Monday, November 1, 2010

Isang kuwento ng palabra de honor…

Photobucket

ISANG magandang item sa isang online computer store ang nakaaagaw ng aking pansin dahil masyadong mababa ang presyo. Sabi ko nga sa sarili ko, too good to be true. Ang oras na nai-post ang item ay halos dalawang minuto pa lang. Agad akong nag-message sa may-ari ng item, nag-reply siya dahil nagkatong online pa, at nagkasarado kami ng deal na ako na ang bibili ng produkto niya.
Nagpalitan kami ng cell number, at nagkasundong magkita kinabukasan sa Shangri-La mall sa Mandaluyong City. Hindi pa rin ako makapaniwala na makukuha ko ang nasabing item sa ganoon kababang halaga.
Kinabukasan, bandang alas diyes ng umaga ay nag-text ako sa kanya at sinabing sure ako sa aming usapan. Hindi siya naka-log in sa online computer store pero nag-iwan pa rin ako ng message sa kanya na nagpapaalala ng aming deal just in case na mag-online siya. Alas dose ng tanghali, walang reply sa text o sa online computer store. Sabi ko sa sarili ko, mukhang na-goodtime ako. Bakit ba ako naniwalang ang nasabing item ay ibebenta sa ganoon kamurang halaga?
Nakatatlong text pa ako sa kanya. Bandang alas dos, nag-give up na ako. Wala, sabi ko sa sarili ko. Naloko lang ako at pinaasa.
Kaya nagulat pa ako nang makatanggap ng text message sa kanya bandang alas tres ng hapon na nasa Shangri-La na raw siya. Buti na lang at madali akong nakakuha ng taxi at agad nag-reply sa kanya na pakihintay lang dahil matrapik ang dinadaanan ko. Sa isip-isip ko, di man lang nagpasabi nang maaga-aga para hindi ako nagkukumahog!
Pagkarating sa mall ay agad ko siyang hinanap sa lugar na sabi niya ay pupuwestuhan niya. Nagbigay ako ng description kung ano ang suot ko, at ganoon din naman siya. Kaya madali ko siyang nagkita. Nagkamayan kami at nagpakilalahan batay sa ginagamit naming username sa online computer store. Kasama rin niya ang misis niya. Nasa mid-20s sila at parehong may hitsura at mahahalata na maayos ang antas ng kabuhayan.
Nang ipakita nila sa akin ang item, napahinga ako nang malalim. Sa wakas! Ang laki-laki ng natipid ko. Agad kong tiningnan ang kalidad at maayos naman, mukhang hindi masyadong nagagamit. Bukod pa roon, may ibinigay pa silang ibang peripheral dahil hindi na rin daw naman nila magagamit. Lalo akong natuwa. Sabi ko sa mag-asawa, Oktubre pa lang pero Pasko na ang aking pakiramdam. At nagpasalamat ako nang labis sa kanilang kabaitan.
Dahil ako’y likas na tsismoso ay nakipaghuntahan pa ako nang saglit sa kanila. Nalaman ko na pareho silang OFW sa Saudi, mga bagong kasal at narito lang sila sa Pilipinas para sa kanilang honeymoon. Biniro ko pa na dahil tag-ulan, malamang na makabuo agad sila ng baby. Masarap ang kanilang naging tawanan.
Sinabi ko sa kanila na napakamura ng item na nabili ko sa kanila at hindi ako makapaniwala hanggang sa mga oras na iyon. Nakatuwaan lang daw kasi nilang bilhin iyon sa Saudi pero di naman nila talaga kailangan. (Iba talaga pag may pera!) Pinaglagyan lang nila ng kanilang mga pictures. Ipinakita pa nila ang resibo ng tindahan kung saan nila iyon binili at kinuwenta na lang ang value sa pera natin kaya mura.
Sabi pa ng kausap ko, “May iba ngang naghahabol nang makita nila matapos kong mai-post sa online store. Sila pa ang nagtataas ng presyo makuha lang kasi nga alam nilang mura.”
Sabi naman ng misis ng kausap ko, “Kaya nga lang ay nauna ka na at nagkasundo na kayo sa presyong inilagay niya. Sabi ko sa kanya, panindigan na lang ang usapan n’yo kasi importante sa tao ang palabra de honor.”
Natigilan ako sa bahaging iyon. Palabra de honor. Uso pa nga ba ito? Ilan na lang ba sa atin ang pinanghahawakan ang pangakong binibitawan sa kausap?
Hindi ko alam kung bakit napuno ng tuwa ang kalooban ko nang mga oras na iyon. Sa maraming pagkakataon ay may mga kakilala tayong nawawalan tayo ng gana kapag alam nating puro pangako lang, puro salita pero hindi naman pinaninindigan. May mga opisyal ng pamahalaan na iniluluklok natin sa kapangyarihan gamit ang balota, pero kapag nakaupo na, lahat nang pangako ay napapako. At sabi ko nga, bahagi pa ba ng Filipino values sa panahong ito ang palabra de honor? Parang hindi na, di ba?
Pero heto sa harap ko ang dalawang mas nakababata sa akin at nagsasalita ng tungkol sa palabra de honor. At ang nakatutuwa, pinanindigan nila iyon sa isang estrangherong tulad ko.
Nakakatuwa talaga. At minsan pa, muling nagkaroon ako ng pag-asa. Hindi pa naman lahat sa ating mga Pilipino ay kinain na ng imoralidad at materyalismo. May mangilan-ngilan pa ring tama ang ginawang pagpapalaki ng mga magulang. At sa mag-asawang nakausap ko, saludo ako. Paminsan-minsan ay hinahambalos na rin ng katamaran sa pagiging matuwid ang aking katatagan at nawawalan na ako ng values, aaminin ko, pero dahil sa kanila ay natuto akong muling humawak sa poste ng mga kagandahang asal—na likas sa ating mga Pilipino.
Sana lahat tayo…

Friday, October 15, 2010

neglect, and paying dearly for it...

Photobucket

Photobucket

MATAGAL akong hindi nagpraktis mag-cartoons dahil naging sobrang busy sa kung anu-anong bagay. Ngayong umaga ay parang kinagat ako ng ‘artist bug’ at gusto ko sanang mag-doodle. Hindi ko na rin nabubuklat ang aking mga reference books na nasa ilalim ng aming hagdan. Nang kunin ko ang mga iyon, I got the biggest shock of my life...
Inanay lahat ang mga cartooning books!
Para akong binaril ng stun gun sa nakita ko. Paanong inanay ang mga libro samantalang ang plastic bag na pinaglagyan ko ay nakasarado naman? Regular din akong nag-i-spray ng Baygon. Wala akong makapang sagot pero nakakapanghina, nakakapanlumo ang hitsura ng mga libro. At wala ni isa na maisa-salvage sa mga ito.
Naalala ko ang maraming pagkakataon na naghahalungkat ako sa mga sales na art books. Ang iba na brand new kahit pikit-mata ay pinilit bilhin kahit masira ang budget. Nayari rin ng mga anay ang pinakapaborito kong reference na libro ni Randy Glasbergen na obviously ay ang style na kopyang-kopya ko talaga.
Ang problema sa mga ganitong libro ay hindi naman laging available sa mga bookstores at suwertihan din ang pagbili. At kung matagal mo nang ginagamit, kabisado mo na. Kung medyo hindi naagos ang creative fluid, isang tingin lang sa mga pahina ay makaka-sketch na. Para itong girlfriend na when you’re weary and feelin’ small ay parang bridge over troubled water na sasamahan ka sa kalungkutan.
Ngayon ako nagsisisi na hindi ako nag-provide ng Xerox copies, o kaya’y inilagay ko ang mga ito sa mas safe na lalagyan. Wala na...
Nangangahulugan ito na kailangan ko na namang magkakalkal sa mga bookstore, mag-ipon ng pambili at umasang suwertihin muli na makahagilap ng copy.
Kasalanan ko. Call it negligence, and I paid dearly for it...

Wednesday, October 6, 2010

Thursday, September 23, 2010

iPod, mP3 docks

Photobucket

HINDI ako nag-e-enjoy makinig ng music sa earphone o headset kaya hindi ko rin masyadong nagagamit ang iPod na hand-me-down mula sa aking anak. Ayoko ring nakikinig sa laptop, at kung may deadline ako, gusto kong ang music ay mula sa ibang source. Kaya meron akong micro/hamburger speakers sa bahay para sa aking iPod at mP3. Ang problema lang sa mga ganitong klase ng speaker ay kailangang laging i-charge.
Natiyempuhan ko ang Logitech iPod, mP3 docks sa SOS Computer Store sa may Park Square 1 sa Makati. Batay sa karanasan, okey sa akin ang mga Logitech products. At sa presyong P800, 'ika nga ay steal na ito. Dati ay almost P2,000 ang presyo nito. Mas mahal ang mga mas kilalang iPod docks gaya ng Bose, JBL at Altec Lansing.
Maganda ang sound quality, at nagre-recharge automatically ng iPod kaya dire-diretso ang pakikinig. Kung hindi naman iPod ang inyong mP3 ay may saksakan din para roon, kailangan n'yo lang bumili ng connector. Power supply is 120-220 autovolt.

Tuesday, September 7, 2010

si alipio at ilang kuwentong mais...

Photobucket

HINDI Alipio ang tunay niyang pangalan. Iyon lang ang nakatuwaan kong itawag sa kanya. Mais vendor siya at isa ako sa mga suki niya sa aming kalye.
Malinis ang histura ni Alipio at lagi siyang naka-sandong puti na halatang bagong suot. Hindi rin masyadong pawisan. Maganda ang porma ng katawan at walang tiyan—dala marahil ng araw-araw na paglalakad.
Malayo ang ruta niya sa pagtitinda ng mais. Nagmumula siya sa Tondo at tumatagos sa Pandacan. Hindi naman siya puwedeng sumakay kahit pabalik na dahil sa kanyang kariton at banyera.
Mahilig ako sa mais palibhasa’y lumaki sa bukid. Basta wala akong pasok ay siguradong ito ang meryenda ko. Sapul nang manirahan ako sa lugar namin ngayon halos 18 taon na ang nakalilipas, dumaraan na rito si Alipio. Naging magkahuntahan kami, at nang lumaon ay nagkaroon na ako ng discount. Huwag ko raw sasabihin sa mga kapitbahay ko na mababa ang bigay niya sa akin. Maliit na sikreto lang iyon, kaya kong itago.
Ayon kay Alipio, ang iba pang mga vendor sa lugar namin ay halos mga kasabay rin niyang sumulpot doon gaya ng matandang sorbetero at ang magtataho. Early 20s pa lang daw ang mga edad nila nang sila’y magsimulang magtinda, at kakatwa na kahit nagbabatian sila at minsan-minsa’y nagpapalitan ng tinda, hindi nila alam ang pangalan ng isa’t isa.
Kilala ko rin ang magtataho. Sa kanilang tatlo ay siya ang “success story.” Nakatapos na ang mga anak niya at ang misis niya ay nagtatrabaho sa NSO. Ayaw lang daw niyang tumigil sa pagtataho dahil pakiramdam niya’y maaga siyang mamamatay. May sarili na rin daw silang bahay at lupa. Gayun pala ‘kako, pero ang takal niya ng taho pag bumibili ako ay hindi naman tumataas. Ngiti lang ang sagot niya. Malinis din ang magtataho na ito, payat at lagi ring naka-T-shirt na puti.
Malihim naman ang magsosorbetes. Bukod sa kuwento niyang mas malakas ang ice cream pag tag-ulan (really?) ay wala siyang nababanggit tungkol sa sarili kahit anong piga ko. Well, ang sabi niya sa akin, pag summer daw kasi ay maraming kaagaw na tinda gaya ng halu-halo, scramble at smoothies. Wala ring pasok ang mga bata kaya wala siyang school na matambayan kaya mahina ang sorbetes pag tag-araw. Galante naman siya sa takal ng kanyang ice cream kapag wala akong kasabay na bumibili.
Kay Alipio ako mas bumibili dahil mas masustansya ang mais at dito nga sanay ang tiyan ng isang laking bukid na gaya ko. Ayon sa kanya ay maganda ang kita sa mais na P15 ang isang piraso. May kinukuhanan daw siya sa Divisoria na halos P4 lang ang isang piraso, at dagdag na gastos na lang ang paglalaga. Ang pinakamalaking sakripisyo aniya ay ang paglalako dahil nga sa haba ng kanyang nilalakad.
Sabi ko sa kanya, sa tindi ng kondisyon ng kanyang katawan ay kayang-kaya niyang sumali sa mga marathon. Gaya ngayong October na may “Takbo Para sa Ilog Pasig” kung saan isa ako sa mga tatakbo. Sumali ‘kako siya at kahit ako na ang magbayad ng kanyang fee. Pero wala raw siyang hilig sa mga ganitong okasyon. Ang Sabado’t Linggo niya ay nakalaan sa pahinga, at konting inom ng Red Horse na mag-isa. “Mahirap ang may kainuman, pare,” natatawa pa niyang sabi sa akin. “Minsan pinainom mo na ikaw pa ang sasaksakin!”
Hindi rin daw ligtas sa indulto ang kanyang trabaho. Minsan na rin siyang “natiketan” ng pulis. Nagkataon daw na may bumili sa kanya at hindi niya naisampa sa bangketa ang kanyang kariton. “Illegal parking” ang kanyang naging violation, at pinakawalan lang siya matapos magbayad ng P200. Inaalok daw niya ng mais, pero mas gusto ng garapal na pulis ang dos siyentos na kanyang pinagpaguran. Susko po, Ka Indo, sabi nga ni Ka Tunying Taberna ng DZMM.
Noong Lunes kagagaling ko lang sa opisina at naglalakad na ako pauwi sa bahay, bandang 5:30 ng hapon ay narinig kong sumisigaw ng “Mais! Mais!” si Alipio sa may likuran ko. Hinapon sabi ko sa isip ang kumag, pero okey lang dahil makakapagmeryenda ako. Masarap kasabay ng barakong kape ang mais na nilaga lalo pa’t hindi dumating sa aming usapan ang kliyente kong dapat ay nagbayad sa akin na isang buwan ko nang sinisingil dahil may babayaran din ako kay Kabayang Alex Areta na aking kumpare. Nakakahiya na sa aking kumpare, baka maisoli na sa akin ang kandila. Hinintay ko si Alipio sa tapat ng bahay namin. Habang bumibili ako, pinuna kong late yata ngayon ang kanyang epektos. Mukha ‘kakong tinanghali siya ng paglalaga ng mais.
Nabigla ako sa sagot niya…
“Hindi naman. Maaga pa rin. Bumagal na lang ang paglalakad ko. Kuwarenta’y tres na kasi ako. Ramdam kong mabibigat na ang mga paa ko,” kaswal na sabi niya.
Hindi ko alam pero pagkaalis niya tulak ang kanyang kariton at tinatanaw ko siya papalayo ay nakaramdam ako ng awa sa kanya. Totoo ngang mabagal na ang kanyang paglalakad. Noon pag sumigaw siya ng “Mais! Mais” ay kailangan kong tumakbo palabas ng bahay para abutan siya. Kaya nga ayaw na ayaw ng misis ko na siya ang uutusan kong lumabas pag narinig ko ang sigaw ni Alipio. Sandali lang kasi ay wala na agad si Alipio sa paningin.
Darating pala ang panahon na pagabi na nang pagabi ang magiging meryenda ko kung tuluyang babagal ang paglakakad ni Alipio. At sa mga susunod na taon, kayanin pa kaya niya ang mula Tondo hanggang Pandacan na paglalakad?
Ilagay natin ang mga sarili natin sa katayuan ni Alipio anuman ang ating hanapbuhay. May pagkakataon din na napakabilis natin sa ating ginagawa, at kahit marami ay kaya nating tapusin. Sa pansarili kong pagtataya sa aking sarili, hindi na ako ganoon kabilis ngayon. Well, sharp pa naman ang isip. Pero ang katawan at espiritu ay hindi na ganoon kasipag. Sa maraming pagkakataon, mas gusto ko sanang wala munang ginagawa, walang iniisip, walang corporate pressure, walang mga balasubas na kasamahan sa opisina, etc… etc.
Sa kaso ni Alipio, iisa ang landas na kanyang tinatahak araw-araw. Ang insidente sa kotong cop ay minsan lang nangyari. Hindi naman niya nabanggit kung sawa na ba siya sa ginagawa niya o hindi pa. Nagkataon lang na ang kanyang katawan ay inaabutan na ng wear and tear. Darating siguro ang panahon na hanggang Tondo na lang ang kaya niyang libutin, at ako naman ay mag-iisip na rin siguro ng bagong memeryandahin.
At tayong iba ang hanapbuhay na bukod sa wear and tear mentally and physically ay marami pang stress sa katawan, kailangan sigurong paminsan-minsan ay mag-chill out.
For the meantime, habang malakas-lakas pa si Alipio, halina kayo at sabayan ninyo akong ngumasab ng napakasarap na mais—with margarine and salt—at tinda ng isang naghahanapbuhay nang malinis at marangal.

Tuesday, August 31, 2010

Goodbye, Diet...

Photobucket

NAMATAY na pala si Diet, naibalita sa akin ng isang staff ng Risingstar Printing. Si Diet ay ang dog na kasa-kasama ko sa opisina nang sinimulan ko ang nasabing company. Umpisa pa lang ay mabait na siya sa akin. Isa siyang bichon frise. Kinakatok niya ang pinto kapag naramdaman niyang nagbukas ako ng aircon, mahilig siya sa malamig na lugar. Lagi rin siyang nakaupo sa isang silya at nakatingin sa akin kapag may ginagawa ako na para bang nagbabantay kung nagbubulakbol ako kaya tinawag ko siyang Sir Diet. Lagi rin kaming naglalaro kapag nababato ako sa harap ng computer. Mahusay siyang sumalo ng pinira-pirasong pandesal.
Nasobrahan daw sa garapata si Diet at hindi na inasikaso ng may-ari. Hindi nakapagtataka. Kung ang mga empleyado ng Risingstar ay hindi maasikaso ng may-ari nito, ang aso pa kaya?
Ang photo ni Diet sa itaas ay kuha ko sa kanya noong last day ko sa Risingstar, and that was almost 3 years ago. Pareho kaming malungkot noon, na parang alam din niya na iyon na ang huli naming pagkikita. Nasa expression niya ang hindi maisatinig na nararamdaman nang mga oras na iyon. At kahit noon pa lang, ganito na siya napapabayaan.
Goodbye, Diet. Man, you made me cry...

Saturday, August 28, 2010

gaano kalinis ang chinese government?

NAKUHA ko sa net. Bago tayo magalit kay P-Noy at sa ating pamahalaan:

http://ht.ly/2vK2O