Saturday, February 28, 2009

links...

Photobucket

PASENSYA na at lately ko na lang naasikaso ang maglagay ng links dito. Marami na ang nag-add sa akin sa kanilang blog list kaya bilang courtesy ay idinagdag ko rin sila sa akin. Thank you sa inyo. Kung meron pa akong hindi nabibisitang blogs na naka-add pala ako sa inyong links/friends just let me know para mailagay ko rin kayo.

Saturday, February 7, 2009

wala na si egay...

Photobucket

“WALA na si Egay…”
Bumibili ako sa isang tindahan sa aming barangay nang marinig ko ang balitang ito. Wala na si Egay. Sa bahagyang sandali, parang may tumakas na kung ano sa katawan ko. Nakita ko pa lang siya noong isang araw, at biniro ko pa.

Si Egay ang errand guy sa aming barangay. Walang pamilya. Hindi nakapag-aral. Sa barangay hall na rin siya nakatira at umaakto bilang barangay tanod. Nabubuhay siya sa pamamagitan ng pagsunod sa utos o ipinagagawa ng mga taga-barangay—na may kaukulang bayad naman.

Tahimik siya at walang kibo. Kung may gusto man siyang sabihin, hindi niya halos maisatinig lalo na kung hihingi siya ng dagdag na bayad sa ipinag-utos sa kanya. Wala siyang pinipiling trabaho; tagalinis ng baradong poso negro o kanal, tagapintura, tagabuhat, tagahabol sa nakawalang aso, etc. etc. Typical jack of all trades.

Una akong nagkaroon ng interaksyon kay Egay nang ipalinis ko ang lugar na kinatatayuan ng aming bahay ngayon. May dating lumang bahay na yari sa kahoy na guho na nakatayo sa aming kinalulugaran ngayon. Naghahanap ako ng mapapapaglinis nang may makapagturo sa akin sa kanya. Napansin ko agad ang mga katangian niya na binanggit ko sa itaas. Ipinakita ko rin sa kanya ang lugar na kanyang lilinisin at tinanong ko kung magkano niya ako sisingilin. Ngumiti lang siya, kumamot sa ulo, at makalipas ang mahabang sandali ay sinabing P150 raw isang araw. Pumayag naman ako at sabi ko sa kanya, kung kailangan niyang magpahinga o kung tinatamad siya, kahit paunti-unti lang ang trabaho. Alam ko namang mahirap magbaklas ng lumang bahay at siya pa rin ang magtatapon ng mga basura.

Makalipas ang mahigit dalawang linggo ay natapos niya ang pagbabaklas. Humanga ako kung paano niya nagawa. Kahit kapirasong kahoy, walang natira. Nang bayaran ko na siya, matagal siyang tumitig sa pera. Nang itanong ko kung may problema, pagkatapos muli ng mahabang sandali, kumamot siya sa ulo, nahihiyang ngumiti at nagsabing pahingi naman daw ng dagdag na two hundred pesos. Dahil nasiyahan ako sa trabaho niya, nagdagdag ako ng P500.

Iyon ang simula nang madalas kong pakikiusap sa kanya kapag may kailangan akong ipaayos sa bahay o ipabuhat.

Siya rin ang punong abala sa Christmas Party ng mga taga-komiks na ginanap sa amin last December 20; nag-ayos ng tolda, naghakot ng mga mesa at silya, at naglinis ng barangay comfort room. Maghapon siyang nagbubuhos ng tubig sa comfort room basta’t may komikerong napa-jingle. Kaya naman labis akong nagpasalamat sa kanya nang singilin na niya sa kanyang serbisyo nang matapos ang kasayahan.

At ngayon ay wala na si Egay…

Biktima siya ng karahasan.

Ayon sa kuwento, naglalakad isang gabi si Egay nang may bumato sa kanya. Nakilala niya kung sino ang nambato kaya nagpunta siya sa barangay hall para humingi ng saklolo at kastiguhin ang nanakit sa kanya. Kasama ang ilang tanod, pinuntahan nila ang bahay ng salbaheng nambato sa kanya.

Sa kasamaang palad, mukhang pinaghandaan ng pamilya ng nambato sa kanya ang gagawin niyang paninita. Ang pamilya nang nambato sa kanya ay sinasabing sadyang lahi ng mga gangster at nagtatag ng isang fraternity. Kumakatok daw si Egay sa gate nang marahas na bumukas ang gate at lumabas ang napakaraming kamag-anak nang nambato sa kanya. Sa gulat ng ibang barangay tagay, este, barangay tanod, nagtakbuhan ang mga ito. Tumakbo rin si Egay ngunit nadapa. Dito na siya kinuyog ng mga kriminal.

Ayon pa sa kuwentong narinig ko, habang ginugulpi si Egay ay may sumigaw nang, “Patayin na ‘yan!” At palibhasa’y utak-kriminal at marami sila, may nakadampot ng bato at inihampas sa ulo ni Egay.

Napailing ako sa bahaging ito ng salaysay ng aking nakausap.

Ang masaklap, menor-de-edad pa pala ang humampas ng bato sa kanyang ulo. Isang kabataan na sa halip na nagbabasa ng aklat o nagsasaya sa buhay na puno ng sigla, ang nasa utak ay karahasan at pagpatay.

At kung sino man ang nakatatanda na nagbigay ng utos na patayin na si Egay, halimbawa siya ng isang demonyong nabuhay sa lupa.

Ilang araw palang na-comatose si Egay. May mga mabubuting kababayan natin ang nagdonasyon para madugtungan ang kanyang buhay ngunit sadya sigurong maikli lang ang nakalaan para sa kanya sa mundong ito. Noong isang araw, matapos siyang basbasan ng pari sa abiso na rin ng doktor, hinigit na niya ang huling hibla ng kanyang hininga.

Muli, sa nangyari sa kanya ay maitatanong natin: Bakit ang mga gaya pa niya na may halaga at may silbi sa pamayanan at sa mga tao ang naging biktima ng kahayupan ng mga taong nabubuhay sa dilim?

Noong isang araw ay nakita kong may itinatayong tent sa harap ng aming barangay hall. Naunawaan ko ang mensahe: Simula na ng burol kay Egay. Matagal akong napatitig sa mga kalalakihang nagtatayo ng tent. Ang nakikita ko ay si Egay pag may okasyon sa aming barangay na masiglang nag-aasikaso at tumutulong. Naramdaman kong may bumara sa aking lalamunan at namasa ang aking mga mata. May mga kabarangay ako na nanonood sa nagaganap at lahat sila, kung babasahin ang expression sa mga mukha, ay tulad din ng sa akin ang nadarama.

Hindi ko alam kung may mga kamag-anak si Egay na maghahain ng demanda para makamit ang katarungan. Hindi ko rin alam kung ano ang nakasaad sa barangay code kung paano makapaghahabol ng katarungan ang isang gaya niyang tanod na napatay sa pagtupad sa tungkulin. Alam kong hindi palalampasin ng aming barangay chairman ang sinapit ni Egay.

Nauuso ang mga gang war ngayon. Ang pagbuo ng grupo ng mga walang kuwentang tao na ang tanging layunin ay maghasik ng karahasan na nagreresulta sa pag-utang sa buhay ng mga inosenteng tao na gaya ni Egay. Mas nakakakilabot ito kaysa sa mga nababasa nating horror stories.

Para kay Egay, maligayang paglalakbay pabalik sa sinapupunan ng ating Maykapal. Pagpasensyahan mo na kaming mga natulungan mo noon na walang nagawa para ikaw naman ang tulungan sa oras na kinailangan mo kami…