Monday, February 18, 2008

imbitasyon!!!

Nasa experimental stage pa lang ang ginagawa namin na horror magazine pero ang target date of release nito ay ngayon ng March 2008. Gusto ko sanang mag-invite ng mga artists na gustong mag-post ng kanilang horror fan art.
Ang size ay 4.5” X 6”, colored. Puwede ninyong ilagay ang inyong e-mail address, website kung mayroon, contact number. Mas weird, mas okey!
Puwede ninyong ipadala sa: buzzmagasin@yahoo.com
Maraming salamat po!

Tuesday, February 12, 2008

'kung hindi ka bulag... pakibasa...'

Photobucket

LAST quarter ng 1988 ay jobless pa ako, bagong luwas sa Maynila at naghahanap ng trabaho. Nakitira ako sa isang kamag-anak na may bakery sa Marikina City. “Trabahong kanin” ako roon. Meaning, katulong sa mga gawain kapalit ng paninirahan at pakikikain. Tagadurog ako ng mga lumang tinapay, kasama sa pagde-deliver ng pandesal, at kung minsan ay kahero—pagkakabalik ko mula sa pag-a-apply kung saan-saan.
Isang araw na nagpagupit ako ng buhok ay nakabasa ako sa nasabing barber shop ng Pilipino Komiks. Nasugagaan ko ang kuwentong “Kung hindi ka bulag… pakibasa” ni Fermin S. Salvador. Nagulat ako sa lalim ng kuwento at nasabi ko sa sarili ko, “Puwede na pala sa komiks ang mga ganitong kuwento.”
Maraming Pilipino Komiks sa barber shop na iyon, na sabi ng barbero ay paborito niya dahil magaganda ang nilalaman. Isa pang kuwento na nabasa ko nang araw na iyon, sa Pilipino Komiks din, ay ang “Apartheid: Kamatayan ng sanlahi” na sinulat naman ni Benjie P. Valerio Jr. Malalim din ang kuwento, at mabigat sa damdamin ang mensaheng hatid.
Nang mga panahong iyon ay matagal-tagal na rin akong di nagbabasa ng komiks, at ang pagkatuklas ko sa mga nabanggit na kuwento ay nag-anyaya sa dati kong pagkahumaling sa medium. Noong araw na iyon, ang mahigit 50 kopya ng Pilipino Komiks sa barber shop na iyon ay nagpakilala sa akin ng mga bagong pangalan sa komiks: Fermin Salvador, Benjie Valerio, Divino Pagkatipunan, Loida San Diego, Mercie Lusa, RJ Nuveas, Imelda Quijano, Joseph Balboa at maraming iba pa. Kakaiba ang kanilang mga kuwento sapagkat sumasalamin sa kasalukuyang kalagayang panlipunan ng ating bansa nang mga panahong iyon.
Campus writer ako noong college, at bagaman at hindi sumagi sa isip ko na gawing career ang pagsusulat, naisip ko na siguro ay makagagawa rin ako ng mga kuwentong socially-relevant. Mula rin noon ay nagsimula na akong bumili ng komiks, partikular ang Pilipino Komiks na pinamamatnugutan ni Bb. Ofelia Concepcion. Matiyaga kong pinag-aralan ang mga maiikling kuwentong lumalabas doon habang sa kabilang bahagi ng isip ay pilit nang nagtatahi ng mga ideyang puwedeng sulatin pagdating ng tamang panahon.
Dala ng suwerte ay nakarating ako sa Atlas Publishing, Inc. at nakaharap ang punong patnugot na si Mr. Tony Tenorio. Binigyan niya ako ng sample script, at mula roon ay nag-umpisa akong magsulat. Siya ang nag-apruba ng mga una kong scripts at siya na rin ang nagdedesisyon kung saang komiks lalabas—kalimitan ay sa mga bagong titles gaya ng True Experience at True Horoscope.
‘Nagprotesta’ yata ang ibang editor (shade of Jose Mari Lee’s experience) at nagtataka kung sino ako (napagkamalan pang penname ako ni Benjie Valerio) kaya sinabihan na ako ni Mr. Tenorio na personal ko nang i-submit ang mga script ko sa mga ito tutal ay kilala na ako sa pangalan. Maayos naman ang pagtanggap nila sa akin, bagaman at dahil sa nakita nilang pag-aasikaso ni Mr. Tenorio sa akin ay may kutob na sila na malamang na maging editor din ako. Pero masaya pa sa Atlas noon at wala pa ang alimuom ng pulitika, kaya ang pagsulpot ng mga bagong mukha na gaya ko (nakakaawa, payat at mukhang nagugutom) ay wala pang ibang kulay at kahulugan maliban sa pagkupkop sa isang posibleng potensyal na bagong tuklas.
Sa pakikisalamuha ko sa ibang manunulat doon na mga kabataan din ay napag-alaman kong ang pagsusulat sa Pilipino Komiks (sa ilalim pa rin ni Bb. Ofelia Concepcion, na noon ay “crush ng bayan”) ay parang pagkuha ng board exam. Kung matatanggapan sa Pilipino Komiks, iyon ang sukatan na marunong magsulat, at ‘ika nga ay may future sa komiks.
Hindi lang naman sa Pilipino Komiks kundi maging sa ibang title. Sabihin na natin na mas radikal ang mga maiikling kuwento sa Pilipino Komiks, na isinasabay sa mga tradisyunal na nobela. Tumatakbo rin noon ang patimpalak kada linggo na “Short story of the week” na nilalagyan ng selyo ng pagkilala bilang natatanging kuwento. Ito rin ang nagbibigay ng motibasyon sa mga batang manunulat para magsikap na makapagbigay ng natatanging akda.
Ang huling bahagi ng dekada 80 at unang bahagi ng dekada 90 ay panahon ng radikal na pagsusulat sa komiks na pinasimulan ng patnugot na si Bb. Concepcion, at naitawid ng mahuhusay na manunulat na sina Fermin Salvador, Benjie Valerio, Divino Pagkatipunan, Loida San Diego, Mercie Lusa, RJ Nuveas, Imelda Quijano, Joseph Balboa at maraming iba pa. Nang maging patnugot na ako ay saksi ako sa mga dumarating na liham ng papuri ukol sa kanilang mga akda. Karamihan sa kanila ay nakatanggap din ng malalaking parangal mula sa mga respetadong award-giving bodies sa kanilang pagsusulat sa komiks. Ang Catholic Mass Media Awards ay isa sa kumilala sa husay ng mga manunulat na ito.
Sa aking kaso, maraming beses akong nakatanggap ng rejection sa Pilipino Komiks bago ako nakapasa. At kahit noong editor na ako ay nakararanas pa rin ako na ma-reject ni Tita Opi. Ganoon talaga, ang bakal bago tumigas ay kailangang dumaan sa pinakamainit na apoy.
Ang pag-iibang linya ng mga mahuhusay na kabataang writer noon, ang kakapusan sa talento ng ilang bagong sulpot sa komiks, ang pagbibitiw sa tungkulin ni Tita Opi ay ilan din sa mga dahilan ng pagtamlay ng kumpetisyon sa pagsusulat sa Atlas. Dahil sa pagsibak sa mga patnugot na may tunay na pulso sa komiks, ang paglaganap ng mga basurang kuwento… lalo ng maging patnugot ang mga kamag-anak ng mga matataas na opisyal ng kumpanya sa paglutang ng balitang ipagbibili na ito sa kalagitnaan ng dekada 90—ang dating kawili-wiling libangan ay naging pamaypay na lang sa mga bingguhan at tong-itsan, naging pamparikit ng apoy sa mga kusina sa liblib na pook na wala pang gasul—samantalang dati-rati—ang pinagniningas nito ay ang mga damdamin ng mga minsan ay nangarap maging bahagi nito. Ayokong pangunahan, subalit nararamdaman ko ang pagkasiphayo ni Bb. Concepcion sa pagkapariwara ng komiks na dati-rati ay bandera ng ating industriya ngunit ang pinakahuling isyu ay kulay dilaw ang pabalat, at isang polyeto ukol sa pagpuksa ng lamok.
***
Ang sumusunod na kuwento, iginuhit ni Franklin Batolinao, ay hindi lumabas sa Pilipino Komiks… kundi isang bansot na pagtatangka ng may-akda na makasunod kahit man lang sa hulihan ng pila ng mga mahuhusay na manunulat sa komiks sa panahon na binanggit ko sa blog entry na ito.
Paumanhin sa aking Pareng Fermin sa paggamit sa titulo ng kanyang kuwento… at salamat sa pagmumulat sa aking mga mata.
Photobucket
Photobucket
Photobucket
Photobucket
Photobucket
Photobucket

Wednesday, February 6, 2008

kung hei fat choi!

Photobucket

ANG 2008: Year of the Rat ay masuwerteng taon, hindi gaya nang akala ng iba na dahil Daga ang sumisimbolo ay hindi na positibo ang ating magiging kalagayan sa loob ng nabanggit na taon. Alalahanin ninyo, Daga ang nauuna sa mga animal signs sa Chinese Zodiac, at nangangahulugan ito na maging maagap lang tayo at masikap, ang suwerte ay hindi mahirap hanapin.
Ang Chinese New Year ang pinakamahaba at pinakaimportanteng pagdiriwang sa Chinese calendar. Ang 2008, o Chinese Year 4706 sa Chinese calendar ay nagsimula na ngayong Pebrero 7, 2008.
Ang tinatawag na ay Chinese months ay ibinabatay sa lunar calendar, kung saan ang bawat buwan ay magsisimula kung kailan pinakamadilim ang panahon. Ang mga pagdiriwang sa Chinese New Year ay karaniwang nagsisimula sa unang araw ng buwan at magpapatuloy hanggang sa ika-15, kung kailan ang buwan (moon) ay pinakamaliwanag. Sa China, ang mga mamamayan doon ay sadyang nagbabakasyon sa kanilang mga gawain para maghanda at ipagdiwang ang kanilang New Year. Ginagawa rin ito sa mga Fil-Chinese community sa ating bansa.
Ayon sa alamat, noong unang panahon ay hiniling ni Buddha sa lahat ng hayop na makipagkita sa kanya sa Bagong Taon. Labindalawang hayop ang dumating, at ipinangalan ni Buddha ang bawat taon sa kanila. Sinabi rin niya na ang mga tao na isinilang sa taon na nakalaan para sa taon ng hayop na nabanggit ay magtataglay ng mga katangian ng nasabing hayop.
Daga ang unang dumating sa mga ipinatawag ni Buddha, kaya naman sa Chinese Zodiac ay ito rin ang nangunguna. Indikasyon ito ng pagiging maagap ng Daga.
Ang mga isinilang sa Taon ng Daga ay posibleng maging potensyal na pinuno, nangunguna sa field na pipiliin, at mapanakop. Karaniwang sila'y mapang-akit, malambing, karismatiko, praktikal sa buhay at masisipag na tao.
ANG TAON NG DAGA
Ngayong 2008, palibhasa ay Year of the Rat, napakaraming suwerteng naghihintay sa mga isinilang sa animal sign na ito. Kung ikaw ay Rat person, ang mga isinilang sa Year of the Pig ay magiging mabuti mong kaibigan, ngunit mag-ingat sa mga isinilang sa Year of the Dog. At dahil mas maliksi ang mga Rat people kumpara sa mga Pig people, mas maganda ang mga makukuha nilang oportunidad ngayong taon kumpara sa nakalipas na taon.
Gayunpaman, dahil noong nakalipas na taon ay naiimpluwensyahan ng Fire ang iyong sign, ipinapayo na mag-ingat ka ngayong taon dahil sa Fire and Water ang iyong mga fixed element, at ang dalawang nabanggit na elemento kung hindi balanse ay magiging mapanganib para sa iyo. Tatanghalin kang 'big winner' ngayong 2008 kung maiiwasan mong sirain ang iyong sarili sa harap ng mga tukso at pagsubok, at iingatan mo na maging padalus-dalos sa iyong mga desisyon sa buhay.
Ang iyong porsyento ng pagiging masuwerte ngayong taon sa scale ng one to one hundred percent ay nasa 65% (9 na masuwerteng buwan, 1 okey lang at 2 buwan na medyo malas.)
HANAPBUHAY, NEGOSYO, PANANALAPI, PAG-IBIG AT KALUSUGAN
Magiging maaliwalas ang iyong career o hanapbuhay gayundin ang negosyo. Banner year para sa mga Rat people ang 2008 sa lahat ng aspeto ng pananalapi. Sa relasyon o pag-ibig, ang mga Rat person ay sinasabing “Not a particularly sensual lover. There is passion, however, and it is likely to be stimulated this year by a new love interest.” Kung single pa, paghandaan na ang pagkakaroon ng love life!
Sa kalusugan, sa pagpapaalam ng Year of the Pig, may ilang “unlucky stars” na makaaapekto sa Rat person this year. Huwag mangamba kung tamaan ka man ng sakit o nanghihina ang pakiramdam sa maraming pagkakataon. Maiiwasan mo ang ganitong pagkakasakit kung lagi mong aalalayan ang iyong sarili, at magkakaroon ng healthy diet.
Maganda rin ang dating ng pananalapi sa mga Rat person sa 2008, lalo na kung papasukin ang mga hanapbuhay na nagbibigay ng malaking komisyon.
WESTERN COUNTERPART
Ang mga isinilang sa Year of the Rat, kung sa Western Horoscope, ang counterpart, katumbas o katapat naman ay ang Sagittarius. Kaya ngayong 2008, taon ito ng mga taong ipinanganak sa Year of the Rat, at masusuwerte rin ang mga may zodiac sign na Sagittarius, kung ang sinusunod ninyo ay ang Western Horoscope.
Mas dobleng suwerte ang 2008 sa mga taong isinilang na nga sa Year of the Rat ay Sagittarius pa ang western horoscope sign. Sobra-sobra ang biyayang darating sa inyo.
KATANGIAN NG ISANG RAT PERSON
Madaling pakisamahan ang isang Rat person, masipag at matipid, at mapagbigay siya sa mga taong makakagaanan niya ng loob. Kaya kung kayo ay nakatanggap ng mamahaling regalo mula sa isang rat person, isipin na ninyo na mahalaga kayo sa kanya. Gayunpaman, sa kabila ng kanyang pagiging generous, hindi niya gustong maraming pumupuri sa kanya kahit pa nga ang kanyang aura ay kakikitaan ng pambihirang appeal.
Kung mamasdan, ang isang Rat person ay aakalaing mahiyain o hindi palakibo, ngunit hindi. Hindi siya tahimik gaya nang ating inaakala. Ang totoo, madali siyang maistorbo, matensyon, mag-react, ngunit kaya niyang kontrolin ang sarili, at ito ang mga dahilan kung bakit popular siya at maraming kaibigan.
Ang Rat person ay madalas na matalino, masayahin at mahilig sa sosyalan. Sa ilang pagkakataon ay mapunahin siya, mareklamo at mahilig maghanap ng mali ng iba. Ngunit sa kabuuan, mahilig siya sa mga kasayahan at malalaking pagdiriwang. Sumasali siya sa malalaking organisasyon at madalas makitang kasama ng mga kaibigan. Gusto niyang laging involved sa mga aktibidad at mahilig sa pamamasyal.
ANG BABAING RAT PERSON
Ang isang babaing Rat ay pahahangain tayo sa kanyang pagiging modelo pagdating sa pagiging matipid. Mahilig siyang mamigay ng mga lumang damit, mag-ayos ng mga sirang laruan, buying or selling secondhand items, at magtipid sa pagkain lalo na ang mga tira-tira kaya naman ang mga kaibigan niya ay mapapareklamo na. Pero pag tungkol na sa mga anak niya, sobrang napakamapagbigay naman. Kung marunong maglambing ang anak sa kanya at may hihilingin, hinding-hindi siya tatanggi.
ANG MGA ISISILANG NGAYONG 2008
Kung kayo ay buntis at manganganak this year, ang mga isinilang ngayong 2008, Year of the Rat, ay magiging matagumpay sa anumang bagay o naisin, dahil tulad ng kanyang sign, maiaakma niya ang sarili sa anumang sitwasyong darating. May kakayahan siyang lutasin ang anumang suliranin, at dito nakikita ang husay niya, sa gitna ng mga problema. Kalmado at alerto, taglay niya ang husay na makiramdam sa mangyayari sa hinaharap, at matinik din sa negosyo. Ang mga problema ay lalo lang nagpapahusay sa kanila, at laging abala ang isip sa iba pang pagkakakitaan.
Ang batang isisilang sa Year of the Rat ay sinasabing sweet and loving. Mahiyain ngunit mahilig sa kumpetisyon. Madalas, iyakin siya para makakuha ng atensyon at mahilig yumakap sa mga kakilala. Seloso naman siya pagdating sa mga magulang at kaibigan, at ayaw niyang may kaagaw sa atensyon ng mga ito.
ANG LIMANG ELEMENTO NG RAT PERSON
Ang mga taong isinilang sa Year of the Rat at nagtataglay ng mga sumusunod na elemental sign:
31 January 1900 - 18 February 1901: Metal Rat
18 February 1912 - 5 February 1913: Water Rat
5 February 1924 - 24 January 1925: Wood Rat
24 January 1936 - 10 February 1937: Fire Rat
10 February 1948 - 28 January 1949: Earth Rat
28 January 1960 - 14 February 1961: Metal Rat
15 February 1972 - 2 February 1973: Water Rat
2 February 1984 - 19 February 1985: Wood Rat
19 February 1996 - 6 February 1997: Fire Rat
2008 - 2009: Earth Rat
2020 - 2021: Metal Rat
MALAS AT SUWERTE SA 2008
Kung ang 2008 ay masuwerteng taon para sa mga isinilang sa Year of the Rat, paborable rin ang taon na ito sa mga isinilang sa mga sumusunod na animal signs: Ox, Dragon, Snake, Monkey, Tiger, Dog at Boar. Hindi naman ito ang taon para sa mga isinilang sa Year of the Horse, Rooster at Sheep, kaya dapat maghanda ang mga isinilang sa ilalim ng animal signs na nabanggit.