Saturday, February 7, 2009

wala na si egay...

Photobucket

“WALA na si Egay…”
Bumibili ako sa isang tindahan sa aming barangay nang marinig ko ang balitang ito. Wala na si Egay. Sa bahagyang sandali, parang may tumakas na kung ano sa katawan ko. Nakita ko pa lang siya noong isang araw, at biniro ko pa.

Si Egay ang errand guy sa aming barangay. Walang pamilya. Hindi nakapag-aral. Sa barangay hall na rin siya nakatira at umaakto bilang barangay tanod. Nabubuhay siya sa pamamagitan ng pagsunod sa utos o ipinagagawa ng mga taga-barangay—na may kaukulang bayad naman.

Tahimik siya at walang kibo. Kung may gusto man siyang sabihin, hindi niya halos maisatinig lalo na kung hihingi siya ng dagdag na bayad sa ipinag-utos sa kanya. Wala siyang pinipiling trabaho; tagalinis ng baradong poso negro o kanal, tagapintura, tagabuhat, tagahabol sa nakawalang aso, etc. etc. Typical jack of all trades.

Una akong nagkaroon ng interaksyon kay Egay nang ipalinis ko ang lugar na kinatatayuan ng aming bahay ngayon. May dating lumang bahay na yari sa kahoy na guho na nakatayo sa aming kinalulugaran ngayon. Naghahanap ako ng mapapapaglinis nang may makapagturo sa akin sa kanya. Napansin ko agad ang mga katangian niya na binanggit ko sa itaas. Ipinakita ko rin sa kanya ang lugar na kanyang lilinisin at tinanong ko kung magkano niya ako sisingilin. Ngumiti lang siya, kumamot sa ulo, at makalipas ang mahabang sandali ay sinabing P150 raw isang araw. Pumayag naman ako at sabi ko sa kanya, kung kailangan niyang magpahinga o kung tinatamad siya, kahit paunti-unti lang ang trabaho. Alam ko namang mahirap magbaklas ng lumang bahay at siya pa rin ang magtatapon ng mga basura.

Makalipas ang mahigit dalawang linggo ay natapos niya ang pagbabaklas. Humanga ako kung paano niya nagawa. Kahit kapirasong kahoy, walang natira. Nang bayaran ko na siya, matagal siyang tumitig sa pera. Nang itanong ko kung may problema, pagkatapos muli ng mahabang sandali, kumamot siya sa ulo, nahihiyang ngumiti at nagsabing pahingi naman daw ng dagdag na two hundred pesos. Dahil nasiyahan ako sa trabaho niya, nagdagdag ako ng P500.

Iyon ang simula nang madalas kong pakikiusap sa kanya kapag may kailangan akong ipaayos sa bahay o ipabuhat.

Siya rin ang punong abala sa Christmas Party ng mga taga-komiks na ginanap sa amin last December 20; nag-ayos ng tolda, naghakot ng mga mesa at silya, at naglinis ng barangay comfort room. Maghapon siyang nagbubuhos ng tubig sa comfort room basta’t may komikerong napa-jingle. Kaya naman labis akong nagpasalamat sa kanya nang singilin na niya sa kanyang serbisyo nang matapos ang kasayahan.

At ngayon ay wala na si Egay…

Biktima siya ng karahasan.

Ayon sa kuwento, naglalakad isang gabi si Egay nang may bumato sa kanya. Nakilala niya kung sino ang nambato kaya nagpunta siya sa barangay hall para humingi ng saklolo at kastiguhin ang nanakit sa kanya. Kasama ang ilang tanod, pinuntahan nila ang bahay ng salbaheng nambato sa kanya.

Sa kasamaang palad, mukhang pinaghandaan ng pamilya ng nambato sa kanya ang gagawin niyang paninita. Ang pamilya nang nambato sa kanya ay sinasabing sadyang lahi ng mga gangster at nagtatag ng isang fraternity. Kumakatok daw si Egay sa gate nang marahas na bumukas ang gate at lumabas ang napakaraming kamag-anak nang nambato sa kanya. Sa gulat ng ibang barangay tagay, este, barangay tanod, nagtakbuhan ang mga ito. Tumakbo rin si Egay ngunit nadapa. Dito na siya kinuyog ng mga kriminal.

Ayon pa sa kuwentong narinig ko, habang ginugulpi si Egay ay may sumigaw nang, “Patayin na ‘yan!” At palibhasa’y utak-kriminal at marami sila, may nakadampot ng bato at inihampas sa ulo ni Egay.

Napailing ako sa bahaging ito ng salaysay ng aking nakausap.

Ang masaklap, menor-de-edad pa pala ang humampas ng bato sa kanyang ulo. Isang kabataan na sa halip na nagbabasa ng aklat o nagsasaya sa buhay na puno ng sigla, ang nasa utak ay karahasan at pagpatay.

At kung sino man ang nakatatanda na nagbigay ng utos na patayin na si Egay, halimbawa siya ng isang demonyong nabuhay sa lupa.

Ilang araw palang na-comatose si Egay. May mga mabubuting kababayan natin ang nagdonasyon para madugtungan ang kanyang buhay ngunit sadya sigurong maikli lang ang nakalaan para sa kanya sa mundong ito. Noong isang araw, matapos siyang basbasan ng pari sa abiso na rin ng doktor, hinigit na niya ang huling hibla ng kanyang hininga.

Muli, sa nangyari sa kanya ay maitatanong natin: Bakit ang mga gaya pa niya na may halaga at may silbi sa pamayanan at sa mga tao ang naging biktima ng kahayupan ng mga taong nabubuhay sa dilim?

Noong isang araw ay nakita kong may itinatayong tent sa harap ng aming barangay hall. Naunawaan ko ang mensahe: Simula na ng burol kay Egay. Matagal akong napatitig sa mga kalalakihang nagtatayo ng tent. Ang nakikita ko ay si Egay pag may okasyon sa aming barangay na masiglang nag-aasikaso at tumutulong. Naramdaman kong may bumara sa aking lalamunan at namasa ang aking mga mata. May mga kabarangay ako na nanonood sa nagaganap at lahat sila, kung babasahin ang expression sa mga mukha, ay tulad din ng sa akin ang nadarama.

Hindi ko alam kung may mga kamag-anak si Egay na maghahain ng demanda para makamit ang katarungan. Hindi ko rin alam kung ano ang nakasaad sa barangay code kung paano makapaghahabol ng katarungan ang isang gaya niyang tanod na napatay sa pagtupad sa tungkulin. Alam kong hindi palalampasin ng aming barangay chairman ang sinapit ni Egay.

Nauuso ang mga gang war ngayon. Ang pagbuo ng grupo ng mga walang kuwentang tao na ang tanging layunin ay maghasik ng karahasan na nagreresulta sa pag-utang sa buhay ng mga inosenteng tao na gaya ni Egay. Mas nakakakilabot ito kaysa sa mga nababasa nating horror stories.

Para kay Egay, maligayang paglalakbay pabalik sa sinapupunan ng ating Maykapal. Pagpasensyahan mo na kaming mga natulungan mo noon na walang nagawa para ikaw naman ang tulungan sa oras na kinailangan mo kami…

9 comments:

mgaputonimimi said...

ang lungkot.. nakakaiyak... ~_~ palagi ko rin yan tanong.. bakit sila pa?

may nasaksak din akong kasama sa youth org noon... kinuha narin ni Lord... @_@

Hazel Manzano said...

condolence sa inyo...

Anonymous said...

KC,

Sa tingin ko KC, mas dadami pa ang ganitong kaso, lalo na ngayong mi krisis. Hindi naman isolated yung event, nangyayari talaga ito sa mga urban setting , favelas, at ghettos sa mundo. Urban street crime, abated by urban squalor, unemployment, idleness of youth,absence of law & order, at saka yung dog-eat-dog mentality na mismo ng mga halang ang kaluluwa, o iyung mga tinatawag ng mga Leftists na Lumpen Proletariat. Ito yung sector ng society na puro anti-social activities ang ginagawa para mag-survive sa mundo. Condolence ki Egay at sa inyong Baranggay na rin....


Auggievinvor

Anonymous said...

KC,

Sa tingin ko KC, mas dadami pa ang ganitong kaso, lalo na ngayong mi krisis. Hindi naman isolated yung event, nangyayari talaga ito sa mga urban setting , favelas, at ghettos sa mundo. Urban street crime, abated by urban squalor, unemployment, idleness of youth,absence of law & order, at saka yung dog-eat-dog mentality na mismo ng mga halang ang kaluluwa, o iyung mga tinatawag ng mga Leftists na Lumpen Proletariat. Ito yung sector ng society na puro anti-social activities ang ginagawa para mag-survive sa mundo. Condolence ki Egay at sa inyong Baranggay na rin....


Auggie

Dennis Villegas said...

kawawa naman...sana ay mabigyang katarungan ang kanyang kamatayan..nakikiramay ako sa iyong kalungkutan..bagamat hindi ko kakilala ng personal si Egay ay para na rin akong nawalan ng kaibigan

big benjie said...

Bayaw,
Wala na si Egay. Sa iba't ibang panig ng mundo habang binabasa mo ito, marami pang Egay ang nawawala. Malungkot. Napakalungkot. At mapapansin mong sa kasaysayan ng mundo, ang mga taong namumuhay nang payapa at sa tuwina'y naghahangad rin ng kapayapaan ang nangasasawi sa pinakamararahas na paraan.
Maraming dahilan kung bakit may mga taong tulad noong mga pumaslang kay Egay. Mga taong sa halip na gugulin ang panahon sa mga gawaing produktibo ay pamiminsala sa kapwa ang inaatupag. Isang gasgas na dahilan ay ang kahirapan -- ang kawalan ng marangal na oportunidad sa lipunan. Kondisyong kadalasan ay nagluluwal sa mga mamamayang kadalasan ay naliligaw ng landas. Sa kabilang banda, makakakita ka rin ng mga taong sagana sa oportunidad ngunit mga pusakal ding mamamatay. Mga taong walang paglikat ang paghahangad sa mas maraming pera gayong isang kamalig na ang nakulimbat.
Para sa akin, bayaw, matapos ang masusi kong pag-aaral sa napakaraming pilosopiya, ideolohiya, at mga -ismo, napagtanto kong isang bagay lang ang tunay na mahalaga. Ang kaisa-isang bagay na babago sa lipunan at magbabalik ng katinuan sa mundong ito.
Ang kailangan natin ay isang malinis na puso, bayaw. Pusong may pagmamahal sa kapwa. Pusong walang pag-iimbot. Pusong nakatuon sa paglilingkod. Hindi magbabago ang lipunan kung papalitan lamang ang namumuno. At maski palitan ang sistema, mula sa demokrasya tungo sa kung ano mang -ismo,kung ang magpapaikot ng granahe ng pamahalaan ay may buktot na puso, ganito at ganito pa rin ang ating lipunan. Patuloy na kakalat-kalat sa ating mga kalye at eskinita ang mga pusakal na umutang sa buhay ni Egay.
Siguro'y itatanong mo sa akin, bayaw, kung nasaan na ang paniniwalang madalas kong sabihin sa iyo noong dekada 80. Narito pa rin. Buhay na buhay. Pero hindi na ako dogmatiko. Natanto ko lamang na hindi dogma ang kailangan ng ating lipunan kundi PUSO.
Nakikiisa ako sa iyong kalungkutan.

BENJIE P. VALERIO

TheCoolCanadian said...

Kapatid na Benjie:

Napakalalim na ng pinag-uugatan ng pag-aabuso, ng corruption at pagkawala ng pangingimi na kumitil ng buhay ng ibang mga mamamayan.

Maganda kung ang lahat ay may pusong tao na may pagmamalasakit at pagmamahal sa kapuwa. Nguni't sa lipunan ng Pilipinas ay palasak na ang papagdanakin ang dugo sa walang kabubuhang bagay. Ang mga kumitil ng buhay ni Egay ay hindi kayang palambutin sa pamamagitan ng pagpapakita ng isang busilak na puso. Sa halip, ang nararapat sa kanila ay gamitan ng kamay na bakal ng batas, ng ngipin sa ngipin upang ipadama sa kanila kung paano maging biktima ng kabuktutan ng kanilang kapuwa tao.

Hindi nga ba't pusong dalisay na ang ipinakita ni Egay sa lahat?
At hayan ang naging tugon: ang kitlan siya ng buhay.

Panahon na upang magkaisa ang LAHAT ng mga tao sa lugar na pinagyarihan nitong walang habas na kabuktutan. Tumayo ang bawa't isa na walang takot at harapin ang mga taong ito na may maiitim na budhi. Kung walang tatayo laban sa mga ito ay hindi magwawakas ang kanilang kasamaan. Gamitin ang radyo, telebisyon, pahayagan... upang ibulgar ang walang pangalawang kaimbihan nitong mga kriminal. Sa pagtayo lamang ng nakararami laban sa mga masasamang loob ay saka lamang mabibigyan ng lunas ang ganitong sakit ng lipunan.

At sa wakas, tatanggapin ni Egay ang katarungan.

monsanto said...

Sana nga magkaroon ulit ng isa pang subject ang ating paaralan lalo sa elementary, ang Good moral and right conduct.

Aanhin mo ang matatalino, kung wala namang mga puso?

Grabe ang daming gusto ipasok sa utak ng mga kabataan ngayon. Nakakagulat. Kulang na lang chestry sa grade 1 eh. Parang di halata pero ninanakawan na nila ng childhood ang mga batang abala na sa pressure ng assignments sa edad na 4 at 5.

Ewan ko lang ha?

Nakakalungkot ang nangyari sa kaibigan mo.

Myke and Christine Guisinga said...

KC,

Nakikiramay ako sa iyo at sa mga kabaranggay mo.

Hanawa'y mabigyang katarungan ang kanyang pagpanaw.

Hindi natutulog ang diyos.