Thursday, June 26, 2008

'hiwaga'

Photobucket

TAONG 1991 pa ako huling nagkasakit ng malubha. Humina ang lungs ko at halos isang buwan akong namalagi sa Capitol Medical Center. Bukod sa lung problem ay nagsulputan pa ang iba-iba kong sakit. Namayat ako nang todo, at isang umaga ay nagising akong nalalagas ang buhok. Akala ko ay mamamatay na ako.
Hindi pa naman pala. Marami pang nangyari sa buhay ko, at mula noon ay naging maingat na ako sa aking kalusugan.
Sa simula nitong buwan ng Hunyo ay hindi ko alam kung bakit bumabagsak na naman ang katawan ko. Pagkatapos ko ng deadline ng The Buzz Magasin ay nagkaroon ako ng severe diarrhea. Common health problem naman ang diarrhea at akala ko ay makukuha ko sa over the counter meds at pahinga. Pero hindi. Dalawang linggo na ay matindi pa rin ang atake.
Nag-panic na ako. Hindi ko ugali ang magpunta sa doctor pero napilitan ako. Sa loob ng isang linggo, tuwing hapon ay nasa klinik ako ng doctor, pero sa kabila ng medikasyon ay hindi nawawala ang sira ng tiyan ko. Lalo akong nag-panic. Walang masakit, basta sira lang, at wala ring mali sa lab test. Talagang sira lang at sabi ng doctor ay posibleng naglalabas pa ako ng toxins kaya hindi pa normal ang dumi ko.
Kamamatay lang ni Daboy, at dahil napa-paranoid ako ay nag-research ako sa net ng tungkol sa kanyang sakit. Kung bakit naman lahat ng symptoms ng naging sakit niya ay nararamdaman ko. Lalo akong natakot at napadalas ang punta sa CR. Nag-research din ako ng iba pang alternative cure sa net, at isa sa numero unong reply at ‘the best’ daw na solusyon na nabasa ko ay ito: Lots and lots of toilet paper!
Magkakaiba rin ang opinion tungkol sa fiber diet bilang solusyon kaya lalo na akong nagulumihanan. Naghanap din ako ng dahon ng bayabas para ngatain at lunukin ang katas, wala naman akong makita.
Ayaw ko man, kinagabihan ay nagdesisyon ako na kinabukasan ay magpapa-confine na ako dahil iba na ang nararamdaman ko sa katawan ko.
Nang matutulog na ako nang gabing iyon ay naisip ko ang aking namayapang mga magulang. Totoo talaga na kahit may-edad ka na at pamilyado, sa panahon ng mabibigat na problema ay hahanapin mo pa rin ang balikat ng mga magulang. Hindi siguro ako matatakot kung nasa tabi ko sila. Noong bata pa ako, kung anu-anong dahon lang ang ipinaiinom nila sa akin at bumubuti na ang pakiramdam ko. Haplos lang nila sa noo ko o sa alinmang bahagi ng katawan ko na masakit ay tila pinahid na dumi iyon na sa isang iglap ay mawawala.
Nakatulog akong ang pagpapa-confine sa ospital kinabukasan ang bumabagabag sa isip. Makakasira kasi iyon sa budget dahil alam naman natin kung gaano kamahal ngayon ang magkasakit.
Kalaliman ng tulog ko nang bigla ay nakita ko ang sarili ko na naglalakad sa mahabang kalsada na ang paligid ay puro berdeng halaman. Natandaan ko ang lugar na sa Cuenca, Batangas at tinutugpa ko ang daan patungo sa aming baryo sa Balete. Mahabang paglalakad iyon na parang mula sa SM Fairview, Quezon City hanggang sa Mall of Asia, Pasay City. At nakapagtatakang hindi ako nakakaramdam ng pagod.
Alam ko rin na panaginip iyon.
Patuloy ang aking mahabang paglalakad sa gitna ng makitid na kalsada na napapalibutan ng mga halamang berde. Nalaman kong malapit na ako sa lugar namin mismo nang makita ko ang ilan sa aking mga kababata na umiinom ng alak sa isang tindahan pero hindi nila ako pinansin at tuloy lang sila sa pagtagay. Saglit pa ay nasa may tarangkahan na ako ng aming bakuran.
Hindi ko maipaliwanag ang saya na sumapuso ko nang matanaw ko ang aming bahay. Ang kayarian nito ay noong hindi pa naipapa-remodel. Malaking bahay iyon na karaniwang nakikita sa mga probinsya noong dekada sisenta. Yari sa kahoy na may matataas na haligi at butas o lampas an ang hangin sa ibaba. Idinisenyo ito ng kapatid na arkitekto ng aking ama, at yari sa purong tablang yakal. Capiz ang malalaking bintana at may malaking balkonahe. Nang pumanhik ako ay sinalubong ako ni Limbas, ang unang aso namin na nakamulatan ko na mula pagkabata. Si Limbas ay isang Great Dane at regalo sa aking ama ng may-ari ng hardware store na kinunan niya ng mga materyales na ginamit sa pagpapatayo ng aming bahay. Noong may isip na ako, malaki pa si Limbas sa mga alaga kong kambing. Matagal ko siyang kasa-kasama sa bahay. Grade three na ako nang mamatay siya dahil sa katandaan—sa mismong balkonahe namin siya binawian ng buhay habang hinahaplos ko ang kanyang ulo at pilit iminumulat ang mga mata. Natatandaan ko pa rin kung saan siya inilibing—sa ilalim ng puno ng avocado kung saan ako madalas maupo kapag nagkakayas ng gagawing walis tingting.
Hinaplos ko si Limbas at kasunod ko siyang pumasok sa loob ng bahay. Malawak ang aming salas na ang sahig na kahoy ay napakakintab. Iisa lang ang malaking silid at kasunod niyon ang aming kusina. Narinig kong nag-uusap ang aking ama’t ina. Napatingin ako sa aming lumang orasan sa dingding, eksaktong alas tres ng hapon. Tapos na ang kanilang siesta sa gano’ng oras at tiyak na nagmemeryenda na sila.
Pagbungad ko sa kusina ay naroon nga ang aking ama’t ina. Katawan lang nila ang malinaw kong nakikita pero ang mga mukha ay hindi. Magaganda ang kanilang katawan na para bang kaylulusog, malayo sa mga katawan nilang iginupo na ng katandaan nang sila’y mamayapa. Naghihimay sila ng mais habang nakikinig sa lumang Avegon radio. Pumapailanlang ang awiting “Downtown’ ni Petula Clark. Ang nahihimay nilang mais ay sinasahod nila sa malapad na bilao.
Hindi sila tumitingin sa akin at hindi rin nila ako binati. Napadako ang tingin ko sa aming mahabang mesang kahoy na yari sa narra at walang nakatakip na mantel. Sa pinakakabisera niyon na paborito kong puwesto ay may isang platong pritong saging—na paborito kong meryenda na hanggang sa huling sandali ng kanilang buhay ay niluluto nila kapag dumadalaw ako sa kanila. Basta darating ako roon, hindi kumpleto ang pagsalubong nila sa akin kung walang pritong saging. May katabi ring umuusok na kapeng barako ang nakahandang meryenda.
Naupo ako at sinimulang kainin ang nakahandang pagkain. Habang kumakain ako ay pinatay ng aking ina ang radio at bumaba sila ng aking ama sa hagdan na nakakabit sa aming kusina. Sumunod sa kanila si Limbas. Naiwan ako at ipinagpatuloy ang pagkain. Naubos ko ang napakaraming pritong saging at pinawisan ako matapos higupin ang kumukulong isang tasang barakong kape.
Matapos kumain ay bumaba ako at naglakad nang walang sapin sa paa sa aming bakuran. Ang dating madamong lugar na pinaglalaruan ko noong bata pa ako ay muli kong pinasyalan. Napakasariwa ng hangin, pumikit ako at pinuno ang dibdib ng simoy amihan. Matagal. Nang muli kong pakawalan ang hangin sa aking dibdib ay nagising na ako—na sariwang-sariwa sa isip ang mga naganap.
Nang nag-aalmusal na ako ay naikuwento ko sa aking misis ang aking napanaginipan. Sabi niya ay baka raw nami-miss ko na ang aming lumang bahay gayundin ang aking mga magulang at ang mga bagay na ginagawa ko noong ako’y bata pa.
Ang nakapagtataka ay hindi na ako nakakaramdam ng sira ng tiyan. At noong araw na iyon, hindi na ako bumiisita sa CR kahit minsan. Hindi na rin ako nagpaospital dahil parang himalang naging normal na ang aking pakiramdam. Sa katunayan, nakapag-treadmill na uli ako samantalang ilang araw ang nakalilipas ay halos hindi ako makabangon sa panghihina. Kinabukasan muli nang magbawas na ako, pardon my language… but I would like to say that it was one of the best shits of my life. Salamat sa pritong saging.
Or should I say, salamat sa panaginip ko sa aking mga magulang…
Mahiwaga ang buhay. Kung may naging bahagi ang mga namayapa kong magulang para ako’y gumaling, hindi ko maipaliwanag.
Sa mga may malalawak na kaalaman sa paranormal occurrences, sana ay mabigyang interpretasyon ninyo ang panaginip at karanasan kong ito.

22 comments:

Anonymous said...

ala, umuwi ka muna sa atin at nang makita mo uli ang sinilangan mong lugar. bandang kanluran pa nang kaunti, nasa putol ka na.
salamat naman at magaling ka na.

kc cordero said...

kabayan,
oo nga, eh. pagkatapos uli ng deadline ay makauwi muna at makapagtanim ng saging. :)

KOMIXPAGE said...

I once experience that fear KC, that was in 1990. one and a half year old pa lang ang ikalawa kong anak. Kung saan-saang ospital ako nagpa-diagnosed dahil sa takot ko sa sinabi ng unang doktor na "baka raw kanser" ang bukol na nakakapa ko sa aking lalamunan na bigla ko na lang nakapa. That irresponsible comment coming from him almost cost me my life. Fear, anxiety, depression. Minsan kapang nagigising ako, para akong nalulunod habang iniisip ko na maglalaho na ako sa mundo. Habang minamasdan ko pa ang maliit kong anak, iniisip ko na hindi ko na siya makakalakihan. Then I began reading the bible from cover to cover. Every 3 Am gumigising ako to pray. I did this for six long years kung 365 days ang isang taon ganoon ginagawa kong prayer. Inihinto ko na rin ang pagpapa-check up ko dahil natakot ako sa ginawa noon sa akin sa UST. I then relied my fate to God. I also began reading near death experiences at isa dito ang Embraced by the Light by Betty J. Eadie na naging inspirasyon ko. After reading that book, naglaho ang na aking fear. I'm now ready kapag tinawag na ako ng Diyos. Now 18 years old na ang anak ko na iniisip ko noon na baka hindi ko na makita ang paglaki. I thank God for this. Buhay pa rin ako hanggang ngayon at malakas. May God Bless you also.

TheCoolCanadian said...

Ingkong KC:

Could it be a case of AMOEBIASIS? It sounds like it. I hope they have done this test in the hospital. Amoeba can really knock you out, you know. Also, it might make you feel better for sometime, but if they haven't been eradicated totally, it can comeback. The nasty part is: they can invade your brain and that would be a problem.

In Bicol, there is a meryenda called SINAPOT. tulad sa larawang nakapost, hinihiwa rin ang saging na saba, then inilulublob sa wet rice flour then inilalatag sa dahon ng MABOLO (kamagong), at saka itutubog sa cholesterol-laden na mantika.

Kung bata ka pa, as in 10 years old, puwede pa siguro. Pero kung laghpas na ng 30, iwas na sa prito.

Kung may diarrhea at ayaw mawala, marami kang hahanaping cause, but chances are, itong tatlo ang culprit:

1. AMOEBIASIS
2. SALMONELLA
3. EMOTIONAL

Sa uulitin, para hindi ka manghina, inom ka lang agad ng PEDIALITE. Pambata ito, but it also works for adults. Ang nagpahina sa iyo ay ang dehydration. Hindi ba't ito pa nga ang ikinamatay ng movie reporter na si GIOVANNI CALVO, may God bless his soul.

I believe that your parents have visited you.

I always dream about my parents as well and each time I see them in my dream, I wake up extremely joyful.

But don't let Super Kapre see this or he's going to have a conniption. HHHHHHHH.

kc cordero said...

arman,
1990 ka nakaranas, 1991 naman ako. kung pareho pala tayong natuluyan, sa bakuran na ni sanpedro tayo naghuhuntahan ngayon. :) pero gaya mo, ang nangyari sa akin noon ay idinaan ko rin sa dasal at panata, at nagpalakas iyon lalo ng aking pananampalataya sa maykapal.

JM,
the cause was more emotional in nature at nasobrahan ako ng stress. ipinayo naman ng doktor na magtunaw ako ng tatlong pedialite tablet sa isang litrong tubig at iyon ang kinokonsumo ko sa araw-araw hanggang sa maging normal ang pakiramdam ko.
ang medyo kakatwa, mula nang mamayapa ang mga magulang ko ay hindi naman sila nagparamdam sa akin o napanaginipan man lang. ito ang unang pagkakataon na nakita ko sila sa panaginip. at base sa obserbasyon ko na malulusog sila, i'm quite sure na masasaya na sila saan man sila naroroon.
salamat sa health tips. dahil sa kababasa ko ng mga payo mo tungkol sa pangangalaga ng katawan, naging conscious na rin ako sa health ko.

Ron Mendoza said...

KC,

Hindi ako dream expert pero unwritten rule na talaga na 'pag sobrang nami-miss mo ang isang tao ay napapanaginipan mo 'to. Detailed at napakahaba ng panaginip mo, sign din siguro 'yon na nami-miss ka rin ng sobra ng parents mo. JM is right, they probably visited you.

It's good to know that you're well now.

Anonymous said...

maraming nagkaasakit nang 50/50 ang buhay ay nanaginip nang kakaiba bago pa man siya tuluyang gumaling. para bang ang soul niya ay humihiwalay na sa physical body at naglalakbay kung saan saang lugar. mapalad ka at bumalik pa ang kaluluwa sa pisikal mong anyo.

senyales iyan na malala talaga ang kalagayan mo nung nagkasakit ka pa kaya next time ingat ka na.

Anonymous said...

Hi KC.

I'm not a dream expert but I do believe that you've been given a few positive messages by your deceased parents.

And thank goodness you're now well. Maybe you can post your blog more frequently. Lagi akong dumadalaw sa blog mo even if I don't post comments.

Take it easy na lang lagi.

Josie A.

kc cordero said...

ron,
long time no hear, pare. last na nagkita tayo almost 4 years ago ay sa sm manila kasama mo ang pamangkin mo at di naman tayo nakapag-usap. sana pag may gathering ang mga komikero ay mag-attend kayo nina arman.

miss josie,
i'll try to post every week para rin mahasa ulit ang writings ko kasi nararamdaman ko na ang pangangalawang sa pagsusulat. lately kasi ay puro magazine concepts ang assignments ko kaya puro research na halos ang naatupag ko.

anonymous,
hindi pa naman po ako nag-fifty-fifty kahit noong nalagas ang buhok ko nang magka-lung problem ako, hehehe. ipinaglihi kasi ako sa isang certain kind of tree kaya may panahon sa buhay ko na para akong natutuyot... at pagkatapos ay sumasariwa uli. i don't know if it's true pero parang namana ko sa napaglihian sa akin ang properties ng nasabing punong kahoy. :)

Anonymous said...

the best comment i read here is from arman. indeed, when you're in trouble, the best thing you can do is run to God ang believed in his words. instead of meditating on the sickness, meditate on Gond's words. when things seems to be impossible, make is possible with God next time.

Anonymous said...

ung fren ko na nagkasakit ng ganito.i advised him na bawas basawasan ang pambabae. sobra na kasi siya gumamit.ngaun mabuti na ang health niya saka naging normal na ang pamumuhay niya.di na rin sila nag aaway ng misis niya.

ARTLINK STUDIOS said...

Sir,

Sir, medyo nanindig balahibo ko.Totoo.Hindi yung iniiisip ng iba a.hehehe

In my own interpretation, kaya ka nanaginip ng ganun ay dahil paraan rin yun ng katawan mo na pagalingin ang sarili. Ito ay bunga ng iyong determinasyon upang mahanap ng
kalunasan at kasagutan sa iyong nararamdaman,subconsciously, habang gising ka ay hirap ka sa paghanap, pero pag tulog ka duon nag aanalyze
ang subconscious mo..Maaring isang medical theory palang sinasabi ko pero ang naging panaginip mo ay salamin ng pag ke cleansing iyong body metabolism na dinedektahan ng utak mo at ito ay dinaan sa panaginip.Kung naalala nyu po na minsan nakakaexperience tayu ng
"adrenaline rush" pag tayu ay nasa danger or something extreme zituation. Ang nangyari
po sa inyo ay isang posibleng Theory na katulad ng sa "adrenaline rush" na mahirap pa ipaliwanag pero nangyayari.Sa oras kasi ng pagtulog, pagpahinga at panaginip
may maganda pong nangyayari sa ating katawan ayun sa mga makabagong "study" na aking
nabasa, sa ganung "state of the mind" ay nabibigyan ng daan ang pag repair ng cells, tisues at organs
natin, nag proproduce ang katawan natin ng chemicals na nakakatulong sa pagpapasigla ng ating katawan uli. Pag tulog tayu sa tamang oras
halimbawa, ang liver natin ay nag cle cleansing sa sarili nito. Malamang yung naging kasu ng inyong
panaginip ay isang uri ng cleansing at repair ng iyong katawan dahil ang lumabas na images sayu ay puro "refreshing" thoughts na nagpabalik
tanaw sayu nung dating kapiling mo pa ang iyong mga magulang.Lalo na at bago ka natulog , di mo alam malalim ang pag isiip ng iyong diwa tungkol sa nagyayari sayu ngayun at sa iyong nakaraan. At nung "maibsan" ang iyong pagkamiss sa kalinga ng iyong magulang at magagandang alaala ay kusang
naghilom ang paghihirap mo ng magising ka.

Isa pong kabaligtarang mga ganitong uri ng panaginip ay ang pagapanaginip ng mga delubyo, sakit, kabiguan at sakuna, na ang ibig naman pong sabihin ay meron
kang "internal" na nararamdaman o sakit. Ito ay normal na dikta ng iyong kaisipan habang tulog tayu.Linggid po sa
kaalaman ng lahat, pag tulog po tayu, ay gising po ang isang bahagi ng ating diwa na siyang pangangalaga
ng ating katawan, minsan dinadaan nito sa panaginip
ang lahat ng "mensahe" na ninanais nito iparating pag tayu ay gising na. Subukan niyo po tingnan minsan ang mg panaginip natin, merun po itong matatalinghagang mensahe
na mahalaga sa ating kalusugan , desisyon at kapakanan,nakabalot lang ito sa mga simbolo.


Hay..para akong dream doctor a.bwahahahahahahahahaha

kc cordero said...

john,
you hit it right, man. ang galing!

-kc

Anonymous said...

KC,

Mag-ingat ka sa mga water-borne disease, at mga street food. Iyan karaniwan ang mga sakit natin sa THIRD WORLD. Nadale na rin ako ng AMOEBEASIS, ng bago ako rito sa Iloilo. An sama ng gamot , actually poison eh, in small dosages, pinapatay yung mga parasites. Manghihina ka talaga dahil sa dehaydration. Inuman mo na lang ng mga electroltye o kaya Gatorade para ma replenish yung mga nawala sa iyo...


Auggie

kc cordero said...

auggie,
totoo 'yun. dati ay hindi kami bumibili ng mineral water, ngayon nagpapa-supply na kami. kahit sa mga kainan na may libreng tubig, kahit yung pinakamaliit bumibili na ako para safe.
sa bahay na rin ako nagluluto ng mga street foods na paborito ko gaya ng nilagang mani, kamote at mais. medyo magastos sa gaas pero safe.
3 days akong uminom ng gamot kontra amoebiasis, grabe ang pait! isang linggo na parang nalalasahan ko pa.

Virginia B. Bautista said...

Hi Mr. KC,

This entry is such a long but meaningful story. It's good to hear po that you're fine by now. I'm sure that your experience has a message that only you would be able to find out...

Anyway po, I'm not sure if you'll remember me. I'm Josie Aventurado's daughter who once(or a few times) submitted stories to you when you were editor at Atlas Publishing Co. I got your blog address from my mom and I visit your blog once in a while.

This blog is so interesting. Super Tagalog -- :-)

I guess you're the same editor that I admired when I was in high school :-) You seem so dedicated to your job, and you really have this passion for comics, aside from being so humble and simple. I just hope that many would have such passion so comics would be reborn.

Anyway, I just really wanna say "Hi!"

Ingat po lagi!

kc cordero said...

dani's mum,
yes, i still remember those who i have interacted with when i was still working with atlas. i can't recall your name but i had vivid memories of your visits to the editorial then. i've heard you're teaching in college now, that's great.
i'm always guilty of writing in kilometric. i have planned of having this blog written in english but i guess visitors of this blog, especially those who know me personally, are more comfortable reading me in tagalog. and besides, i'm not that confident writing in english coz i tend to be careless with the technicalities of the language.
salamat sa pagbisita. sana minsan ay sumama ka sa iyong mom kapag may happenings ang mga taga-komiks dati. mayroon ka ring kapatid na lalaki na nagsa-submit din sa akin ng scripts noon.

Anonymous said...

KC,

Kwidaw ka rin diyan sa mga mineral water kuno... ang safest talaga eh boiling, dahil patay lahat ng organisms sa boiling point 100 Celsius, di ba ? magastos lang sa LPG. Mag uling ka na lang siguro sa likod bahay , sa dirty kitchen para hindi naman magulpihan sa LPG na mahigit sa 600 bucks na ngayon.

Extremely mapait talaga ang gamot at ang aftertaste eh terible, kasi lason actually yun eh, in small dosages nga laang. Dalwang beses na yata akong nadale niyan eh....


Auggie

Anonymous said...

mabuti pa nga e bumisita ka muna sa atin. pahinga kang mabuti. napakahirap naman ng trabaho natin, e akala yata ng iba'y napakaalwan.

Anonymous said...

mabuti pa nga e bumisita ka muna sa atin. pahinga kang mabuti. napakahirap naman ng trabaho natin, e akala yata ng iba'y napakaalwan.

Anonymous said...

di ba showbiz po kayo kuya kc? baka nga babae,a hihihih!

Dennis Villegas said...

hey KC,
Ganda ng panaginip mo, detalyado. Ewan ko ba bat pag ako nanaginip eh magulo, naroong nasa Cubao ako in one moment tapos in the next nasa Samar naman hehe.
Sa tingin ko kailangan mo nga muna magbakasyon sa lumang bahay niyo, jakit ilang araw lang.Baka masyado ka lang na-stressed sa work kaya nakakaranas ka ng psychosomatic illness. At alam ko pagdating mo dun sa Batangas ay naghihintay sayo ang masarap na pritong saging...Paborito ko rin yan, and hindi ko lang maintindihan ay kung bakit limang taon na yata akong di nakakatikim nito....hehehe