng mga gustong magsariling-
diskarte ng kita sa agrikultura. Ikalawa: Ayaw na nating umasa sa
pag-aangkat; ang isasaing ni Juan dela Cruz, dito ipupunla, dito
aanihin, dito bibilhin.

Balikan din po natin ang dinatnang kalagayan ng ating mga kawal at
kapulisan. Labingtatlong libong piso po ang karaniwang suweldo
ng isang PO1 sa Metro Manila. Apat na libong piso daw rito ang napupunta sa
upa ng bahay. Tila tama nga po na isang-katlo ng
kanilang sahod diretso na sa upa. Isang-katlo pa nito, para naman sa
pagkain. At ang natitirang isang-katlo, para sa kuryente, tubig,
pamasahe, pampaaral sa anak, gamot sakaling may magkasakit, at iba pa.
Maganda na nga po kung tumabla ang kita niya sa
gastusin. Kapag naman kinapos, malamang sa five-six po sila lalapit. At
kapag nagpatung-patong ang interes ng utang nila,
makatanggi kaya sila sa tuksong dumelihensya?

Kaya ang ipinangako nating solusyon dito pabahay nitong Pebrero, ngayong
Hulyo ay tinutupad na. Nakapag-abot na po tayo ng apat
na libong Certificate of Entitlement to Lot Allocation sa magigiting nating
kawal at pulis. Bahagi pa lang po ito ng target nating
kabuuang dalawampu’t isang libo at walong daang bahay sa pagtatapos ng
taong ito. Ang dating apatnalibong ibinabayad para sa
upa kada buwan, ngayon, dalawandaang piso na lang, para pa sa bahay na
pagmamay-ari talaga nila. Ang dating nalalagas na
halaga na pambayad sa buwanang renta, maaari nang igugol para sa ibang
gastusin.

Mayroon pa raw pong mahigit isang libong bahay na natitira, kaya po sa mga
pulis at sundalo nating di pa nakakapagpasa ng
kanilang papeles, last call na po para sa batch na ito. Pero huwag po
kayong mag-alala, sa susunod na taon, lalawak pa ang ating
pabahay, at hindi lang pulis at kawal sa Luzon ang makikinabang. Inihahanda
na ng NHA ang lupang patatayuan sa Visayas at
Mindanao, para sa susunod na taon, makapagpapatayo na tayo ng mga bahay
doon. Sa ating mga kawani ng Bureau of Jail
Management and Penology at Bureau of Fire Protection, may good news pa rin
po ako: kasama na po kayo rito.

Kung seguridad na rin lang po ang ating pag-uusapan, di ba’t karugtong din
nito ang ating pambansang dangal? Dati, hindi man lang
natin makuhang pumalag tuwing may sisindak sa atin sa loob mismo ng ating
bakuran. Malinaw ang pahiwatig natin ngayon sa
buong mundo: Ang sa Pilipinas ay sa Pilipinas; kapag tumapak ka sa Recto
Bank, para ka na ring tumapak sa Recto Avenue.

Tama nga po kaya ang kuwento tungkol sa isang stand-off noong araw?
Tinapatan daw ang mga marino natin ng kanyon. Ang ginawa
nila nung gabi, pumutol ng puno ng niyog, pininturahan ito ng itim, saka
itinutok sa kalaban. Tapos na po ang panahong iyan.
Parating na ang mga capability upgrade at modernization sa mga kagamitan ng
ating Sandatahang Lakas. Literal na pong
naglalakbay sa karagatan papunta rito ang kauna-unahan nating Hamilton
Class Cutter, isang mas modernong barko na magagamit
natin para mabantayan ang ating mga baybayin. Maaari pa po tayong makakuha
ng mga barkong tulad nito. Idadagdag iyan sa
kukunin na nating mga helicopter, plural po iyon, patrol craft, at sandata
na bultong bibilhin ng AFP, PNP, at DOJ upang makakuha
ng malaking diskuwento. Lahat po ito, makakamtan sa matinong pamamahala;
mabibili sa tamang presyo, nang walang kailangang
ipadulas kung kani-kanino.

Wala tayong balak mang-away, pero kailangan ding mabatid ng mundo na handa
tayong ipagtanggol ang atin. Pinag-aaralan na rin
po natin ang pag-angat ng kaso sa West Philippine Sea sa International
Tribunal for the Law of the Sea, upang masigurong sa mga
susunod na pagkakataon ay hinahon at pagtitimpi ang maghahari tuwing may
alitan sa teritoryo.

Alam ko pong magbubunga ang pag-aarugang ipinapamalas natin sa mga
lingkod-bayan na nakatutok sa ating seguridad. Mantakin
po ninyo: sa unang anim na buwan ng 2010, umabot sa isanlibo at sampung
(1,010) kotse at motorsiklo ang nanakaw. Ikumpara po
natin iyan sa apatnaraan at animnapung (460) kotse at motorsiklong nanakaw
mula Enero hanggang Hunyo ng taong ito. Ang laki po
ng naibawas, di po ba? Malas ko lang po siguro na ‘yung isa o dalawang kaso
ng carnapping ang nai-heheadline, at hindi ang
pagbawas sa mga insidente nito o ang mas mataas na porsyento ng mga nanakaw
na kotse na naibalik sa kanilang mga may-ari.

Isa pa pong halimbawa ng pagbabagong tinatamasa natin: Mayo ng 2003 nang
lagdaan ang Anti-Trafficking in Persons Act, pero
dahil hindi sineryoso ng estado ang pagpapatupad nito, dalawampu’t siyam na
indibiduwal lamang ang nahatulan sa loob ng pitong
taon. Nalagpasan na po natin iyan, dahil umabot na sa tatlumpu’t isang
human traffickers ang nahatulan sa ating administrasyon. Ito
na po siguro ang sinasabing “sea change” ni Secretary of State Hillary
Clinton ng Amerika. Dahil dito, natanggal na tayo sa Tier 2
Watchlist ng Trafficking in Persons Report nila. Kung hindi tayo natanggal
sa watchlist na ito, siguradong napurnada pa ang mga
grant na maaari nating makuha mula sa Millenium Challenge Corporation at
iba pa.

Dumako po tayo sa trabaho. Dagdag-trabaho ang unang panata natin sa
Pilipino. Ang 8% na unemployment rate noong Abril ng
nakaraang taon, naibaba sa 7.2% nitong Abril ng 2011. Tandaan po natin:
moving target ang nasa hanay ng ating unemployed, dahil
taun-taon ay may mga bagong graduate na naghahanap ng trabaho. Nito nga
pong huling taon, nadagdag pa sa bilang nila ang libu-
libong hawi boys, tagasabit ng banderitas, at iba pang mga Pilipinong
kumuha ng pansamantalang kabuhayan mula sa eleksyon.
Ang resulta po natin: Isang milyon at apatnaraang libong trabahong nalikha
nitong nakaraang taon nagtatapos po ng Abril.

Dati, nakapako sa pangingibang-bansa ang ambisyon ng mga Pilipino. Ngayon,
may pagpipilian na siyang trabaho, at hangga’t
tinatapatan niya ng sipag at determinasyon ang kanyang pangangarap, tiyak
na maaabot niya ito.

Malaki pa po ang puwedeng madagdag sa trabahong nalilikha sa ating bansa.
Ayon pa lang po sa website nating Philjobnet, may
limampung libong trabahong hindi napupunan kada buwan dahil hindi tugma ang
kailangan ng mga kumpanya sa kakayahan at
kaalaman ng mga naghahanap ng trabaho. Hindi po natin hahayaang masayang
ang pagkakataong ito; ngayon pa lang, nagtatagpo
na ang kaisipan ng DOLE, CHED, TESDA, at DEPED upang tugunan ang isyu ng
job mismatch. Susuriin ang mga curriculum para
maituon sa mga industriyang naghahanap ng empleyado, at gagabayan ang mga
estudyante sa pagpili ng mga kursong hitik sa
bakanteng trabaho.

Ngunit aanhin naman po natin ang mga numerong naghuhudyat ng pag-asenso ng
iilan, kung marami pa rin ang napapag-iiwanan?
Ang unang hakbang: tinukoy natin ang totoong nangangailangan; namuhunan
tayo sa pinakamahalaga nating yaman: ang
taumbayan. Sa dalawang milyong pamilyang rehistrado sa ating Pantawid
Pamilyang Pilipino Program, isang milyon at animnaraang
libo na ang nakakatanggap ng benepisyo nito. Sa pagpapakitang-gilas ni
Secretary Dinky Soliman, tinatayang may mahigit
isandaang libong pamilya ang naiaahon natin mula sa kahirapan kada buwan.
Uulitin ko, tinatayang may mahigit isandaang libong
pamilya ang naiaahon natin mula sa kahirapan kada buwan. Kaya naman mataas
ang aking kumpiyansang makukumpleto ang 1.3
million na dagdag na pamilya, mula sa kabuuang 2.3 milyong pamilyang target
na benepisyaryo ng CCT bago matapos ang taong ito.
At sa compliance rate nito na hindi bababa sa 92%, milyun-milyon na rin po
ang inang regular na nagpapacheck-up sa mga health
center, ang mga sanggol na napabakunahan, at ang mga batang hindi
hinahayaan sa labas ng paaralan.

Simula pa lang po ito, at sa ganitong kalinaw na mga resulta, umaasa ako sa
suporta ng bawat Pilipino, lalo na ng lehislatura, sa
mungkahi nating salinan pa ng pondo ang Pantawid Pamilyang Pilipino
Program. Inaasam po natin na bago matapos ang 2012,
tatlong milyong pamilya na ang mabibigyan ng puhunan para sa kanilang
kinabukasan.

Binibigyan natin ang mga maralitang pamilyang ito ng pagkakataong makaahon
sa buhay, dahil ang pag-asenso nila ay pag-angat rin
ng buong bansa. Sino ang tatangkilik sa mga produkto at serbisyo ng mga
negosyante, kung isang kahig, isang tuka naman ang
mamimili? Kapag may amang kumapit sa patalim para may kainin ang kanyang
pamilya, at siya ay magnakaw o nangholdap, sino
ba ang puwedeng mabiktima ng krimen kundi tayo rin? Kung ang mga kababayan
natin ay walang maayos na pagkain o tahanan,
mahina ang kalusugan at may malubhang karamdaman, hindi ba’t tayo rin ang
nasa peligrong mahawa sa kanilang sakit?

Naglalatag po tayo ng pagbabago upang mas mapatibay ang pundasyon ng
maaliwalas na bukas para sa lahat. Halimbawa, sa
kalusugan: Di ba’t kapansin-pansin ang pagtaas ng bilang ng mga
benepisyaryo ng PhilHealth tuwing maghahalalan? Ngayon, sa
pamamagitan ng National Household Targeting System for Poverty Reduction
(NHTS-PR), tiniyak natin na ang limang milyon at
dalawandaang libong pamilyang Pilipino na nakikinabang sa PhilHealth ay ang
talagang mga nangangailangan nito. Malawakang pag
-unlad at pag-asenso ng lahat: Iyan po ang panata natin. Walang maiiwan sa
tuwid na landas.

Tumungo naman po tayo sa ARMM. Ang dating sistema: Nagbabatuhan lang ng
huwad na utang na loob ang mga baluktot na
kandidato. Kapag pambansang halalan, malaya ang nakaupo sa ARMM na
imane-obra ang makinarya sa kaniyang rehiyon para
matiyak na bokya ang boto ng mga hindi kaalyado. Kapag naman eleksyon sa
ARMM at maniningil na ng utang si Mayor o
Governor, ang administrasyon naman ang magpapatakbo ng makinarya para
manalo ang kanilang kandidato.

Ayon nga po sa naungkat ng COA, sa opisina ng regional governor ng ARMM,
mula Enero 2008 hanggang Setyembre 2009,
walumpung, uulitin ko, walumpung porsyento ng mga disbursement ang napunta
sa mga cash advance na wala namang maayos na
paliwanag. Kung hindi nawala ang pondong ito, nakatapos na sana ang isang
batang sa ngayon tumawid sa ghost bridge, para
pumasok sa ghost school, kung saan tuturuan siya ng ghost teacher.
Kaawa-awang bata, walang humpay na paghihirap, at walang
pag-asa ng pag-asenso.

Gusto nating maranasan ng ARMM ang benepisyo ng tamang pamamahala. Kaya ang
ating mungkahing solusyon: synchronization.
Dahil dito, kailangan nilang tumutok sa kani-kanilang mga kampanya;
magiging mas patas ang labanan, at lalabnaw ang command
votes. Salamat sa Kongreso at naipasa na ang batas na magsasabay sa halalan
ng ARMM sa halalang pambansa.

At bakit po postponement ang kailangan? Sa kagustuhang siyempre makabalik
sa puwesto, nakahanda ang ilan na ulitin ang
nakagawian para manalo. Isipin na lang po ninyo kung pumayag tayo sa
kagustuhan ng mga kontra, at itinuloy natin ang eleksyon.
Wala po silang ibang gagawin sa loob ng dalawang taon kundi paghandaan ang
susunod na halalan at isiksik ang kalokohan nila sa
mas maigsing panahon. Habang nananatili sa pwesto ang mga utak wang-wang na
opisyal, naiiwan namang nakalubog sa kumunoy
ng kawalang-pagasa ang taumbayan.

Wala akong duda sa kahihinatnan ng mga repormang inilatag natin. Hindi po
tayo nagbubukambibig lang; may kongkretong resulta
ang ating mga paninindigan. Kapag sinabi nating tuwid na daan, may katapat
itong kalsada sa Barangay Bagumbayan sa Sta. Maria,
Laguna. Pag sinabi nating malinis na pamamahala, may dadaloy na malinis na
tubig sa mga liblib na lugar gaya ng nasa Barangay
Poblacion, sa Ferrol, Romblon. Kapag sinabi nating liwanag ng pagbabago,
titiyakin nating may liwanag na tatanglaw sa mga
pamayanang dati ay nangangapa sa aandap-andap na gasera, gaya ng ginawa
natin sa Barangay San Marcos, sa Bunawan, Agusan
del Sur. Ganito na ang nangyayari sa marami pang ibang lugar; pinipilit
nating ito rin ang mangyari sa kabuuan ng Pilipinas.

Nakatutok na po ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno; nag-uugnayan at
nagtutulungan sila upang maabot at mapabilis ang mga
solusyon sa mga problemang kaytagal nang pinapasan ng bayan.

Di po ba’t may problema tayo sa baha, na alam naman nating dulot ng walang
humpay at ilegal na pagputol ng mga puno? Dating
solusyon: photo-op ng pagtatanim na ang tanging benepisyaryo ay
nagpapoging pulitiko. Nagtanim nga ng puno kontra-baha, pero
hindi naman siniguro na mananatiling nakatayo ang mga ito pag-alis nila.

Isa sa mga solusyong pinaghahandaan, pinag-aaralan ay ang gawing
kapaki-pakinabang sa mga pamayanan ang pagbabantay ng
puno. Bibigyan sila ng binhi ng kape at cacao para itanim at mamunga ng
kabuhayan. Habang hinihintay ang ani, makakakuha sila
ng stipend upang bantayan naman ang mga punong itinanim laban sa baha.
Puwedeng maging benepisyaryo ng programang ito ang
mga informal settlers, na ngayon ay nagkukumpulan sa siyudad. Mamumuhunan
tayo sa taumbayan, habang namumuhunan din sa
kalikasan.

Noon bang isang taon, inisip kaya natin na kaya nating gawin ito? Sa
ngayon, tinutupad na natin ang ating mga pangako. Bukas
makalawa, katotohanan na lahat ng ating mga pinapangarap.

Marami pa pong malikhaing konsepto na inilalapit sa atin at atin pong
pinapatupad na. May mosquito trap na pinapatay ang mga kiti
-kiti ng lamok, na siguro naman po ay may kinalaman sa halos labing-apat na
porsiyentong pagbaba ng insidente ng dengue; may
hibla ng niyog na itatapon na sana, pero puwede palang murang solusyon sa
mga daanang madaling mabitak; may landslide sensor
na magbababala kung tumaas na ang panganib na gumuho ang lupa; may mga
kagamitang magbibigay ng senyales kung malapit
nang umapaw ang tubig sa mga ilog. Lahat po ito, gawa ng Pilipino.

Pinag-aaralan na rin po ng DOST at UP ang pagkakaroon ng monorail system,
para tugunan ang problema sa pangmalawakang
transportasyon. Sa malikhaing pag-iisip ng kapwa Pilipino, may pag-asa pala
tayong magtayo ng light rail system nang hindi hihigit
sa 100 million pesos ang gagastusin kada kilometro. Sa matitipid na pondo,
mas mahabang kilometro ng riles ang mailalatag at
makaka-abot sa mga lugar na malayo sa sentro ng komersyo. Ang mga dating
sumisiksik sa siyudad para maghanap ng trabaho,
maaari nang tumira sa medyo mas malayo, nang hindi pahirapan ang biyahe.

Uulitin ko po: ang mungkahing ito ay galing sa kapwa natin Pilipino, para
sa Pilipinas. Naaalala po ba ninyo ang panahon kung kailan
ni hindi man lang maabot ng mga pangarap natin ang ganitong mga proyekto?
Ngayon, sinasabi ko po sa inyo: pinapangarap natin
ito, kaya natin ito, gagawin natin ito. Hindi ba tayo nagagalak, Pilipino
tayong nabubuhay sa mga panahong ito?

Sa kabila ng lahat ng ito, huwag po sana nating lilimutin: masasayang lang
ang lahat ng ating narating kung hindi tuluyang
maiwawaksi ang kultura ng korupsyon na dinatnan natin.

Sa mga kapwa ko empleyado ng sambayanan, mula sa tuktok hanggang sa bawat
sulok ng burukrasya: Di po ba’t napakarangal na
ngayon ang magtrabaho sa gobyerno? Di po ba’t ngayon, sa halip na ikahiya,
gusto mo pang isuot kung minsan ang iyong ID kung
sumasakay ka ng bus o jeep papasok sa iyong ahensya? Sasayangin po ba natin
ang karangalang kaloob sa atin ng sambayanan?

Iyan din po ang aking panawagan sa ating Local Government Units. Kabilang
po ako sa mga sumasang-ayon na kayo ang pinaka-
nakakaalam sa pangangailangan ng taumbayan sa inyong mga lungsod at
munisipyo. Makakaasa po ang ating mga LGU sa higit na
kalayaan at kakayahan, kung makakaasa rin tayong gagamitin ito sa tuwid na
paraan, at isasaalang-alang ang kapakanan ng buong
sambayanan.

Halimbawa po, may ilang munisipyo na naisipang magbuwis sa mga transmission
lines ng kuryente na dadaan sa kanilang mga
pook. Magpapasok nga po ng kita sa kanilang lokal na kaban, pero kapalit
nito, tataas din ang gastusin ng mas nakararaming
Pilipino sa kuryente. Tiwala po akong kaya nating balansehin ang interes ng
inyong mga nasasakupan sa interes ng sambayanan.

Kailangan pong manatiling magkatugma ang ating mga programa, dahil ang
ikauunlad ng buong bansa ay manganganak din ng
resulta sa inyong mga pook. Wakasan na po sana natin ang agendang nakatuon
sa susunod na eleksyon lamang, at ang kaisipang
isla-isla tayong maihihiwalay ang sariling pagsulong sa pag-unlad ng bansa.

Tayo-tayo rin po ang dapat magtulungan tungo sa kaunlaran. Malaki ang
pasasalamat ko sa Kongreso sa pagpapasa ng mga batas
ukol sa GOCC Governance, ARMM Synchronization, Lifeline Electricity Rates
Extension, Joint Congressional Power Commission
Extension, Children and Infants’ Mandatory Immunization, at Women Night
Workers at marami pa sigurong kasunod.

Noong isang taon nga po, nagpakitang-gilas ang Kongreso sa pagpasa ng
budget bago matapos ang taon. Dahil dito, nasimulan
agad ang mga proyekto at hindi na inabot ng tag-ulan. Bukas na bukas po,
ihahain na namin sa lehislatura ang budget para sa
susunod na taon. Umaasa po ako na muli kayong magpapakitang-gilas, upang
tuluyan na nating mapitas ang bunga ng mga
naitanim nating pagbabago.

Maganda na po ang ating nasimulan. Pero mahalaga pong maalala natin: simula
pa lang ito. Marami pa tayong gagawin. Hayaan po
ninyong ilatag ko sa Kongreso ang ilan sa mga batas na magpapaigting sa
pagtupad ng ating mga panata sa bayan.

Layon nating bigyan ng kaukulang kompensasyon ang mga biktima ng Martial
Law; ang pagkakaloob ng makatarungang pasahod at
benepisyo para sa mga kasambahay; at ang pagpapatupad ng isang mas maayos
na sistema ng pensyon para sa mga kawal.
Sinusuportahan din natin ang pagpapalawak ng sakop ng scholarship na
ipinagkakaloob ng DOST sa mahuhusay ngunit kapuspalad
na mag-aaral; ang pagtataguyod ng pinaigting na pangkalahatang kalusugan;
at ang pangangalaga sa ating kalikasan at sa mga
pasilidad na titiyak sa kaligtasan ng mga mamamayan sa oras ng sakuna.

Kabilang din po sa ating agenda ang pagpapalakas ng Bureau of Corrections,
ng National Bureau of Investigation, ng National
Electrification Administration, at ng PTV 4, upang sa halip na mapag-iwanan
ng kaalaman at panahon, mas maayos nilang
magagampanan ang kanilang pagbibigay-serbisyo sa publiko.

Hindi ko po nailagay ang lahat ng gustong magpasali ng kanilang adbokasiya
dito po sa SONA. Pero kumpleto po ang detalye sa
budget at budget message. Sa mga interesado po, pakibasa na lang po ang
detalye doon.

May mga nagsasabing pinepersonal ko raw ang paghahabol sa mga tiwali. Totoo
po: Personal talaga sa akin ang paggawa ng tama,
at ang pagpapanagot sa mga gumagawa ng mali—sino man sila. At hindi lamang
dapat ako namemersonal sa usaping ito. Personal
dapat ito sa ating lahat, dahil bawat Pilipino ay biktima nito.

Ang mali—gaano katagal man ito nanatili—ay mali pa rin. Hindi puwedeng “Oks
lang, hindi puwedeng wala lang iyan.” Kapag
kinalimutan natin ang mga ito, mangyayari lang ulit ang mga kamalian ng
nakaraan. Kung hindi magbabayad ang mga nagkasala,
parang tayo na rin mismo ang nag-imbita sa mga nagbabalak gumawa ng masama
na kung puwede ulitin ninyo ang ginawa ninyo.

Ang totoo nga po, marami pang kalokohan ang nahalungkat natin. Pero hindi
na tayo magpapakahaba doon at magbibigay na lang
ako ng halimbawa, sa PAGCOR: kape. Isang bilyong piso po ang ginastos ng
dating pamunuan ng ahensya para sa kape; sa
isandaang piso na lang po kada tasa, lalabas na nakakonsumo sila ng sampung
milyong tasa. Baka po kahit ngayong iba na ang
pamunuan ng PAGCOR ay dilat na dilat pa rin ang mata ng mga uminom ng
kapeng ito. Hanapin nga po natin sila, at matanong:
nakakatulog pa po kayo?

Pagpasok ng bagong Ombudsman na si dating Supreme Court Justice Conchita
Carpio-Morales, magkakaroon tayo ng tanod-bayan
na hindi magiging tanod-bayad ng mga nagwawang-wang sa pamahalaan.
Inaasahan ko nga po na sa taon na ito, masasampahan
na ng kaso ang maraming nagkuntsabahan sa katiwalian, at naging sanhi ng
situwasyong ating inabutan. Tapos na rin po ang
panahon kung kailan nagsasampa ang gobyerno ng malalabnaw na kaso. Kapag
tayo ang nagsampa, matibay ang ebidensya,
malinaw ang testimonya, at siguradong walang lusot ang salarin.

Tutok tayo na ang pagkakamit ng ganap na katarungan ay hindi natatapos sa
pagsasakdal kundi sa pagkukulong ng maysala. Buo
ang kumpiyansa ko na tinutupad ng Department of Justice ang malaki nilang
bahagi upang maipiit ang mga salarin, lalo na sa mga
kaso ukol sa tax evasion, drug trafficking, human trafficking, smuggling,
graft and corruption, at extrajudicial killings.

Wala pong tsamba: ang tapat at mabuting pamamahala ay nanganganak ng mabuti
ring resulta. Isipin po ninyo: naipatupad natin ang
mga ipinangakong serbisyo ng gobyerno, at nakapaglaan pa ng sapat na pondo
para sa mga proyekto nang hindi kinailangang
magtaas ng buwis.

Iyan naman po talaga ang plano: siguruhin na patas ang laban; itigil ang
panlalamang ng mga makapangyarihan; at tiyakin na ang
dating sistema kung saan nakikinabang ang iilan ay magiging bukal ng
oportunidad para sa lahat.

Tinutuldukan na lang po natin ang wang-wang: sa kalsada, sa gobyerno, sa
kalakhang lipunan. Ito po ang manganganak ng
kumpiyansa na magdadala ng negosyo; ito rin ang sisiguro na ang pondo ng
taumbayan ay mapupunta sa dapat nitong kalagyan:
Imprastruktura na titiyak sa tuluyang pag-angat ng ekonomiya at pagmumulan
ng trabaho, at serbisyong panlipunan na sisigurong
walang mapag-iiwanan. Bubukas ang marami pang pintuang pangkabuhayan sa
pamamagitan ng turismo; sisiguruhing hindi
magugutom ang Pilipino sa pagpapalakas ng agrikultura. Ang mga dating
kinakaligtaan, bibigyang-puhunan ang kinabukasan.

Magbubunsod ito ng siklo kung saan tiyak na may pupuno sa mga nalilikhang
trabaho, at may mga konsumer na lalong
magpapalago sa mga negosyo.

Batid ko po na hanggang ngayon ay may kakaunti pang nagrereklamo sa ating
estilo ng pamamahala. Nakita po ninyo ang aming
estilo, at ang kaakibat nitong resulta. Nakita po ninyo ang estilo nila, at
kung saan tayo nito dinala. Sa mga taong bukas ang mata,
maliwanag kung saan ang tama.

Ngayong tayo na ang nagtitimon sa gobyerno, malinaw ang direksyong
tinatahak ng ating bayan. Isang bansa kung saan ang
pagkakataon ay abot-kamay; kung saan ang mga nangangailangan ay
sinasaklolohan; kung saan may saysay ang bawat patak ng
pawis, bawat sandali ng pagtitiis, at bawat butil ng hinagpis na dinaanan
natin. Kung may gawin kang mabuti, may babalik sa iyong
mabuti. At kung may gawin kang masama, tiyak na mananagot ka.

Naaalala ko nga po ang isang ginang na lumapit sa akin noong kampanya; ang
babala niya, “Noy, mag-iingat ka, marami kang
kinakabangga.”

Tama po ang sinabi niya: Tao po akong may agam-agam din. Pero wala po
akong alinlangang tumahak sa tuwid na daan: Buo ang
loob ko dahil alam kong nasa likod ko kayo.

Salamat po sa mga pari at obispo na masinsinang nakipagdiyalogo sa atin,
katulad nina Cardinal Rosales at Vidal. Di naman po
kami ganoong kalapit ni Cardinal Rosales, pero naniniwala akong ibinuhos
niya ang lahat para mabawasan ang hindi
pinagkakaunawaan ng gobyerno at simbahan. Sa pagkahahalal kay Archbishop
Palma, tagapagtanggol ng karapatang pantao at
kalikasan, lalo pong tumibay ang aking kumpiyansang ugnayan, at hindi
bangayan ang mabubuo sa pagitan ng estado at simbahan.

Salamat din po sa ating Gabinete, na walang kinikilalang panahon ng tulog o
pahinga, maipatupad lang ang pambansang agenda.
Special mention po ang PAGASA, na tunay na ngayong nagbibigay ng maaasahang
babala.

At sa mga nasasagasaan po natin sa landas ng katapatan at integridad sa
pamamahala, ito naman po ang aking masasabi: Pinili
ninyo ang landas kung saan naaapi ang sambayanan. Pinili naman namin ang
landas na ipagtanggol ang taumbayan. Nasa tama po
kami. Nasa tama kami; nasa mali kayo. Sa inyong magbabalik ng pang-aapi sa
sambayan, hindi kayo magtatagumpay.

Sa lahat ng mga kasama natin sa tuwid na daan: Kayo ang lumikha ng
pagkakataong baguhin ang dinatnan, at gawing mas
maganda ang ipapamana natin sa susunod na salinlahi ng mga Pilipino. Kayo
pong mga tsuper na pumapasada pa rin; kayong mga
guro at estudyanteng pauwi pa lang mula sa klase; kayong patuloy ang
paglikha ng mga obrang nagpapaalab sa apoy ng ating
pagka-Pilipino; kayong mga pulis, sundalo, kaminero at bumbero; kayong mga
marangal na magtatrabaho, sa Pilipinas man, sa
gitnang dagat, o sa ibang bansa; kayong mga tapat na kasama natin sa
gobyerno, anumang probinsya o partido; kayong mga
Pilipinong nakikinig sa akin ngayon—kayo po ang lumikha ng pagkakataong ito.

Lumikha po kayo ng gobyernong tunay na nagtatrabaho para sa inyo. May
limang taon pa tayo para siguruhing hindi na tayo babalik
sa dating kalagayan. Hindi tayo magpapadiskaril ngayong napakaganda na ng
resulta ng ating sinimulan.

Kapag may nakita tayong butas sa sistema, huwag na po tayo magtangkang
lumusot. Huwag na nating daanin sa pakiusap ang
madadaan sa pagsisikap. Tama na ang unahan, tama na ang tulakan, tama na
ang lamangan, dahil lahat naman po tayo ay
makakarating sa minimithi nating kinabukasan.

Tapusin na po natin ang kultura ng negatibismo; iangat natin ang
kapwa-Pilipino sa bawat pagkakataon. Bakit po ang iba, ang hilig
maghanap ng kung anu-anong pangit sa ating bayan? At napakahirap—parang
kasalanan—na magsabi ng maganda? Naalala pa po
ba natin noong huling beses tayong pumuri sa kapwa Pilipino?

Itigil na po natin ang paghihilahan pababa. Ang dating industriya ng
pintasan na hindi natin maitakwil, iwaksi na po natin. Tuldukan na
po natin ang pagiging utak-alimango; puwede bang iangat naman natin ang
magaganda nating nagawa?

Kung may nakita kang mabuti, huwag kang magdalawang-isip na purihin ito.
Kapag nakita mo ang pulis sa kanto, nagtatrapik nang
walang kapote sa ilalim ng ulan, lapitan mo sana at sabihing, “Salamat po.”

Kung magkasakit ka at makita mo ang nars na nag-aruga sa iyo, sa halip na
magserbisyo sa dayuhan kapalit ng mas malaking
suweldo, pakisabi rin po, “Salamat po.”

Bago ka umuwi galing eskuwela, lapitan mo ang guro mong piniling mamuhunan
sa iyong kinabukasan kaysa unahin ang sariling
ginhawa; sabihin mo, “Salamat po.” Tulad ng aking guro na nasa screen
ngayon, “Salamat po Ginang Escasa.”

Kung makasalubong mo ang iyong kinatawan sa kalsadang dati ay lubak-lubak o
wala, at ngayon ay puwede nang daanan nang
maaliwalas, lapitan mo siya at sabihing: “Salamat po.”

Kaya po, sa sambayanang Pilipino, ang aking Boss na nagtimon sa atin tungo
sa araw na ito: maraming, maraming salamat po sa
pagbabagong tinatamasa natin ngayon.

Buhay na buhay na ang Pilipinas at ang Pilipino.

Magandang hapon po.
(Photo by: Robert Vinas/ Malacanang Photo Bureau).

Thursday, June 30, 2011

kuwentong rubber shoes

Photobucket

MAHILIG ako sa rubber shoes. Sabagay, kahit naman sinong lalaki. Cool na cool ang dating kung naka-rubber shoes pag namamasyal at naka-casual lang ng suot. Gayundin kapag naglalaro. Sa mga department stores, sa section ng rubber shoes ako nagtatagal ng pagwi-window shopping.
Noong bata pa ako ay hindi ako nagkaroon ng sariling rubber shoes. Sa maniwala kayo o hindi, kahit tsinelas lang ay hindi pa ako halos makabili noon. May mga pagkakataon noong nasa elementary pa lang ako na nakaranas akong pumasok nang walang suot sa paa. Noong high school, pag teenager na siyempre ay nakakahiya nang walang suot sa paa pag papasok sa school, kaya ang sandalyas na namana ko sa aking pinsan ay talagang tinipid ko ang paggamit para huwag agad mapudpod.
Ang kawalan din ng rubber shoes ang problema ko noon pag oras ng PE. Pag may liga ng basketball. O kahit simpleng lakaran lang ng barkada.
Kaya sabi ko sa sarili noon, pag nagkapera ako balang araw ay susuotan ko ng pinakamahal na rubber shoes ang paa ko na matagal na pinarusahan ng mainit na kalsada pag tag-araw, at putik kung tag-ulan.
Nang maging scholar ako ng Caltex noong college, nakakabawas ako sa aking stipend ng pambili ng sapatos. Pero kausuhan noon ng “topsider” kaya pansamantalang nawala sa isip ko ang pagbili ng rubber shoes. Isa pa, may mga kaklase ako na ang mga tatay ay nagtatrabaho sa Saudi Arabia, kaya ang kanilang pinaglumaang Adidas ay ibinibigay na lang sa akin.
Nang tumira ako sa Marikina City huling quarter ng 1988 ay nakuha akong “import” sa 3-on-3 basketball league nila at naglaro ako sa team na pagmamay-ari ng isang may pagawaan ng bag. Kasama sa bayad ang rubber shoes (kasikatan ng Grosby noon) pero pinera ko na lang dahil kailangan ko ng allowance. Noong time na ‘yon ay nakikipanuluyan lang ako sa isang malayong kamag-anak na may bakery bilang “alilang-kanin.” Meaning, habang nakatira ka sa kanila ay gagawin mo ang lahat ng odd jobs pero libre kain. Naging tagadurog ako ng lumang tinapay. Ang nakuha ko namang pera kapalit ng rubber shoes na worth P300 (na malaking halaga pa noon) ay ginamit ko sa paghahanap ng trabaho.
Nasa Atlas Publishing na ako nang makabili ng masasabi kong kauna-unahan kong rubber shoes na ginamit ko sa inter-komiks league. Iyon din ang first time na na-in love ako sa Nike. Since then, nagkasunud-sunod na ang pagbili ko ng nasabing brand.
Hanggang noong 2007 ay nagna-Nike pa ako. Natigil lang nang mapahilig naman ako sa tsinelas nang mauso ang flip-flops—lalung-lalo na ang sikat na Havaianas. Pero mas mura ang binibili ko dahil hindi ko ma-reconcile na gagamit ako ng tsinelas na libo ang halaga. Hindi pa naman pangganoon ang level ko. Okey na ako sa Banana Peel.
Last year ay nakakita ako sa sale ng Adidas Superstar at Puma Skrum Trainer. Halos 70% ang discount at dahil matagal na rin akong hindi nagra-rubber shoes ay binili ko pareho dahil sobrang bagsak-presyo nga. Isa pa, pinayuhan ako ng doctor na magsapatos muli dahil medyo dumarami ang aking varicose veins—na ayon sa kanya—bukod sa nasa genes ay dahil na rin sa sobrang pagtitsinelas. Kaya for the first time, hindi muna ako nag-Nike.
Pero mahirap kalimutan ang first love. Sabi nga ni John Grishman sa nobela niyang “The Bleachers” ay, “There’s always something magical about first love.” Bagaman at unang pag-ibig sa opposite sex ang tinutukoy niya—totoo rin pala iyon sa mga bagay na una mong nakasanayan. In my case, ang Nike shoes.
Sa mga una kong kuwento ay sinasabi kong mahilig akong mag-alkansya at hanggang ngayon ay ginagawa ko pa rin iyon at binibiyak lang pag may gusto akong bilhin. Nagkataon na may Nike shoes akong nakita na sobrang nagpapalaway sa akin. Sabi ng misis ko, bilhin ko na raw kaysa laging akong nangangarap. Dahil siya ang aking boss, at para huwag masira ang budget ay pinaanak ko muna ang aking piggy bank, at ensigida ay nagpunta kami sa mall at binili ang pangarap na shoes.
Sabihin pa ay anong ligaya ng aking mga paa na sanay na sanay sa yakap ng goddess of strength, speed, and victory. Para akong laging nakayapak sa ulap.
Hanggang kamakailan lang ay maganap ang hindi ko inaasahan...
Sakay ako ng jeep habang papauwi sa amin. Sa tapat ko ay nakaupo ang mag-ina na mukhang galing sa school. Prep pa lang siguro ang chubby na batang lalaki na mukhang makulit—parang totoy na Alex Areta. Ayaw niyang isuot ang polong uniform at gusto ay naka-sando lang. Hirap na hirap sa pagsaway sa kanya ang ina na marahil ay thirty-something pa lang. Kumakain ang bata ng hamburger, at sa isang kamay ay may malaking plastic nang hinihigop niyang sa-malamig. No wonder kung bakit may pagka-chubby siya.
Noong una ay naaaliw siya sa suot kong Marvel T-shirt. Hindi ko alam kung marunong na siyang bumasa pero panay ang sigaw niya ng “Spider-Man!” Ah, the power of visuals. Maya-maya ay napadako ang tingin niya sa sapatos kong colorful.
Ang sumunod ay kalamidad.
Ibinuhos niya sa sapatos ko ang lahat nang iniinom niyang sa-malamig!
Napasigaw ang ina niya at ako naman ay na-shock. Sa hitsura pa lang ng bata ay halata nang sutil ito, at nawala sa isip ko ang mag-ingat. Pati ang mga sago’t gulaman ng iniinom niya ay napabuhos sa sapatos ko.
Kumulo ang dugo ko. Naramdaman kong umagos ang pawis ko sa likod sa galit. Pero ano’ng magagawa ko ay bata ang may kasalanan? At kasalanan din ng nanay niya kung hindi tinuturuan ang anak ng kagandahang asal.
Ang mas nakadagdag sa bad trip ko ay di man lang sinaling ng ina ang kanyang anak. Ang sabi lang sa mahinang boses, “Ang kulit mo talaga, magagalit sa ‘yo ang mama.” At kahit alam kong di pa dapat sila bumaba ay nagpara na para makaalpas sa kaaliwaswasang ginawa ng anak niya.
Shock din ang ibang pasahero. Iba’t iba ang reaksyon nila. Maraming nabuwisit sa bata, meron din sa ina. Blangko naman ang isip ko. Pinakamahirap na sitwasyon kapag isang musmos ang gumawa sa iyo ng kasalanan.
May isang ale na nag-abot sa akin ng tissue na pamunas. Habang pinupunasan ko ang sapatos, isang mamang medyo senior citizen na ang humirit: “Marami naman niyan sa Greenhills.”
Excuse me, gusto ko sanang sabihin. Hindi po japeyk ito! Pero kung bawal pumatol sa musmos, ganoon din naman sa senior.
Isang ginang naman ang nagsabi sa akin na, “Dapat pag ganyang kaganda ang sapatos hindi nasakay sa dyip.”
Makes sense to me. To lighten up the mood, sinagot ko na lang siya ng: “Naubos po kasi sa sapatos ang aking pantaksi.”
Nawalan na ako ng gana sa aking bagumbagong Nike at sinuwerte ang bayaw ko—na hindi tumanggi nang ibigay ko, provided na siya ang maglalaba.
Nasa proseso uli ako ng pag-iipon ngayon para sa panibagong rubber shoes. Muli kong binubusog ng mga barya ang aking piggy bank. Mga ilang buwan lang siguro, posibleng sa Christmas season ay makabili akong muli ng bagong sapatos.
At sakaling maulit ang insidente—sabi nga sa amin sa Batangas, “A-ah, baka ako’y makapanumbi na!”

Wednesday, June 15, 2011

kuwentong karate

Photobucket
ROGER MERCA

Photobucket
SI MASTER (Na akala mo kung sino lang)

HINDI natin aakalain na minsan, sa kung saan-saang bahagi lang ng ating bansa, may mga simpleng kababayan natin na naghahangad ng maganda para sa ating mga kabataan sa pamamagitan ng pagbabahagi ng kanilang pambihirang kaalaman.

Nakilala ko si Roger Merca, isang karate instructor, minsan na napagawi ako sa isang parke malapit sa Cuneta Astodome, Pasay City. Pinanood ko siyang magturo ng martial arts sa ilang kabataan. Nagkainteres ako dahil noong nasa kolehiyo ako ay nag-aral din ako ng karate at umabot sa green belt. Hindi ko na nga lang naipagpatuloy nang mag-graduate ako.
Kasama ni Roger sa pagtuturo ang isa pang instructor na nagpakilala lang na si “Master”. Mas mataas ang ranggo ni Master kumpara kay Roger—na kakukuha lang pala ng kanyang black belt.
Nakakatuwang panoorin ang mga batang nag-eensayo. Sa totoo lang, malaki ang impluwensya ng martial arts sa mga kabataan para mahubog sa disiplina. Taliwas sa inaasahan ng iba na ang isang nag-aral ng martial arts o self defense ay mahilig sa away, kabaligtaran iyon sa katotohanan. Sa club na pinag-aralan ko, ang Association for the Advancement of Karate-Do o AAK, ay may panuntunan kami na, “To use this art only when all other forms of self preservation have failed.” Mapapansin ang katagang “self preservation”. Ibig sabihin nito, kung makatatakbo ka mula sa away ay gawin mo. At sa isang may knowledge ng self defense, hindi karuwagan ang umiwas o tumakbo sa away—bahagi iyon ng disiplina.
Sa mga bansa na pinagmulan ng sining ng self defense na ginagamit ngayon worldwide ay mapapansin ang disiplina ng kanilang mga mamamayan. Mga bata pa lang ay tinuturuan na sila sa mga paaralan bilang preparasyon sa kanilang paglaki at maging bahagi ng kanilang hukbong sandatahan. Siguro ay magandang gayahin natin dito sa atin ang ganoong sistema lalo pa at napakaraming kabataang Pinoy na ngayon ang walang disiplina. Sa maagang pagdidisiplina sa mga mamamayan nagsisimula ang pagiging makabayan.
Nang pansamantalang magkaroon ng break ang pag-eensayo ay nakahuntahan ko sina Roger at Master. Ayon sa kanila ay sinisimulan pa lang nila ang asosasyon sa bahaging iyon ng Pasay City. May malaki silang samahan sa Luneta Park. Kung gusto ko raw ay pwede akong mag-member. Mura lang ang membership fee, at kailangan lang na bumili ako sa kanila o magdala ng sariling kimono.
Sa sinabi nilang rate ay mas makamumura ako kaysa mag-enrol sa karate club ng isang celebrity. Noon ko pa planong mag-ensayo uli para madisiplina ko ang sarili ko pag-eehersisyo at iba pang physical conditioning. Isa pa, naghahanap na rin ako ng ibang mapaglilibangan na papawisan naman ako.
Naging advocacy na rin daw nila ang pagtuturo ng karate, unang-una ay dahil ito ang alam nilang gawin. Ikalawa, natutuwa raw sila kapag maraming kabataan ang natututo at nagkakaroon ng disiplina at self confidence. Sana nga raw ay marami pa silang mahikayat na sumali sa kanilang asosasyon.
Maituturing ding mga tahimik na bayani sina Roger at Master. Kung may mga gaya ni Efren Peñaflorida na nagmumulat sa ating mga kabataan ng kahalagahan ng pagbabasa at edukasyon, nililinang naman nila ang disiplina at pisikal na aspeto sa buhay ng ating mga kabataan.
Nakakatuwa na kahit sa parke lang ginaganap ang ensayo ay may mga magulang na sinusuportahan ang kanilang mga anak para matuto ng martial arts. Maganda nga naman ito kaysa nasa bahay at nakababad sa computer, kumakain ng sitsirya hanggang maging obese at maka-develop ng kung anu-anong sakit.
Kung sa inyong lugar ay may mga gaya nina Roger at Master, hikayatin ninyo ang inyong mga anak na makiensayo sa kanila o sumali sa kanilang club. O kaya ay puwede ring kayo para mabanat naman ang mga ugat at kasu-kasuan.

Photobucket
Photobucket
Photobucket
Importante sa mga kabataan ang matuto ng self-defense. Bukod sa disiplina, nakaka-develop din ito ng self confidence. At nakatutuwa ang mga parents na ine-encourage ang kanilang mga anak sa ganitong aktibidad.

Wednesday, June 8, 2011

'starting over again'

Photobucket

Photobucket

NAISULAT ko kamakailan na kinain ng anay ang halos lahat nang reference materials ko for cartooning. Ang insidenteng iyon ay nagpalamlam sa interes ko na matuto pang lalo ng sining na ito. For a while ay kinalimutan ko na ang pagdo-doodle at tinanggap sa sarili ko na siguro ay malabo sa reyalidad ang plano ko na makagawa ng komiks na ako mismo ang nagdibuho—cartoon style.
Last week ay napagawi ako sa isang branch ng Booksale at nagulat ako sa bumulaga sa akin—Bruce Blitz Big Book of Cartooning. Isa si Blitz sa mga una kong reference bago ko natuklasan si Randy Glasbergen. Pareho kong nakakapa ang style nila, though I am more comfortable with the latter.
Mas komprehensibo ang Bruce Blitz Big Book of Cartooning kumpara sa dalawang manuals niya na meron ako dati bago nakain ng anay. Almost P2,000 ang presyo nito sa Powerbooks at limitado pa. Matagal na akong na-order pero walang available. Hulog ng langit na nakakita ako sa Booksale—na halos wala pang P300 ang presyo.
So, praktis-praktis na uli at baka sakaling matuto pang mag-cartoons. ‘Ika nga ay parang matandang aso na puwede pa ring matuto ng bagong tricks. Nakaka-inspire naman ang foreword ni Blitz—basta raw may interes sa cartooning at may time magpraktis, malaki ang posibilidad na matuto.

'i can't live... if living is without you'

Photobucket

NOONG isang araw ay nakatuwaan kong linisin at muling patugtugin ang aking Aiwa component. Isa ito sa mga una kong investment nang magpatayo kaming mag-asawa ng bahay. Medyo napabayaan na lang, mga anim na taon na siguro, mula nang makabili kami ng home theater.
Maganda ang tunog ng component na ito na may malalaking speakers at extra bass feature. Sa aking opinion bagaman at hindi ako audiophile, sa kabila ng magagandang reviews sa maliliit na digital speakers na malalakas ang tunog, iba pa rin ang hataw ng speakers na malalapad ang circumference.
Anyway, matapos kong linisin at matiyak ang mga connections ay ini-on ko ang component. Walang problema, hindi umusok, at nagpa-function pa ang mga mode. Ni-review ko nang bahagya ang user’s manual na naitago ko pa rin pala, at sandali pa ay nagsalang na ako ng CD. Dahil ako’y binatilyo ng dekada 80, ang napili kong patugtugin ay album ng Air Supply.
Masarap pa rin sa tenga ang hataw ng speakers. Malakas pero hindi nakakabingi. May hatid na adrenalin rush ang dagundong ng bass. Makalipas ang ilang sandali ay pumailanlang ang single na “Without You”, na ang akala ko noon ang titulo ay “I Can’t Live.”
Bahagya akong natigilan.
Kinapa ko sa alaala ang esensya ng kantang ito sa buhay ko. At naalala kong bigla—ito ang background music nang una akong makapanood ng live na bold show.
Mahigit isang buwan pa lang akong editor noon sa Atlas. Araw ng suweldo nang yayain ako ng mga barako sa editorial na mag-unwind daw naman kami. Schedule ko sana ng paglalaba sa boarding house pero dahil kailangang makisama ay pumayag ako sa anyaya. Alas otso raw ng gabi kami magkita-kita sa Farmer’s Plaza. Mas okey, sa isip-isip ko, dahil makapaglalaba pa ako. Malapit lang kasi ang boarding house na inuupahan ko noon, tapat lang ng Atlas, na isang sakay lang ng dyip at nasa Cubao na ako.
Excited din naman ako sa mga ganitong paanyaya. Para sa isang probinsyanong ang nightlife noong nasa Batangas pa ay maghanap ng aswang at tikbalang kapag kabilugan ng buwan, siguro naman ay kakaibang experience ang mararanasan ko ngayon.
Nang magkita-kita kami sa Farmer’s (karamihan ay mga lettering artists ang kasama ko) ay nag-inom muna kami sa basement at nakinig sa ilang banda na nag-perform. Alas diyes ay nagtungo na kami sa kalapit na night spot na hindi ko na matandaan ang pangalan kung Alibangbang ba o Salagubang—basta may “bang” sa huli na para bang nagpapaalala ng putukan. Pagkapasok pa lang namin ay nagsasayaw na sa maliit na entablado ang mga babaeng hubo’t hubad. Muntik na akong napaantanda, sabay bulong sa sarili ko na, “A-ah, walang ganire sa Batangas, eh!”
Naging exaggerated lang ako, hindi pa naman sila hubo’t hubad bagaman at ang suot nila na two-piece ay wala nang itinago sa imahinasyon ‘ika nga. Nagsasayaw sila na parang mga model ng swimsuit, kumakaway sa mga lalaking naroroon. Sabi ng waiter na nag-asikaso sa amin ay “big night” nila ngayon. Magsasayaw raw ang kanilang star dancer. Tinapik ako ng mga barakong kasama ko sabay kantiyaw: “Makakakita ka na ng hubad na seksing babae, hindi na hubad na baboy-ramo!” At nagkahalakhakan kami. Obviously, gusto nilang mag-enjoy ako sa pagkakataong iyon.
Hindi ako malakas uminom at hindi rin naman malakas sa pulutan pero masayang lumipas ang mga oras sa pagmamasid ko sa bagong kapaligirang iyon. Eksakto alas dose ng hatinggabi nang ianunsyo ng DJ ang “big night” at ang “star of the show”. Nagsimulang pumailanlang ang malambing na awitin:
“No, I can't forget this evening
Or your face as you were leaving
But I guess that's just the way the story goes…”
Mula kung saan ay lumabas ang isang napakaseksing babae. Naka-two-piece siya pero parang may kamison pa na pang-ibabaw. Matangkad, walang tiyan, maganda ang sukat ng dibdib at balakang, mahaba ang diretsong buhok. Gawin na lang nating peg si Sunshine Cruz noong di pa misis ni Cesar Montano. Nag-pole dancing siya sa entablado. Kung anu-anong kembot ang ginagawa—na sapat para magpatahimik sa kanina’y napakaiingay na kalalakihan.
Unang nahubad ang kamison.
Saglit pa, nawala ang saplot sa itaas.
Malamig naman ang aircon pero parang nag-El Niño sa loob ng pub sa tindi ng tumataas na excitement. Saglit pa, sabay sa lalong paglamlam ng ilaw ay wala nang tumatakip kahit dahon ng malunggay sa dancer. Ang mga mata ng kalalakihan ay lalong nanlaki (kasabay ang iba pang dapat lumaki), at ang mga bibig na kanina’y tikom, ngayo’y nakanganga.
“I can't live if living is without you
I can't give, I can't give anymore
Can't live if living is without you
Can't give, I can't give anymore…”
While in her naked glory ay bumaba ang star dancer sa entablado at isa-isang pinuntahan ang bawat mesang makursunadahan niya. Para siyang anaconda sa paggiling. Bago umalis ng table, inaabutan siya ng pera ng mga lalaking kuripot sa misis, pero pag nasa beerhouse ay parang mas mayaman pa kay Bill Gates kung gumastos.
Sa wakas ay huminto siya sa aming table at doon naman sumayaw. First time. First time kong nakakita ng ganoon. At kung shocking ang makakita ng aswang at engkanto, mas matindi ang shock ng makakita ng babaeng hubad sa unang pagkakataon. Humawak siya sa magkabilang balikat ko at ikiniskis nang bahagya ang katawan. Binulungan ako ng isa kong kasama: “Abutan mo…”
Kumapa ako sa bulsa at inilabas lahat ng perang papel na naroroon at iniabot ko sa babae. Tumingin siya saglit sa akin, ngumiti, mahinang “Thank you” at lumipat na siya ng ibang mesa.
Madaling-araw na kami nakauwi ng tropa pero hindi kaagad ako dinalaw ng antok. Paulit-ulit sa diwa ko ang mga naganap sa bar.
Iyon ang una kong immersion para sa mga gaya niya na ang means of livelihood ay pagbibigay ng kasiyahan sa mga kalalakihan. Sa aking pagiging journalist, lalo na noong nasa Manila Times na ako ay marami akong na-interview na entertainers. Iba-iba ang kuwento nila kung bakit nasadlak sa ganoong uri ng trabaho. Minsan ay mahirap paniwalaan. Pero lahat ay nagtatapos sa iisang konklusyon—kung may iba lang paraan, hindi nila gagawin iyon. At sino naman tayo para husgahan sila?
Hindi rin ako naengganyo nang todo sa mga ganitong uri ng paglilibang. Hindi ako puwedeng mag-aksaya lagi ng pera. Tama na ang isang gabi ng hubad na karanasan. Marami kaming utang. Nakasangla ang lupa. Kailangang bumili ng baka na gagamitin sa pagsasaka. Pasalamat ako at may maganda akong hanapbuhay. Hindi ko kailangang magsayaw—na pag minamasdan ko naman ang sarili ko sa salamin, mukhang walang gaybar na magkakamaling kunin ang aking service. Hindi ako naging hunk na gaya ng aking idol na si Jose Mari Lee.
Naikuwento ko lang ito dahil nga sa kanta ng Air Supply na kinanta rin ng iba’t ibang performers. Alam kong pamoso ang kantang ito sa mga big night. Sa mga gabi ng basaan sa girlie joints, sa bayuhan blues ng mga macho dancers.
Almost 20 years na ang eksenang iyon. Ang mala-Sunshine Cruz na dancer ay baka lola na ngayon at wala na ang dating tindig at alindog na kababaliwan ng mga kalalakihan. Nasaan man siya, sana ay nakaahon siya sa kahirapan at nagkaroon ng magandang buhay. At ang malungkot na ngiti niya noon, sana ay may sigla na ngayon—gaya ng linya sa kantang sinasayaw niya nang akin siyang makita:
“No, I can't forget this evening
Or your face as you were leaving
But I guess that's just the way the story goes
You always smile but in your eyes your sorrow shows
Yes, it shows…”

Tuesday, May 3, 2011

killer elbow

Photobucket

NAKITA ko na lang na parang babagsak sa akin ang binatilyong may dalang bola ng basketbol. Instinct, iniharang ko ang aking siko. Eksakto ang nguso niya sa tulis. Naramdaman ko ang ngipin niya sa aking siko at ang pagsirit ng dugo.
Nangyari ito two years ago. Bakasyon din. May mga tinedyer na nagtayo ng basketball court sa kalyeng dinaraanan ko. Kahit may mga dumaraan, wala silang pakialam. Hanggang sa naganap ang insidente.
Naalala ko lang ngayon dahil nagtayo na naman sila ng court. Nahipo ko tuloy ang matulis kong siko. Ang aking killer elbow.
Palibhasa’y lahi kami ng mga payat, kaming magpipinsan nang naglalaro pa kami ng basketbol noong 80s ay sikat sa liga sa aming barangay, hindi sa galing maglaro, kundi sa husay magpaputok ng nguso o kilay ng kalaban. Hindi naman sinasadya, nagkakataon lang na pag may nagkamaling humalik sa aming siko lalo na pag nag-agawan sa bola, siguradong may tatagas na dugo.
Kaya pag may laro ang aming team, isa sa mga pustahan ng mga miron ay kung kaninong mukha ng aming kalaban ang unang puputok.
At pag tapos na ang liga, champion kami—sa pananakit ng kalaban.
Ang isa kong pinsan na 5’ 8” ang height ang pinakamalupit ang siko. Noong nasa Maynila na kami, minsang manonood kami ng sine sa Cubao, habang nagtitingin kami ng still photos ay nagsigawan ang mga tao. ‘Yun pala, may batang nagtitinda ng sigarilyo na aalukin sana ng yosi ang pinsan ko na eksakto namang nameywang at nahagip ang nguso ng yosi boy. Sargo. Nabigyan tuloy namin ng dalawang piso ang bata (na noon ay malaking halaga pa) sa awa rito dahil mukhang matatagalan bago uli makahigop ng mainit na sabaw.
Anyway, ang insidente two years ago ay ang nag-iisang dahilan kung bakit ako na-barangay. Inireklamo ako ng parents ng tinedyer na sumabog ang nguso at ang sabi ay sadya ko raw siniko ang anak nila. Bakit ko naman ‘kako sisikuhin ay hindi naman ako kalaro? Alangan din naman na hindi ko protektahan ang sarili ko. Paano kung ako ang nasaktan?
Gaining the momentum, tinanong ko ang mga taga-barangay kung bakit hinahayaan na may court sa kalye gayung bawal iyon. Paano nga kung may mga insidenteng ganyan? Kung may masagasaan? Kanino ang kasalanan?
Gayunpaman, pumayag ako na magbayad ng konti para sa ginastos nila sa clinic. Ipinakita ko rin ang siko ko na may gasgas ng ngipin ng tinedyer. Kailangan ko rin ‘kakong magpa-clinic dahil may sugat din ako.
Nauwi sa areglo ang maliit na insidente.
So, ngayon nga ay may basketball court na naman sa dinaraanan ko. Hinihintay ko lang uli na may player na aksidenteng mapabangga sa akin. Surely hindi ko na kayang makipagsabayan sa kanila ng laro, pero kumbaga sa matandang manok na panabong, gusto ko lang ma-testing kung taglay ko pa rin ang talim ng aking tahid—I mean—ng aking killer elbow.