Tuesday, December 6, 2011

showbiz

Photobucket

LAST December 5 ay nakasabay ko sa elevator ng ELJ Building si KC Concepcion. Kasama niyang pumasok sa elevator si Erik Santos at ang Pilipinas Got Talent finalist na si Khalil Ramos. Pauwi na ako noon matapos magsulat ng article para sa January 2012 issue ng The Buzz Magasin.
Late na ang aming deadline na dapat ay noong Nov. 26 pa dinala sa imprenta. Pero dalawang malalaking issue ang pumutok; ang KC-Piolo breakup, at ang DJ Mo “repaired video.” Nagbakbak kami ng ilang article para ma-accommodate ang mas maiinit na showbiz happenings.
Walang beso-beso from KC dahil hindi naman niya ako kilala na entertainment editor. Sa mahabang panahon na editor ako ng showbiz magazine ay wala akong nakilalang artista, at kuntento na lang akong magsulat at mag-edit ng mga articles. Maganda na rin iyon para hindi ako maging bias.
Sensitive, ayon na rin kay Piolo, ang pinagdaraanan nila ni KC. Kaya naman ilang articles na ang na-edit ko ay hindi agad maaprub ng mga inampalan. Mahirap naman kasing sulatin ang isang balita na iisang panig lang ang naririnig at wala mula sa kabila. Paano magiging patas ang artikulo? Last resort, nang hindi pa rin okey ang pinakahuling nailatag na article ay nagsulat na lang ako ng analysis tungkol sa kanilang relasyon na inihalintulad ko sa isang ordinaryong magkasintahan na nagkaroon ng tampuhan. Ang sa kanila nga lang ay masyadong naging publicized dahil pareho silang artista. Kung gusto ninyong mabasa, maging ang pinakahuling statement ni Piolo ukol sa kanilang pinagdaraanan ni KC ngayon, (shameless plug, he-he) bili na lang po kayo ng kopya.
Mas mabilis kong nagawa ang Rhian Ramos-DJ Mo brouhaha dahil makatas ang balita. Isa itong showbiz news na nakakawindang talaga.
Sa pag-iyak ni KC at pagsasabing break na sila ni Piolo, maraming tumira sa actor dahil ang husga kaagad ay bakla ito. Unawain natin si KC sa paghahanap niya ng atensyon sa napakaguwapong boypren. Pero bata si KC at matured na si Piolo na marami nang priorities sa buhay bukod sa pag-ibig lang at kiligan blues. Medyo may generation gap na kaya hindi maiiwasan ang pagsulpot ng problema. Gayunpaman, saludo ako sa actor sa pagiging tahimik at pinatunayan ang pagiging gentleman kahit pa nga naging biktima siya ng bullying sa net.
Sa kaso ni Mo, mahirap din namang husgahan ang kanyang ginawa. Pero sa panghihiya niya sa kanyang ex-GF kahit pa gaano kabigat ang kanilang pinagdaanan, mukhang mas bakla yata ang kanyang paninindigan considering na mas malaki rin ang tanda niya kay Rhian at dapat na siya ang nagpakita ng maturity. Kapag minahal mo ang isang tao, hindi ka gagawa ng isang bagay na habampanahong nakakubabaw sa kanyang pagkatao. Kung kapatid ko si Rhian o tatay niya ako, pagkatapos kong mapanood ang video ay headline tiyak sa mga balita ang gagawin kong pagputol sa ibon ni Mo.
Siguro’y nagaganap ang mga bagay na ito para paalahanan na rin ang ating mga kabataang babae na maging maingat sa usapin ng pag-ibig sa panahon ngayon. Ang pagkakaroon ng sikat at guwapong boypren ay hindi nangangahulugan ng bed of roses. Maraming kaagaw, maraming tsismis, mapupuno ka ng insecurities.
Kung techie naman na gaya ni Mo ang inyong magiging boypren, kung makikipag-break kayo sa kanya, siguraduhin ninyong nasa possession ninyo ang kanyang hard drives at memory cards. Better yet, sunugin ninyo ang kanyang iMac.
Sa tingin ko kay KC ay masaya naman siya ngayon, malayo sa hitsura ng isang babaing nabigo sa pag-ibig. Mukhang mabilis siyang naka-move on, at malaki naman ang posibilidad na magkabalikan sila ni Piolo—gaya na rin nang ipinahiwatig ng actor na sana’y makapag-usap muli silang dalawa “without the pain”.
Si Rhian ang mukhang pinagsakluban ng langit at lupa at tiyak na matatagalan bago maka-recover. Pero maganda siya, bata pa at smart… sana pagbangon niyang muli ay hindi na siya madapa. At napaka-comforting para sa kanya na sa isyu nila ni Mo, nasa kanya ang simpatya ng mga tao.
Si Mo?
Well, nangangailangan daw siya ng “professional help”. Dahil sa kanyang ginawa, mukhang kailangan nga niya talaga. Nahaharap din siya sa kaso ng paglabag sa karapatan ng mga kababaihan.
Maige na iyon kaysa maputulan siya ng ibon.

Monday, November 28, 2011

day-off

Photobucket

ISANG araw ng Linggo iyon at may kakatagpuin akong kliyente sa isang fast food sa may Quezon Avenue. After lunch ang aming usapan, at dahil ako’y laging maaga sa mga ganitong usapan at ayokong nale-late, alas onse pa lang ay nasa meeting place na ako at nagbabasa ng Sunday news. Tinitingnan ko ang aking horoscope nang marinig kong may nagsalita sa aking harapan.
“Kanina ka pa?” boses babae iyon.
Nang tumunghay ako, hindi naman iyon ang aking kliyente. Ang babae sa harapan ko ay medyo maskulado, maitim, makapal ang buhok na walang style ang gupit pero may matamis na ngiti at mapuputing ngipin. Ang pagiging stocky niya ay lalong naging define sa suot niyang stripes na polo shirt at skinny jeans na generic.
Hindi ako maka-react. Agad siyang naupo sa harapan ko. Pagpapatuloy niya, “Buti nakita ko agad ang Spider-man sa T-shirt mo kaya nakilala agad kita.”
Tzing!
Naisip kong napagkamalan niya ako na ka-eyeball niya dahil sa kamisetang suot ko. Pero bago pa ako nakapagpaliwanag ay nagsalita siya uli. “Pakainin mo naman ako, gutom na ako. Naglaba pa kasi ako bago ako umalis sa bahay.”
Ewan kung bakit nagpatianod ako. Tiniklop ko ang binabasa ko at tinanong ko siya. “Ano’ng gusto mong kainin?”
“Kahit ano,” sagot niya. “Basta libre masarap kainin.” At sinundan niya iyon ng masarap na hagikhik.
Nagpunta ako sa counter at umorder ng combo para sa kanya. Nagkakape na ako noon kaya nagdagdag na lang ako ng hash brown para sa akin. Inalok niya ako pagkaabot ko sa kanya ng pagkain, tumango lang ako at humigop ng kape.
Nagtanong muli siya. “Dala mo ang kotse ng amo mo?”
Muntik ko nang naibuga ang hinihigop kong kape! Confirmed na househelp ang kaharap ko, at ang ka-eyeball niya na napagkamalan niyang ako ay isang family driver.
Nakatuwaan ko nang magpanggap. “Ah, hindi ko pwedeng gamitin iyon pag day-off, kasi sina Sir ang gumagamit. May lakad pag Sunday ang buong pamilya.”
Nagpakawala siya ng isang maikling, “Aah…”
Nagsimula kaming maghuntahan. Pinilit kong maging creative para makakuha ng mga datos sa kanya. Beinte uno anyos, panganay, laging nagpapadala ng pera sa pamilya. Tipikal na kuwento ng mga anak mahirap na napapadpad sa Maynila para makahanap ng magandang bukas. May BF sa province na di naman siya tine-text. At kapag nalulungkot at nangungulila sa minamahal, naghahanap ng ka-text para kapag day-off ay may ibang aktibidad maliban sa regular Inday routines.
Noong buhay pa ang Atlas ay marami akong kaibigan na madalas makipag-phone pal sa mga Inday at idine-date kapag day-off. Nagunguna na rito ang kababayan kong si Alex Areta, ang kumpare kong si Meyo de Jesus at bayaw na hilaw na si Benjie Valerio. Si Omeng Estanislao, once upon a time yata ay may naka-phone pal ding Inday.
At naitanong ko kay Inday, este, hindi ko nga pala alam ang pangalan niya, kung ano’ng probinsya niya.
“Ikaw naman makakalimutin,” sagot niya. “Sabi ko nga sa text Masbate.”
Masbate…
At nagbalik sa akin ang isang alaala noong third year high school ako.
Nag-aalaga kami ng baka noong nasa bukid pa ako at kalimitan ay mula sa Masbate ang naipapadala sa mga pamilihan sa Batangas. Excited ako isang umaga dahil sabi ng aking ama ay darating na ang torete (binatilyong baka) na aalagaan ko. Nang dumating ang trak na kinalululanan ng mga bagong dating na baka at isa-isang ibinaba, itinuro sa akin ng aking ama ang nakatoka para sa akin. Matapos pumirma ng aking ama sa dokumento (may rehistro ang mga baka), hinila ko na ang aking torete at isinoga sa isang haligi ng aming bahay.
Nagtititigan kami ng torete. Hinimas-himas ko ang ulo niya. Iniisip ko na after one year ay mabebenta na ito sa malaking halaga, at may porsyento ako sa pag-aalaga. Kausuhan ng cassette recorder noon at walkman, ‘yun ang plano kong bilhin sakaling mabenta ang baka. By next year din ay graduating na ako, may pambili na ako ng Truvenize na susuutin sa graduation.
Habang lumilipad ang aking isip, nagulat na lang ako sa ginawa ng torete. Bigla niya akong sinuwag! At kahit di pa siya masyadong malaki ay napakalakas, humagis ako at bumagsak sa bunton ng mga sinibak na kahoy na panggatong. Naramdaman kong may umagos na mainit sa bandang kanan ng noo ko. Nang kapain ko, dugo!
Kasunod niyon ay nagrumpi ang torete. Nagwala nang todo. Sumaklolo sa akin ang aking ama at binuhusan ito ng tubig para kumalma. Nilagyan ko naman ng dahon ng bayabas ang sugat sa aking noo.
“Mailap (wild) pala ito,” komento ng aking ama. “Mahihirapan kang alagaaan ‘yan.”
True enough, ang torete mula sa Masbate ay isa palang cow from hell. Lagi kaming nagbubuno kapag ililipat ko siya ng puwesto. Maraming beses niya akong nasuwag. Marami naman akong naubos na palapa ng saging sa kapapalo sa kanya. Nagkaroon ako ng galit sa kanya kaya pagkakagaling ko sa school at pupuntahan ko siya kung saan nakasoga, magbubuno agad kaming dalawa. Titiyakin ko na ang pagkakatali sa kanya ay hindi magbibigay sa kanya ng espasyo para masuwag ako. Sabi nga ng tatay ko, ako raw ang gumawa ng paraan para ito maging maamo.
At nang masanay na siya sa akin, naging mabait naman kalaunan. Nahahaplos ko na siya nang di nagiging bayolente, nasusubuan ng damo nang di na ako sinusuwag. Naging kaligayahan na ang pag-aalaga at pagpapataba sa kanya.
Mahirap mag-alaga ng hayop sa loob ng mahabang panahon dahil magkakaroon ka ng emotional attachment dito. Magiging bespren mo kahit pa kambing, baboy o manok. Kaya nang dumating ang time na ibebenta na ang bakang alaga ko na mula sa pagiging mailap ay naging maamo, nalungkot ako. Nakatingin siya sa akin nang isasakay na sa trak para dalhin siya sa pamilihan, parang nagpapasaklolo. Gusto kong mapaiyak sa isipin na baka gawin siyang de-lata. Iyon ang dahilan kung bakit di ako kumakain ng anumang luto mula sa karneng baka. Hanggang ngayon ay di ko pa rin siya nakakalimutan dahil sa aking pilat sa kanang noo.
“Manonood na ba tayo ng sine?”
Nagbalik ako sa kasalukuyan nang magsalita si Masbate girl. At may plano pa pala silang manood ng sine ng kanyang ka-eyeball! Eksakto namang nag-text ang ka-meet ko. Change venue raw kami, puntahan ko siya sa isang mall.
Time na rin sa akin para magpa-excuse sa kaharap ko. “Naku, pinauuwi na ako ng amo ko,” dahilan ko sa kanya pagka-reply ko sa kliyente. “Next time na lang tayo magsine.”
“Okey…” sabi niyang malungkot.
Na-guilty naman ako sa reaction niya. Nagbalik ako sa counter at nagpa-takeout ng dalawang combo at ibinigay ko sa kanya. Dalawa para sakaling dumating ang tunay niyang ka-meet, meron na silang makukukot. Binigyan ko rin siya ng P100. “Pantaksi,” sabi ko. At iniwan ko na siya.
“Text, text, ha?” pahabol niya.
“Sure,” sagot ko.
Hindi ko alam kung ano na ang nangyari pagkaalis ko. Dumating kaya ‘yung family driver? Natuklasan kaya niyang nagpanggap lang ang mamang naka-Spider-man T-shirt?
At ano kaya kung sumama ako sa kanyang manood ng sine?
Ah, siguro itatanong ko na lang kina Alex Areta, Meyo de Jesus, Benjie Valerio at Omeng Estanislao kung hanggang saan ba sila nakararating kapag day-off ang ka-date.

Thursday, November 17, 2011

Komikon November 19

Photobucket

See you there!
For more details, bisitahin lang ang:
www.komikon.org
http://gerry.alanguilan.com/
Larawan/poster mula sa website ni Gerry Alanguilan.

Tuesday, November 15, 2011

application letter

Photobucket

NAALALA ko, noong nasa kolehiyo pa ako, second sem ng second year sa English subject nang magsimulang turuan kaming gumawa ng application letter. Nakakatuwa dahil para bagang inihahanda ka na pag talagang maghahanap ka na ng trabaho after graduation. Iyon din ang panahon na naging curious ako sa pagbabasa ng mga classified ads sa diyaryo para maghanap ng job vacancies.
Bahagi ng aming subject, at bilang final exam na rin, ay ang paggawa ng application letter na ipadadala namin sa kumpanya na aming napili. Biro pa ng aming instructor, kung sino ang makatanggap ng reply ay mataas ang grades.
Ang problema ko noon ay pagdating sa work experience dahil wala pa naman akong masyadong karanasan sa pagtatrabaho. Kaya matiyaga akong naghanap sa diyaryo ng trabahong babagay ang kuwalipikasyon ko na isang graduating student ng technical course.
Ang natatandaan ko, ang kumpanyang inaplayan ko ay Noah’s Ark Sugar Refinery na nasa Mandaluyong City. Nangangailangan sila ng office personnel. Tutal ‘kako ay para lang naman sa requirement sa subject, baka puwede na. Matapos ma-approve ng aming instructor ang aking letter of application, ipinamakinilya ko iyon sa isang professional typist na may puwesto sa palengke (wala pa noong computer), diretso ako sa post office at inihulog ang sulat.
After three weeks ay nakatanggap ako ng reply! Medyo mabilis na iyon considering na noong ‘80s ay napakabagal ng sistema sa post office (hanggang ngayon naman). Excited akong buksan ang sagot, hindi dahil baka natanggap ako, kundi ang thought na ang application letter ko pa lang ang may dumating na sagot sa aming magkakaklase at nakatitiyak na ako ng mataas na grades.
Hindi ako nagkamali. Hindi ako tinanggap sa trabaho at sinabing puno na ang vacancy pero ilalagay nila sa kanilang record ang aking application letter “for future reference” sakaling mangailangan uli sila. Okey lang naman sa akin dahil noong time na iyon, bagaman at kailangan kong magtrabaho ay priority kong sa Batangas mag-work at hindi sa ibang lugar.
Ipinakita ko sa aming instructor ang reply at natuwa naman siya sabay lagay ng mataas na grade sa tapat ng pangalan ko. Sa pagkaalam ko, kahit hindi ako natanggap ay ako lang sa aming magkakaklase ang dinatnan ng reply.
Nang maka-graduate ako ay kabi-kabila ang pinadalhan ko ng application letter. Most of the time ay natatawag ako for interview pero hindi ako ma-in. Karaniwang problema ko noon ay ang aking built dahil ako’y payat na payat. Iniisip siguro ng recruitment officer na baka sa halip na mapakinabangan nila ako, sila pa ang magastusan sa pagpapaospital sa akin.
Dinatnan ako ng letter of reply mula sa Arnel Plastic Company na nasa Pasig City. Matapos akong ma-interview ay di na uli ako tinawagan. Sinagot din ako ng PASAR (Philippine Associated Smelting and Refining) Company na ang planta ay nasa Ormoc City pero ang requirement nila, kailangan ay may asawa dahil nga madedestino sa nasabing lugar at kailangan ay kasama ang pamilya. Binata pa ako noon at wala pa sa hinagap na magaganap ang Ormoc tragedy.
Minsan naman bukod sa interview ay may written and actual exams pa. Nakakapasa naman ako pero hindi ako ang napipili. Pinakamalapit kong naabot ay ang pagpirma na sa employment contract matapos akong makapasa sa interview, written and actual exams sa Holland Milk Products sa Laguna na ngayon ay pag-aari na ng Alaska. Na-orient na ako ng kanilang HR, pero nang malamang ako’y isang Katoliko, sa hindi ko maipaliwanag na dahilan ay na-hold ang aking employment at di na ako uli tinawag. Nang nasa Saniwares na ako at naikuwento ko iyon sa isa kong katrabaho na galing sa nasabing company, may preferred ngang religion noon ang nasabing company dahil hindi nagtatatag ng union.
Nang matanggal ako sa Atlas ay napakarami ko ring inaplayang company, ang iba ay hindi related sa publishing. Nang ni-renovate ang Agora Complex sa San Juan City noong 2002 at jobless ako ay nag-apply akong market inspector. Nagustuhan ng project engineer ang aking “credentials”, mahilig kasi siyang magsulat, nagulat siya na ang isang dating writer/editor ay nag-aaplay na market inspector at tinanggap niya ako on the spot! Anyway, nag-present din naman ako sa kanya ng mga innovations kung paano mapapaganda ang sistema sa makabagong palengke na na-research ko sa internet bago ako sumalang sa interview at na-impress naman siya.
Kaso ay hindi agad natuloy ang operation ng nasabing palengke dahil sa problemang legal. At na-hire ako ng isang bagong publishing company.
Kahit naman ngayon ay nagpapadala ako ng application letter kapag may nakikita akong vacancy, at nakatatanggap pa rin ako ng tawag for interview. Minsang naging “banal” ang aking puso ay naisipan kong mag-apply sa mga kumpanyang naglilingkod sa Panginoon. Isa rito ang Compassion Philippines na may opisina malapit sa dating compound ng Atlas sa Roces Avenue, pero iingatan na lang daw muna ang aking application letter. Nakarating ako hanggang written exam sa Communication Foundation for Asia sa may Sta. Mesa, Manila (publisher ng Gospel Komiks) pero hindi na ako na-interview.
This year ay nagpadala ako sa GMA-7, TV5 at Pilipino Star, pero wala akong natanggap na reply.
May thrill para sa akin ang pagsulat ng application letter. Weird, pero ang pagtingin sa mga job vacancies sa classified ads at pagsagot dito ang isa sa mga libangan ko on weekends.
For the record, marami-rami na rin naman akong napasukang kumpanya, pero ni isa sa mga ito ay hindi ako nagpadala ng application letter o nag-apply kundi kusa nila akong tinawag. Siguro ay iyon ang pambalanse kung up to now ay hindi pa ako nakasusulat ng “winning application letter”.

Saturday, October 29, 2011

rare occasion...

...Na makasalo sa kainan ang isang Kris Aquino!
Photobucket

Friday, October 21, 2011

kuwentong poso

NANG may itayong poso o gripo (artesian well) halos katapat lang ng aming bahay ay isa ako sa mahigpit na tumutol. Noon ay desk editor pa ako sa Kabayan (Manila Times) at madalas naming balita ang walang humpay na pagbaha sa Camanava area kahit hindi tag-ulan. Isa sa itinuturong dahilan ng malawakang pagbaha sa lugar kahit di umuulan ay ang pagbaba ng level ng kanilang lupa sanhi ng pagkaubos ng tubig sa ilalim dahil sa sobrang dami ng poso. Maging ang mga pabrika rito noon ay gumamit ng poso para sa kanilang water utilities.
Anyway, mas nanaig ang bilang ng mga gustong magkaroon ng poso kaya wala akong nagawa. Naghukay, naitayo at sa madaling sabi ay nagagamit naman kahit hindi maganda ang quality ng tubig—madilaw, medyo may buhangin at lasang kalawang.
Nilagyan ko ng medyas ang pinaka-faucet ng gripo para masala ang tubig. Alam n’yo bang may nagnakaw pa? Aanhin naman kaya iyon ng nagnakaw kung walang kapares? Inilagay ko uli ang kapares, at hindi na ako nagtaka na kinabukasan ay nawala uli. Hindi na ako naglagay dahil ayoko namang maubusan ng medyas.
Noong una ay tatlo lang kaming umiigib doon dahil sa kalidad ng tubig. Ginagamit ko sa pagdidilig at paglilinis ng palitada. Nang dumating ang bagyong Milenyo at matagal nawalan ng supply ng tubig ay dumami na ang umiigib. Marami na ang nakaalam, maging tagaibang barangay, na may poso pala roon.
Mula noon, parang tayaan sa lotto ang pila sa poso. Dapat ay sa aming barangay lang iyon (na kokonti ang tao, wala pang 30) pero ngayon ay dinarayo na ng mga tagaibang barangay. Doon na rin nagsimula ang problema.
Ilan-ilang drum kung umigib ang mga dumadayo na wala palang service ng Maynilad. Nakakariton o kaya’y pedicab. Naghambalang sa kalye. ‘Yung iba na tinatamad maghakot ng tubig ay doon na naglalaba. Meron pang doon na rin naliligo. Nagmistulang evacuation area ang tapat ng poso.
Disente sa aming kalye dahil nga iilan ang tao. Mula nang dumami ang humahakot ng tubig mula sa poso, iba’t ibang hitsura na ang makikitang yao’t dito. May soltera akong kapitbahay na labis nang naeeskandalo sa mga lalaking naliligo roon (ang iba raw ay may pagka-exhibitionist). Naglagay siya ng karatula na bawal maglaba at maligo, walang pumansin. Sa isang bansang ang mga tao ay umiihi sa pader, hindi marunong pumila sa mga pilahan at hindi marunong sumunod sa batas-trapiko, sino ang susunod sa karatulang nagbabawal maglaba at maligo?
Nakita ko mismo na may mga naliligong lalaki sa poso at siyempre pa ay na-high blood ako. Maraming babae sa bahay. Ang ilan ay mga dalagita. Hindi talaga maganda na makakita ng ganoon. Saka ang paliligo ay pribadong activity, at dapat ay walang nakakakita kung paano ka maghilod.
Nang matapos maligo ang lalaki, nang paalis na ay kinausap ko—nang mahinahon. Sinabi kong kung puwede, next time ay umigib na lang siya at sa kanila maligo. Parang wala siyang narinig. Siyempre pa ay nabastos ako at umatake ang pagiging pikon. Sabi ko sa kanya, sa susunod na maligo uli siya roon ay sasaksakin ko siya.
Naligo pa rin ang walanghiya. Hindi ko siya sinaksak matapos ang kaunting pagdidili-dili. Ayoko rin namang makulong nang dahil lang sa pagsaksak sa isang taong maraming libag.
Ginawa ko ang dapat gawin ng isang disenteng tao. Sumulat ako sa barangay para ireklamo ang sitwasyon at para panindigan ang nauna kong oposisyon sa pagtatayo ng poso. Nang dalhin ko ang sulat, nakita ko ang mamang matigas ang ulo sa loob ng barangay. Barangay tanod pala ang makapal ang mukha. Pagkabasa ng chairman ng aking sulat ay itinuro ko ang lalaki, isa ‘kako ito sa madalas maligo. Namura ni Chairman ang kumag at muntik sinampal.
Gayunpaman, sabi sa akin ni Chairman ay medyo maselan ang isyu kung pagbabawalang umigib ang tagaibang barangay lalo pa at proyekto iyon ng city hall. Ang tanging magagawa na nga lamang daw niya ay ipagbawal ang paliligo. ‘Yung paglalaba raw ay hayaan na lang tutal ay mahirap talaga para sa isang babae na umigib at maglaba at the same time. Okey na rin ‘kako sa akin iyon, basta bawal ang maligo. Biniro niya ako na, “Paano kung seksi ang maliligo?” Sagot ko, “Aba, makikiligo ako!”
At nagkatawanan kami.
Isa sa ginawang solusyon ni Chairman ay paradahan ng water tank ang tapat ng poso, at kahit paano’y nakabawas iyon sa aking pagkaasar dahil hindi ko na nakikita ang aktibidad doon. Nang lumakas naman ang daloy ng tubig sa aming linya ay hindi na rin ako umigib sa poso.
Noong isang linggo na naghahanap ako ng kapirasong tabla na itatapal ko sa aming bakod nang mapagawi ako sa may poso. Nagulat ako na puro tambak na lang iyon ngayon ng mga kahoy at kung anu-ano. Sabi ng kapitbahay ko ay natuyuan na raw ng tubig, at para magamit muli ay kailangang magdagdag ng ilang pirasong tubo. Pero hindi na rin daw pabor si Chairman na i-request pa sa city hall. Iyon na rin siguro ang naisip niyang paraan para mawala na ang mga reklamo sa pagkakaroon nito. And to think, hindi naman mismong mga nasasakupan niya ang nakikinabang doon at sa halip ay napeperhuwisyo pa.
Habang tinitingnan ko ang mga larawang ito, bagaman at hindi pa talagang malamig ang simoy ng hangin, sumaya na ang aking damdamin.

Photobucket
Photobucket

Thursday, October 20, 2011

ang footlong ni migz

Photobucket

HINDI Migz ang tunay niyang pangalan. Hindi rin siya lalaki kundi isang babae. Ito lang ang naging tawag ko sa kanya dahil ito ang pangalan ng burger store na pag-aari niya. Hindi ko na nalaman ang tunay na pangalan ni Migz kahit ako’y isa sa mga suki niya.
Iba ang orihinal na Migz na may-ari ng burger store at nabili lang niya mula rito. Hindi na niya pinalitan ang pangalan dahil dito na nakilala ng mga bumibili. Malapit lang sa bahay namin ang puwesto niya kaya kung mahirap mag-isip kung ano ang meryenda, o kung may bisitang dumarating at walang maihahanda kaagad, Migz to the rescue.
Thirty-something na siguro si Migz at single pa. Binibiro ko nga siya na suwerte ang mapapangasawa niya dahil kaya niyang buhayin. Morena siya, hindi katangkaran. Medyo chubby nang konti pero wala pa namang puson. Charming at may nakahandang ngiti kaya kung baguhan kang kostumer ay hindi ka maiilang sa kanya.
Masarap ang kanyang hamburger. Siya raw mismo ang gumagawa ng patty na natutunan niya sa isang cooking school. Bukod sa patty ay may coleslaw na siya rin ang nagtitimpla, pritong itlog, cheese, pipino at iba’t ibang condiments na ikaw na ang pipili. Medyo may kalakihan din ang bun na kanyang ginagamit. Sa halagang P20, busog ka na. Kung footlong ang iyong bibilhin, maghapon kang may pagkain.
Nakakatuwa ang footlong niya (ideya lang ‘yung nasa picture) dahil hindi hotdog ang palaman kundi patty rin. Hinuhulma niyang parang longganisang mahaba. Masarap din ang pagkaka-toast ng bun kaya naman napaka-crunchy na kainin.
Kita ko ang dami ng kostumer kaya minsang bumili ako ay nag-alok ako sa kanya ng business partnership. Magdadagdag ‘kako ako ng puhunan, kumuha kami ng isa o dalawa pang crew para mas mabilis ang serbisyo. Pag-iisipan daw niya. After a week ay bumalik ako para tanungin kung call siya sa proposal ko. She turned down my offer.
Naisip kong nagpakapraktikal siya. Bakit nga naman kukuha ng kapartner na bagaman at mas lalaki ang kita niya ay may kahati naman doon maging sa decision making? Isa pa ay estranghero pa rin naman ako sa kanya kahit pa sabihing matagal na niya akong suki. Hindi advisable na kumuha ng business partner na hindi mo alam ang likaw ng bituka. Anyway, I remain one of her loyal patrons.
Nang medyo mapahilig ako sa healthy lifestyle at nagbago ang mga kinakain ko ay bihira na akong bumili kay Migz. Siguro ay once a month na lang. Minsang umorder ako sa kanya ay matamlay siya at parang wala sa mood. Dahil ako’y tsismoso, tinanong ko kung buntis siya.
Natawa naman siya. Hindi raw. Plano na raw niyang isara ang Migz.
Nagulat ako. Nalulugi ba ‘kako? Malakas pa naman sabi niya kung customer ang pagbabatayan. Sa ibang bagay raw siya nalulugi.
At nagkuwento siya nang shocking.
Marami na raw kasi siyang naging kaibigan sa puwestong iyon. Halos ang mga nakatira sa tabi-tabi ay BFF na niya. At doon nagsimula ang problema. Napakarami raw nang “nakikiluto” sa kanya!
“Alam mo ba, Kuya, na ang LPG ko ay hindi umaabot ng isang buwan?” kuwento pa niya sa akin. “Mula almusal dito na nakikiluto ng longganisa, itlog at kung anu-ano pa. Nakakahiya naman kung tatanggihan ko.”
Bilang patotoo sa sinasabi niya, isang matandang babae na may dalang ilang pirasong hotdog ang dumating at buong tamis na nagsabing makikisuyo naman siya ng pagpiprito. Napatingin si Migz sa akin na para bang sinasabing, “Kita mo na, Kuya?”
At may mga sumunod pa nga sa matandang babae. Pakiramdam ko ba, ang puwesto ni Migz ay naging lutuan ng bayan.
Sa isip-isip ko, kung naging kapartner niya ako ay hindi puwede iyon. Sa salbahe kong ito, pag may nakiluto ay baka isubo ko sa nakikipaki at ipakain ko nang hilaw.
Biro lang po. Actually, nauunawaan ko si Migz. Pag matanda na kasi ang nakikiusap ay mahirap naman talagang tanggihan. ‘Yun nga lang, sakripisyo ang kanyang gatong at mantika. Hindi naman puwedeng pag may nakiluto ng longganisa ay hindi lilinisin ang kalan at itatapon na ang oil dahil lalasa iyon sa patty.
Iyon ang naging huling order ko ng hamburger kay Migz. Minsang nadaanan ko ang kanyang puwesto ay mga gulay at prutas na ang kanyang tinda. Siguro naman ay mababawasan na ang mga balasubas sa kanyang negosyo. Wala naman sigurong manghihingi ng libreng prutas sa kanya.
Nanghihinayang ako sa unang negosyo ni Migz. Kung may bakante pa nga lang na puwesto sa lugar na iyon ay baka nagtayo ako ng burger stall.
Isa rin itong halimbawa na pag negosyante, dapat yata talaga ay matigas ang puso. Dahil kung astig siya sa pagtanggi umpisa pa lang sa mga nakikiluto, hindi nagsara ang kanyang napakagandang negosyo.
At nakapagtataka rin naman na may mga taong talagang mapagsamantala. Pag nahalatang mabait ka, sasamantalahin ang iyong kabaitan kesehodang ikaw mismo ang magsakripisyo para lamang sila mapagbigyan.
Kay Migz, hindi ko pa masabi kung malakas din ang kanyang kita ngayon. Sana lang, hindi na maulit ang dating dilemma na kinaharap niya. Sana naman kapag bumili ako sa kanya ng mangga ay hindi niya ibabalitang magsasara na siya dahil maraming nanghihingi lang ng kanyang paninda.