Thursday, August 20, 2009
kuwentong starbucks
BAGONG dating mula sa abroad si Benjie at makalipas ang dalawang linggo na pakikipag-bonding niya sa asawa’t mga anak ay nagpasya siyang mamasyal naman na mag-isa at makita ang mga pagbabago sa paligid. Isa siyang English teacher sa Saudi Arabia at tuwing bakasyon ay maikli lang ang oras na nailalaan niya sa mga lakad na solo siya. Ginagawa niya iyon para makapagmasid-masid naman sa mga pagbabago sa kanyang bayang sinilangan—kung meron man.
Madalas ay sa mga mall siya nagtatambay. Patingin-tingin ng mga naka-sale na items, scan ng books sa bookstores, tumitiyempo na sana’y may makasalubong na kakilala o dating kaopisina. Pag napagod ay tumatambay siya sa paborito niyang coffee shop at nanonood ng mga naglalakad na tao. Ikinukumpara rin niya ang sitwasyon niya sa ibang bansa kumpara kapag naririto siya, at ang pagkakaiba ng mga gawi ng tao at kultura.
Nasa ganoon siyang pagdidili-dili habang humihigop ng paborito niyang kape nang may lumapit sa kanyang binatilyo na medyo effeminate ang kilos. Naasiwa siya sa walang pasintabi nitong pag-upo sa table niya, at ngumiti nang matamis. Kung bakla ito at kursunada siya, medyo kinilabutan siya. Mid-40s na siya at kakatwa naman kung sa edad niyang ito ay saka pa siya makukursunadahan ng bading—at teenager pa.
Sumimangot siya para ipahalata rito na nabuwisit siya. Para namang hindi apektado ang teener at nagsalita: “Sir, may ilang bagay lang po akong itatanong. Makatutulong po iyon sa inyo.”
Kumunot ang kanyang ulo. May itatanong raw at makatutulong sa kanya. Ano kaya iyon?
Nagpatuloy sa pagtatanong ang teener. “Katoliko po ba kayo? Kasi po may mga ipinamimigay kaming pamphlet para sa ikaliligtas ng inyong kaluluwa.”
Muling kumunot ang kanyang noo. Hindi naman sa pagyayabang ay uliran siyang ama at asawa. Nagsisikap siya para maitaguyod ang pamilya. Sumusunod siya sa 10 Utos ng Diyos. Matapat siyang mamamayan ng Pilipinas. Hindi siguro siya santo pero hindi naman siya alagad ng demonyo. At ngayon, heto ang isang kabataan at bibigyan siya ng pamphlet para maligtas ang kaluluwa!
Napahigop siya sa kape at tuluyang uminit ang ulo. At kung bakit bigla siyang naging pilosopo. “Wala akong relihiyon. Ngayon, tapos na ba ang itatanong mo?”
Akala niya ay matatakot ang teener sa kanyang pagtataas ng boses pero hindi. Sa halip, “Ah, ganoon po ba. Eh, Sir, kung hindi puwede sa inyo ang pamphlet namin, may ibinibenta akong ballpen na magagamit n’yo. Ninety pesos lang po ito. Sige na, Sir…”
Lalong uminit ang ulo niya. Sabi na nga ba’t doon pupunta ang sitwasyon—na aalukin siya nito ng kung anong merchandise. At nang tingnan niya ang ballpen, tigsasampung piso lang ‘yun sa tindahan ng Muslim.
Muli niyang tiningnan ang teener para kagalitan at sibugin. Ganito kasi ang style ng mga nanraraket. Kaya nga kanina pa niya hindi binibitawan ang kanyang cup ay baka mahulugan nito ng kung anong pills at mawalan siya ng malay tapos ay kunin ang kanyang mga gamit. Ngunit nang magtama ang kanilang mga mata ay may kung anong pinong kurot siyang naramdaman sa kanyang puso.
Kasing-edad ito marahil ng kanyang panganay. Mukhang mahirap lang, mahahalata sa mga suot nito sa katawan. Mahahalata rin na disente namang bata at hanapbuhay lang talaga ang pagbebenta ng “mamahaling ballpen” na iyon. Para siyang kinurot sa puso dahil naisip niya kung ano kaya at hindi siya nakakapag-abroad? Magkakasya kaya sa kanilang mag-anak ang kikitain niya rito? Nasa kolehiyo na ang panganay niya, para may pandagdag sa allowance, gawin din kaya nito ang ginagawa ngayon ng teener na kaharap niya kung di niya ito nasusuportahan nang maayos?
Nasa mukha ng teener ang matinding pakiusap na kunin niya ang ballpen. Ngunit may panuntunan sa buhay si Benjie na hindi siya bibili ng isang bagay na hindi niya pakikinabangan. At isa pa, mas magaganda pa ang ballpen niya kaysa fake na ballpen na lako ng teener.
“Nakatikim ka na ba ng Starbucks?” tanong niya rito.
Ngumiti ang teener. At minsan pa’y nakita ni Benjie ang sinseridad sa mga mata nito nang mangusap: “Hindi pa po…”
Huminga siya nang malalim. “Hindi ako interesado sa pamphlet mo at lalong hindi ako interesado sa ballpen mo. Pero dahil mukhang mabait ka, gusto kong magkaroon ka naman ng bagong karanasan ngayon. Halika… magkape ka.” Inaya niya itong tumayo.
“Naku, hindi na po! Nakakahiya naman po!” tanggi ng teener.
“Kanina nakiupo ka sa table ko. Ngayon, ako naman ang pagbigyan mo,” sabi niya rito at hinila patungo sa counter.
Nang nasa counter na ay hindi malaman ng teener kung ano ang gagawin. Seryoso ba ang mamang ito na sa pagpapakape? Paano kung hindi magbayad? Kung gusto lang magpahiya ng tao dahil naistorbo?
Naramdaman ni Benjie ang pag-aatubili ng teener kaya siya na ang umorder para rito—ang pinakamahal na kape, at malaking sukat. Ikinuha rin niya ito ng dalawang cookies. Takeout.
Nang magbayad siya at iabot sa teener ang takeout ay parang hindi pa rin ito makapaniwala. At dama niya sa boses nito ang katapatan nang bigkasin ang: “Maraming salamat, Sir. Hindi pa nga ako nag-aalmusal…”
Nginitian niya ito at parang may bumara sa kanyang lalamunan. Tinapik niya ito sa balikat na para bang sinabi niyang no problem. Enjoy the coffee and the cookies, dude.
Hindi na ito naupo sa table niya at magalang na nagpaalam. Tinatanaw pa ito ni Benjie habang papalayo; sumisipsip ng kape at cookies na hindi na banyaga ngayon sa taste buds nito. Kung kailan iyon mauulit, hindi alam ng teener. Hindi rin alam ni Benjie kung sa mga susunod na pagkakataon ay ganito pa rin siya ka-generous.
Bakit?
Dahil may ibang mga tao na dapat mag-provide sa mga kabataang ito ng hanapbuhay. O edukasyon—sa halip na maglako sila ng religious flyers at ballpen na made in China. May mga taong dapat mag-provide sa kanila ng almusal—hindi ‘yung ganitong sa isang masuwerteng pagkakataon ay may nagpatikim ng Starbucks.
Sinu-sino ba ang mga taong ‘yun?
Sila ‘yung mga kayang maghapunan sa halagang isang milyon…
(NOTE: This is a true story with few modifications for literary purposes.)
Saturday, August 15, 2009
para kay tita cory
PARA sa dakilang dating pangulong Corazon A. Aquino, ang September 2009 issue ng The Buzz Magasin ay dedicated sa kanya ang halos 60% ng mga nilalaman. Mababasa rito ang mga kaganapan sa kanyang mga huling sandali sa mundo, mga anekdota ng mga taong nakasalamuha niya, ang diary ni Ms. Kris Aquino na nagdedetalye ng maraming bagay ukol sa relasyon nilang mag-ina, ang mga anak at apo ng yumaong pangulo, at ang madamdaming pamamaalam niya sa mga Pilipinong hanggang sa huling sandali ng kanyang buhay ay sinabi niyang "worth it" na pag-alayan ng lahat sa kanya.
Binabati ko ang aking mga kasamahan sa The Buzz Magasin sa pagtataguyod nila sa isyung ito. Of late ay lagi na naman tayong sold out, pero itong "Cory issue" ay produkto ng inyong paghihirap kaya para sa inyo lang ang kredito. Congrats!
Out na po ito this week, bumili agad kayo bago kayo maubusan.
Wednesday, August 5, 2009
omeng sa metro komikon
PAKISUPORTAHAN po ninyo ang kaibigan kong si Omeng sa darating na Metro Komikon ngayong Sabado at Linggo sa Megamall. Magmula nang sumali siya sa comics convention ay nakita ko kung gaano siya ka-dedicated sa paggawa ng komiks.
Bukod sa kanyang komiks na "Anak ng Tupang Itim" at "Hero, Ang Bagong Bayani" ay gumagawa rin siya ng pendants ng kanyang mga characters. Kasama siya sa section ng mga indies.
Rommel 'Omeng' Estanislao
Work station niya. Ang drafting table (old school) ay bigay pa ng dati niyang amo nang mag-resign siya sa opisina nito noong 1997.
Sample ng kanyang pendants based sa kanyang characters.
Ang comics niya at mga pendants.
Bukod sa kanyang komiks na "Anak ng Tupang Itim" at "Hero, Ang Bagong Bayani" ay gumagawa rin siya ng pendants ng kanyang mga characters. Kasama siya sa section ng mga indies.
Rommel 'Omeng' Estanislao
Work station niya. Ang drafting table (old school) ay bigay pa ng dati niyang amo nang mag-resign siya sa opisina nito noong 1997.
Sample ng kanyang pendants based sa kanyang characters.
Ang comics niya at mga pendants.
Subscribe to:
Posts (Atom)