Thursday, June 26, 2008

'hiwaga'

Photobucket

TAONG 1991 pa ako huling nagkasakit ng malubha. Humina ang lungs ko at halos isang buwan akong namalagi sa Capitol Medical Center. Bukod sa lung problem ay nagsulputan pa ang iba-iba kong sakit. Namayat ako nang todo, at isang umaga ay nagising akong nalalagas ang buhok. Akala ko ay mamamatay na ako.
Hindi pa naman pala. Marami pang nangyari sa buhay ko, at mula noon ay naging maingat na ako sa aking kalusugan.
Sa simula nitong buwan ng Hunyo ay hindi ko alam kung bakit bumabagsak na naman ang katawan ko. Pagkatapos ko ng deadline ng The Buzz Magasin ay nagkaroon ako ng severe diarrhea. Common health problem naman ang diarrhea at akala ko ay makukuha ko sa over the counter meds at pahinga. Pero hindi. Dalawang linggo na ay matindi pa rin ang atake.
Nag-panic na ako. Hindi ko ugali ang magpunta sa doctor pero napilitan ako. Sa loob ng isang linggo, tuwing hapon ay nasa klinik ako ng doctor, pero sa kabila ng medikasyon ay hindi nawawala ang sira ng tiyan ko. Lalo akong nag-panic. Walang masakit, basta sira lang, at wala ring mali sa lab test. Talagang sira lang at sabi ng doctor ay posibleng naglalabas pa ako ng toxins kaya hindi pa normal ang dumi ko.
Kamamatay lang ni Daboy, at dahil napa-paranoid ako ay nag-research ako sa net ng tungkol sa kanyang sakit. Kung bakit naman lahat ng symptoms ng naging sakit niya ay nararamdaman ko. Lalo akong natakot at napadalas ang punta sa CR. Nag-research din ako ng iba pang alternative cure sa net, at isa sa numero unong reply at ‘the best’ daw na solusyon na nabasa ko ay ito: Lots and lots of toilet paper!
Magkakaiba rin ang opinion tungkol sa fiber diet bilang solusyon kaya lalo na akong nagulumihanan. Naghanap din ako ng dahon ng bayabas para ngatain at lunukin ang katas, wala naman akong makita.
Ayaw ko man, kinagabihan ay nagdesisyon ako na kinabukasan ay magpapa-confine na ako dahil iba na ang nararamdaman ko sa katawan ko.
Nang matutulog na ako nang gabing iyon ay naisip ko ang aking namayapang mga magulang. Totoo talaga na kahit may-edad ka na at pamilyado, sa panahon ng mabibigat na problema ay hahanapin mo pa rin ang balikat ng mga magulang. Hindi siguro ako matatakot kung nasa tabi ko sila. Noong bata pa ako, kung anu-anong dahon lang ang ipinaiinom nila sa akin at bumubuti na ang pakiramdam ko. Haplos lang nila sa noo ko o sa alinmang bahagi ng katawan ko na masakit ay tila pinahid na dumi iyon na sa isang iglap ay mawawala.
Nakatulog akong ang pagpapa-confine sa ospital kinabukasan ang bumabagabag sa isip. Makakasira kasi iyon sa budget dahil alam naman natin kung gaano kamahal ngayon ang magkasakit.
Kalaliman ng tulog ko nang bigla ay nakita ko ang sarili ko na naglalakad sa mahabang kalsada na ang paligid ay puro berdeng halaman. Natandaan ko ang lugar na sa Cuenca, Batangas at tinutugpa ko ang daan patungo sa aming baryo sa Balete. Mahabang paglalakad iyon na parang mula sa SM Fairview, Quezon City hanggang sa Mall of Asia, Pasay City. At nakapagtatakang hindi ako nakakaramdam ng pagod.
Alam ko rin na panaginip iyon.
Patuloy ang aking mahabang paglalakad sa gitna ng makitid na kalsada na napapalibutan ng mga halamang berde. Nalaman kong malapit na ako sa lugar namin mismo nang makita ko ang ilan sa aking mga kababata na umiinom ng alak sa isang tindahan pero hindi nila ako pinansin at tuloy lang sila sa pagtagay. Saglit pa ay nasa may tarangkahan na ako ng aming bakuran.
Hindi ko maipaliwanag ang saya na sumapuso ko nang matanaw ko ang aming bahay. Ang kayarian nito ay noong hindi pa naipapa-remodel. Malaking bahay iyon na karaniwang nakikita sa mga probinsya noong dekada sisenta. Yari sa kahoy na may matataas na haligi at butas o lampas an ang hangin sa ibaba. Idinisenyo ito ng kapatid na arkitekto ng aking ama, at yari sa purong tablang yakal. Capiz ang malalaking bintana at may malaking balkonahe. Nang pumanhik ako ay sinalubong ako ni Limbas, ang unang aso namin na nakamulatan ko na mula pagkabata. Si Limbas ay isang Great Dane at regalo sa aking ama ng may-ari ng hardware store na kinunan niya ng mga materyales na ginamit sa pagpapatayo ng aming bahay. Noong may isip na ako, malaki pa si Limbas sa mga alaga kong kambing. Matagal ko siyang kasa-kasama sa bahay. Grade three na ako nang mamatay siya dahil sa katandaan—sa mismong balkonahe namin siya binawian ng buhay habang hinahaplos ko ang kanyang ulo at pilit iminumulat ang mga mata. Natatandaan ko pa rin kung saan siya inilibing—sa ilalim ng puno ng avocado kung saan ako madalas maupo kapag nagkakayas ng gagawing walis tingting.
Hinaplos ko si Limbas at kasunod ko siyang pumasok sa loob ng bahay. Malawak ang aming salas na ang sahig na kahoy ay napakakintab. Iisa lang ang malaking silid at kasunod niyon ang aming kusina. Narinig kong nag-uusap ang aking ama’t ina. Napatingin ako sa aming lumang orasan sa dingding, eksaktong alas tres ng hapon. Tapos na ang kanilang siesta sa gano’ng oras at tiyak na nagmemeryenda na sila.
Pagbungad ko sa kusina ay naroon nga ang aking ama’t ina. Katawan lang nila ang malinaw kong nakikita pero ang mga mukha ay hindi. Magaganda ang kanilang katawan na para bang kaylulusog, malayo sa mga katawan nilang iginupo na ng katandaan nang sila’y mamayapa. Naghihimay sila ng mais habang nakikinig sa lumang Avegon radio. Pumapailanlang ang awiting “Downtown’ ni Petula Clark. Ang nahihimay nilang mais ay sinasahod nila sa malapad na bilao.
Hindi sila tumitingin sa akin at hindi rin nila ako binati. Napadako ang tingin ko sa aming mahabang mesang kahoy na yari sa narra at walang nakatakip na mantel. Sa pinakakabisera niyon na paborito kong puwesto ay may isang platong pritong saging—na paborito kong meryenda na hanggang sa huling sandali ng kanilang buhay ay niluluto nila kapag dumadalaw ako sa kanila. Basta darating ako roon, hindi kumpleto ang pagsalubong nila sa akin kung walang pritong saging. May katabi ring umuusok na kapeng barako ang nakahandang meryenda.
Naupo ako at sinimulang kainin ang nakahandang pagkain. Habang kumakain ako ay pinatay ng aking ina ang radio at bumaba sila ng aking ama sa hagdan na nakakabit sa aming kusina. Sumunod sa kanila si Limbas. Naiwan ako at ipinagpatuloy ang pagkain. Naubos ko ang napakaraming pritong saging at pinawisan ako matapos higupin ang kumukulong isang tasang barakong kape.
Matapos kumain ay bumaba ako at naglakad nang walang sapin sa paa sa aming bakuran. Ang dating madamong lugar na pinaglalaruan ko noong bata pa ako ay muli kong pinasyalan. Napakasariwa ng hangin, pumikit ako at pinuno ang dibdib ng simoy amihan. Matagal. Nang muli kong pakawalan ang hangin sa aking dibdib ay nagising na ako—na sariwang-sariwa sa isip ang mga naganap.
Nang nag-aalmusal na ako ay naikuwento ko sa aking misis ang aking napanaginipan. Sabi niya ay baka raw nami-miss ko na ang aming lumang bahay gayundin ang aking mga magulang at ang mga bagay na ginagawa ko noong ako’y bata pa.
Ang nakapagtataka ay hindi na ako nakakaramdam ng sira ng tiyan. At noong araw na iyon, hindi na ako bumiisita sa CR kahit minsan. Hindi na rin ako nagpaospital dahil parang himalang naging normal na ang aking pakiramdam. Sa katunayan, nakapag-treadmill na uli ako samantalang ilang araw ang nakalilipas ay halos hindi ako makabangon sa panghihina. Kinabukasan muli nang magbawas na ako, pardon my language… but I would like to say that it was one of the best shits of my life. Salamat sa pritong saging.
Or should I say, salamat sa panaginip ko sa aking mga magulang…
Mahiwaga ang buhay. Kung may naging bahagi ang mga namayapa kong magulang para ako’y gumaling, hindi ko maipaliwanag.
Sa mga may malalawak na kaalaman sa paranormal occurrences, sana ay mabigyang interpretasyon ninyo ang panaginip at karanasan kong ito.

Wednesday, June 4, 2008

'siya...'

Photobucket
ISA pang blind item...
Sikat na komikero at blogger ang magkakaroon ng gig sa MAXIM Philippines. Sabi niya, sigurado raw na mag-e-enjoy siya sa mga assignments niya rito.
OK, ako ang nag-suggest sa editorial ng Maxim na subukan ang mamang ito dahil talaga namang malupit ang kamay at mga ideya. Pinagbigay siya ng sample drawings. After a week ay nagtanong ako sa associate editor kung nagpadala na ba ng samples. Oo raw. Kumusta naman ‘kako? Nag-thumb’s up ang editor sabay sabing: “Excellent!”
Hindi na ako nagulat. Type na type kasi ng mamang ito na tumirada ng mga sexy illustrations.
Inspired, huh!
Sino siya?