Thursday, August 25, 2011

'i know a place...'

Photobucket

NAGISING ako isang alas tres y media ng hapon na para akong nagbalik sa aking pagkabata. Pagdungaw ko kasi sa bintana ay nakita ko ang malaking puno ng narra sa tapat ng aming bahay. Maliwanag ang sikat ng araw, pero malamig ang samyo ng hangin.
Ganito ang atmospera noong bata pa ako, dekada ’70, sa aming baryo sa Batangas. Noon ay required kami na matulog muna pagkakain ng tanghalian (kapag walang pasok) at gigising ng alas tres ng hapon. Pito kaming magpipinsan—second cousins. Sa tradisyon ng aming pamilya, mas close ang mga second cousins at parang magkakapatid ang turingan.
Tuwing hapon ay naglalaro kami sa malawak na farm ng aking lolo (pinsan siya ng aking lola). Naghahabulan kaming magpipinsan sa malawak na taniman ng dalandan kaya malamig ang paligid—wala pang dengue noon. Apat lang kaming lalaki, mas marami ang mga babae na di hamak na mas malaki ang agwat ng edad kaysa sa amin.
Protective ang malalaki na at halos dalagita na naming pinsan sa akin—dahil wala na nga akong kapisan na kapatid na mas matanda sa akin. Lumalabas na parang sila na ang mga ate ko—bagaman at sila ang tumatawag ng kuya sa akin dahil ang aking ama naman ang pinakamatanda sa magpipinsan.
Napakaganda ng farm ng aking lolo. Para sa akin ay paraiso ang lugar na iyon. Napakaberde. Bukod sa dalandan ay marami pang ibang punong kahoy na namumunga. Halos kumpleto. Maraming manok at kambing na naglalakad-lakad sa paligid sa paghahanap ng pagkain.
Pag tapos na kaming maglaro ay binubunutan namin siya ng puting buhok. Pagkatapos ay magkakaroon ng munting programa na pamumunuan ng isa kong pinsang babae. Lahat kami ay kailangang may presentation. Ang mga pinsan kong lalaking mas bibo kaysa sa akin ay sumasayaw nang maharot. Ako naman, if it was an indication of what I would become later in my life, ay tumutula. Marami akong na-memorize na tula mula sa Diwang Ginto para sa ganitong pagkakataon. May mga papremyo rin ang lolo ko noon kung sino ang maganda ang “palabas”, at minsang tinula ko ang “Ang Pagbabalik” ni Jose Corazon De Jesus at masyado siyang natuwa sa aking pagbigkas, binigyan niya ako ng isang bisirong kambing.
Kung mediocre naman ang palabas mo, hindi ka rin uuwing luhaan. Pinaka-consolation prize ang hinog na pomelo—at marami akong naipon nito dahil mahina talaga ako pagdating sa performing arts. Pag umuuwi ako ng bahay at iyon ang dala ko ay binibiro ako ng aking ama’t ina na “putot” (least) na naman daw ako sa program.
Pinakagusto ko naman lagi ang number ng mga pinsan kong babae na ang huhusay kumanta. May isang awitin sila na pag naririnig ko ay parang dinadala ako sa ibang dimension. Kanta yata nila iyon sa girl scouting.
Grade three pa lang ako nang mamatay ang aming lolo, at labis kaming nalungkot na magpipinsan. Sa pagkatanda ko, noong araw ng kanyang libing, bago siya inilabas ng bahay para ihatid sa huling hantungan ay may “last program” pa kaming magpipinsan para raw siya pasayahin. Kahit nahihiya ako at maraming tao, napilitan akong tulain ang “Ang Pagbabalik” dahil sa aking palagay ay iyon ang performance ko na nagmarka sa kanya kaya nabigyan niya ako ng bisirong kambing. Ironically, magbabalik na nga siya sa sinapupunan ng Dakilang Lumikha.
Pinakahuling bilang ang kanta ng mga pinsan kong babae na pawang mga nakaitim na bestida. Ang lakas ng hagulhulan ng mga tao na naroroon habang inaawit nila ang piyesa. May ilang kamag-anak pa kaming hinimatay sa sobrang sakbibi ng lungkot. Lalo na nang buhatin na ang kanyang ataul palabas ng bahay.
Ang malakas na iyakan sa bahay ng aking lolo ay tila nanatili sa mahabang panahon. Sa pagkawala niya ay natigil na rin ang programa. May mga pinsan akong ang mga magulang ay lumipat na rin ng tirahan at nagkahiwa-hiwalay na kami hanggang sa magsitanda. Ngayon, nagkikita-kita na lang kami kapag may namamatay sa aming angkan. Minsan ay nagkakabiruan kami at naaalala ang huling araw ng aming lolo kung saan nag-final performance pa kami. Naghahatid iyon ng saya at kalungkutan sa paminsan-minsang pagsasama-samang muli. At kung marami mang binago ang panahon, hindi ang aming closeness. Taglay pa rin ng mga pinsan kong babae ang fondness sa akin, ang turing nilang little brother.
At iyon nga, sa tila pagninilay-nilay ko sa harap ng aming bintana at pagkakatanaw sa puno ng narra kaalinsabay ang masarap na dapyo ng preskong hangin, parang narinig kong muli ang kanta ng mga pinsan kong babae habang naglalaro kami sa farm—masasaya at walang problema. Malayo sa kasalukuyang panahon ng masalimuot na mundo.

‘I Know A Place’
I know a place where no one ever goes
There’s peace and quiet, beauty and repose
It’s hidden in a valley beside a mountain stream
And lying there beside the stream
I find that I can dream.

Only of thing of beauty to the eyes
Snow-capped mountains rising to the sky
Now I know that God made this world for me

One can imagine themselves as in a dream
Climbing up a mountain or down a small ravine
The beauty of this peace and quiet always shall stay
To make this place a haven each and every day

Oh, how I wish I never had to leave
All my life such beauty to receive
Now I know that God had made this world for me.

(NOTE: Photo not related to the story.)

4 comments:

TheCoolCanadian said...

Dikong KC:

How touching.

Ganito sanang mga tema ang dapat na gawing DIGITAL FILM, KOMIKS, at PROSA diyan sa atin. Para kasing nalilimutan na ng mga Filipino Digital filmmakers ang ganitong mapayapang pamumuhay. Instead, mga kaputahanan, mga kabaklaan, mga MASSACRE... EWAN! Mga PINUTUKAN SILA NG KULOG! Ito ang uri ng existence na tunay na inspiring. Hindi na kailangang lagyan ng sex and violence, sigawan, murahan, tarayan, patutsadahan, at kung anu-ano pang walang REDEEMING VALUE na palagi na lang nakikita sa mga pelikula at Video. Itong kasaysayan ni Lolo; yung kasaysayan ng paghihintay na mahinog na papaya para makabili ng yoyo; ang pag-aaruga sa mga magulang na nasa dapit-hapon ng buhay (ito'y nagpatulo ng aking luha); ang mga hinanakit na hindi nasabi sa mga kapatid; ang isang tutang itim na pinabayaang maglagusaw sa lansangan at di man lang pansinin kung ito'y mabuhay o mamatay; ang kitlan ng buhay ang isang kulang sa kaisipan, na wala namang dahilan upang ito'y patayin, at hindi magkamit ng katarungan, na para bang ang buhay ng isang tao'y walang kabuluhan.

Ito ang mga temang umaantig sa damdamin, nagpapayaman ng ating kaisipan, nagtuturo ng aral sa buhay, at nagpapaala sa atin na tayo'y mga nilalang na narito sa daigdig upang mamuhay ng naaayon sa landas na dapat tahakin ng bawa't nilalang... na lahat tayo'y isa lang ang pinagmulan, at isa rin lang ang patutunguhan.

Kailangan na sigurong i-compile mo ang mga kasaysayang ito at gawing libro nang siyang maging tagapag-paalala kung ano baga ang pulso ng isang pagiging tao ng isang nilalang.

Salamat sa pagpapamulat ng aking mga mata, Dikong KC. Ipagpatuli mo iyang mga sinusulat mo. Este... IPAGPATULOY pala, ipagpaumanhin ang aking KAPAMPANGAN pronunciation, nahawa lang ako ni Aljur Abrenica at aking namana ang accent niya through osmosis – gayong ako naman ay taga Bicol.

Puwede mo ring gawing komiks iyan. Tapos sabay mong i-market as prosang libro at komiks at makipag-contest sa mga SUPERHERO features na karmihan naman ay very ALIENATING... pagsapit ng local comicon. Pagpalain ka sana ng Poong Maykapal. Ang mga komiks at prosa mo sana ang i-patronize ng mga magtutungo sa comicon, nang sa gayon ay muli silang mag-isip sa pagiging tao nila... lalo na ang mga kabataan, na animo'y sinapian ng mga impakto at maligno... sa pagsusulat at pagsasalita.

Nawa'y huwag silang parang nagte-tex kung nakikipaghuntahan sa internet. Nawa'y mapukaw ang kanilang mga isipan na ang salitang TAPOS ay hindi TAS. At ang BALE ay huwag aabusuhin, na bawa't sentence na lang ay meron nito. Kesyo BALE KAMAG-ANAK KO SIYA. It's either kamag-anak mo ang isang tao o hindi mo kamag-anak. Walang bale-bale dito. Hay, how illiterate-sounding, nakakabaliw. Very poor na yata sa spelling ang mga kabataan ngayon sa RP. Parang ang dami na ring mga walang modo. Mga walang pakialam sa mundo.

Kaya nga iyang mga isinusulat mong base sa iyong buhay ay tunay na magpapamulat sa kanila sa katotohanan... na ang buhay ay hindi isang computer game lamang na puro VIRTUAL ang ginagawalawang universo. Mabuhay ka dikong KC. Lagi ka sanang maging healthy at mapayapa ang isipan, para lalo pang makapagsulat ng mga kasaysayang magbibigay sa mga mambabasa ng mga inspirasyon.

kc cordero said...

JM,
maraming salamat.
ang totoo kahit medyo marami na ang na-o-off sa aking lumang pananagalog ay pinaninindigan ko na ito. sayang kasi, napakaganda ng ating wika.
balang araw ay gagawin ko ngang libro ang mga sinusulat ko rito. sa katunayan, pag nag-uusap kami ni mang nestor malgapo ay nag-o-offer siya na bahala na siya sa cover kung ipagpapatuloy ko.
idadagdag ko lang doon sa eksena na bumigkas na ako ng huling tula, natatandaan ko na matitigas ang mga suot kong kamisadentro at pantalon dahil bagong almirol ni inang. para ding hinimod ng kambing ang aking buhok sa kapal ng pomada. noon kasi, kapag may mga ganitong pagtitipon ay kailangang isputing kahit ang mga bata.
salamat, JM, at sana ay lagi ka ring healthy diyan sa canada.

Hazel Manzano said...

Ang ganda ng larawan.. yan ang gusto rin maexperience sometime.

kc cordero said...

hazel,
not exactly the farm of my lolo, medyo hawig lang. pero ang alam ko ay walang nabago sa lugar, naroon pa rin ang mga tanim pero wala ng alagang hayop.