Friday, December 17, 2010

OPERASYON Komiks ni Macoy

Photobucket

Ang OPERASYON ay komiks ni Macoy. Nabili ko ito ng P30 at dahil medyo mura ay hindi na ako humingi ng senior citizen’s discount, 28 pahina. May page numbers kaya hindi ako nalito. Black and white, at mukhang may CISS si Macoy at doon nag-print. Pwede rin na ito ay laser photocopied.
Kartunista si Macoy at ang Operasyon ay animorphs. Kuwento ito ni Reyes na isang police rookie na sumama sa isang operasyon for the first time.
Maganda ang pagkakakuwento ni Macoy sa journey ni Reyes bilang isang bagitong pulis. Naroon ang kaba, excitement, pagtataka at iba pang emosyon. Kung gumawa siya ng research tungkol sa rite of passage ng isang baguhang pulis, nagtagumpay siya sa aspetong ito.
Marami akong narinig na kuwento ng mga baguhang pulis na sa unang pagkakataon ay napasabak sa engkuwentro o operasyon at talaga raw namang nakakaliit ng balls. Ang pinsan kong pulis, unang lakad ay napalaban kay Ben Tumbling, isang notorious criminal noong dekada ’80 na ang life story ay binigyang buhay ni Lito Lapid sa pelikula. Muntik na siyang napatay ni Ben dahil nang putukan niya ito, hindi pala niya naikasa nang todo ang kanyang Armalite dahil sa excitement. Naputukan siya ni Ben at halos isang dangkal lang daw ang layo ng bala sa kanyang mukha. Naihi raw siya sa salawal sa takot, buti na lang at nakaganti ang kanyang mga kasama kaya hindi na uli siya naputukan ni Ben.
Malikot ang mga anggulo ni Macoy at malinis ang mga execution ng bawat frame. Maging ang characterization ay akma sa mga hayop na ginamit niya sa kuwento gaya ng bihag na si Boy Hito (hito) na nagpakita ng tensyon sa posibleng pagsa-salvage sa kanya, at ang astig na si D’ Boss (kalabaw) na maging ang mga dialogue ay barako ang pagkakabitaw. Wala rin akong masabi sa mga teknikal na aspeto gaya ng balloons at sound effects na ginamit niya sa mga frames na nakatulong nang malaki sa storytelling.
It’s a good read.
Pero ‘ika nga ay may kaunti rin akong napuna, pero ito naman ay hindi pang-aagaw ng kredito sa husay magkuwento ni Macoy. Sa umpisa ng kuwento ay nabitawan ni Reyes ang kanyang sombrero habang patungo sila sa lugar ng operasyon at hindi na niya iyon nakuha. Matapos ang rubout at ang pagkadismaya niya sa natuklasan na ang operasyon ay isang malaking palabas lang para sa TV op ng presidentita, naglakad siya palayo sa crime scene. Habang naglalakad ay nakita niya ang kanyang sombrero na nadaanan ng gulong ng isang sasakyan.
Ito naman ay sa akin lang. Siguro ay mas may weight ang symbolism kung ang nabitawan niya ay ang kanyang tsapa (badge) sa unahan ng kuwento at sa bandang huli ay makikita niyang yupi-yupi dahil naipit ng sasakyan. Mas may meaning ang tsapa kumpara sa sombrero dahil ito ang nagsisimbolo sa karangalan at tungkulin ng mga pulis. Ang naganap na operasyon ay magbibigay sa kanya ng bagong pananaw sa pagiging pulis ngayong alam na niya how the system works. Sa pagtitig niya sa sirang tsapa at paglalakad palayo rito sa hulihan ng kuwento, mas mararamdaman ang kanyang character change at ang bigat ng panibagong conflict kahit tapos na ang kanyang journey.
All in all, sulit ang Operasyon sa kuwento, dibuho, presyo at mga teknikal na aspeto.

1 comment:

Burn Harder said...

I've always thought na may hidden symbolism talaga yung sumbrero, that's why it's always haunted me.

Meron man o wala, wala naman akong problema sa pagkawala ng overt na symbolism regarding sa nalaglag ni Reyes.

Great review sir!