Tuesday, December 6, 2011

showbiz

Photobucket

LAST December 5 ay nakasabay ko sa elevator ng ELJ Building si KC Concepcion. Kasama niyang pumasok sa elevator si Erik Santos at ang Pilipinas Got Talent finalist na si Khalil Ramos. Pauwi na ako noon matapos magsulat ng article para sa January 2012 issue ng The Buzz Magasin.
Late na ang aming deadline na dapat ay noong Nov. 26 pa dinala sa imprenta. Pero dalawang malalaking issue ang pumutok; ang KC-Piolo breakup, at ang DJ Mo “repaired video.” Nagbakbak kami ng ilang article para ma-accommodate ang mas maiinit na showbiz happenings.
Walang beso-beso from KC dahil hindi naman niya ako kilala na entertainment editor. Sa mahabang panahon na editor ako ng showbiz magazine ay wala akong nakilalang artista, at kuntento na lang akong magsulat at mag-edit ng mga articles. Maganda na rin iyon para hindi ako maging bias.
Sensitive, ayon na rin kay Piolo, ang pinagdaraanan nila ni KC. Kaya naman ilang articles na ang na-edit ko ay hindi agad maaprub ng mga inampalan. Mahirap naman kasing sulatin ang isang balita na iisang panig lang ang naririnig at wala mula sa kabila. Paano magiging patas ang artikulo? Last resort, nang hindi pa rin okey ang pinakahuling nailatag na article ay nagsulat na lang ako ng analysis tungkol sa kanilang relasyon na inihalintulad ko sa isang ordinaryong magkasintahan na nagkaroon ng tampuhan. Ang sa kanila nga lang ay masyadong naging publicized dahil pareho silang artista. Kung gusto ninyong mabasa, maging ang pinakahuling statement ni Piolo ukol sa kanilang pinagdaraanan ni KC ngayon, (shameless plug, he-he) bili na lang po kayo ng kopya.
Mas mabilis kong nagawa ang Rhian Ramos-DJ Mo brouhaha dahil makatas ang balita. Isa itong showbiz news na nakakawindang talaga.
Sa pag-iyak ni KC at pagsasabing break na sila ni Piolo, maraming tumira sa actor dahil ang husga kaagad ay bakla ito. Unawain natin si KC sa paghahanap niya ng atensyon sa napakaguwapong boypren. Pero bata si KC at matured na si Piolo na marami nang priorities sa buhay bukod sa pag-ibig lang at kiligan blues. Medyo may generation gap na kaya hindi maiiwasan ang pagsulpot ng problema. Gayunpaman, saludo ako sa actor sa pagiging tahimik at pinatunayan ang pagiging gentleman kahit pa nga naging biktima siya ng bullying sa net.
Sa kaso ni Mo, mahirap din namang husgahan ang kanyang ginawa. Pero sa panghihiya niya sa kanyang ex-GF kahit pa gaano kabigat ang kanilang pinagdaanan, mukhang mas bakla yata ang kanyang paninindigan considering na mas malaki rin ang tanda niya kay Rhian at dapat na siya ang nagpakita ng maturity. Kapag minahal mo ang isang tao, hindi ka gagawa ng isang bagay na habampanahong nakakubabaw sa kanyang pagkatao. Kung kapatid ko si Rhian o tatay niya ako, pagkatapos kong mapanood ang video ay headline tiyak sa mga balita ang gagawin kong pagputol sa ibon ni Mo.
Siguro’y nagaganap ang mga bagay na ito para paalahanan na rin ang ating mga kabataang babae na maging maingat sa usapin ng pag-ibig sa panahon ngayon. Ang pagkakaroon ng sikat at guwapong boypren ay hindi nangangahulugan ng bed of roses. Maraming kaagaw, maraming tsismis, mapupuno ka ng insecurities.
Kung techie naman na gaya ni Mo ang inyong magiging boypren, kung makikipag-break kayo sa kanya, siguraduhin ninyong nasa possession ninyo ang kanyang hard drives at memory cards. Better yet, sunugin ninyo ang kanyang iMac.
Sa tingin ko kay KC ay masaya naman siya ngayon, malayo sa hitsura ng isang babaing nabigo sa pag-ibig. Mukhang mabilis siyang naka-move on, at malaki naman ang posibilidad na magkabalikan sila ni Piolo—gaya na rin nang ipinahiwatig ng actor na sana’y makapag-usap muli silang dalawa “without the pain”.
Si Rhian ang mukhang pinagsakluban ng langit at lupa at tiyak na matatagalan bago maka-recover. Pero maganda siya, bata pa at smart… sana pagbangon niyang muli ay hindi na siya madapa. At napaka-comforting para sa kanya na sa isyu nila ni Mo, nasa kanya ang simpatya ng mga tao.
Si Mo?
Well, nangangailangan daw siya ng “professional help”. Dahil sa kanyang ginawa, mukhang kailangan nga niya talaga. Nahaharap din siya sa kaso ng paglabag sa karapatan ng mga kababaihan.
Maige na iyon kaysa maputulan siya ng ibon.

Monday, November 28, 2011

day-off

Photobucket

ISANG araw ng Linggo iyon at may kakatagpuin akong kliyente sa isang fast food sa may Quezon Avenue. After lunch ang aming usapan, at dahil ako’y laging maaga sa mga ganitong usapan at ayokong nale-late, alas onse pa lang ay nasa meeting place na ako at nagbabasa ng Sunday news. Tinitingnan ko ang aking horoscope nang marinig kong may nagsalita sa aking harapan.
“Kanina ka pa?” boses babae iyon.
Nang tumunghay ako, hindi naman iyon ang aking kliyente. Ang babae sa harapan ko ay medyo maskulado, maitim, makapal ang buhok na walang style ang gupit pero may matamis na ngiti at mapuputing ngipin. Ang pagiging stocky niya ay lalong naging define sa suot niyang stripes na polo shirt at skinny jeans na generic.
Hindi ako maka-react. Agad siyang naupo sa harapan ko. Pagpapatuloy niya, “Buti nakita ko agad ang Spider-man sa T-shirt mo kaya nakilala agad kita.”
Tzing!
Naisip kong napagkamalan niya ako na ka-eyeball niya dahil sa kamisetang suot ko. Pero bago pa ako nakapagpaliwanag ay nagsalita siya uli. “Pakainin mo naman ako, gutom na ako. Naglaba pa kasi ako bago ako umalis sa bahay.”
Ewan kung bakit nagpatianod ako. Tiniklop ko ang binabasa ko at tinanong ko siya. “Ano’ng gusto mong kainin?”
“Kahit ano,” sagot niya. “Basta libre masarap kainin.” At sinundan niya iyon ng masarap na hagikhik.
Nagpunta ako sa counter at umorder ng combo para sa kanya. Nagkakape na ako noon kaya nagdagdag na lang ako ng hash brown para sa akin. Inalok niya ako pagkaabot ko sa kanya ng pagkain, tumango lang ako at humigop ng kape.
Nagtanong muli siya. “Dala mo ang kotse ng amo mo?”
Muntik ko nang naibuga ang hinihigop kong kape! Confirmed na househelp ang kaharap ko, at ang ka-eyeball niya na napagkamalan niyang ako ay isang family driver.
Nakatuwaan ko nang magpanggap. “Ah, hindi ko pwedeng gamitin iyon pag day-off, kasi sina Sir ang gumagamit. May lakad pag Sunday ang buong pamilya.”
Nagpakawala siya ng isang maikling, “Aah…”
Nagsimula kaming maghuntahan. Pinilit kong maging creative para makakuha ng mga datos sa kanya. Beinte uno anyos, panganay, laging nagpapadala ng pera sa pamilya. Tipikal na kuwento ng mga anak mahirap na napapadpad sa Maynila para makahanap ng magandang bukas. May BF sa province na di naman siya tine-text. At kapag nalulungkot at nangungulila sa minamahal, naghahanap ng ka-text para kapag day-off ay may ibang aktibidad maliban sa regular Inday routines.
Noong buhay pa ang Atlas ay marami akong kaibigan na madalas makipag-phone pal sa mga Inday at idine-date kapag day-off. Nagunguna na rito ang kababayan kong si Alex Areta, ang kumpare kong si Meyo de Jesus at bayaw na hilaw na si Benjie Valerio. Si Omeng Estanislao, once upon a time yata ay may naka-phone pal ding Inday.
At naitanong ko kay Inday, este, hindi ko nga pala alam ang pangalan niya, kung ano’ng probinsya niya.
“Ikaw naman makakalimutin,” sagot niya. “Sabi ko nga sa text Masbate.”
Masbate…
At nagbalik sa akin ang isang alaala noong third year high school ako.
Nag-aalaga kami ng baka noong nasa bukid pa ako at kalimitan ay mula sa Masbate ang naipapadala sa mga pamilihan sa Batangas. Excited ako isang umaga dahil sabi ng aking ama ay darating na ang torete (binatilyong baka) na aalagaan ko. Nang dumating ang trak na kinalululanan ng mga bagong dating na baka at isa-isang ibinaba, itinuro sa akin ng aking ama ang nakatoka para sa akin. Matapos pumirma ng aking ama sa dokumento (may rehistro ang mga baka), hinila ko na ang aking torete at isinoga sa isang haligi ng aming bahay.
Nagtititigan kami ng torete. Hinimas-himas ko ang ulo niya. Iniisip ko na after one year ay mabebenta na ito sa malaking halaga, at may porsyento ako sa pag-aalaga. Kausuhan ng cassette recorder noon at walkman, ‘yun ang plano kong bilhin sakaling mabenta ang baka. By next year din ay graduating na ako, may pambili na ako ng Truvenize na susuutin sa graduation.
Habang lumilipad ang aking isip, nagulat na lang ako sa ginawa ng torete. Bigla niya akong sinuwag! At kahit di pa siya masyadong malaki ay napakalakas, humagis ako at bumagsak sa bunton ng mga sinibak na kahoy na panggatong. Naramdaman kong may umagos na mainit sa bandang kanan ng noo ko. Nang kapain ko, dugo!
Kasunod niyon ay nagrumpi ang torete. Nagwala nang todo. Sumaklolo sa akin ang aking ama at binuhusan ito ng tubig para kumalma. Nilagyan ko naman ng dahon ng bayabas ang sugat sa aking noo.
“Mailap (wild) pala ito,” komento ng aking ama. “Mahihirapan kang alagaaan ‘yan.”
True enough, ang torete mula sa Masbate ay isa palang cow from hell. Lagi kaming nagbubuno kapag ililipat ko siya ng puwesto. Maraming beses niya akong nasuwag. Marami naman akong naubos na palapa ng saging sa kapapalo sa kanya. Nagkaroon ako ng galit sa kanya kaya pagkakagaling ko sa school at pupuntahan ko siya kung saan nakasoga, magbubuno agad kaming dalawa. Titiyakin ko na ang pagkakatali sa kanya ay hindi magbibigay sa kanya ng espasyo para masuwag ako. Sabi nga ng tatay ko, ako raw ang gumawa ng paraan para ito maging maamo.
At nang masanay na siya sa akin, naging mabait naman kalaunan. Nahahaplos ko na siya nang di nagiging bayolente, nasusubuan ng damo nang di na ako sinusuwag. Naging kaligayahan na ang pag-aalaga at pagpapataba sa kanya.
Mahirap mag-alaga ng hayop sa loob ng mahabang panahon dahil magkakaroon ka ng emotional attachment dito. Magiging bespren mo kahit pa kambing, baboy o manok. Kaya nang dumating ang time na ibebenta na ang bakang alaga ko na mula sa pagiging mailap ay naging maamo, nalungkot ako. Nakatingin siya sa akin nang isasakay na sa trak para dalhin siya sa pamilihan, parang nagpapasaklolo. Gusto kong mapaiyak sa isipin na baka gawin siyang de-lata. Iyon ang dahilan kung bakit di ako kumakain ng anumang luto mula sa karneng baka. Hanggang ngayon ay di ko pa rin siya nakakalimutan dahil sa aking pilat sa kanang noo.
“Manonood na ba tayo ng sine?”
Nagbalik ako sa kasalukuyan nang magsalita si Masbate girl. At may plano pa pala silang manood ng sine ng kanyang ka-eyeball! Eksakto namang nag-text ang ka-meet ko. Change venue raw kami, puntahan ko siya sa isang mall.
Time na rin sa akin para magpa-excuse sa kaharap ko. “Naku, pinauuwi na ako ng amo ko,” dahilan ko sa kanya pagka-reply ko sa kliyente. “Next time na lang tayo magsine.”
“Okey…” sabi niyang malungkot.
Na-guilty naman ako sa reaction niya. Nagbalik ako sa counter at nagpa-takeout ng dalawang combo at ibinigay ko sa kanya. Dalawa para sakaling dumating ang tunay niyang ka-meet, meron na silang makukukot. Binigyan ko rin siya ng P100. “Pantaksi,” sabi ko. At iniwan ko na siya.
“Text, text, ha?” pahabol niya.
“Sure,” sagot ko.
Hindi ko alam kung ano na ang nangyari pagkaalis ko. Dumating kaya ‘yung family driver? Natuklasan kaya niyang nagpanggap lang ang mamang naka-Spider-man T-shirt?
At ano kaya kung sumama ako sa kanyang manood ng sine?
Ah, siguro itatanong ko na lang kina Alex Areta, Meyo de Jesus, Benjie Valerio at Omeng Estanislao kung hanggang saan ba sila nakararating kapag day-off ang ka-date.

Thursday, November 17, 2011

Komikon November 19

Photobucket

See you there!
For more details, bisitahin lang ang:
www.komikon.org
http://gerry.alanguilan.com/
Larawan/poster mula sa website ni Gerry Alanguilan.

Tuesday, November 15, 2011

application letter

Photobucket

NAALALA ko, noong nasa kolehiyo pa ako, second sem ng second year sa English subject nang magsimulang turuan kaming gumawa ng application letter. Nakakatuwa dahil para bagang inihahanda ka na pag talagang maghahanap ka na ng trabaho after graduation. Iyon din ang panahon na naging curious ako sa pagbabasa ng mga classified ads sa diyaryo para maghanap ng job vacancies.
Bahagi ng aming subject, at bilang final exam na rin, ay ang paggawa ng application letter na ipadadala namin sa kumpanya na aming napili. Biro pa ng aming instructor, kung sino ang makatanggap ng reply ay mataas ang grades.
Ang problema ko noon ay pagdating sa work experience dahil wala pa naman akong masyadong karanasan sa pagtatrabaho. Kaya matiyaga akong naghanap sa diyaryo ng trabahong babagay ang kuwalipikasyon ko na isang graduating student ng technical course.
Ang natatandaan ko, ang kumpanyang inaplayan ko ay Noah’s Ark Sugar Refinery na nasa Mandaluyong City. Nangangailangan sila ng office personnel. Tutal ‘kako ay para lang naman sa requirement sa subject, baka puwede na. Matapos ma-approve ng aming instructor ang aking letter of application, ipinamakinilya ko iyon sa isang professional typist na may puwesto sa palengke (wala pa noong computer), diretso ako sa post office at inihulog ang sulat.
After three weeks ay nakatanggap ako ng reply! Medyo mabilis na iyon considering na noong ‘80s ay napakabagal ng sistema sa post office (hanggang ngayon naman). Excited akong buksan ang sagot, hindi dahil baka natanggap ako, kundi ang thought na ang application letter ko pa lang ang may dumating na sagot sa aming magkakaklase at nakatitiyak na ako ng mataas na grades.
Hindi ako nagkamali. Hindi ako tinanggap sa trabaho at sinabing puno na ang vacancy pero ilalagay nila sa kanilang record ang aking application letter “for future reference” sakaling mangailangan uli sila. Okey lang naman sa akin dahil noong time na iyon, bagaman at kailangan kong magtrabaho ay priority kong sa Batangas mag-work at hindi sa ibang lugar.
Ipinakita ko sa aming instructor ang reply at natuwa naman siya sabay lagay ng mataas na grade sa tapat ng pangalan ko. Sa pagkaalam ko, kahit hindi ako natanggap ay ako lang sa aming magkakaklase ang dinatnan ng reply.
Nang maka-graduate ako ay kabi-kabila ang pinadalhan ko ng application letter. Most of the time ay natatawag ako for interview pero hindi ako ma-in. Karaniwang problema ko noon ay ang aking built dahil ako’y payat na payat. Iniisip siguro ng recruitment officer na baka sa halip na mapakinabangan nila ako, sila pa ang magastusan sa pagpapaospital sa akin.
Dinatnan ako ng letter of reply mula sa Arnel Plastic Company na nasa Pasig City. Matapos akong ma-interview ay di na uli ako tinawagan. Sinagot din ako ng PASAR (Philippine Associated Smelting and Refining) Company na ang planta ay nasa Ormoc City pero ang requirement nila, kailangan ay may asawa dahil nga madedestino sa nasabing lugar at kailangan ay kasama ang pamilya. Binata pa ako noon at wala pa sa hinagap na magaganap ang Ormoc tragedy.
Minsan naman bukod sa interview ay may written and actual exams pa. Nakakapasa naman ako pero hindi ako ang napipili. Pinakamalapit kong naabot ay ang pagpirma na sa employment contract matapos akong makapasa sa interview, written and actual exams sa Holland Milk Products sa Laguna na ngayon ay pag-aari na ng Alaska. Na-orient na ako ng kanilang HR, pero nang malamang ako’y isang Katoliko, sa hindi ko maipaliwanag na dahilan ay na-hold ang aking employment at di na ako uli tinawag. Nang nasa Saniwares na ako at naikuwento ko iyon sa isa kong katrabaho na galing sa nasabing company, may preferred ngang religion noon ang nasabing company dahil hindi nagtatatag ng union.
Nang matanggal ako sa Atlas ay napakarami ko ring inaplayang company, ang iba ay hindi related sa publishing. Nang ni-renovate ang Agora Complex sa San Juan City noong 2002 at jobless ako ay nag-apply akong market inspector. Nagustuhan ng project engineer ang aking “credentials”, mahilig kasi siyang magsulat, nagulat siya na ang isang dating writer/editor ay nag-aaplay na market inspector at tinanggap niya ako on the spot! Anyway, nag-present din naman ako sa kanya ng mga innovations kung paano mapapaganda ang sistema sa makabagong palengke na na-research ko sa internet bago ako sumalang sa interview at na-impress naman siya.
Kaso ay hindi agad natuloy ang operation ng nasabing palengke dahil sa problemang legal. At na-hire ako ng isang bagong publishing company.
Kahit naman ngayon ay nagpapadala ako ng application letter kapag may nakikita akong vacancy, at nakatatanggap pa rin ako ng tawag for interview. Minsang naging “banal” ang aking puso ay naisipan kong mag-apply sa mga kumpanyang naglilingkod sa Panginoon. Isa rito ang Compassion Philippines na may opisina malapit sa dating compound ng Atlas sa Roces Avenue, pero iingatan na lang daw muna ang aking application letter. Nakarating ako hanggang written exam sa Communication Foundation for Asia sa may Sta. Mesa, Manila (publisher ng Gospel Komiks) pero hindi na ako na-interview.
This year ay nagpadala ako sa GMA-7, TV5 at Pilipino Star, pero wala akong natanggap na reply.
May thrill para sa akin ang pagsulat ng application letter. Weird, pero ang pagtingin sa mga job vacancies sa classified ads at pagsagot dito ang isa sa mga libangan ko on weekends.
For the record, marami-rami na rin naman akong napasukang kumpanya, pero ni isa sa mga ito ay hindi ako nagpadala ng application letter o nag-apply kundi kusa nila akong tinawag. Siguro ay iyon ang pambalanse kung up to now ay hindi pa ako nakasusulat ng “winning application letter”.

Saturday, October 29, 2011

rare occasion...

...Na makasalo sa kainan ang isang Kris Aquino!
Photobucket

Friday, October 21, 2011

kuwentong poso

NANG may itayong poso o gripo (artesian well) halos katapat lang ng aming bahay ay isa ako sa mahigpit na tumutol. Noon ay desk editor pa ako sa Kabayan (Manila Times) at madalas naming balita ang walang humpay na pagbaha sa Camanava area kahit hindi tag-ulan. Isa sa itinuturong dahilan ng malawakang pagbaha sa lugar kahit di umuulan ay ang pagbaba ng level ng kanilang lupa sanhi ng pagkaubos ng tubig sa ilalim dahil sa sobrang dami ng poso. Maging ang mga pabrika rito noon ay gumamit ng poso para sa kanilang water utilities.
Anyway, mas nanaig ang bilang ng mga gustong magkaroon ng poso kaya wala akong nagawa. Naghukay, naitayo at sa madaling sabi ay nagagamit naman kahit hindi maganda ang quality ng tubig—madilaw, medyo may buhangin at lasang kalawang.
Nilagyan ko ng medyas ang pinaka-faucet ng gripo para masala ang tubig. Alam n’yo bang may nagnakaw pa? Aanhin naman kaya iyon ng nagnakaw kung walang kapares? Inilagay ko uli ang kapares, at hindi na ako nagtaka na kinabukasan ay nawala uli. Hindi na ako naglagay dahil ayoko namang maubusan ng medyas.
Noong una ay tatlo lang kaming umiigib doon dahil sa kalidad ng tubig. Ginagamit ko sa pagdidilig at paglilinis ng palitada. Nang dumating ang bagyong Milenyo at matagal nawalan ng supply ng tubig ay dumami na ang umiigib. Marami na ang nakaalam, maging tagaibang barangay, na may poso pala roon.
Mula noon, parang tayaan sa lotto ang pila sa poso. Dapat ay sa aming barangay lang iyon (na kokonti ang tao, wala pang 30) pero ngayon ay dinarayo na ng mga tagaibang barangay. Doon na rin nagsimula ang problema.
Ilan-ilang drum kung umigib ang mga dumadayo na wala palang service ng Maynilad. Nakakariton o kaya’y pedicab. Naghambalang sa kalye. ‘Yung iba na tinatamad maghakot ng tubig ay doon na naglalaba. Meron pang doon na rin naliligo. Nagmistulang evacuation area ang tapat ng poso.
Disente sa aming kalye dahil nga iilan ang tao. Mula nang dumami ang humahakot ng tubig mula sa poso, iba’t ibang hitsura na ang makikitang yao’t dito. May soltera akong kapitbahay na labis nang naeeskandalo sa mga lalaking naliligo roon (ang iba raw ay may pagka-exhibitionist). Naglagay siya ng karatula na bawal maglaba at maligo, walang pumansin. Sa isang bansang ang mga tao ay umiihi sa pader, hindi marunong pumila sa mga pilahan at hindi marunong sumunod sa batas-trapiko, sino ang susunod sa karatulang nagbabawal maglaba at maligo?
Nakita ko mismo na may mga naliligong lalaki sa poso at siyempre pa ay na-high blood ako. Maraming babae sa bahay. Ang ilan ay mga dalagita. Hindi talaga maganda na makakita ng ganoon. Saka ang paliligo ay pribadong activity, at dapat ay walang nakakakita kung paano ka maghilod.
Nang matapos maligo ang lalaki, nang paalis na ay kinausap ko—nang mahinahon. Sinabi kong kung puwede, next time ay umigib na lang siya at sa kanila maligo. Parang wala siyang narinig. Siyempre pa ay nabastos ako at umatake ang pagiging pikon. Sabi ko sa kanya, sa susunod na maligo uli siya roon ay sasaksakin ko siya.
Naligo pa rin ang walanghiya. Hindi ko siya sinaksak matapos ang kaunting pagdidili-dili. Ayoko rin namang makulong nang dahil lang sa pagsaksak sa isang taong maraming libag.
Ginawa ko ang dapat gawin ng isang disenteng tao. Sumulat ako sa barangay para ireklamo ang sitwasyon at para panindigan ang nauna kong oposisyon sa pagtatayo ng poso. Nang dalhin ko ang sulat, nakita ko ang mamang matigas ang ulo sa loob ng barangay. Barangay tanod pala ang makapal ang mukha. Pagkabasa ng chairman ng aking sulat ay itinuro ko ang lalaki, isa ‘kako ito sa madalas maligo. Namura ni Chairman ang kumag at muntik sinampal.
Gayunpaman, sabi sa akin ni Chairman ay medyo maselan ang isyu kung pagbabawalang umigib ang tagaibang barangay lalo pa at proyekto iyon ng city hall. Ang tanging magagawa na nga lamang daw niya ay ipagbawal ang paliligo. ‘Yung paglalaba raw ay hayaan na lang tutal ay mahirap talaga para sa isang babae na umigib at maglaba at the same time. Okey na rin ‘kako sa akin iyon, basta bawal ang maligo. Biniro niya ako na, “Paano kung seksi ang maliligo?” Sagot ko, “Aba, makikiligo ako!”
At nagkatawanan kami.
Isa sa ginawang solusyon ni Chairman ay paradahan ng water tank ang tapat ng poso, at kahit paano’y nakabawas iyon sa aking pagkaasar dahil hindi ko na nakikita ang aktibidad doon. Nang lumakas naman ang daloy ng tubig sa aming linya ay hindi na rin ako umigib sa poso.
Noong isang linggo na naghahanap ako ng kapirasong tabla na itatapal ko sa aming bakod nang mapagawi ako sa may poso. Nagulat ako na puro tambak na lang iyon ngayon ng mga kahoy at kung anu-ano. Sabi ng kapitbahay ko ay natuyuan na raw ng tubig, at para magamit muli ay kailangang magdagdag ng ilang pirasong tubo. Pero hindi na rin daw pabor si Chairman na i-request pa sa city hall. Iyon na rin siguro ang naisip niyang paraan para mawala na ang mga reklamo sa pagkakaroon nito. And to think, hindi naman mismong mga nasasakupan niya ang nakikinabang doon at sa halip ay napeperhuwisyo pa.
Habang tinitingnan ko ang mga larawang ito, bagaman at hindi pa talagang malamig ang simoy ng hangin, sumaya na ang aking damdamin.

Photobucket
Photobucket

Thursday, October 20, 2011

ang footlong ni migz

Photobucket

HINDI Migz ang tunay niyang pangalan. Hindi rin siya lalaki kundi isang babae. Ito lang ang naging tawag ko sa kanya dahil ito ang pangalan ng burger store na pag-aari niya. Hindi ko na nalaman ang tunay na pangalan ni Migz kahit ako’y isa sa mga suki niya.
Iba ang orihinal na Migz na may-ari ng burger store at nabili lang niya mula rito. Hindi na niya pinalitan ang pangalan dahil dito na nakilala ng mga bumibili. Malapit lang sa bahay namin ang puwesto niya kaya kung mahirap mag-isip kung ano ang meryenda, o kung may bisitang dumarating at walang maihahanda kaagad, Migz to the rescue.
Thirty-something na siguro si Migz at single pa. Binibiro ko nga siya na suwerte ang mapapangasawa niya dahil kaya niyang buhayin. Morena siya, hindi katangkaran. Medyo chubby nang konti pero wala pa namang puson. Charming at may nakahandang ngiti kaya kung baguhan kang kostumer ay hindi ka maiilang sa kanya.
Masarap ang kanyang hamburger. Siya raw mismo ang gumagawa ng patty na natutunan niya sa isang cooking school. Bukod sa patty ay may coleslaw na siya rin ang nagtitimpla, pritong itlog, cheese, pipino at iba’t ibang condiments na ikaw na ang pipili. Medyo may kalakihan din ang bun na kanyang ginagamit. Sa halagang P20, busog ka na. Kung footlong ang iyong bibilhin, maghapon kang may pagkain.
Nakakatuwa ang footlong niya (ideya lang ‘yung nasa picture) dahil hindi hotdog ang palaman kundi patty rin. Hinuhulma niyang parang longganisang mahaba. Masarap din ang pagkaka-toast ng bun kaya naman napaka-crunchy na kainin.
Kita ko ang dami ng kostumer kaya minsang bumili ako ay nag-alok ako sa kanya ng business partnership. Magdadagdag ‘kako ako ng puhunan, kumuha kami ng isa o dalawa pang crew para mas mabilis ang serbisyo. Pag-iisipan daw niya. After a week ay bumalik ako para tanungin kung call siya sa proposal ko. She turned down my offer.
Naisip kong nagpakapraktikal siya. Bakit nga naman kukuha ng kapartner na bagaman at mas lalaki ang kita niya ay may kahati naman doon maging sa decision making? Isa pa ay estranghero pa rin naman ako sa kanya kahit pa sabihing matagal na niya akong suki. Hindi advisable na kumuha ng business partner na hindi mo alam ang likaw ng bituka. Anyway, I remain one of her loyal patrons.
Nang medyo mapahilig ako sa healthy lifestyle at nagbago ang mga kinakain ko ay bihira na akong bumili kay Migz. Siguro ay once a month na lang. Minsang umorder ako sa kanya ay matamlay siya at parang wala sa mood. Dahil ako’y tsismoso, tinanong ko kung buntis siya.
Natawa naman siya. Hindi raw. Plano na raw niyang isara ang Migz.
Nagulat ako. Nalulugi ba ‘kako? Malakas pa naman sabi niya kung customer ang pagbabatayan. Sa ibang bagay raw siya nalulugi.
At nagkuwento siya nang shocking.
Marami na raw kasi siyang naging kaibigan sa puwestong iyon. Halos ang mga nakatira sa tabi-tabi ay BFF na niya. At doon nagsimula ang problema. Napakarami raw nang “nakikiluto” sa kanya!
“Alam mo ba, Kuya, na ang LPG ko ay hindi umaabot ng isang buwan?” kuwento pa niya sa akin. “Mula almusal dito na nakikiluto ng longganisa, itlog at kung anu-ano pa. Nakakahiya naman kung tatanggihan ko.”
Bilang patotoo sa sinasabi niya, isang matandang babae na may dalang ilang pirasong hotdog ang dumating at buong tamis na nagsabing makikisuyo naman siya ng pagpiprito. Napatingin si Migz sa akin na para bang sinasabing, “Kita mo na, Kuya?”
At may mga sumunod pa nga sa matandang babae. Pakiramdam ko ba, ang puwesto ni Migz ay naging lutuan ng bayan.
Sa isip-isip ko, kung naging kapartner niya ako ay hindi puwede iyon. Sa salbahe kong ito, pag may nakiluto ay baka isubo ko sa nakikipaki at ipakain ko nang hilaw.
Biro lang po. Actually, nauunawaan ko si Migz. Pag matanda na kasi ang nakikiusap ay mahirap naman talagang tanggihan. ‘Yun nga lang, sakripisyo ang kanyang gatong at mantika. Hindi naman puwedeng pag may nakiluto ng longganisa ay hindi lilinisin ang kalan at itatapon na ang oil dahil lalasa iyon sa patty.
Iyon ang naging huling order ko ng hamburger kay Migz. Minsang nadaanan ko ang kanyang puwesto ay mga gulay at prutas na ang kanyang tinda. Siguro naman ay mababawasan na ang mga balasubas sa kanyang negosyo. Wala naman sigurong manghihingi ng libreng prutas sa kanya.
Nanghihinayang ako sa unang negosyo ni Migz. Kung may bakante pa nga lang na puwesto sa lugar na iyon ay baka nagtayo ako ng burger stall.
Isa rin itong halimbawa na pag negosyante, dapat yata talaga ay matigas ang puso. Dahil kung astig siya sa pagtanggi umpisa pa lang sa mga nakikiluto, hindi nagsara ang kanyang napakagandang negosyo.
At nakapagtataka rin naman na may mga taong talagang mapagsamantala. Pag nahalatang mabait ka, sasamantalahin ang iyong kabaitan kesehodang ikaw mismo ang magsakripisyo para lamang sila mapagbigyan.
Kay Migz, hindi ko pa masabi kung malakas din ang kanyang kita ngayon. Sana lang, hindi na maulit ang dating dilemma na kinaharap niya. Sana naman kapag bumili ako sa kanya ng mangga ay hindi niya ibabalitang magsasara na siya dahil maraming nanghihingi lang ng kanyang paninda.

Sunday, September 25, 2011

akda group meeting sept. 24

Photobucket From left: Allan, Dino,Norby, Omeng, Ron Photobucket Photobucket Photobucket Photobucket Photobucket

wifey's WIP

Photobucket Derwent pastel pencils.

Tuesday, September 20, 2011

asar-talo

Photobucket
Photobucket
Photobucket

PERHUWISYO ang inabot ko kanina sa may Magsaysay Boulevard, Sta. Mesa, Manila habang papunta ako ng bangko. May problema sa bangko kung saan ako may credit card, at kailangan kong maka-report bago mag-eleven thirty.
May rally ang mga estudyante ng main branch ng Polytechnic University of the Philippines (Sta. Mesa campus). Kahapon, kahit hindi sila miyembro ng anumang transport group ay kasama sila sa protesta sa sobrang taas ng presyo ng krudo. Hindi pa pala nasiyahan ang mga taga-PUP kahapon at umulit ngayon.
Okey lang naman sa akin ang ganitong mga rally dahil pagpapahayag ito ng damdamin sa isang demokratikong bansa. Ang hindi okey ay ang paraan nila. Nakaharang sa kalsada samantalang puwede naman silang magsisigaw sa tabi at hindi magiging sanhi ng mabigat na trapiko.
Ang intensyon nila talaga ay ang magkaroon ng trapik at umakit ng gulo. Mang-provoke ng mga nabubuwisit na karaniwang tao na gaya ko at magkaroon ng komosyon. Manggalit ng mga pulis para pag sinaktan sila, ang pamahalaang Aquino ay brutal, may militarisasyon sa Pilipinas. Lahat ng akusasyon.
Ang sinasakyan kong jeep ay hindi makaabante dahil may isang estudyanteng nakaharang at kunwari’y nagmamando ng trapiko. Sinamahan siya ng isa pa, at gaya niya, kunwari ay kumukumpas na pinalalakad ang mahabang pulutong. Isang lola na kasakay ko ang nagalit at sinigawan ang dalawang estudyante na umalis sa pagkakaharang. Ang pabalang na sagot ng isa: “Makisama po kayo sa aming ipinaglalaban!”
P—ta—‘na! Sa isip-isip ko, ilan sa napakaraming estudyanteng ito ang bukal sa loob ang ginagawa at, uh, nakikipaglaban para sa kanilang mga karapatan? Ano ba ang kanila talagang ipinaglalaban? Mura na ang tuition fee sa PUP. Sa isang semester nila ay mas mahal pa ang ibinayad ko sa Photoshop class na pinasukan ko na di naman ako natuto. Ano ba ang napapala nila sa paglalakad na iyon at pagpapasikip ng trapiko? Bukas ba ay mura na ang krudo? Bukas ba ay wala na silang babayarang tuition?
Good thing na may sense of humor ang lola na kasakay ko. Tumingin siya sa akin at ngumiti. Aniya, “Makisama raw ako sa kanila. May rayuma na nga ako pagraralihin pa ako ng mga batang ito!”
Napangiti rin ako.
Kumuha ako ng ilang litrato at bumaba ng jeep. Sabi ko sa mga kumag na sadyang humaharang sa jeep na baka naman puwedeng tumabi sila para makalampas kami. Sobra-sobra na ‘kako ang haba ng mga sasakyan at nakakabingi na ang mga busina.
“Makabayan” ang paraan ng pagsagot sa akin ng isa. “Pasensya na po, Manong. Gusto lang po naming iparamdam sa gobyernong Aquino ang aming mga karaingan.”
‘Ika nga ay nabasa ko na ang ganitong dayalogo. Narinig ko na. Paulit-ulit na. Nakakasawa na. Wala na sa katotohanan. Sinasabi na lang nang mekanikal. Sumasakay sa bandwagon.
“Nauunawaan ko naman kayo,” sabi ko sa mga bata sa mahinahong tinig. “Pero kailangan kong makarating sa bangko bago mag-alas dose. Magbabayad kasi ako ng aking mga buwis. Pandagdag din iyon sa inyong tuition fees.”
Kitang-kita ko sa mga mukha nila na parang si Victor Ortiz na na-knockout ni Floyd Mayweather, Jr. Umiwas sa akin ng tingin at pasimpleng sumama na sa mga naglalakad. Sumakay uli ako sa jeep at nakalampas na kami.
Noong araw ay init ng ulo ang ginagamit ko sa mga ganitong sitwasyon. Ngayon, gumagamit na lang ako ng mga taktikang ‘ika nga ay asar-talo.

Thursday, September 8, 2011

pag may tiyaga...

Photobucket

NOONG September 3 ay umalis ng bansa ang aking isang pinsan para magtrabaho sa Singapore. Natuwa ako para sa kanya. Mahigit 10 taon na siyang nag-a-apply ng trabaho sa abroad.
May maayos naman siyang trabaho rito. ‘Yun nga lang, iniisip niyang mas madali ang pag-asenso kung sa ibang bansa siya maghahanapbuhay dahil mas malaki ang suweldo. May pamilya na kasi siya at isang anak.
Saksi ako sa mga naging sakripisyo niya sa paghahanap ng trabaho sa abroad. Kahit college graduate siya ay napilitan siyang mag-training sa ibang field. Sa pagkaalam ko ay nag-aral siya ng bartending, caregiver at ang pinakahuli ay process control and instrumentation. Ironic dahil dito sa huling training niya saka pa siya nakakuha ng trabaho—at ito naman ang kursong tinapos ko pero hindi ko nagamit matapos akong maka-graduate.
Nasa Batangas siya noong nag-a-apply. Pag wala akong pasok, basta lumuwas siya ay nagkikita kami. Nagpapatulong din siya kung saan makakakuha ng letterhead para sa kanyang certification. Kung minsan, ako ang tumatawag sa agency para kumustahin ang kanyang application.
Marami siyang anecdotes sa kanyang pag-a-apply, na ayon sa kanya ay napakaganit. Malas daw yata siya. Hindi niya alam kung bakit qualified naman siya ay hindi siya ang matawag para sa trabaho. Minsan pa nga raw, madaling-araw siya lumuwas para mag-report sa agency na kanyang inaplayan, nasa pinto pa lang daw siya ng opisina, ni hindi pa nakakapasok man lang, sasabihin na sa kanya ng sekretarya na hindi siya nakasama sa mga paaalisin. Kaya magugulat na lang daw ang misis niya na bago magtanghalian, nakabalik na siya ng Batangas.
Gayunpaman ay tuloy lang siya sa pag-a-apply. Sabi niya sa akin, hindi naman siya nagbibigay ng lagay kaya walang nawawala sa kanya maliban sa pagod. On the side ay tuloy rin naman siya sa kanyang trabaho. Isa siyang health worker.
Minsan ay nagkakuwentuhan kami. Sabi niya sa akin ay mukhang hindi na talaga siya makaaalis ng bansa. Baka raw hindi nakaguhit sa palad niya. Noong time na iyon, bahagi ng trabaho niya bilang health worker ang magpakain ng mga batang malnourished sa mga malalayong nayon sa Batangas. Siya rin ang nag-i-schedule ng mga pagbabakuna, at kung anu-ano pang medical mission.
Sabi ko sa kanya, baka kaya hindi siya nakakaalis ay dahil kailangan siya ng aming mga kababayan. Baka rin ‘kako iyon ang papel na ibinigay sa kanya ng Panginoon. Napaka-awkward para sa aming dalawa ang mag-usap ng ganoon kaseryoso at “holy” dahil noong mga bata pa kami ay pareho kaming walanghiya.
Ang sagot niya sa akin ay baka nga raw iyon ang itinakda sa kanya. Sinabi niya iyon nang buong katapatan, walang regrets at puno ng kasiyahan sa mukha. Naikuwento pa niya ang kakaibang fulfillment na nararamdaman daw niya kapag may batang nasaksakan niya ng injection at alam niyang ligtas na sa sakit. Biro ko naman sa kanya ay gumaganti lang siya dahil noong mga bata pa kami ay nuknukan siya ng duwag sa turok at kapag may mga dumarating sa aming baryo na mga taga-health office para magbakuna ay palahaw na siya ng iyak.
Ang akala ko noon ay hindi na nga siya aalis. Plano na lang niya sana na mag-attend ng mga seminar para tumaas ang ranking niya sa kanilang opisina.
Kaya nagulat na lang ako nang mag-text siya sa akin at magpaalam na paalis na nga raw siya. Hindi na kami nagkita. Tinawagan ko siya sa telepono at nag-wish sa kanya ng good luck. Sa wakas, sabi ko sa kanya, natuloy rin. Sakay na siya noon ng van na maghahatid sa kanya sa airport.
Sa aming pag-uusap ay sinabi kong siguro ay ito na rin ang tamang panahon para nga siya makaalis. Malaki na ang kanyang anak, matured na at maiwan man niya ay alam na ang takbo ng buhay. Hindi gaya noong nag-a-apply siya ten years ago, hindi niya nakita kung paano lumaki ang anak niya. Hindi niya nasubaybayan ang formative years, ang pagiging adolescent.
Iyon din ang naging assessment niya, at nagpasalamat siya sa naging gabay na rin sa kanya ng Panginoon. Sabi ko naman sa kanya, ganoon talaga, basta gumawa ka nang mabuti sa kapwa, you will be justifiably rewarded.
Hindi ko na pinahaba ang aming pag-uusap dahil alam kong gusto rin niyang magkaroon ng oras sa kanyang misis at sa kanyang anak na katabi niya noon sa sasakyan. Mag-ingat na lang ‘kako siya lagi, at mag-ipon para madali siyang yumaman. Nagpasalamat siya, hindi raw niya ako kalilimutan. Ang ibig sabihin niyon ‘kako, to lighten up the mood dahil alam kong naiiyak siya sa paghihiwaly nilang mag-anak, pagbalik niya ay may rubber shoes ako gaya nang madalas naming biruan. “Nine-and-a half or ten,” biro ko sa kanya. Sagot niya, “Nike.” At nagkatawanan kami sabay paalaman na.
Natutuwa ako para sa aking pinsan. Hanga rin ako sa naging tiyaga niya sa pag-a-apply. Isang patunay lang ito na kahit gaano kahirap gawin ang isang bagay, kahit pa anong malas ang sa tingin mo ay dumarating sa ‘yo, basta naniniwala ka sa sarili mo, kaya mo.
‘Ika nga, kung may tiyaga, may nilaga.
**
PAHABOL: Nalaman ko mula sa blogsphere na kaarawan pala ng isa sa mga naging matibay na haligi ng Philippine Komiks industry, ang idol nating lahat na si Mang Nestor Malgapo. Maligayang kaarawan po, Ka Nes!

Thursday, August 25, 2011

'i know a place...'

Photobucket

NAGISING ako isang alas tres y media ng hapon na para akong nagbalik sa aking pagkabata. Pagdungaw ko kasi sa bintana ay nakita ko ang malaking puno ng narra sa tapat ng aming bahay. Maliwanag ang sikat ng araw, pero malamig ang samyo ng hangin.
Ganito ang atmospera noong bata pa ako, dekada ’70, sa aming baryo sa Batangas. Noon ay required kami na matulog muna pagkakain ng tanghalian (kapag walang pasok) at gigising ng alas tres ng hapon. Pito kaming magpipinsan—second cousins. Sa tradisyon ng aming pamilya, mas close ang mga second cousins at parang magkakapatid ang turingan.
Tuwing hapon ay naglalaro kami sa malawak na farm ng aking lolo (pinsan siya ng aking lola). Naghahabulan kaming magpipinsan sa malawak na taniman ng dalandan kaya malamig ang paligid—wala pang dengue noon. Apat lang kaming lalaki, mas marami ang mga babae na di hamak na mas malaki ang agwat ng edad kaysa sa amin.
Protective ang malalaki na at halos dalagita na naming pinsan sa akin—dahil wala na nga akong kapisan na kapatid na mas matanda sa akin. Lumalabas na parang sila na ang mga ate ko—bagaman at sila ang tumatawag ng kuya sa akin dahil ang aking ama naman ang pinakamatanda sa magpipinsan.
Napakaganda ng farm ng aking lolo. Para sa akin ay paraiso ang lugar na iyon. Napakaberde. Bukod sa dalandan ay marami pang ibang punong kahoy na namumunga. Halos kumpleto. Maraming manok at kambing na naglalakad-lakad sa paligid sa paghahanap ng pagkain.
Pag tapos na kaming maglaro ay binubunutan namin siya ng puting buhok. Pagkatapos ay magkakaroon ng munting programa na pamumunuan ng isa kong pinsang babae. Lahat kami ay kailangang may presentation. Ang mga pinsan kong lalaking mas bibo kaysa sa akin ay sumasayaw nang maharot. Ako naman, if it was an indication of what I would become later in my life, ay tumutula. Marami akong na-memorize na tula mula sa Diwang Ginto para sa ganitong pagkakataon. May mga papremyo rin ang lolo ko noon kung sino ang maganda ang “palabas”, at minsang tinula ko ang “Ang Pagbabalik” ni Jose Corazon De Jesus at masyado siyang natuwa sa aking pagbigkas, binigyan niya ako ng isang bisirong kambing.
Kung mediocre naman ang palabas mo, hindi ka rin uuwing luhaan. Pinaka-consolation prize ang hinog na pomelo—at marami akong naipon nito dahil mahina talaga ako pagdating sa performing arts. Pag umuuwi ako ng bahay at iyon ang dala ko ay binibiro ako ng aking ama’t ina na “putot” (least) na naman daw ako sa program.
Pinakagusto ko naman lagi ang number ng mga pinsan kong babae na ang huhusay kumanta. May isang awitin sila na pag naririnig ko ay parang dinadala ako sa ibang dimension. Kanta yata nila iyon sa girl scouting.
Grade three pa lang ako nang mamatay ang aming lolo, at labis kaming nalungkot na magpipinsan. Sa pagkatanda ko, noong araw ng kanyang libing, bago siya inilabas ng bahay para ihatid sa huling hantungan ay may “last program” pa kaming magpipinsan para raw siya pasayahin. Kahit nahihiya ako at maraming tao, napilitan akong tulain ang “Ang Pagbabalik” dahil sa aking palagay ay iyon ang performance ko na nagmarka sa kanya kaya nabigyan niya ako ng bisirong kambing. Ironically, magbabalik na nga siya sa sinapupunan ng Dakilang Lumikha.
Pinakahuling bilang ang kanta ng mga pinsan kong babae na pawang mga nakaitim na bestida. Ang lakas ng hagulhulan ng mga tao na naroroon habang inaawit nila ang piyesa. May ilang kamag-anak pa kaming hinimatay sa sobrang sakbibi ng lungkot. Lalo na nang buhatin na ang kanyang ataul palabas ng bahay.
Ang malakas na iyakan sa bahay ng aking lolo ay tila nanatili sa mahabang panahon. Sa pagkawala niya ay natigil na rin ang programa. May mga pinsan akong ang mga magulang ay lumipat na rin ng tirahan at nagkahiwa-hiwalay na kami hanggang sa magsitanda. Ngayon, nagkikita-kita na lang kami kapag may namamatay sa aming angkan. Minsan ay nagkakabiruan kami at naaalala ang huling araw ng aming lolo kung saan nag-final performance pa kami. Naghahatid iyon ng saya at kalungkutan sa paminsan-minsang pagsasama-samang muli. At kung marami mang binago ang panahon, hindi ang aming closeness. Taglay pa rin ng mga pinsan kong babae ang fondness sa akin, ang turing nilang little brother.
At iyon nga, sa tila pagninilay-nilay ko sa harap ng aming bintana at pagkakatanaw sa puno ng narra kaalinsabay ang masarap na dapyo ng preskong hangin, parang narinig kong muli ang kanta ng mga pinsan kong babae habang naglalaro kami sa farm—masasaya at walang problema. Malayo sa kasalukuyang panahon ng masalimuot na mundo.

‘I Know A Place’
I know a place where no one ever goes
There’s peace and quiet, beauty and repose
It’s hidden in a valley beside a mountain stream
And lying there beside the stream
I find that I can dream.

Only of thing of beauty to the eyes
Snow-capped mountains rising to the sky
Now I know that God made this world for me

One can imagine themselves as in a dream
Climbing up a mountain or down a small ravine
The beauty of this peace and quiet always shall stay
To make this place a haven each and every day

Oh, how I wish I never had to leave
All my life such beauty to receive
Now I know that God had made this world for me.

(NOTE: Photo not related to the story.)

Monday, August 22, 2011

from booksale again

Photobucket

VIOLENT REACTION: Puro libro di naman matuto!

Wednesday, August 17, 2011

may mali ba sa picture? (UPDATED)

Photobucket

THANKS sa mga nag-comment at sumilip. Wala naman talagang mali sa picture maliban sa patagilid ko ito kinunan sa camera.
Sa isang building ito na may 'ghosts' daw. Para sa mga hindi nakaaalam, sideline ko ang pagiging 'ghostbuster' kaya nang imbitahan ako para tingnan kung may multo nga, pinuntahan ko. Nagkuha ako ng ilang shots gaya ng mga sumusunod:

Photobucket

Photobucket

Photobucket

May multo nga ba? Wala naman. Ang dark image sa dulo ay ang janitress na kasalukuyang naglilinis. Wala ring 'orbs'.
"Orbs are believed (by many) to be ghosts in the form of balls of light. They are life forms that travel in groups and are believed to be the human soul or life force of those that once inhabited a physical body here on earth.
"Psychics claim to talk to them on a regular basis, and ghost hunters encounter them quite frequently. It is said that they are those spirits that have willingly stayed behind because they feel bound to their previous life or previous location for whatever reason. Because of this obsession they tend to become similar to a psychotic human beings. It should be said that the majority of us when we die proceed gladly and willingly to the next level of existence after saying our quiet good-byes, which means we're off to the spirit world.
"Then again, as stated, a select few elect to stay behind because of a refusal to move on. Apparently the longer they stay behind, the harder it is to find their way to the next level, which again, is the spirit world."--(Ghoststudy.com)
Well, na-amaze lang ako na pag patagilid ang lente, mas maganda ang kuha at ang hitsura ng building--at hindi eerie ang paligid.

Friday, August 12, 2011

pagbisita kay omeng

Photobucket

Photobucket

MAHIGIT kalahating taon ko na palang hindi nakikita si Omeng (Rommel Estanislao). Last time na nag-meet kami ay noong magkaroon ng komiks event sa Rockwell Makati early this year. Bagaman at nagkaka-text kami at nagkakausap sa telepono, iba pa rin siyempre ang pisikal na komunikasyon.
Nami-miss ko na ang grupo nila sa Creatives ng ABS-CBN Publishing; Pol, Popoy, Gary. Halos lahat kasi sila ay umalis na roon. Wala na akong nakakasama pag kumakain sa Loop, wala na ring nakakahuntahan ng mga kabastusan, komiks, photography, arts, massage, etc.
Anyway, last Wednesday, August 10 ay dinalaw ko siya sa kanilang haybol sa San Roque, Marikina City. Konting trivia, almost two years akong tumira sa lugar na ito. Ito rin ang una kong pagbabalik sa nasabing place after more than a decade. Tagarito ang bayaw ko na nagturo sa akin na gumawa ng bag, at nagtrabaho ako sa Saniwares Mfg. Co. na ang planta naman ay nasa Santolan, Pasig City. Uh, patay na ‘yung bayaw ko, at sarado na rin ang Saniwares.
May isang magasin kasi na gustong i-feature ang mga mini sculptures ni Omeng at kung paano niya ginagawa. Kinontak ako ng staff ng nasabing magasin at nakiusap na ako ang maging tulay nila para ma-interview ang uber popular cartoonist/artist na ito. Nagpaunlak naman si Omeng, at kahit busy ay nagbigay ng kanyang 110% para sa interview.
May masarap pang meryenda na mismong siya at ang daddy niya ang nagluto matapos ang interview. Nagbigay rin siya ng mga sikat na komiks niya sa mga dalagang nag-interview sa kanya.
Mukhang OK na OK naman si Omeng at ine-enjoy ang kanyang artistic freedom. Minsan ay dadalawin ko siya uli, hindi dahil nami-miss ko na naman siya. Masarap balikan ang masarap niyang pameryenda!

suwerte sa raffle

Photobucket

ANG biyenan kong lalaki ang isa sa pinakamasuwerteng tao na nakilala ko pagdating sa mga pa-raffle. Noong dumadalaw-dalaw pa lang ako kay misis, naririnig ko nang nanalo siya ng ganito o kaya’y ganoon. Minsan naman, sa huweteng siya tumatama. Tumataya rin siya sa lotto kaya di na ako magtataka na posibleng matsambahan din niya iyon.
Two years ago, nanalo siya sa Colt 45 promo ng isang Honda XRM. Big time, di ba? Hindi nga siya makapaniwala. Noong time na iyon almost P60,000 ang Honda XRM, kaya naman nang idating dito sa amin ay marami ang tumatawad ng P30,000. Sabi ko sa kanya, keep it para remembrance, at marunong namang magmotor ang bayaw ko.
Last week nanalo naman siya sa Marlboro promo ng iPod Shuffle (see picture). Ibinigay na lang niya sa akin kasi hindi naman daw siya mahilig sa gadgets.
Uh, ito ang suwerte!

Thursday, August 11, 2011

lugi sa bargain

Photobucket

NAKA-SALE sa National Bookstore sa Mall of Asia (and I guess sa iba pa nilang branches) ang set na ito ng drawing pen: Graphic Art Liner. Tatlong piraso na iba’t ibang point ang laman ng bawat pouch. Sa presyong P222 na naging P111, steal na, di ba?
Nagkamali ako na hindi ko tiniyak nang todo ang bawat pen. Sa tatlong piraso na nakuha ko—0.2, 0.4 at 0.5, palpak ‘yung 0.2. Tuyo na pala ang ink.
Ang isa ko pang mali, naitapon ko na ang resibo kaya hindi ko na puwedeng palitan.
Just in case na maging interesado rin kayo, tsek n’yo lang nang maige para hindi kayo malugi sa bargain.

Wednesday, August 3, 2011

for evil to triumph...

Photobucket

KAMAKAILAN ay napabalita ang taxi driver na nagsoli ng mga mamahaling sapatos ni Ruffa Gutierrez. Nakakatuwa ang mga ganitong honest na taxi driver.
Malayo ito sa ugali ng taxi driver na nasakyan ko noong July 31 kung kailan napakalakas pa naman ng ulan.
May binili ako sa Mall of Asia noon at eksaktong pag-uwi ko ay bumuhos ang ulan. Wala akong dalang payong kaya basta na lang ako pumara ng taxi. Nagbukas ng bintana ang driver at tinanong ako kung saan. Dahil nga nabigla ako sa ulan, hindi ko agad naramdaman na balasubas ang driver. Basta kasi ang isang taxi driver ay nagtanong kung saan ang destinasyon, nasa 99% na may demonyo sa utak ang masasakyan mo. Dahil bawal na bawal na magtatanong kung saan ang byahe mo. Dito lang sa Maynila nangyayari iyon. Sa ibang panig ng bansa na may taxi, walang tanung-tanong ang mga driver, pagkasakay mo na lang.
Anyway, nasa loob na ako ng taxi at umaandar na nang magdeklara siya na hindi daraan sa regular na rutang dinaraanan ko pauwi. Nang itanong ko kung bakit, ang simpleng sagot niya ay hindi raw siya dumaraan doon. Matrapik daw. As if may bahagi ng Metro Manila na walang trapik lalo na kung umuulan.
Malakas ang ulan at kahit gusto kong bumaba na lang ay hindi ko magawa. Sa madaling sabi ay napasuot kami sa lugar na hindi ko alam, at napakatrapik. Sabi ko sa kanya, ayaw niyang dumaan sa ruta ko dahil matrapik pero mas matindi naman ang trapik na nasugagaan namin.
Wala siyang reaksyon.
Napansin ko pa na hindi niya hinahataw ang pagmamaneho kapag nasa maluwag na daan kami. Na-realize ko na siguro ay naka-boundary na ang tarantado at pinagkakakitaan na lang niya ako.
Mahina ako sa lugar, isa ito sa mga problema ko. Kahit napuntahan ko na ang isang lugar ay di ko iyon matatandaan. Madalas akong maligaw. Sa pagbabasa ko ng mga kalye, nalaman kong nasa Makati kami. Ano’ng ginagawa namin sa Makati ay galing akong MOA? Kaya pala nang nasa Taft Avenue kami, sa halip na kumaliwa siya at tugpain ang Quirino Avenue ay nagtuluy-tuloy pa kami. Sabi niya sa akin sa South Superhighway raw kami daraan. E, di ganoon din, sa Qurino rin kami tutumbok bakit lumayo pa?
Hindi ako handang makipag-away kapag umuulan. Ulan ang aking kryptonite. Nang makita ko ang metro ng taxi ay nasa P130 na. Dapat ay nasa bahay na ako sa amount na iyon. At ngayong naka-stuck kami sa trapik sa Makati, sa aritmetik ko ay aabutin kami ng mahigit P200. Gusto kong atakihin sa puso.
Ang mamang drayber ay mga 30-plus siguro ang edad. Malaki ang katawan, maitim. Kung ako’y magiging judgmental, sa hitsura ng mukha niya ay mukhang di talaga gagawa ng mabuti.
Gusto kong sisihin ang sarili ko for lapse of judgment. Dapat talaga nang magtanong siya kanina kung saan ako ay di na ako sumakay. Pero wala na akong magagawa, hostage na ako ng sitwasyon.
Pero sorry na lang ang mamang drayber na ito kung na-underestimate niya ako. Mukha akong lambutin at duwag, pero hindi niya alam na mula bata pa lang ako ay hasang-hasa na ang aking criminal mind. Nag-isip na lang ako kung paano makagaganti sa kanya.
Sa wakas ay nakarating kami sa amin. Umabot sa P227 ang aking babayaran. Halos doble ng aking regular na nagiging metro. Nang dumukot ako ng wallet ay nagsalita ang driver: “Boss, tip naman d’yan. Mahirap magmaneho pag umuulan.”
O, hindi ba’t ang kapal ng mukha?
Sinimulan ko na ang pagganti. Sabi ko sa kanya, actually naglalaro lang sa P130-140 ang binabayaran ko. Hindi siya kumibo. Pagsilip ko sa wallet ko, sandali lang ‘kako at kulang ang pamasahe ko. Kukuha lang ako sa bahay. Lumabas ako sa taxi.
May kasabihan sa amin sa Batangas na kapag nasa sariling bakuran ka na, puwede ka ng magmatapang. Ngayon, pagkakataon ko na.
Paglabas ko ay nagdeklara ako. Sabi ko sa kanya, patayin na niya ang metro dahil hindi ko na babayaran pag may pumatak pa dahil wala na ako sa loob. Hindi rin naman ‘kako ako “waiting” dahil hindi na ako sasakay uli. Napasimangot siya.
Pagkapasok ko sa aming bakuran ay isinara ko ang gate. Ini-lock. Pagkatapos ay nagbilang ako ng mga beinte-singko sentimos na iniipon ko sa isang garapon. Inabot ako ng mahigit kalahating oras sa pagbibilang. Naririnig kong bumubusina ang taxi, pero keber, ‘ika nga? Umabot na sa mahigit P100 ang naipon kong 25 cents. Dala ang garapon, lumabas uli ako ng gate. May dala rin akong baseball bat. Uulitin ko, kapag nasa sariling bakuran ka na, puwede ka ng magmatapang.
Paglabas ko ng gate ay nakapayong ang taxi driver at galit na sa sobrang inip sa akin. Sigaw niya, “Ang tagal n’yo naman!” Malakas na rin ang naging sagot ko sa kanya, “Kanina nang nasa trapik tayo di ka nainip!” Napatingin siya sa dala kong baseball bat.
Iniabot ko sa kanya ang P100 bill at ang garapon. Sabi ko sa kanya, ‘yung nasa garapon ang maghuhusto sa kulang. Kumpleto ‘kako ‘yun pero kung gusto niya, pwede rin niyang bilangin uli.
Kitang-kita ko ang pagka-shock sa mukha niya habang hawak-hawak ang garapon. Napatingin uli siya sa dala kong baseball bat. Pagtingin niya uli sa akin, ipinaramdam ko sa balik-tingin ko sa kanya na I mean business. Kung papalag siya, either ang lulod niya ang madurog o alinman sa mga salamin ng taxi niya. Naglalapitan na rin ang mga tambay sa amin na nakapansin sa sitwasyon. Napailing ang dorobong drayber at sumakay na lang uli sa taxi niya bago paharurot na umalis.
Akala niya, ha?
Tumawag din ako sa opisina nila dahil kinuha ko ang plate number at phone number ng kanilang kumpanya. Nagpakilala akong isang pasahero na kinotongan ng kanilang drayber. Magrereklamo ‘kako ako sa LTFRB.
Nangako ang nakausap ko na tatanggalin nila ang driver na nagsakay sa akin huwag na lang daw akong magreklamo. Fair enough, sabi ko sa nakausap ko, pero itse-check ko pa rin kung talagang tinanggal nila. Tatawag uli ako, sabi ko pa.
Ngayon, ano kaya ang pakiramdam ng balasubas na drayber na iyon? Gaya ko ay nag-iisip din kaya siya na nagkaroon siya ng lapse in judgment at sana ay hindi na lang niya pinasakay ang mamang mukhang lambutin at madaling takutin?
“All that is necessary for evil to triumph is for good men to do nothing,” ayon kay Edmund Burke. Lagi kong sinasabi na hindi siguro ako nabibilang sa kategorya ng “good men”, pero paminsan-minsan ay may mga mali sa lipunan na gusto kong maging part ako na maituwid iyon.
At muli, nakakatuwa kung lahat sanang taxi driver ay gaya nang nagsoli ng mga sapatos ni Ruffa.

Wednesday, July 27, 2011

makinilya

Photobucket

NOONG nasa kolehiyo pa ako, circa 80s, ay na-curious ako kung ano ang nasa itaas ng mahabang hagdanang kahoy na nadaraanan ko sa kalye ng P. Genato sa Batangas City paakyat sa isang lumang gusali. Minsan ay inakyat ko. Nalaman ko na “typing school” pala iyon. Aralan ng pagmamakinilya.
Maraming nag-aaral magmakinilya sa nasabing opisina at iba’t iba rin ang edad. May bata, matanda. Sa pagkakatanda ko ay P15 per session ang sinabing “tuition” sa akin ng receptionist. Noong time na iyon ay mahalaga pa ang P15 para sa estudyanteng gaya ko na isang kahig isang tuka.
Noon ko pa gustong matutong magmakinilya. Isang pinsan ko na hindi naman nakatapos ng kolehiyo ang nag-aral magmakinilya at naging pasaporte niya iyon para makapagtrabaho sa munisipyo. Isa pa, kapag gagawa ng report sa school ay mahal din ang magbayad sa typist. Kung marunong magmakinilya, madali nang makisuyo sa kaklaseng may makinilya.
Noong panahong iyon ay parang mamahaling laptop din ang turing sa makinilya, katunayan ay may kapitbahay kami na meron nito noon pero ni hindi puwedeng pindutin kahit isang letra—baka raw masira.
Nabanggit ko sa isang kaklase ko ang plano ko na mag-aral mag-type. Sabi niya, huwag na raw nakinilya ang pag-aralan ko. Nalaman ko na naka-enrol siya sa isang computer school na tuwing hapon ang session. Nag-aaral daw siya ng “Wordstar”. Ipinakita pa niya sa akin ang sample printouts ng ginawa niya na “The quick brown fox”, na para sa akin noong mga panahong iyon ay masyadong hi-tech.
May mga computer subjects na rin kami noon sa kursong kinuha ko, at mukhang okey naman sa akin ang computer dahil madali kong maunawaan ang principle na nag-start sa Boolean algebra, kaya lang ay kulang kami sa hardware. Kung gusto mong mas maging malalim ang pag-aaral ng computer gaya ng COBOL, Wordstar, etc., may mga training schools na rin noon sa Batangas na nag-o-offer ng specialty course. ‘Yun nga lang, special din ang tuition fee. At kung masakit isipin para sa akin ang P15 per session sa typing class, lalo na sa computer training.
Kinalimutan ko pansamantala ang plano. Nabalitaan ko na lang na ang kaklase ko ay natanggap sa isang malaking process company sa Batangas dahil sa kanyang naging training sa computer. Iba talaga ang nauuna sa teknolohiya.
Ang hindi pagkatuto sa makinilya ang isa sa pinakamalaki kong dilemma nang magsimula akong magsulat sa komiks. Kaya nagpapasalamat ako noon sa EIC ng Atlas Publishing na si Mr. Tony Tenorio na tinatanggap niya ang scripts ko kahit sulat-kamay. Maganda naman ang handwriting ko, salamat sa ilang semestre ng technical drawing sa college.
Kahit nang kunin ako ni Mr. Tenorio na editor sa Atlas, iyon pa rin ang worry ko. Sa halos pitong taon ko sa pagiging komiks editor, nakakagamit lang ako ng makinilya kapag gumagawa ng pagination at transmittal ng deadline. Hindi ako makapag-ensayo kahit may ilang makinilya sa Atlas dahil laging ginagamit ng mga nagraraket.
Ito rin ang dahilan kaya hindi ako nakagawa ng maraming nobelang prosa. Kapag gumagawa ako ng pocketbooks ay in long hand, at kung hindi ang misis ko ang nagta-type, ibinabayad ko pa sa iba. At hindi biro ang magsulat ng 120 pages na nobela na sulat-kamay lang.
Sa mga editors namin noon ay maraming mahusay mag-type, lalo na ang mga produkto ng Polytechnic University of the Philippines. Kilala ang mga taga-PUP noon na talagang malulupit sa typing. Marami rin sa mga kasamahan ko ang bumili ng sariling typewriter lalo na noong kalakasan pa ng pocketbooks.
Mayroon ding matandang mama na regular na naglilinis/repair ng mga makinilya sa Atlas noon—payat, laging naka-polo ng bulaklakin at nakapomada ang buhok.
Bago nagsara ang opisina ng Atlas sa Roces Avenue ay dumami na ang nagbebenta ng surplus na makinilya na worth P800 na lang. Pero marami sa mga kaopisina ko noon ay nakakabili na ng computer. Mararamdaman sa paglaganap ng surplus na makinilya na mukhang maiisantabi na ang paggamit nito.
Hanggang sa umalis ako noong 1997 sa Atlas ay di ako marunong magmakinilya at mag-computer. Nang mag-freelance ako ay long hand pa rin ang pagsusulat ko ng pocketbooks at ibinabayad ang encoding. Ang pagiging computer illiterate ko ang isa sa dahilan kung bakit hindi ako nagtagal sa Star Cinema—kung saan kailangang mabilis kang mag-type sa PC lalo na kung may script revisions.
Natuto lang ako mag-computer noong 1999 nang nasa ABS-CBN Publishing na ako. Salamat at pinuwersa ako ni Tita Opi Concepcion (na EIC ko noon) na matuto na dahil ang paglalagay ng corrections ay sa digital files na mismo. Nagsimula sa pasundut-sundot noon, sa ngayon ay maipagyayabang ko na kaya ko nang makipagkarera ng typing kahit sa mga record holder sa words per minute.
At nagpapasalamat naman ako kay Tita Opi at pinilit niyang mawala ang takot ko sa keyboard. Kung hindi ako natutong mag-encode, baka bouncer na lang ako ngayon sa alinmang club sa Quezon Avenue.
Minsan ay nakita ko sa SM Foodcourt sa Cubao ang matandang naglilinis ng mga makinilya noon sa Atlas. Nakaupo siya sa isang table at malayo ang iniisip. I wonder kung meron pang nagpapa-service sa kanya ng makinilya ngayon. Pero hindi nagbago ang kanyang fashion sense—naka-polo pa rin ng bulaklakin at nakapomada ang buhok.
Sa mga government offices na lang nakikita ang mga makinilya ngayon dahil ginagamit pa nila sa malalaking forms at resibo na kailangang manual ang gamitin.
Hindi na ako napapadako sa kalye sa Batangas kung saan nakatayo ang typing school noon. I bet wala na rin iyon. Anu’t anuman, may koneksyon iyon sa isa sa mga ‘What ifs’ sa buhay ko—ano kaya ang naging takbo ng buhay ko kung nag-aral ako noon ng typing? Napunta kaya ako sa mundo na ginagalawan ko ngayon?

Monday, July 25, 2011

state of the nation address

Photobucket

Maupo po tayong lahat.

Senate President Juan Ponce Enrile; Speaker Feliciano Belmonte Jr.; Bise
Presidente Jejomar Binay; mga dating Pangulong Fidel
Valdez Ramos at Joseph Ejercito Estrada; Chief Justice Renato Corona at ang
ating mga kagalang-galang na mahistrado ng Korte
Suprema; mga kagalang-galang na kasapi ng diplomatic corps; mga miyembro ng
Kamara de Representante at ng Senado; mga
Local Government officials; mga miyembro ng ating Gabinete; mga
unipormadong kasapi ng militar at kapulisan; mga kapwa ko
nagseserbisyo sa taumbayan;

At sa mga minamahal kong kababayan, ang aking butihing mga boss:

Humarap po ako sa inyo noong aking inagurasyon at sinabing: Walang
wang-wang sa ating administrasyon. At ngayon, patuloy
nating itinitigil ito. Naging hudyat at sagisag po ito ng pagbabago, hindi
lamang sa kalsada, kundi pati na rin sa kaisipan sa lipunan.

Sa matagal na panahon, naging simbolo ng pang-aabuso ang wang-wang. Dati,
kung makapag-counterflow ang mga opisyal ng
pamahalaan, para bang oras lang nila ang mahalaga. Imbes na
maglingkod-bayan, para bang sila ang naging hari ng bayan. Kung
maka-asta ang kanilang mga padrino't alipores, akala mo'y kung sinong
maharlika kung humawi ng kalsada; walang pakialam sa
mga napipilitang tumabi at napag-iiwanan. Ang mga dapat naglilingkod ang
siya pang nang-aapi. Ang panlalamang matapos
mangakong maglingkod—iyan po ang utak wang-wang.

Wala silang karapatang gawin ito. Ayon sa batas, tanging ang Presidente,
Bise Presidente, Senate President, House Speaker, Chief
Justice, pulis, bumbero, at ambulansya lang ang awtorisadong gumamit ng
wangwang para sa kanilang mga opisyal na lakad. Kung
sa trapiko nga ay di masunod ang batas, paano pa kaya sa mga bagay na mas
malaki ang makukuha, tulad ng sa mga proyektong
pinopondohan ng kaban ng bayan?

Kayo po ba gusto ninyong makulong ang lahat ng tiwali? Ako rin po. Gusto ba
ninyong matanggal ang wang-wang, hindi lamang sa
kalsada, kundi sa kaisipang nagdulot ng baluktot na sistema na
pagkatagal-tagal na nating pinagtiisan? Ako rin. Gusto po ba
ninyong mabigyan ng patas na pagkakataon ang lahat na umasenso? Siyempre,
ako rin po.

Narito po ang halimbawa ng resulta ng ating kampanya kontra wang-wang sa
sistema. Nitong taong ito, taumbayan na mismo ang
nagsabi nabawasan ang nagugutom sa kanila. Mula 20.5% na self-rated hunger
noong Marso, bumaba na ito sa 15.1% nitong
Hunyo, katumbas ng isang milyong pamilyang Pilipinong nagugutom dati, pero
ngayon ay nakakakain na nang tama kada araw.

Sa larangan po ng negosyo, sino ba ang nag-akalang pitong ulit nating
malalampasan ang all-time-high ng stock market? Ang dating
4,000 index na inaakalang hindi maaabot, o kung maabot man ay pansamantala
lang, ngayon, pangkaraniwan nang hinihigitan.

Kung dati napako na ang bansa sa mababang credit ratings, itinaas ng
Moody’s, Standard and Poors, Fitch, at Japan Credit Ratings
Agency ang ating ranking, bilang pagkilala sa ating tamang paggugol ng
pondo at sa malikhain nating pananalapi. Ang mataas na
credit rating, magpapababa ng interes sa perang inuutang natin. Kumpara sa
unang apat na buwan ng nakaraang taon, mas malaki
po ng 23 billion pesos ang natipid nating interest payments mula Enero
hanggang Abril ng 2011. Maaari na po nitong sagutin ang
dalawang milyon at tatlongdaan libong benepisyaryo ng CCT hanggang sa
katapusan ng 2011.

Paalala ko lang po, sa siyam at kalahating taon bago tayo maitalaga sa
puwesto, iisang beses lang tayong nakatikim ng ratings
upgrade, at anim na beses pang na-downgrade ng iba’t ibang ratings agency.
Sa isang taon pa lang po natin, apat na beses na
tayong nabigyan ng upgrade. Alam naman po natin na hindi madaling
ma-upgrade sa mga panahong ito. Itong mga ratings agency,
nabatikos na mali raw ang payo bago magkakrisis sa Amerika, kaya ngayon ay
mas makunat na sila sa pagbibigay ng
magagandang ratings, at nakikita nga natin ito sa sunud-sunod na
pag-downgrade sa ibang bansa. Pero tayo po, inupgrade pa nila.
Sang-ayon silang lahat: gumanda at lalo pang gaganda ang ekonomiya ng
Pilipinas. Isang hakbang na lang po, aabot na raw tayo sa
investment grade, at wala pong tigil ang ating economic team upang tuluyan
na tayong makaarangkada.

At may mabubuting balita pa pong parating. Dahil wala nang wang-wang sa
DOE, muling nabuhay ang kumpiyansa ng mga
namumuhunan sa ating energy sector. Patunay dito ang isandaan at
apatnapung kumpanya na nakahandang tumaya sa
eksplorasyon at pagpapalakas ng ating oil at natural gas resources. Sa
huling energy contracting round noong 2006, tatlumpu’t lima
lang po ang nakilahok. Nitong Biyernes lamang po, nilagdaan na ang
panibagong kasunduan para sa isang bagong power plant sa
Luzon grid upang pagdating ng 2014, may mas mura at mas maaasahang
pagmumulan ng enerhiya ang bansa.

May kumpiyansa, may pag-asa, at tinutupad po natin ang ating mga pangako.
Naaalala ko nga po ang babaeng nakausap ko nang
ako’y unang nagha-house-to house campaign para sa akng sarili. Ang kaniyang
hinaing: “Miski sino naman ang manalo, pare-pareho
lang ang kahihinatnan. Mahirap ako noong sila ay nangangampanya; mahirap
ako habang nakaupo sila, at malamang mahirap pa rin
ako pag nagretiro na sila.” Sa madaling salita, ang hinaing po ng marami,
“Walang pakialam ang mga pinuno namin kahapon, wala
silang pakialam ngayon. Bukas, wala pa rin silang pakialam.”

Di po ba’t may katuwiran naman siya sa pagsasabi nito, dahil sa
pagwawang-wang sa mga ahensya ng gobyerno? Wang-wang po
ang pagbili ng helicopter sa presyong brand new, pero iyon pala ay gamit na
gamit na. Wang-wang ang milyun-milyong pabuya na
tinanggap ng mga opisyal ng GOCC, tulad ng sa Philippine National
Construction Corporation, gayong hindi naman sila
nakapaghandog ng disenteng serbisyo, at ibinaon pa sa utang ang kanilang
mga ahensya. Bago sila bumaba sa puwesto,
dalawandaan, tatlumpu’t dalawang milyong piso po ang inomento ng dating
pamunuan ng PNCC sa kanilang sarili. 2007 pa lang po,
wala na silang prangkisa; lahat ng kikitain, dapat diretso na sa pambansang
gobyerno. Hindi na nga nag-abot ng kita, sinamantala pa
ang puwesto. Ang bonus nila mula 2005 hanggang 2009, dinoble pa nila sa
unang anim na buwan ng 2010. Ibinaon na nga po nila sa
bilyun-bilyong pisong utang ang kanilang tanggapan, nasikmura pa nilang
magbigay ng midnight bonus sa sarili.

Para po pigilan ang pagwang-wang sa kaban ng bayan, sinuyod at sinuri natin
ang mga programa. Dalawang magkasunod na taon na
po nating ipinatutupad ang zero-based budgeting, na magsisilbing kalasag sa
walang-saysay na paggastos.

Sa Laguna Lake po, magtatanggal nga sabi nila ng 12 million cubic meters sa
dredging, pero pagkatapos ng tatlong taon,
garantisado naman itong babalik. 18.7 billion pesos ang magiging utang
natin para lang maglaro ng putik. Hindi pa bayad ang utang,
nag-expire na ang pakinabang. Pinigilan po natin iyan. Ang food-for-school
program na bara-bara lang ang paghahanap ng
benepisyaryo, at iba pang inisyatibang pinondohan ngunit walang
pinatunguhan—binura na natin sa budget upang ang pera namang
nalibre, ay mailaan sa mga proyektong totoong may silbi.

Ang budget po ang pinakamalinaw na pagsasabuhay ng ating tuwid na landas.
Ang aking pahiwatig sa lahat ng gusto pang ilihis tayo
rito: Kung mang-aagrabyado ka lang ng mahirap, huwag ka nang magtangka.
Kung sarili mo lang ang papayamanin mo, huwag ka
nang magtangka. Kung hindi iyan para sa Pilipino, huwag ka nang magtangka.

Sana masabi na natin na tapos na ang utak wang-wang, pero nakikita po natin
ang latak ng ganitong kaisipan na pilit bumubulahaw
sa aliwalas ng ating biyahe sa tuwid na landas.

Mukhang marami rin po kasi ang nagwawang-wang sa pribadong sektor. Ayon sa
BIR, mayroon tayong halos 1.7 million na self-
employed at professional tax payers gaya ng mga abogado, doctor at
negosyante na nagbayad lamang, sa suma total, ng 9.8 billion
pesos noong 2010. 5,783 pesos lang ang ibinayad na income tax ng bawat isa
raw sa kanila, on the average, ang ibig sabihin, kung
totoo po ito, ang kabuuang kita nila ay umaabot lang ng 8,500 pesos lamang
kada buwan. Mababa pa sa minimum wage. Naman.

Nakikita naman po ninyong napupunta na sa tama ang buwis ninyo, kaya wala
na pong dahilan upang iwasan natin ang pagbabayad.
Nananawagan po ako sa inyo: Hindi lang po gobyerno, kundi kapwa natin
Pilipino ang pinagkakaitan sa hindi pagbabayad ng tamang
buwis.

Pinananagot at pananagutin po natin ang wang-wang saanmang sulok ng
gobyerno. Ang masakit, hanggang sa mga araw pong ito,
may sumusubok pa ring makalusot. Mayroon nga pong isang distrito sa Region
4B, may proyektong gagastusan ng 300 million
pesos. Kaso hanggang 50 million pesos lang ang puwedeng aprubahan ng
district engineer.

Kaya naisip nilang ichop-chop ang proyekto para di lumampas sa 50 million
pesos ang halaga, at di na umabot sa regional at central
office ang mga papeles. Kani-kaniyang diskarte, kani-kaniyang kaharian ang
nadatnan nating situwasyon sa DPWH. Sinubukan
nilang ipagpatuloy ang nakasanayan na nila. Kadalasan, dahil sa lump-sum na
pagbibigay ng pondo, wala nang tanung-tanong kung
ano ang plano at detalye ng proyekto. Miski yata sabi ng iba bahay ng
gagamba ang ipapatayo, bibigyan ng pondo, basta may
padrino.

Hindi ito pinalusot ni Secretary Babes Singson. Tinanggal na niya sa
puwesto ang district engineer. Pinigilan din po ang pag-award
ng proyektong ito para busisiin kung ano pang magic ang nangyari. Masusi na
ring iniimbestigahan lahat ng nagkuntsabahan. Ang
mga kontratistang mapatunayang nakipagsabwatan para mag-tongpats sa mga
proyekto, ibablack-list natin.

Tingnan nga po ninyo ang idinulot na perhuwisyo ng pagwawang-wang sa
sistema: Tuloy ang pagdusa ng mamamayang dapat
nakikinabang na sa proyekto ng bayan.

Hindi lang po iyan sa region 4B nadiskubre. Ngunit natigil na po ito dahil
hindi na padrino kundi tamang proseso ang naghahari sa
DPWH. Hindi na puwedeng walang work program; kailangang magpakita ng
pinag-isipang plano para hindi magkasalungat ang
pagsasagawa ng mga proyekto. Malinis at hayag na ang bidding, at pantay na
ang pagkakataon sa pagpasok ng mga kontratista.

Sa sistemang pinaiiral ngayon sa DPWH, nakatipid na tayo ng dalawa’t
kalahating bilyong piso, at umaasa tayo na aabot pa sa anim
hanggang pitong bilyong piso ang matitipid sa taon na ito. Ang
pinakamahalaga po, nakakaasa na tayo sa mga kalsadang matino,
hindi ‘yung maambunan lang ay lulundo o mabibiyak agad. Paniwala natin
dati, imposibleng maitama ng DPWH ang sistema nila.
Hindi lang po ito posible; sa unang taon pa lamang, ginagawa na natin ito.

Kahit po sa mga bukirin, may mga nagwawang-wang din. Bago tayo maupo noong
2010, nag-angkat ang bansa ng 2.3 million metric
tons ng bigas. 1.3 million metric tons lamang ang kailangan nating
angkatin, ngunit pinasobrahan pa nila ito ng isang milyon
tonelada. Dahil nga sobra-sobra ang inangkat, kinailangan pa nating
gumastos muli sa mga bodegang pagtatambakan lang naman ng
barko-barkong bigas.

Ilang taon bang walang saysay na pinasobrahan ang bigas na inaangkat? Dahil
dito, umiral ang pag-iisip na habambuhay na tayong
aangkat ng bigas. Ang akala ng marami, wala na talaga tayong magagawa.

Ngunit sa loob lamang ng isang taon, pinatunayan nating mali sila. Ngayon,
ang dating 1.3 million metric tons na kakulangan natin
sa bigas, halos nangalahati na; 660,000 metric tons na lang po ang
kailangan nating angkatin. Kahit dagdagan pa natin iyan ng
panangga laban sa sakuna at gawing 860,000 metric tons—na ginagawa na nga
po natin—mas mababa pa rin ito sa tinatayang
taunang kakulangan na 1.3 million metric tons.

At hindi po buwenas lang ang nangyaring pag-angat ng ating rice
productivity. Bunga po ito ng matinong pamamalakad: ng paggamit
ng maiinam na klase ng binhi, at masusi at epektibong paggastos para sa
irigasyon. Nito nga pong nakaraang taon, labing-isang libo,
animnaraan at labing-isang bagong ektarya ng bukirin ang napatubigan natin.
Dagdag pa iyan sa halos dalawandaan at labindalawang
libong ektarya na nakumpuni o nabigyang muli ng irigasyon matapos ang
panahon ng pagkakatiwangwang. Ang resulta: umangat ng
15.6% ang ani nating palay noong nakaraang taon.

Ang gusto nating mangyari: Una, hindi tayo aangkat ng hindi kailangan, para
lang punan ang bulsa ng mga gustong magsariling-
diskarte ng kita sa agrikultura. Ikalawa: Ayaw na nating umasa sa
pag-aangkat; ang isasaing ni Juan dela Cruz, dito ipupunla, dito
aanihin, dito bibilhin.

Balikan din po natin ang dinatnang kalagayan ng ating mga kawal at
kapulisan. Labingtatlong libong piso po ang karaniwang suweldo
ng isang PO1 sa Metro Manila. Apat na libong piso daw rito ang napupunta sa
upa ng bahay. Tila tama nga po na isang-katlo ng
kanilang sahod diretso na sa upa. Isang-katlo pa nito, para naman sa
pagkain. At ang natitirang isang-katlo, para sa kuryente, tubig,
pamasahe, pampaaral sa anak, gamot sakaling may magkasakit, at iba pa.
Maganda na nga po kung tumabla ang kita niya sa
gastusin. Kapag naman kinapos, malamang sa five-six po sila lalapit. At
kapag nagpatung-patong ang interes ng utang nila,
makatanggi kaya sila sa tuksong dumelihensya?

Kaya ang ipinangako nating solusyon dito pabahay nitong Pebrero, ngayong
Hulyo ay tinutupad na. Nakapag-abot na po tayo ng apat
na libong Certificate of Entitlement to Lot Allocation sa magigiting nating
kawal at pulis. Bahagi pa lang po ito ng target nating
kabuuang dalawampu’t isang libo at walong daang bahay sa pagtatapos ng
taong ito. Ang dating apatnalibong ibinabayad para sa
upa kada buwan, ngayon, dalawandaang piso na lang, para pa sa bahay na
pagmamay-ari talaga nila. Ang dating nalalagas na
halaga na pambayad sa buwanang renta, maaari nang igugol para sa ibang
gastusin.

Mayroon pa raw pong mahigit isang libong bahay na natitira, kaya po sa mga
pulis at sundalo nating di pa nakakapagpasa ng
kanilang papeles, last call na po para sa batch na ito. Pero huwag po
kayong mag-alala, sa susunod na taon, lalawak pa ang ating
pabahay, at hindi lang pulis at kawal sa Luzon ang makikinabang. Inihahanda
na ng NHA ang lupang patatayuan sa Visayas at
Mindanao, para sa susunod na taon, makapagpapatayo na tayo ng mga bahay
doon. Sa ating mga kawani ng Bureau of Jail
Management and Penology at Bureau of Fire Protection, may good news pa rin
po ako: kasama na po kayo rito.

Kung seguridad na rin lang po ang ating pag-uusapan, di ba’t karugtong din
nito ang ating pambansang dangal? Dati, hindi man lang
natin makuhang pumalag tuwing may sisindak sa atin sa loob mismo ng ating
bakuran. Malinaw ang pahiwatig natin ngayon sa
buong mundo: Ang sa Pilipinas ay sa Pilipinas; kapag tumapak ka sa Recto
Bank, para ka na ring tumapak sa Recto Avenue.

Tama nga po kaya ang kuwento tungkol sa isang stand-off noong araw?
Tinapatan daw ang mga marino natin ng kanyon. Ang ginawa
nila nung gabi, pumutol ng puno ng niyog, pininturahan ito ng itim, saka
itinutok sa kalaban. Tapos na po ang panahong iyan.
Parating na ang mga capability upgrade at modernization sa mga kagamitan ng
ating Sandatahang Lakas. Literal na pong
naglalakbay sa karagatan papunta rito ang kauna-unahan nating Hamilton
Class Cutter, isang mas modernong barko na magagamit
natin para mabantayan ang ating mga baybayin. Maaari pa po tayong makakuha
ng mga barkong tulad nito. Idadagdag iyan sa
kukunin na nating mga helicopter, plural po iyon, patrol craft, at sandata
na bultong bibilhin ng AFP, PNP, at DOJ upang makakuha
ng malaking diskuwento. Lahat po ito, makakamtan sa matinong pamamahala;
mabibili sa tamang presyo, nang walang kailangang
ipadulas kung kani-kanino.

Wala tayong balak mang-away, pero kailangan ding mabatid ng mundo na handa
tayong ipagtanggol ang atin. Pinag-aaralan na rin
po natin ang pag-angat ng kaso sa West Philippine Sea sa International
Tribunal for the Law of the Sea, upang masigurong sa mga
susunod na pagkakataon ay hinahon at pagtitimpi ang maghahari tuwing may
alitan sa teritoryo.

Alam ko pong magbubunga ang pag-aarugang ipinapamalas natin sa mga
lingkod-bayan na nakatutok sa ating seguridad. Mantakin
po ninyo: sa unang anim na buwan ng 2010, umabot sa isanlibo at sampung
(1,010) kotse at motorsiklo ang nanakaw. Ikumpara po
natin iyan sa apatnaraan at animnapung (460) kotse at motorsiklong nanakaw
mula Enero hanggang Hunyo ng taong ito. Ang laki po
ng naibawas, di po ba? Malas ko lang po siguro na ‘yung isa o dalawang kaso
ng carnapping ang nai-heheadline, at hindi ang
pagbawas sa mga insidente nito o ang mas mataas na porsyento ng mga nanakaw
na kotse na naibalik sa kanilang mga may-ari.

Isa pa pong halimbawa ng pagbabagong tinatamasa natin: Mayo ng 2003 nang
lagdaan ang Anti-Trafficking in Persons Act, pero
dahil hindi sineryoso ng estado ang pagpapatupad nito, dalawampu’t siyam na
indibiduwal lamang ang nahatulan sa loob ng pitong
taon. Nalagpasan na po natin iyan, dahil umabot na sa tatlumpu’t isang
human traffickers ang nahatulan sa ating administrasyon. Ito
na po siguro ang sinasabing “sea change” ni Secretary of State Hillary
Clinton ng Amerika. Dahil dito, natanggal na tayo sa Tier 2
Watchlist ng Trafficking in Persons Report nila. Kung hindi tayo natanggal
sa watchlist na ito, siguradong napurnada pa ang mga
grant na maaari nating makuha mula sa Millenium Challenge Corporation at
iba pa.

Dumako po tayo sa trabaho. Dagdag-trabaho ang unang panata natin sa
Pilipino. Ang 8% na unemployment rate noong Abril ng
nakaraang taon, naibaba sa 7.2% nitong Abril ng 2011. Tandaan po natin:
moving target ang nasa hanay ng ating unemployed, dahil
taun-taon ay may mga bagong graduate na naghahanap ng trabaho. Nito nga
pong huling taon, nadagdag pa sa bilang nila ang libu-
libong hawi boys, tagasabit ng banderitas, at iba pang mga Pilipinong
kumuha ng pansamantalang kabuhayan mula sa eleksyon.
Ang resulta po natin: Isang milyon at apatnaraang libong trabahong nalikha
nitong nakaraang taon nagtatapos po ng Abril.

Dati, nakapako sa pangingibang-bansa ang ambisyon ng mga Pilipino. Ngayon,
may pagpipilian na siyang trabaho, at hangga’t
tinatapatan niya ng sipag at determinasyon ang kanyang pangangarap, tiyak
na maaabot niya ito.

Malaki pa po ang puwedeng madagdag sa trabahong nalilikha sa ating bansa.
Ayon pa lang po sa website nating Philjobnet, may
limampung libong trabahong hindi napupunan kada buwan dahil hindi tugma ang
kailangan ng mga kumpanya sa kakayahan at
kaalaman ng mga naghahanap ng trabaho. Hindi po natin hahayaang masayang
ang pagkakataong ito; ngayon pa lang, nagtatagpo
na ang kaisipan ng DOLE, CHED, TESDA, at DEPED upang tugunan ang isyu ng
job mismatch. Susuriin ang mga curriculum para
maituon sa mga industriyang naghahanap ng empleyado, at gagabayan ang mga
estudyante sa pagpili ng mga kursong hitik sa
bakanteng trabaho.

Ngunit aanhin naman po natin ang mga numerong naghuhudyat ng pag-asenso ng
iilan, kung marami pa rin ang napapag-iiwanan?
Ang unang hakbang: tinukoy natin ang totoong nangangailangan; namuhunan
tayo sa pinakamahalaga nating yaman: ang
taumbayan. Sa dalawang milyong pamilyang rehistrado sa ating Pantawid
Pamilyang Pilipino Program, isang milyon at animnaraang
libo na ang nakakatanggap ng benepisyo nito. Sa pagpapakitang-gilas ni
Secretary Dinky Soliman, tinatayang may mahigit
isandaang libong pamilya ang naiaahon natin mula sa kahirapan kada buwan.
Uulitin ko, tinatayang may mahigit isandaang libong
pamilya ang naiaahon natin mula sa kahirapan kada buwan. Kaya naman mataas
ang aking kumpiyansang makukumpleto ang 1.3
million na dagdag na pamilya, mula sa kabuuang 2.3 milyong pamilyang target
na benepisyaryo ng CCT bago matapos ang taong ito.
At sa compliance rate nito na hindi bababa sa 92%, milyun-milyon na rin po
ang inang regular na nagpapacheck-up sa mga health
center, ang mga sanggol na napabakunahan, at ang mga batang hindi
hinahayaan sa labas ng paaralan.

Simula pa lang po ito, at sa ganitong kalinaw na mga resulta, umaasa ako sa
suporta ng bawat Pilipino, lalo na ng lehislatura, sa
mungkahi nating salinan pa ng pondo ang Pantawid Pamilyang Pilipino
Program. Inaasam po natin na bago matapos ang 2012,
tatlong milyong pamilya na ang mabibigyan ng puhunan para sa kanilang
kinabukasan.

Binibigyan natin ang mga maralitang pamilyang ito ng pagkakataong makaahon
sa buhay, dahil ang pag-asenso nila ay pag-angat rin
ng buong bansa. Sino ang tatangkilik sa mga produkto at serbisyo ng mga
negosyante, kung isang kahig, isang tuka naman ang
mamimili? Kapag may amang kumapit sa patalim para may kainin ang kanyang
pamilya, at siya ay magnakaw o nangholdap, sino
ba ang puwedeng mabiktima ng krimen kundi tayo rin? Kung ang mga kababayan
natin ay walang maayos na pagkain o tahanan,
mahina ang kalusugan at may malubhang karamdaman, hindi ba’t tayo rin ang
nasa peligrong mahawa sa kanilang sakit?

Naglalatag po tayo ng pagbabago upang mas mapatibay ang pundasyon ng
maaliwalas na bukas para sa lahat. Halimbawa, sa
kalusugan: Di ba’t kapansin-pansin ang pagtaas ng bilang ng mga
benepisyaryo ng PhilHealth tuwing maghahalalan? Ngayon, sa
pamamagitan ng National Household Targeting System for Poverty Reduction
(NHTS-PR), tiniyak natin na ang limang milyon at
dalawandaang libong pamilyang Pilipino na nakikinabang sa PhilHealth ay ang
talagang mga nangangailangan nito. Malawakang pag
-unlad at pag-asenso ng lahat: Iyan po ang panata natin. Walang maiiwan sa
tuwid na landas.

Tumungo naman po tayo sa ARMM. Ang dating sistema: Nagbabatuhan lang ng
huwad na utang na loob ang mga baluktot na
kandidato. Kapag pambansang halalan, malaya ang nakaupo sa ARMM na
imane-obra ang makinarya sa kaniyang rehiyon para
matiyak na bokya ang boto ng mga hindi kaalyado. Kapag naman eleksyon sa
ARMM at maniningil na ng utang si Mayor o
Governor, ang administrasyon naman ang magpapatakbo ng makinarya para
manalo ang kanilang kandidato.

Ayon nga po sa naungkat ng COA, sa opisina ng regional governor ng ARMM,
mula Enero 2008 hanggang Setyembre 2009,
walumpung, uulitin ko, walumpung porsyento ng mga disbursement ang napunta
sa mga cash advance na wala namang maayos na
paliwanag. Kung hindi nawala ang pondong ito, nakatapos na sana ang isang
batang sa ngayon tumawid sa ghost bridge, para
pumasok sa ghost school, kung saan tuturuan siya ng ghost teacher.
Kaawa-awang bata, walang humpay na paghihirap, at walang
pag-asa ng pag-asenso.

Gusto nating maranasan ng ARMM ang benepisyo ng tamang pamamahala. Kaya ang
ating mungkahing solusyon: synchronization.
Dahil dito, kailangan nilang tumutok sa kani-kanilang mga kampanya;
magiging mas patas ang labanan, at lalabnaw ang command
votes. Salamat sa Kongreso at naipasa na ang batas na magsasabay sa halalan
ng ARMM sa halalang pambansa.

At bakit po postponement ang kailangan? Sa kagustuhang siyempre makabalik
sa puwesto, nakahanda ang ilan na ulitin ang
nakagawian para manalo. Isipin na lang po ninyo kung pumayag tayo sa
kagustuhan ng mga kontra, at itinuloy natin ang eleksyon.
Wala po silang ibang gagawin sa loob ng dalawang taon kundi paghandaan ang
susunod na halalan at isiksik ang kalokohan nila sa
mas maigsing panahon. Habang nananatili sa pwesto ang mga utak wang-wang na
opisyal, naiiwan namang nakalubog sa kumunoy
ng kawalang-pagasa ang taumbayan.

Wala akong duda sa kahihinatnan ng mga repormang inilatag natin. Hindi po
tayo nagbubukambibig lang; may kongkretong resulta
ang ating mga paninindigan. Kapag sinabi nating tuwid na daan, may katapat
itong kalsada sa Barangay Bagumbayan sa Sta. Maria,
Laguna. Pag sinabi nating malinis na pamamahala, may dadaloy na malinis na
tubig sa mga liblib na lugar gaya ng nasa Barangay
Poblacion, sa Ferrol, Romblon. Kapag sinabi nating liwanag ng pagbabago,
titiyakin nating may liwanag na tatanglaw sa mga
pamayanang dati ay nangangapa sa aandap-andap na gasera, gaya ng ginawa
natin sa Barangay San Marcos, sa Bunawan, Agusan
del Sur. Ganito na ang nangyayari sa marami pang ibang lugar; pinipilit
nating ito rin ang mangyari sa kabuuan ng Pilipinas.

Nakatutok na po ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno; nag-uugnayan at
nagtutulungan sila upang maabot at mapabilis ang mga
solusyon sa mga problemang kaytagal nang pinapasan ng bayan.

Di po ba’t may problema tayo sa baha, na alam naman nating dulot ng walang
humpay at ilegal na pagputol ng mga puno? Dating
solusyon: photo-op ng pagtatanim na ang tanging benepisyaryo ay
nagpapoging pulitiko. Nagtanim nga ng puno kontra-baha, pero
hindi naman siniguro na mananatiling nakatayo ang mga ito pag-alis nila.

Isa sa mga solusyong pinaghahandaan, pinag-aaralan ay ang gawing
kapaki-pakinabang sa mga pamayanan ang pagbabantay ng
puno. Bibigyan sila ng binhi ng kape at cacao para itanim at mamunga ng
kabuhayan. Habang hinihintay ang ani, makakakuha sila
ng stipend upang bantayan naman ang mga punong itinanim laban sa baha.
Puwedeng maging benepisyaryo ng programang ito ang
mga informal settlers, na ngayon ay nagkukumpulan sa siyudad. Mamumuhunan
tayo sa taumbayan, habang namumuhunan din sa
kalikasan.

Noon bang isang taon, inisip kaya natin na kaya nating gawin ito? Sa
ngayon, tinutupad na natin ang ating mga pangako. Bukas
makalawa, katotohanan na lahat ng ating mga pinapangarap.

Marami pa pong malikhaing konsepto na inilalapit sa atin at atin pong
pinapatupad na. May mosquito trap na pinapatay ang mga kiti
-kiti ng lamok, na siguro naman po ay may kinalaman sa halos labing-apat na
porsiyentong pagbaba ng insidente ng dengue; may
hibla ng niyog na itatapon na sana, pero puwede palang murang solusyon sa
mga daanang madaling mabitak; may landslide sensor
na magbababala kung tumaas na ang panganib na gumuho ang lupa; may mga
kagamitang magbibigay ng senyales kung malapit
nang umapaw ang tubig sa mga ilog. Lahat po ito, gawa ng Pilipino.

Pinag-aaralan na rin po ng DOST at UP ang pagkakaroon ng monorail system,
para tugunan ang problema sa pangmalawakang
transportasyon. Sa malikhaing pag-iisip ng kapwa Pilipino, may pag-asa pala
tayong magtayo ng light rail system nang hindi hihigit
sa 100 million pesos ang gagastusin kada kilometro. Sa matitipid na pondo,
mas mahabang kilometro ng riles ang mailalatag at
makaka-abot sa mga lugar na malayo sa sentro ng komersyo. Ang mga dating
sumisiksik sa siyudad para maghanap ng trabaho,
maaari nang tumira sa medyo mas malayo, nang hindi pahirapan ang biyahe.

Uulitin ko po: ang mungkahing ito ay galing sa kapwa natin Pilipino, para
sa Pilipinas. Naaalala po ba ninyo ang panahon kung kailan
ni hindi man lang maabot ng mga pangarap natin ang ganitong mga proyekto?
Ngayon, sinasabi ko po sa inyo: pinapangarap natin
ito, kaya natin ito, gagawin natin ito. Hindi ba tayo nagagalak, Pilipino
tayong nabubuhay sa mga panahong ito?

Sa kabila ng lahat ng ito, huwag po sana nating lilimutin: masasayang lang
ang lahat ng ating narating kung hindi tuluyang
maiwawaksi ang kultura ng korupsyon na dinatnan natin.

Sa mga kapwa ko empleyado ng sambayanan, mula sa tuktok hanggang sa bawat
sulok ng burukrasya: Di po ba’t napakarangal na
ngayon ang magtrabaho sa gobyerno? Di po ba’t ngayon, sa halip na ikahiya,
gusto mo pang isuot kung minsan ang iyong ID kung
sumasakay ka ng bus o jeep papasok sa iyong ahensya? Sasayangin po ba natin
ang karangalang kaloob sa atin ng sambayanan?

Iyan din po ang aking panawagan sa ating Local Government Units. Kabilang
po ako sa mga sumasang-ayon na kayo ang pinaka-
nakakaalam sa pangangailangan ng taumbayan sa inyong mga lungsod at
munisipyo. Makakaasa po ang ating mga LGU sa higit na
kalayaan at kakayahan, kung makakaasa rin tayong gagamitin ito sa tuwid na
paraan, at isasaalang-alang ang kapakanan ng buong
sambayanan.

Halimbawa po, may ilang munisipyo na naisipang magbuwis sa mga transmission
lines ng kuryente na dadaan sa kanilang mga
pook. Magpapasok nga po ng kita sa kanilang lokal na kaban, pero kapalit
nito, tataas din ang gastusin ng mas nakararaming
Pilipino sa kuryente. Tiwala po akong kaya nating balansehin ang interes ng
inyong mga nasasakupan sa interes ng sambayanan.

Kailangan pong manatiling magkatugma ang ating mga programa, dahil ang
ikauunlad ng buong bansa ay manganganak din ng
resulta sa inyong mga pook. Wakasan na po sana natin ang agendang nakatuon
sa susunod na eleksyon lamang, at ang kaisipang
isla-isla tayong maihihiwalay ang sariling pagsulong sa pag-unlad ng bansa.

Tayo-tayo rin po ang dapat magtulungan tungo sa kaunlaran. Malaki ang
pasasalamat ko sa Kongreso sa pagpapasa ng mga batas
ukol sa GOCC Governance, ARMM Synchronization, Lifeline Electricity Rates
Extension, Joint Congressional Power Commission
Extension, Children and Infants’ Mandatory Immunization, at Women Night
Workers at marami pa sigurong kasunod.

Noong isang taon nga po, nagpakitang-gilas ang Kongreso sa pagpasa ng
budget bago matapos ang taon. Dahil dito, nasimulan
agad ang mga proyekto at hindi na inabot ng tag-ulan. Bukas na bukas po,
ihahain na namin sa lehislatura ang budget para sa
susunod na taon. Umaasa po ako na muli kayong magpapakitang-gilas, upang
tuluyan na nating mapitas ang bunga ng mga
naitanim nating pagbabago.

Maganda na po ang ating nasimulan. Pero mahalaga pong maalala natin: simula
pa lang ito. Marami pa tayong gagawin. Hayaan po
ninyong ilatag ko sa Kongreso ang ilan sa mga batas na magpapaigting sa
pagtupad ng ating mga panata sa bayan.

Layon nating bigyan ng kaukulang kompensasyon ang mga biktima ng Martial
Law; ang pagkakaloob ng makatarungang pasahod at
benepisyo para sa mga kasambahay; at ang pagpapatupad ng isang mas maayos
na sistema ng pensyon para sa mga kawal.
Sinusuportahan din natin ang pagpapalawak ng sakop ng scholarship na
ipinagkakaloob ng DOST sa mahuhusay ngunit kapuspalad
na mag-aaral; ang pagtataguyod ng pinaigting na pangkalahatang kalusugan;
at ang pangangalaga sa ating kalikasan at sa mga
pasilidad na titiyak sa kaligtasan ng mga mamamayan sa oras ng sakuna.

Kabilang din po sa ating agenda ang pagpapalakas ng Bureau of Corrections,
ng National Bureau of Investigation, ng National
Electrification Administration, at ng PTV 4, upang sa halip na mapag-iwanan
ng kaalaman at panahon, mas maayos nilang
magagampanan ang kanilang pagbibigay-serbisyo sa publiko.

Hindi ko po nailagay ang lahat ng gustong magpasali ng kanilang adbokasiya
dito po sa SONA. Pero kumpleto po ang detalye sa
budget at budget message. Sa mga interesado po, pakibasa na lang po ang
detalye doon.

May mga nagsasabing pinepersonal ko raw ang paghahabol sa mga tiwali. Totoo
po: Personal talaga sa akin ang paggawa ng tama,
at ang pagpapanagot sa mga gumagawa ng mali—sino man sila. At hindi lamang
dapat ako namemersonal sa usaping ito. Personal
dapat ito sa ating lahat, dahil bawat Pilipino ay biktima nito.

Ang mali—gaano katagal man ito nanatili—ay mali pa rin. Hindi puwedeng “Oks
lang, hindi puwedeng wala lang iyan.” Kapag
kinalimutan natin ang mga ito, mangyayari lang ulit ang mga kamalian ng
nakaraan. Kung hindi magbabayad ang mga nagkasala,
parang tayo na rin mismo ang nag-imbita sa mga nagbabalak gumawa ng masama
na kung puwede ulitin ninyo ang ginawa ninyo.

Ang totoo nga po, marami pang kalokohan ang nahalungkat natin. Pero hindi
na tayo magpapakahaba doon at magbibigay na lang
ako ng halimbawa, sa PAGCOR: kape. Isang bilyong piso po ang ginastos ng
dating pamunuan ng ahensya para sa kape; sa
isandaang piso na lang po kada tasa, lalabas na nakakonsumo sila ng sampung
milyong tasa. Baka po kahit ngayong iba na ang
pamunuan ng PAGCOR ay dilat na dilat pa rin ang mata ng mga uminom ng
kapeng ito. Hanapin nga po natin sila, at matanong:
nakakatulog pa po kayo?

Pagpasok ng bagong Ombudsman na si dating Supreme Court Justice Conchita
Carpio-Morales, magkakaroon tayo ng tanod-bayan
na hindi magiging tanod-bayad ng mga nagwawang-wang sa pamahalaan.
Inaasahan ko nga po na sa taon na ito, masasampahan
na ng kaso ang maraming nagkuntsabahan sa katiwalian, at naging sanhi ng
situwasyong ating inabutan. Tapos na rin po ang
panahon kung kailan nagsasampa ang gobyerno ng malalabnaw na kaso. Kapag
tayo ang nagsampa, matibay ang ebidensya,
malinaw ang testimonya, at siguradong walang lusot ang salarin.

Tutok tayo na ang pagkakamit ng ganap na katarungan ay hindi natatapos sa
pagsasakdal kundi sa pagkukulong ng maysala. Buo
ang kumpiyansa ko na tinutupad ng Department of Justice ang malaki nilang
bahagi upang maipiit ang mga salarin, lalo na sa mga
kaso ukol sa tax evasion, drug trafficking, human trafficking, smuggling,
graft and corruption, at extrajudicial killings.

Wala pong tsamba: ang tapat at mabuting pamamahala ay nanganganak ng mabuti
ring resulta. Isipin po ninyo: naipatupad natin ang
mga ipinangakong serbisyo ng gobyerno, at nakapaglaan pa ng sapat na pondo
para sa mga proyekto nang hindi kinailangang
magtaas ng buwis.

Iyan naman po talaga ang plano: siguruhin na patas ang laban; itigil ang
panlalamang ng mga makapangyarihan; at tiyakin na ang
dating sistema kung saan nakikinabang ang iilan ay magiging bukal ng
oportunidad para sa lahat.

Tinutuldukan na lang po natin ang wang-wang: sa kalsada, sa gobyerno, sa
kalakhang lipunan. Ito po ang manganganak ng
kumpiyansa na magdadala ng negosyo; ito rin ang sisiguro na ang pondo ng
taumbayan ay mapupunta sa dapat nitong kalagyan:
Imprastruktura na titiyak sa tuluyang pag-angat ng ekonomiya at pagmumulan
ng trabaho, at serbisyong panlipunan na sisigurong
walang mapag-iiwanan. Bubukas ang marami pang pintuang pangkabuhayan sa
pamamagitan ng turismo; sisiguruhing hindi
magugutom ang Pilipino sa pagpapalakas ng agrikultura. Ang mga dating
kinakaligtaan, bibigyang-puhunan ang kinabukasan.

Magbubunsod ito ng siklo kung saan tiyak na may pupuno sa mga nalilikhang
trabaho, at may mga konsumer na lalong
magpapalago sa mga negosyo.

Batid ko po na hanggang ngayon ay may kakaunti pang nagrereklamo sa ating
estilo ng pamamahala. Nakita po ninyo ang aming
estilo, at ang kaakibat nitong resulta. Nakita po ninyo ang estilo nila, at
kung saan tayo nito dinala. Sa mga taong bukas ang mata,
maliwanag kung saan ang tama.

Ngayong tayo na ang nagtitimon sa gobyerno, malinaw ang direksyong
tinatahak ng ating bayan. Isang bansa kung saan ang
pagkakataon ay abot-kamay; kung saan ang mga nangangailangan ay
sinasaklolohan; kung saan may saysay ang bawat patak ng
pawis, bawat sandali ng pagtitiis, at bawat butil ng hinagpis na dinaanan
natin. Kung may gawin kang mabuti, may babalik sa iyong
mabuti. At kung may gawin kang masama, tiyak na mananagot ka.

Naaalala ko nga po ang isang ginang na lumapit sa akin noong kampanya; ang
babala niya, “Noy, mag-iingat ka, marami kang
kinakabangga.”

Tama po ang sinabi niya: Tao po akong may agam-agam din. Pero wala po
akong alinlangang tumahak sa tuwid na daan: Buo ang
loob ko dahil alam kong nasa likod ko kayo.

Salamat po sa mga pari at obispo na masinsinang nakipagdiyalogo sa atin,
katulad nina Cardinal Rosales at Vidal. Di naman po
kami ganoong kalapit ni Cardinal Rosales, pero naniniwala akong ibinuhos
niya ang lahat para mabawasan ang hindi
pinagkakaunawaan ng gobyerno at simbahan. Sa pagkahahalal kay Archbishop
Palma, tagapagtanggol ng karapatang pantao at
kalikasan, lalo pong tumibay ang aking kumpiyansang ugnayan, at hindi
bangayan ang mabubuo sa pagitan ng estado at simbahan.

Salamat din po sa ating Gabinete, na walang kinikilalang panahon ng tulog o
pahinga, maipatupad lang ang pambansang agenda.
Special mention po ang PAGASA, na tunay na ngayong nagbibigay ng maaasahang
babala.

At sa mga nasasagasaan po natin sa landas ng katapatan at integridad sa
pamamahala, ito naman po ang aking masasabi: Pinili
ninyo ang landas kung saan naaapi ang sambayanan. Pinili naman namin ang
landas na ipagtanggol ang taumbayan. Nasa tama po
kami. Nasa tama kami; nasa mali kayo. Sa inyong magbabalik ng pang-aapi sa
sambayan, hindi kayo magtatagumpay.

Sa lahat ng mga kasama natin sa tuwid na daan: Kayo ang lumikha ng
pagkakataong baguhin ang dinatnan, at gawing mas
maganda ang ipapamana natin sa susunod na salinlahi ng mga Pilipino. Kayo
pong mga tsuper na pumapasada pa rin; kayong mga
guro at estudyanteng pauwi pa lang mula sa klase; kayong patuloy ang
paglikha ng mga obrang nagpapaalab sa apoy ng ating
pagka-Pilipino; kayong mga pulis, sundalo, kaminero at bumbero; kayong mga
marangal na magtatrabaho, sa Pilipinas man, sa
gitnang dagat, o sa ibang bansa; kayong mga tapat na kasama natin sa
gobyerno, anumang probinsya o partido; kayong mga
Pilipinong nakikinig sa akin ngayon—kayo po ang lumikha ng pagkakataong ito.

Lumikha po kayo ng gobyernong tunay na nagtatrabaho para sa inyo. May
limang taon pa tayo para siguruhing hindi na tayo babalik
sa dating kalagayan. Hindi tayo magpapadiskaril ngayong napakaganda na ng
resulta ng ating sinimulan.

Kapag may nakita tayong butas sa sistema, huwag na po tayo magtangkang
lumusot. Huwag na nating daanin sa pakiusap ang
madadaan sa pagsisikap. Tama na ang unahan, tama na ang tulakan, tama na
ang lamangan, dahil lahat naman po tayo ay
makakarating sa minimithi nating kinabukasan.

Tapusin na po natin ang kultura ng negatibismo; iangat natin ang
kapwa-Pilipino sa bawat pagkakataon. Bakit po ang iba, ang hilig
maghanap ng kung anu-anong pangit sa ating bayan? At napakahirap—parang
kasalanan—na magsabi ng maganda? Naalala pa po
ba natin noong huling beses tayong pumuri sa kapwa Pilipino?

Itigil na po natin ang paghihilahan pababa. Ang dating industriya ng
pintasan na hindi natin maitakwil, iwaksi na po natin. Tuldukan na
po natin ang pagiging utak-alimango; puwede bang iangat naman natin ang
magaganda nating nagawa?

Kung may nakita kang mabuti, huwag kang magdalawang-isip na purihin ito.
Kapag nakita mo ang pulis sa kanto, nagtatrapik nang
walang kapote sa ilalim ng ulan, lapitan mo sana at sabihing, “Salamat po.”

Kung magkasakit ka at makita mo ang nars na nag-aruga sa iyo, sa halip na
magserbisyo sa dayuhan kapalit ng mas malaking
suweldo, pakisabi rin po, “Salamat po.”

Bago ka umuwi galing eskuwela, lapitan mo ang guro mong piniling mamuhunan
sa iyong kinabukasan kaysa unahin ang sariling
ginhawa; sabihin mo, “Salamat po.” Tulad ng aking guro na nasa screen
ngayon, “Salamat po Ginang Escasa.”

Kung makasalubong mo ang iyong kinatawan sa kalsadang dati ay lubak-lubak o
wala, at ngayon ay puwede nang daanan nang
maaliwalas, lapitan mo siya at sabihing: “Salamat po.”

Kaya po, sa sambayanang Pilipino, ang aking Boss na nagtimon sa atin tungo
sa araw na ito: maraming, maraming salamat po sa
pagbabagong tinatamasa natin ngayon.

Buhay na buhay na ang Pilipinas at ang Pilipino.

Magandang hapon po.
(Photo by: Robert Vinas/ Malacanang Photo Bureau).