Wednesday, June 17, 2009
BFFs
TUWING Martes at Huwebes ay mag-isa akong naglalaro ng basketbol sa court malapit sa aming barangay hall. Natuklasan kong sa mga ganitong araw ay bakante ang court. Pa-shoot-shoot nang konti, patakbu-takbo para pawisan. Ito na ang pinaka-workout ko bukod sa pagti-treadmill at pagbubuhat ng medyo hindi kabigatan na dumbbells.
Malaki na rin ang ipinagbago ng aking physical abilities. Hindi na ako nakatatalon nang mataas na gaya nang dati. Hindi na rin ako ganoon kabilis tumakbo. Nasa akin pa rin naman ang aking shooting skills pero hindi na ako puwede sa pisikal na laro kaya nga pinili kong maglarong mag-isa. Mahirap mabalya at mabalian ng buto, mababawasan ang kita lalo na kung ang mga daliri ko ang mapipilayan.
May mga pagkakataon na kapag nakapagpapawis ako after two hours ay may mga dumarating para maglaro. Kung minsan ay niyayaya nila ako pero sinasabi kong magpapahinga na ako at marami pa akong gagawin. Ang totoo ay umiiwas na lang ako dahil baka mapagtawanan lang ako. Ang huling pagkatanda ko na naglaro ako ng basketbol sa liga ay halos 8 taon na ang nakalilipas. Mas madalas akong nakaupo kaysa nasa loob ng court—na hindi nangyari sa akin noong 20s pa ako. Naramdaman kong laos na ako at hindi na dapat magpumilit pa.
Anyway, kapag nagpapawis ako sa court ay kumpleto pa rin naman ako sa getup para hindi mahalatang laos na. Dinadaanan na lang sa porma.
Isang umagang naglalaro ako ay may dumating na apat na batang lalaki na hindi ko kilala. Mga edad 10-11 siguro sila at medyo magkakahawig. Mga payat at mukhang makukulit. Kung puwede raw silang makisali sa pagsu-shooting ko. Sige ‘kako, pero hindi na rin naman ako magtatagal at aalis na ako.
Habang naglalaro kami; kakampi ko ang isa at tatlo naman sila sa kabila, ay nag-enjoy na ako sa paghabul-habol sa kanila kapag nagdidribol, at ganoon din naman kapag sila na ang aagaw na bola sa akin. Natawa pa ako sa sarili ko nang maisip kong ang abilidad ko ngayon sa pagbabasketbol ay pang-10 years old na lang. “Bukas uli, Kuya, laro tayo…” sabi nila nang magpaalam na ako. Sinabi ko naman sa kanila kung anong araw ako nasa court.
Naroon nga sila nang magbalik uli ako sa court after two days. At mga nakauniporme pa. Nang maglaro kaming muli saka ko na-realize na sa edad nila ay mahuhusay na silang magbaketbol na hindi ko napansin noong unang araw na maglaro kami. Nagpustahan kami ng isang litrong softdrinks, at para ma-motivate sila ay nagpatalo ako. OK, siguro ay talagang talo nila ako. Matapos ang laro ay nagpunta kami sa malapit na tindahan para ma-claim nila ang kanilang premyo. Noon ko lang naitanong ang mga pangalan nila at edad. Tama ako na mga 11 years old lang sila. Sa malapit din lang sa amin sila nakatira. Sabi ko ay bakit parang hindi sila pamilyar sa akin. Mga bagong lipat lang pala sila na magpipinsan.
Iniwan ko sila habang pinagpipiyestahan ang softdrinks.
Mula Abril hanggang nitong June ay kala-kalaro ko sila. Pag wala ako at nasa opisina ay hinihiram na lang nila sa misis ko ang bola. Binibiro pa ako ng asawa ko na nakakita raw ako ng mga bagong BFF.
Minsan matapos naming maglaro ay sinabi ko sa kanila na malapit na ang pasukan, baka paminsan-minsan na lang kami makapaglaro dahil magiging busy na sila sa school. Nagulat ako nang sabihin nilang hindi na sila mag-aaral. Bakit, tanong ko. Lahat pala sila ay papunta na sa US, napetisyon daw ng mga kamag-anak doon.
Noon ko na rin lang sila nausisa kung sinu-sino ang mga magulang nila at saan nagtatrabaho. Nagkatinginan sila at parang biglang mga napahiya. Nakaramdam ako na may konting mali kaya nagtanong uli ako kung bakit.
Ang pinakabibo sa kanila ang nagkuwento na lahat sila ay hindi buo ang pamilya. It’s either walang nanay o tatay. ‘Yung iba, hindi kilala ang ama o ang ina. Ang isa ay ni hindi nakita ang nanay at tatay.
Hindi ko alam kung bakit nalungkot ako. Sa dami ng mga nakakasalamuha kong mga kabataan ngayon, mula sa mga kaopisina, OJTs, at mga nakakakilala sa kung saan-saang online communities, karamihan sa kanila ay miyembro ng broken home. May nagbiro pa nga sa akin na kapag hindi hiwalay ang parents, walang step-mom or step-dad, half-sis or half-brod, step-sis at step-brod ay hindi ka in.
Posibleng ganito na ang pananaw ng maraming kabataan ngayon, ngunit walang makapapantay sa pagkakaroon ng buong pamilya. Posibleng ang debate rito ay buo nga ang pamilya pero parang impiyerno naman ang relasyon, para ano pa? Pero wala na bang magagawang sakripisyo para mabuo ang pamilya? Hindi ba’t sa pagbuo naman ng pamilya at sa pagkakaroon ng mga supling ang pinakapundasyon nito ay pag-ibig at pagmamamahalan? Bakit hindi mapanatiling buo ang pundasyong iyon?
Hindi na ako masyado pang nag-usisa sa mga bata dahil pakiramdam ko ay may nasundot akong sensitibong bahagi sa pagkatao nila. Sabi ko na lang, mag-aral silang mabuti sa States, huwag sayangin ang pagkakataon. Ipagpatuloy ang paglalaro ng basketbol, who knows baka magaya sila sa mga Fil-Ams sa PBA ngayon, ako ang kanilang magiging manager kung sakali. Magpalaki rin ‘kako sila ng katawan at pag mga binata na ay manligaw ng mga blonde na sexy na mala-Paris Hilton. Nagpasigla sa kanila ang huli kong sinabi at nag-apiran.
Isa sa kanila ang napatingin sa suot kong sapatos. Almost four years ko nang ginagamit iyon kaya medyo nakanganga na. “Kuya, padadalhan ka namin ng sapatos,” sabi niya. Na sinang-ayunan naman ng kanyang mga pinsan, “Oo nga, Kuya. Ano’ng size ng paa mo?”
Hindi ako nakapagsalita. That’s sweet.
Noong isang araw ay umalis na ang magpipinsan. Pinanood ko sila habang papasakay sa van na maghahatid sa kanila sa airport. Nilapitan ko at kinuskos sa buhok. Excited na sila sa magiging biyahe, nakikita ko sa kanilang mga mata. “Padadalhan ka namin ng sapatos, Kuya, ha?” ulit nila sa kanilang pangako. Ikinumpas ko naman ang aking kamay na parang sinasabi kong OK lang kahit wala.
I’ll miss my BFFs…
Hindi ko alam kung sa paglipas ng panahon ay maaalala pa nila ako o ang pangako nilang sapatos sa akin. But I’m telling you, mas gusto kong paniwalaan ang pangako ng mga batang iyon kaysa sa pangako sa sambayanang Pilipino ng ating mga pulitiko.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
4 comments:
Nakakalungkot na sa panahong ito ay parang bale wala na lang ang institusyong ng pag-aasawa at pagbuo ng pamilya. Kaya ang mga batang nanggaling sa mga "broken families" ay nag-aanak lang din ng mga kawangis nito. Dala na rin marahil ito ng "premarital sex" na nagbubunsod sa maagang pagkabuntis at pag-aasawa. Mapupusok ang mga kabataan ngayon, hindi man lang inaalam ang mga kaakibat na respnsibilidad nito. Ayaw ko sanang manisi, kaso where does the blame lies? Sa kapaligiran ba na pangkaraniwan itinuturing na ang mga "sakit" na ito ng ating lipunan na dapat na lang nating ipagsawalang bahala o sa mga magulang na mismo na nabibilang sa estatistika ng suliranin nating ito?
You had me at the last sentence. Haha!
Sa dami o sa pagiging parang normal na lang ngayon ng broken families, nakakabilib talaga ang marriages na nananatiling buo.
For me, marriage is a sacred institution. Tunay na dapat na pagsikapan ng mag-asawa na maging matatag ang relasyon. Pero minsan din, sa banta ng pagkabasag ng pamilya, ang isa lang ang determinadong magtiis at magpakatatag. One spouse might want to save the marriage and the family but the other spouse couldn't wait to get out of the relationship.
As for your "BFFs," it was heartwarming to read about their promise. They may or may not be able to fulfill it very soon but I bet they will not forget you soon. I think it matters a lot to those kids how you, a neighbor for only a short period, gave them time. Maaaring hindi ito big deal sa iyo pero ang iniukol mong panahon sa mga batang iyon ay malamang na nakatimo sa imbakan ng kanilang fond memories sa Pilipinas.
KC,
Ibinigay mo ba ang postal address mo doon sa mga bata ? paano ka nila makokontak ?
Hindi ka nila malilimutan. Ilang buwan mo rin silang binigyan ng QUALITY TIME.
Auggie
Post a Comment