Tuesday, December 28, 2010

Christmas 2010

Photobucket

SIMPLE at napakasaya ng aming naging Pasko. Maaga kaming nagsimba para sa 7:00 AM mass, nag-almusal at bumati sa mga kapitbahay.
Wala rin kaming naihandang gift sa mga batang nagbabahay-bahay unlike last year na meron kaming loot bags. Nagdesisyon kami na dahil sa kakapusan ng oras ay mag-abot na lang ng crisp P20 sa mga batang nagbabahay-bahay, at mukhang mas sumasaya sila sa cash. Kokonti rin naman ang dumaan kaya hindi masyadong nabutas ang aking bulsa.
Ang Christmas gift namin kay Inez ay ticket sa concert ni Taylor Swift sa darating na February 19 kaya hindi na kami nahirapang mag-isip.
Hanggang Dec. 24 ay may mga trabaho pa akong tinapos kaya bandang 12 ng tanghali ay natulog na ako para makabawi sa matinding deadlines na dumaan at mga dinaluhang party. May mga bisitang dumating si Inez at sila na lang ni misis ang umasikaso. Sayang at hindi ko naabutan ang tawag mula sa Jubail, KSA ng aking Atlas buddy na si Ka Benjie Valerio. Sayang ang riyals, he-he. May mga phone calls din mula sa mga dati kong kasamahan sa ABS-CBN na ngayon ay nasa iba ng bakuran.
Maingay sa kalye namin bago ang Pasko pero tahimik noong 25th hanggang sa sinusulat ko ang blog entry na ito. Maraming umuwi sa probinsya, at mainam naman. Napahinga kahit sandali ang aking tenga sa ingay ng mga kapitbahay na mahilig mag-videoke kahit sintunado.
Happy New Year sa inyong lahat!

Photobucket
Sa kapitbahay po ang Innova, he-he.

Photobucket
Ang aking mag-ina kasama ang aking in-laws.

Photobucket
Kunan mo nga kami, anak!

Photobucket
Photobucket
Almusal tayo!

Photobucket
Sadya po akong malakas sa tinapay.

Tuesday, December 21, 2010

john b

Photobucket

CONGRATULATIONS sa aking kumpare at kaibigan na si John Becaro! Nanalo siya ng mga international awards. Big time. Nagbunga ang kanyang tiyaga at pagsisikap.
Kung gusto ninyong makita ang kanyang artworks, i-Google n'yo lang ang 'John Becaro'. He's very famous. Bukod sa pagiging illustrator, isa rin siyang mahusay na dancer at choreographer.
Congrats, again, pare! Ito ang Christmas na talagang merry.

bakit, bata?

Photobucket

MARAMING carolers ang dumadaan sa bahay ngayon, karamihan ay mga bata. Marami akong books na gaya ng nasa itaas na binibili ko sa Booksale dahil mura lang naman. Minsan matapos kong basahin ay kinokopya ko ang mga illustrations, natatambak na rin pagkatapos. This year ay naisip kong ipamigay na lang sa mga batang carolers.
Ayaw nila…
“Sampung piso na lang, Kuya…” sasabihin ng mga bata. At pag nakitang kumunot ang aking noo, bababaan ang hinihingi. “Kahit limang piso na lang, Kuya.”
At may presyo na ang kanilang pangangaroling ngayon. Matapos kalampagin ang gate at kumanta nang sintunado, ayaw tanggapin ang ibinibigay na libro.
Bakit?
Hindi na ba itinuturo sa mga bata sa paaralan ngayon ang kahalagan ng mga libro? Hindi ba nila alam na ang mababasa nila sa mga aklat ay higit pa ang maitutulong sa kanila kumpara sa sampu o limang piso na aginaldo?
Iba na talaga ang panahon. Ang mga bata noong ‘70s at ‘80s pag nakatanaw ng anumang reading material, hindi na mapakali hangga’t di nabubuklat o nababasa. Ngayon, binibigyan mo na ng aklat ayaw pang basahin.
Sabi nga ng isang nakasama ko sa Manila Times, minsan na nakarating siya sa India, ang mga mamamayan doon kapag nasa sasakyan, tren man o bus, ay makikita mo ang karamihan na nagbabasa. Dito sa atin, pag nasa sasakyan kung hindi nagte-text ay kumakain ng sitsirya, inihaw na dugo ng manok, balat ng baka, mani, manggang may bagoong, etc.
Anyway, dahil ako ang nagbibigay ng pamasko sa kanila—kung ayaw nila ng libro, fine. Pero hindi rin ako mag-aabot ng sampu o limang piso. At lalong hindi ako magbibigay ng libro kung hindi rin lang nila babasahin. May mga bata sa mga probinsya na mahihilig pa ring magbasa—sa kanila ko na lang ipadadala.

Friday, December 17, 2010

OPERASYON Komiks ni Macoy

Photobucket

Ang OPERASYON ay komiks ni Macoy. Nabili ko ito ng P30 at dahil medyo mura ay hindi na ako humingi ng senior citizen’s discount, 28 pahina. May page numbers kaya hindi ako nalito. Black and white, at mukhang may CISS si Macoy at doon nag-print. Pwede rin na ito ay laser photocopied.
Kartunista si Macoy at ang Operasyon ay animorphs. Kuwento ito ni Reyes na isang police rookie na sumama sa isang operasyon for the first time.
Maganda ang pagkakakuwento ni Macoy sa journey ni Reyes bilang isang bagitong pulis. Naroon ang kaba, excitement, pagtataka at iba pang emosyon. Kung gumawa siya ng research tungkol sa rite of passage ng isang baguhang pulis, nagtagumpay siya sa aspetong ito.
Marami akong narinig na kuwento ng mga baguhang pulis na sa unang pagkakataon ay napasabak sa engkuwentro o operasyon at talaga raw namang nakakaliit ng balls. Ang pinsan kong pulis, unang lakad ay napalaban kay Ben Tumbling, isang notorious criminal noong dekada ’80 na ang life story ay binigyang buhay ni Lito Lapid sa pelikula. Muntik na siyang napatay ni Ben dahil nang putukan niya ito, hindi pala niya naikasa nang todo ang kanyang Armalite dahil sa excitement. Naputukan siya ni Ben at halos isang dangkal lang daw ang layo ng bala sa kanyang mukha. Naihi raw siya sa salawal sa takot, buti na lang at nakaganti ang kanyang mga kasama kaya hindi na uli siya naputukan ni Ben.
Malikot ang mga anggulo ni Macoy at malinis ang mga execution ng bawat frame. Maging ang characterization ay akma sa mga hayop na ginamit niya sa kuwento gaya ng bihag na si Boy Hito (hito) na nagpakita ng tensyon sa posibleng pagsa-salvage sa kanya, at ang astig na si D’ Boss (kalabaw) na maging ang mga dialogue ay barako ang pagkakabitaw. Wala rin akong masabi sa mga teknikal na aspeto gaya ng balloons at sound effects na ginamit niya sa mga frames na nakatulong nang malaki sa storytelling.
It’s a good read.
Pero ‘ika nga ay may kaunti rin akong napuna, pero ito naman ay hindi pang-aagaw ng kredito sa husay magkuwento ni Macoy. Sa umpisa ng kuwento ay nabitawan ni Reyes ang kanyang sombrero habang patungo sila sa lugar ng operasyon at hindi na niya iyon nakuha. Matapos ang rubout at ang pagkadismaya niya sa natuklasan na ang operasyon ay isang malaking palabas lang para sa TV op ng presidentita, naglakad siya palayo sa crime scene. Habang naglalakad ay nakita niya ang kanyang sombrero na nadaanan ng gulong ng isang sasakyan.
Ito naman ay sa akin lang. Siguro ay mas may weight ang symbolism kung ang nabitawan niya ay ang kanyang tsapa (badge) sa unahan ng kuwento at sa bandang huli ay makikita niyang yupi-yupi dahil naipit ng sasakyan. Mas may meaning ang tsapa kumpara sa sombrero dahil ito ang nagsisimbolo sa karangalan at tungkulin ng mga pulis. Ang naganap na operasyon ay magbibigay sa kanya ng bagong pananaw sa pagiging pulis ngayong alam na niya how the system works. Sa pagtitig niya sa sirang tsapa at paglalakad palayo rito sa hulihan ng kuwento, mas mararamdaman ang kanyang character change at ang bigat ng panibagong conflict kahit tapos na ang kanyang journey.
All in all, sulit ang Operasyon sa kuwento, dibuho, presyo at mga teknikal na aspeto.

Thursday, December 16, 2010

Bagong pera ng Pilipinas

MUKHANG magaganda ang vibes!

Photobucket

Photobucket

Photobucket

Photobucket

Photobucket

Photobucket

Photobucket

Photobucket

Photobucket

Photobucket

Photobucket

Photobucket

(SOURCE: Thea Alberto)

Sunday, December 12, 2010

Salu-salo kina Mang Hal Santiago

NAGPADALA ng photos si Erwin (edited) Cruz, nagkaroon pala ng salu-salu/Christmas party noong Dec. 12 kina Mang Hal Santiago na dinaluhan ng ilan sa ating mga kaibigan.

Photobucket
Standing L to R: Ohrlee Villanueva, Ogie (story board artist from Middle Eeast), Kitz Tumanda, José Capital (utol ni Mel). Seating L to R: Noly Zamora, Vic Poblete, Rolly Buenafe, Steve Gan, Flory Medina (animator/portrait artist), Hal Santiago, Renee Delos Santos, Donato Santos.

Photobucket
L to R: Al Cabral, Hal, Louie Celerio.

Photobucket
Sabi ni Erwin ay "looks familiar" ang mama na dumating. Kilala siguro ito ni Dennis Villegas, he-he.

Saturday, December 11, 2010

Malapit na ang Pasko!

Photobucket

AT dahil medyo may konting free time ay nakapagtanggal na rin sa wakas ng mga alikabok at agiw, at nagsimula nang mag-Christmas decor. Above is Olof (the other reindeer), hindi kumpleto ang aming Pasko kung wala siya. Ten years na namin siyang nakakasama. :)

kapihan...

With my tiyahins. Kahapon ito, December 10. Paminsan-minsan ay nagkikita-kita kami para maghuntahan. Pasensya na sa quality ng photo, gabi na at walang flash ang iPod Touch (paging Steve Jobs).

Photobucket
From left: Tita Josie Aventurado, Tita Opi Concepcion, Tita Glady Gimena and Tita Leslie Navarro. May iba't iba silang projects na ginagawa related to publishing na magki-kick off this coming January 2011.

Friday, December 10, 2010

Tuesday, December 7, 2010

TALIM Komiks ni Omie Remalante Jr.

Photobucket

Ang ‘Talim” Komiks ay likha ni Omie Remalante Jr. kasama ang iba pa kaya masasabing isa itong collaboration. P75 yata ang bili ko rito, wala ring senior citizen discount. Wala ring page number kaya binilang ko pa—28 pages. Colored ang cover, at black and white ang inside pages.
Sa cover pa lang ay given na ang kuwento na it’s all about vengeance. Sa superhero o action stories, ang hirap mag-isip ng plot na hindi tungkol sa paghihiganti. Sana ay maging challenge ito sa mga creators.
Sa unang pahina ay may balita na natagpuang patay si Entong Pula, isang pangalan na parang sa panahon pa nina Ka Floro Dery at Asiong Salonga. Maganda sana kung medyo relevant ang pangalan; halimbawa ay Piolong Hip-hop o Cocong Jejemon.
Second page, flashback noong buhay pa si Entong Pula na may pagka-Robin Hood sa neighborhood. Kung patay na ang antagonist sa unang pahina pa lang, bakit pa ako magkakainteres sa mangyayari sa kanya? Kumbaga, ibinigay agad ng writer ang isa sa kanyang mga ticking time bombs sana.
At ‘yun na nga, matapos ang pakikipaghuntahan ni Entong ay pauwi na siya at nakipag-hi, hello sa isang tsikas na hinabol niya ng tingin nang may pagnanasa. Isang tool na nagpapahiwatig ng kanyang other personality. Hindi pa niya nae-enjoy ang pag-sight sa wetpaks o derrière ng babae ay may sumapak na sa kanya. Enter Talim.
Nagulpi ni Talim si Entong at ipinaalala ng superhero sa antagonist ang panggagahasang ginawa nito sa kanyang GF at muntik na pagpatay sa kanya. May flashback na suwerteng nakaligtas si Talim sa ospital at nagkaroon ng amnesia. Hindi pa ipinaliwanag ng writer kung saan nakuha ni Talim ang power—kung mayroon man.
Tatakasan sana ni Entong si Talim pero natudla ito ng balaraw saka sinaksak. Sa pahina na “binigyan” ni Talim ng hustisya si Entong ay napaka-static ng illustration. Ni hindi kumampay ang kamay. Inaasahan ko pa naman na makakita ng eksenang para akong nanonood ng nagkakatay ng baboy. Ayaw ni G. Floro Dery ng action story na parang mga manekin ang character. Mapapalakas ang hitit ni Superkapre sa kanyang tabako kung ganito ang kanyang makikita.
Hindi pa tapos ang kuwento at mukhang masusundan pa ang mga pakikipagsapalaran ni Talim. Aalamin ko pa ang kanyang back story sa mga susunod na installment kaya kailangan kong mag-ipon ng pambili.
Konting hilot lang siguro sa script at puwede na. I hope na makapag-deliver ang writer ng mas may puwersang dialogue sa mga susunod na installment. Para kasing hindi barakong pakinggan kung may dialogue ang superhero na, “Ang kapal ng mukha mong gago ka!” Superhero ang bida, kaya hindi dapat parang tindera sa palengke na nakikipagsabunutan kung magsalita.
Hindi ako artist pero kailangan ang improvement sa artworks para sa kalugud-lugod na pagbabasa. Malupit naman ang art background ni Omie kaya sa mga susunod ay mas masisiyahan na siguro ako sa kanyang latag. Kailangang define ang mga karakter; iba ang bida kaysa ibang tauhan sa kuwento. Kailangang mas barako.
Promising ang rendition ng bida sa cover dahil professional colorist naman pala si Omie ayon sa interview na nabasa ko about him. Pero sa black and white ay hindi pa magrehistro sa isip ko ang hitsura ng kanyang bida. Talim in B&W for me is a cross between a softball umpire at ‘yung traffic aide na nagmamando sa may tulay ng Nagtahan papunta sa amin. Next issue, sana makita ko siya na mas makisig, maskulado at malinaw kung ano ba ang kanyang uniporme. Konting praktis din sa anatomy. Para sa mature readers ang komiks kaya may ilang eksenang kita ang boobs, pero hindi naman ako tinalaban. The logo, btw, is a winner—at pwedeng weapon kumpara sa ordinaryong hunting knife na ginamit ni Talim sa unang isyu.

Monday, December 6, 2010

GUTOM Komiks ni Norby Ela

Photobucket

Photobucket

WALANG page number ang “Gutom” Komiks ni Norby Ela kaya binilang ko pa, 16 pages cover to cover. P40 ang bili ko rito, walang senior citizen discount. Kababasa ko lang, and I can’t help but react.
Nagsimula ang kuwento kay Bitoy na nasa ibabaw ng bubong at tinawag ng kapatid para kumain na. Masarap ang pagkain sa mesa, may litson, at nagsimula na rin ang daloy ng mga alaala sa magkapatid. Hindi binanggit ng sumulat kung ano ang pangalan ng kapatid—na para sa akin ay importante. Kung binigyan mo ng pangalan ang isang karakter, dapat lahat nang karakter ay may pangalan… tutal ay dalawa lang naman sila sa istorya. OK, tanggapin na lang natin na ang isang karakter ay si Kuya.
Nagkaroon ng flashback o FB. Nabigo ang creator na ipakita sa readers na FB na ang ilang eksena sa istorya. Paalala sa mga nagkokomiks, may mga tools para malaman na FB na pala ang nangyayari gaya ng broken lines sa frame o kaya ay medyo loose ang kahon. Sa ibang pagkakataon, light ang drawing o kaya ay silhouette.
Nakuha ko naman ang kuwento. Naaksidente ang buong pamilya at ang magkapatid na lang ang naiwan dahil nasawi ang kanilang mga magulang. Ang takot na mapag-isa sa mundo at maging ulila ay inherent sa mga bata, lalo pa at ang isa ay nabulag.
Kung likot din lang naman sa mga anggulo ay meron naman si Norby, medyo kailangan pa lang talaga ng praktis sa drawing. Since Tagalog ang medium, maraming mali para sa isang old schooler na gaya ko na sanay sa mga kuwentong Tagalog. Ang sa akin lang naman, masarap ding sangkap sa istorya kung ito’y maayos ang lengguwahe.
Sa pagtatapos ng kuwento at ipinakita ang isang pahina ng sa aking palagay ay isang community paper, nakita ko ang maraming butas sa kuwento, at siguro ay isang bagay na rin na dapat tandaan—ang maging maingat sa mga tools na gagamitin. Sa balita ay may SUV ang pamilya, pero ang ginamit na geography nga sa kuwento ay pangmahirap.
Ang pinakamalaking loophole ay nasa pahina ng community paper. Kung ito ang totoong pahina, malalagay sa alanganin ang kredibilidad ng “reporter” na si “Myrna R. Tamayo” at ng buong staff ng kanilang pahayagan.
Pangit (dispensa sa ginamit kong salita) ang paraan ng pagkakasulat ng balita at kailangang paulit-ulit na basahin para lang makuha ang thought. Kung ang kuwento ni Norby ay mababasa ng mga estudyante sa journalism, makikita nila ang napakalaking mali sa pagbabalita sa last page at tiyak na sila’y matatawa mula sa head hanggang sa kabuuan ng news. Maging ang layout na nasa hulihan ang image ay isang malaking violation sa newspaper design.
Kaya ko nasabing mag-ingat sa mga tools na gagamitin, bukod sa pangit na pagkakasulat ng balita ay mali rin ang mga nilalaman nito. Hindi ang LTFRB ang nananagot sa mga sasakyang pribado kapag naaksidente o tumutulong sa mga naaksidenteng sakay ng private vehicles. Ang LTFRB ay ahensya na nagbibigay lang ng prangkisa sa mga public transportation gaya ng taxi, PUJ at bus at hindi tulong pinansyal. Kung pribadong sasakyan ang naaksidente, ang insurance company ang mananagot doon. “Ilalapit” din daw ang magkatid ng LTFRB sa DSWD. Sa totoong buhay, hindi nangyayari ang pagtutulungang inter-agency sa Pilipinas, alam dapat iyon ng reporter at hindi na niya sana inilagay sa balita niya.
At kung pagbabatayan ang balita na sakay ng SUV ang pamilya, wala ba silang kamag-anak para tumingin sa magkapatid gayung kung tutuusin ay hindi naman sila mahirap? Ito ang sinasabi ko na naligaw ako sa kuwento dahil ang geography ay pangmahirap pero pagdating sa dulo, sa bahagi ng balita, sakay naman sila ng kanilang “Toyota Pajero” na SUV.
May potensyal ang kuwento, nag-self destruct nga lang pagdating sa last page—na dapat ay pambomba ng writer sa readers, but went pffft. I hope na ang mga nakita kong carelessness sa part ng creator ay ma-realize niya sa paggawa niya ng panibagong komiks.

Sunday, December 5, 2010

free comics at nbs powerplant, Dec. 5

SUMILIP kaming mag-asawa sa ginanap na Free Comic Books sa National Bookstore, Power Plant, Makati City (Rockwell). Sale din kasi sa Planet Sports at nasa 40% ang discount sa paborito kong Nike Shoes. Siya ang nakabili, ako hindi.
Maraming tao sa libreng komiks ng NBS at naglalakihan ang mga pangalan nang dumalong Pinoy comics artists. Pag ganitong okasyon, ang hirap sumingit para lang makita ang mga kaibigan nating artists, kaya pasensya na sa medyo malalabong kuha.

Photobucket
Ang ipamimigay na libreng komiks.

Photobucket
Mahabang pila ng mga iiskor.

Photobucket
Sold out, parang pila sa Harry Potter movie.

Photobucket
Omeng Estanislao kasama ang crowd.

Photobucket
Gener 'Ner' Pedrina na maraming nakapila para magpa-sketch.

Photobucket
Wala pang maupuan ang fast-rising international artist na si Reno Maniquis.

Photobucket
Ang mga sikat. Nakatingin sa camera si Ben Nacion.

Photobucket
Konting trivia. First cousin ng misis ko si Bennac kaya may photo op siya sa kanyang famous pinsan, kasama ang sikat din na si Aaron.

Photobucket
Ang pinakamatinding photo op, kasama ni misis ang pinakasikat na Pinoy comics artist sa buong mundo, Leinil Yu.

Wednesday, December 1, 2010

inner conflict...

Photobucket

LATELY ay napapansin kong medyo makakalimutin na ako. Dahil ako ang klase ng tao na mahilig sa safety measures, bago ako umalis ng bahay at walang tao sa amin ay binubunot ko ang lahat ng electrical appliances sa pagkaka-plug sa outlet. Ngayon, malayo na ako sa amin ay hindi ko ma-recall kung nai-off ko ba ang ref at ang TV, naalis ko ba sa saksakan ang mga electric fans? Para makatiyak, bumabalik pa ako. Hassle…
Aminado naman ako na tumatanda na ako at may doubt na rin ako sa aking memorya. Hindi na ako gaya nang dati na malupit ang ‘memory card’ at kayang mag-memorize kahit gaano karaming phone numbers. Nang mauso ang cellphone, kahit ang number ko ay hindi ko makabisado. Kaya ang mga passwords ko sa e-mail ay inililista ko na, maging ang sa ibang site na kailangan ang username at passwords.
Kamakailan lang ay matinding kalimot ang nangyari sa akin. Hindi ko matandaan ang pangalan ng kapitbahay kong karpintero dahil may ipalalagari sana ako. Kahit anong piga ko sa utak ay hindi lumabas ang kanyang pangalan at kinailangan ko pang itanong kay misis—na nagkomentong sana raw naman ay huwag ko siyang makalimutan!
Anyway, noong isang araw ay nagkaroon ako ng guilt dahil palagay ko ay aksidenteng nakapandaya ako sa isang botika rito sa amin. Nag-withdraw ako sa bangko, nagdala ng maruruming damit sa laundry shop at pagkatapos ay bumili ng vitamins at ilang gamit sa katawan gaya ng sabon at deodorant at saka nga pala cellphone load. Habang bumibili ako ay nagkuwenta sa isip ang pharmacist, siguro ay para pahangain ako (o magpa-cute dahil ako’y bagong ahit—ahit Rubie, ahit pogi) sa husay niyang magkuwenta beho sa isip. Sabi pa niya sa akin matapos ang kanyang mathematical calculation: “Tandaan mo, Kuya, ha? P381.50 ang binili mo lahat.”
Pagbalik niya ay dala ang resibo at sukli. “Muntik na, Kuya,” sabi niya. “P381 lang pala! Pero pwede na, di ba?” Sa isip-isip ko, kung exam sa math, mali pa rin siya.
Habang papauwi ay nakakita ako ng okoy (lumpiang munggo at iba pang laman-loob) at para akong natakam. Mukhang malinis din ang sukang sawsawan kaya nagpa-takeout ako ng dalawa para tigisa kaming mag-asawa. Pagdukot ko sa bulsa ay nagtaka ako. Bakit parang sobra ang sukli mula sa botika?
Sa pagkaalam ko ay P500 lang ang iniabot ko sa pharmacist pero ang sukli ay pang-P1,000. Pero dahil galing nga ako sa bangko, at nalibang ako sa pagpapa-cute, este, pagkukuwento niya ay baka nga P1,000 ang naiabot ko. Hindi ko matandaan…
Nakarating ako sa amin na may pagdududa sa sitwasyon. Ang problema kasi, ang perang na-withdraw ko ay naisama ko na sa natitira kong pera at hindi ko matandaan kung ilan ang P500 at ang P1,000. Tinamad naman akong bumalik sa botika dahil medyo gabi na at maraming jejemon na nakatambay sa aming kalye na pag nakikita ko ay kumukulo ang dugo ko at gusto kong pagsasaksakin na isa-isa. Kaya lang, hindi ko rin naman magawa dahil ayokong maghimas ng rehas na parang si Gerardo Biong of the Visconde Massacre, at baka paglaya mula sa kulungan ay nagbabasa na ako ng Bibliya. Naku, mapapalaban ako ng debate kay Supremong Kapre, the great Flory Dery!
Anyway again, habang kinakain ko ang lumpia na may maasim-maanghang na sukang sawsawan ay iniisip ko ang “sobrang sukli.” Ayokong makalamang sa kapwa, the same way na ayoko rin namang malalamangan. Naalala ko tuloy ang insidente sa Komikon October 2009 sa Megamall. Magkatabi kami ni Ner Pedrina, may bumili sa kanya ng Sanduguan issues worth P300. Inabutan siya ng buyer ng P1,000, at sinuklian niya ng P700. Maya-maya, hinahanap na niya ‘yung P1K. Ipinatong lang daw niya sa table pero nawala. Hindi na niya nakita. Masaklap, nawalan na siya ng komiks worth P300, nawala pa ‘yung P1K. Pero hindi naman siya nalungkot masyado dahil malaki naman ang kanyang suweldo. Nanghinayang lang siya dahil portion of his profit sana during that event ay ibibigay niya sa mga nabiktima ng Ondoy.
Balik tayo sa botika. Mahigpit sa pera ang may-ari niyon. Pag nagbayad ka ay talagang may pansilip siya kung japeyk ang iyong moolah. Mahilig naman siyang magsukli ng mga nabubulok nang denominations lalo na ang beinte pesos.
Nagkaroon din kami dati ng away. Matindi. Magsasara na sila minsan at bumibili ako ng gamot sa sakit ng ulo. P500 ang dala kong pera, at dahil mura lang naman ang mefenamic acid ay hinanapan ako ng kanyang pharmacist ng barya. Sabi ko ay wala. Sabi ko pa, tutal ay lagi naman ako roong bumibili, iiwan ko na lang ang P500 at bukas ko na kukunin ang sukli. Matindi lang talaga ang migraine ko.
Tumayo mula sa kaha ang may-ari at kinuha sa pharmacist ang pera ko at pagalit na isinoli sa akin, sabay sabing: “Sarado na ang kaha! Kunin mo ang pera mo, ayoko ng mga ganyang kondisyon pag magsasara na kami!” Sinabi niya iyon na parang isang Espanyolang nagalit nang todo sa hardinerong Indio.
Nawala ang migraine ko sa galit. Sabi ko sa kanya: “Mayabang ka, ha? Magkakasubukan tayo…”
Nasa Manila Times pa ako noon kaya ang nangyari ay isinulat ko sa aking kolum. Detalyado. Nakalagay pa sa title ang pangalan ng botika: “Walang budhi ang may-ari ng __________ Pharmacy.” Kinuwestyun ko kung lisensyado ba ang mga pharmacist dahil bakit mukhang mga menor de edad? Bakit hindi nag-iisyu ng resibo, nandadaya ba sa BIR? Bakit tumatanggi sa kostumer, hindi ba labag sa Consumer Act of the Philippines? Etc, etc.
Nakakunot ang noo ng aming editor in chief nang mabasa, at sabi sa akin ay mag-ingat daw ako sa libel. Sabi ko ay totoong nangyari, at dahil ako naman ay mabuting (ubu-ubo!) editor niya ay pinagbigyan ako na mailathala. Kinabukasan, nagdala pa ako ng kopya sa botika at sabi ko sa pharmacist ay ipabasa sa amo niya para mahimasmasan.
Matagal akong hindi bumili sa botikang iyon pero sabi ng mga kapitbahay kong suki roon ay nag-iisyu na raw ng resibo. Sinubukan kong minsan na bumili uli, may resibo na nga. But old habits are hard to break, kalaunan ay hindi na uli sila nagbibigay pero kapag ako ang bumibili, kahit sachet lang ng deodorant ay binibigyan ako. At ni minsan ay hindi na ako sinulyapan ng may-ari, kesehodang bagong ahit-Rubie ako.
Patuloy ang aking pagdududa kung sobra nga ba ang sukli o hindi. Kung sobra, dapat isoli. Kung hindi, siyempre ay hindi.
Paano ako ngayon makatitiyak? Naisip ko kung gaano kahigpit ang may-ari sa pera. Ilang beses niyang iniilawan sa machine na pang-test kung fake o hindi ang ibinayad sa kanya. Imposible naman na malusutan siya lalo pa kung malaki ang mawawala sa kanya. Kung magtatanong naman ako kung hindi ba nagkamali siya ng pagsusukli, paano kung umiral ang kasuwapangan niya at sabihing oo? Ako naman ang lugi.
Paano kung hindi ko isoli kung talagang nagkamali at sa pharmacist niya bawiin? Kawawa naman ‘yung bata.
Ang simple ng kuwento pero ang bigat ng conflict na nagkakahalaga ng P500. Pero ang totoong halaga ay ‘yung values ng tao. You see, kung hindi siya suwitik, hindi baleng ako na ang malugi. Na dahil duda ako sa memory ko, ibabalik ko na lang just to clear my conscience. Pero dahil madaya nga siya at malaki ang hindi ibinubuwis sa pamahalaan, mayroon akong doubt sa kanya na baka siya ang hindi maging honest. Ito ang kuwento na ang bida (ako) ay may conflict na pansarili (internal) na ang outer conflict (may-ari ng botika) ay hindi alam na conflict niya ay ako rin ang nagpapasan. Uh, that’s Creative Writing 101.
Dahil ako ang bida, ako ang gumawa ng resolusyon. Pupunta ako kinabukasan sa botika at pag sinabi ng pharmacist na sabi ng amo niya ay nagkamali siya ng pagsusukli, voila, wala nang problema. Heto ang P500, tapos ang kuwento. Everybody happy. Patayin ang mga ilaw, isara ang telon.
Kinabukasan ay dumaan ako. Wala pang ibang kostumer. Naroon ang may-ari. Ni hindi na naman tumingin sa akin. Nakangiti naman agad sa akin ang pharmacist at ang bungad niya: “Hi, Kuya, ano’ng bibilhin mo? Kukuwentahin ko uli sa isip, ha?”
Bumili ako ng load worth P100. This time ay sinigurado ko na ang denomination. Siyanga pala, hindi na kinuwenta sa isip ng pharmacist!
Sa reaksyon ng mag-amo ay mukhang wala namang problema. Ibig sabihin, hindi siya nagkamali ng pagsusukli sa akin kagabi. Somehow, gumaan ang aking pakiramdam.
Somehow…
Dahil aaminin ko I’m still doubtful… Hindi ko alam kung kailan ako matatahimik.
Magtatapos ang kuwentong ito sa isang resolusyon na ngayong marami na akong nakakalimutan ay magiging maingat na ako para hindi na maulit ang katulad na pangyayari. At dahil sa aking palagay ay kakaunti pa naman ang aking nagagawang kasalanan, (cough! cough!) kung nagkamali man ako sa disposisyon sa sitwasyong naganap, humihingi ako ng tawad. May mga kasalanang hindi sinasadya…

(Maraming salamat sa grouchyoldcripple.com na pinagkunan ko ng larawan sa itaas.)

Tuesday, November 23, 2010

special projects

MARAMI na akong naging projects noon outside of my regular load, pero masasabi kong recently ay pinakaespesyal ang Ilog Pasig storybook and household magazine. Bagaman at ako'y may malasakit sa kalikasan ay wala pa akong masasabi na malaking kontribusyon para masagip ito. Ang Tampisaw Storybook at ang Maybahay Gabay sa mga Nanay Magasin ang sagot sa mga kakulangan kong ito.
Ang layunin ng dalawang proyekto, bukod sa pagsagip sa mga ilog sa Kamaynilaan, ay ang mamulat din tayo sa tamang paggamit ng tubig. Magugulat kayo sa mga nilalaman ng dalawang babasahing ito, lalo na kung bakit mas malaki ang naidudulot na polusyon sa mga ilog ng maruming tubig mula sa mga tahanan kaysa sa mga solid waste.
Ang mga babasahing ito ay inisyatiba ng ABS-CBN Foundation at Manila Water, at pinondohan ng Asian Development Bank.
Maraming salamat sa ABS-CBN Publishing sa tiwalang ipinagkaloob para hawakan ko ang proyekto. Salamat kina Miss An (editorial director), Miss Cathy (brand manager), Sir Adel, Rizza, Dety, Omeng (nag-illustrate ng Tampisaw), Willy Boy (art director ng Maybahay), Mommy Ricci, Karen, Paulo, Tintin, Bernie, at gayundin kay Miss Winnie Cordero. Maraming salamat din sa mga taga-ADB at Manila Water, isang napakasaya at makahulugang karanasan na nakatrabaho ko kayo.
Sana'y ang mga proyektong ito ay magmulat sa ating mga kababayan sa mas higit na pagmamahal sa ating kalikasan.

Photobucket
Photobucket

Thursday, November 11, 2010

Picture! Picture!

Just testing my new iPod Touch, and while finishing the Kapit-Bisig sa Ilog Pasig Project. Topp Garperio, our Apple guru, taught me some of the Apps I never thought were installed in my new toy. Pasensya na, sanay ako sa Windows!

Photobucket
Photobucket
Photobucket
Photobucket
Photobucket
Photobucket

Monday, November 1, 2010

Isang kuwento ng palabra de honor…

Photobucket

ISANG magandang item sa isang online computer store ang nakaaagaw ng aking pansin dahil masyadong mababa ang presyo. Sabi ko nga sa sarili ko, too good to be true. Ang oras na nai-post ang item ay halos dalawang minuto pa lang. Agad akong nag-message sa may-ari ng item, nag-reply siya dahil nagkatong online pa, at nagkasarado kami ng deal na ako na ang bibili ng produkto niya.
Nagpalitan kami ng cell number, at nagkasundong magkita kinabukasan sa Shangri-La mall sa Mandaluyong City. Hindi pa rin ako makapaniwala na makukuha ko ang nasabing item sa ganoon kababang halaga.
Kinabukasan, bandang alas diyes ng umaga ay nag-text ako sa kanya at sinabing sure ako sa aming usapan. Hindi siya naka-log in sa online computer store pero nag-iwan pa rin ako ng message sa kanya na nagpapaalala ng aming deal just in case na mag-online siya. Alas dose ng tanghali, walang reply sa text o sa online computer store. Sabi ko sa sarili ko, mukhang na-goodtime ako. Bakit ba ako naniwalang ang nasabing item ay ibebenta sa ganoon kamurang halaga?
Nakatatlong text pa ako sa kanya. Bandang alas dos, nag-give up na ako. Wala, sabi ko sa sarili ko. Naloko lang ako at pinaasa.
Kaya nagulat pa ako nang makatanggap ng text message sa kanya bandang alas tres ng hapon na nasa Shangri-La na raw siya. Buti na lang at madali akong nakakuha ng taxi at agad nag-reply sa kanya na pakihintay lang dahil matrapik ang dinadaanan ko. Sa isip-isip ko, di man lang nagpasabi nang maaga-aga para hindi ako nagkukumahog!
Pagkarating sa mall ay agad ko siyang hinanap sa lugar na sabi niya ay pupuwestuhan niya. Nagbigay ako ng description kung ano ang suot ko, at ganoon din naman siya. Kaya madali ko siyang nagkita. Nagkamayan kami at nagpakilalahan batay sa ginagamit naming username sa online computer store. Kasama rin niya ang misis niya. Nasa mid-20s sila at parehong may hitsura at mahahalata na maayos ang antas ng kabuhayan.
Nang ipakita nila sa akin ang item, napahinga ako nang malalim. Sa wakas! Ang laki-laki ng natipid ko. Agad kong tiningnan ang kalidad at maayos naman, mukhang hindi masyadong nagagamit. Bukod pa roon, may ibinigay pa silang ibang peripheral dahil hindi na rin daw naman nila magagamit. Lalo akong natuwa. Sabi ko sa mag-asawa, Oktubre pa lang pero Pasko na ang aking pakiramdam. At nagpasalamat ako nang labis sa kanilang kabaitan.
Dahil ako’y likas na tsismoso ay nakipaghuntahan pa ako nang saglit sa kanila. Nalaman ko na pareho silang OFW sa Saudi, mga bagong kasal at narito lang sila sa Pilipinas para sa kanilang honeymoon. Biniro ko pa na dahil tag-ulan, malamang na makabuo agad sila ng baby. Masarap ang kanilang naging tawanan.
Sinabi ko sa kanila na napakamura ng item na nabili ko sa kanila at hindi ako makapaniwala hanggang sa mga oras na iyon. Nakatuwaan lang daw kasi nilang bilhin iyon sa Saudi pero di naman nila talaga kailangan. (Iba talaga pag may pera!) Pinaglagyan lang nila ng kanilang mga pictures. Ipinakita pa nila ang resibo ng tindahan kung saan nila iyon binili at kinuwenta na lang ang value sa pera natin kaya mura.
Sabi pa ng kausap ko, “May iba ngang naghahabol nang makita nila matapos kong mai-post sa online store. Sila pa ang nagtataas ng presyo makuha lang kasi nga alam nilang mura.”
Sabi naman ng misis ng kausap ko, “Kaya nga lang ay nauna ka na at nagkasundo na kayo sa presyong inilagay niya. Sabi ko sa kanya, panindigan na lang ang usapan n’yo kasi importante sa tao ang palabra de honor.”
Natigilan ako sa bahaging iyon. Palabra de honor. Uso pa nga ba ito? Ilan na lang ba sa atin ang pinanghahawakan ang pangakong binibitawan sa kausap?
Hindi ko alam kung bakit napuno ng tuwa ang kalooban ko nang mga oras na iyon. Sa maraming pagkakataon ay may mga kakilala tayong nawawalan tayo ng gana kapag alam nating puro pangako lang, puro salita pero hindi naman pinaninindigan. May mga opisyal ng pamahalaan na iniluluklok natin sa kapangyarihan gamit ang balota, pero kapag nakaupo na, lahat nang pangako ay napapako. At sabi ko nga, bahagi pa ba ng Filipino values sa panahong ito ang palabra de honor? Parang hindi na, di ba?
Pero heto sa harap ko ang dalawang mas nakababata sa akin at nagsasalita ng tungkol sa palabra de honor. At ang nakatutuwa, pinanindigan nila iyon sa isang estrangherong tulad ko.
Nakakatuwa talaga. At minsan pa, muling nagkaroon ako ng pag-asa. Hindi pa naman lahat sa ating mga Pilipino ay kinain na ng imoralidad at materyalismo. May mangilan-ngilan pa ring tama ang ginawang pagpapalaki ng mga magulang. At sa mag-asawang nakausap ko, saludo ako. Paminsan-minsan ay hinahambalos na rin ng katamaran sa pagiging matuwid ang aking katatagan at nawawalan na ako ng values, aaminin ko, pero dahil sa kanila ay natuto akong muling humawak sa poste ng mga kagandahang asal—na likas sa ating mga Pilipino.
Sana lahat tayo…