Tuesday, February 16, 2010
ang bahay ni tatay
AFTER almost three years ay nagbalik ako sa aming baryo (na madalas kong isalarawan na isang ‘antuking nayon’) sa Batangas. Hangga’t maaari ay ayoko sanang umuwi rito dahil sa napakaraming personal na kadahilanan. Nagkataong namayapa ang ama ng aking isang kababata, at dahil lagi siyang present kapag sa aming pamilya may yumayao, nagbalik ako ng utang na loob at nakiramay.
Hindi ko alam na may binyagan pala at ang okasyon ay ginanap mismo sa bahay na minana ko. Hindi na ako pinasasabihan ng aking mga kapatid pag may okasyon dahil hindi naman daw ako dumarating. Anak ng isa kong pamangkin ang bininyagan—na hindi ko rin nabalitaan na nanganak na pala. Ganoon ako ka-disconnected sa kanila.
Ang kawalan ko ng komunikasyon sa kanila ang dahilan kaya ilang taon na ang nakalilipas ay hindi na rin nakarating sa akin ang imbitasyon na sa foundation day pala ng aming nayon ay isa ako sa may parangal. Medyo nanghinayang ako roon dahil alam kong kahit wala na ang mga parents ko, matutuwa sila. Anyway, hindi ko na rin nalaman kung saan napunta ang tropeo, medalya o sertipiko kung mayroon man.
Malaki na ang ipinagbago ng aming nayon bagaman at marami pa ring halaman. Estranghero ako sa paningin ng mga kabataan—na natahimik sa masaya’t maingay nilang pag-iinuman nang dumating ako. Ang kuwarto ko ay okupado ng isa kong pamangkin. Sarili kong bahay pero wala akong mapuwestuhan. Ang nakatira kasi sa bahay na minana ko ay ang pang-apat kong kapatid at ang tatlo niyang anak.
Hindi rin ako nagtagal. Sumilip lang ako sa bahay ng kababata ko na kapitbahay lang namin. Hindi rin kami nakapag-usap nang maayos dahil abala sa maraming nakikiramay. Sa binyagan ako nagtanghalian. May ilan-ilang nagtatanong kung sinu-sinong artista na raw ang nakita ko. Ngumingiti lang ako. Isang grupo ng mga teenager na lalaki ang interesadung-interesado kay Angel Locsin. Maganda raw ba sa personal, mabait daw ba? Hindi ko ‘kako alam.
Nang makakain ay nilibot ko ang bahay at ang paligid. Kumpara sa mga nakalipas na taon ay mas berde ngayon ang paligid. Kokonti na kasi ang mga sasabunging manok na dahilan kung bakit nawawala ang mga damo at halaman. Naroroon pa rin ang mga tanim kong langka, mangga, niyog, sampalok at saging. Ang iniuwi kong tuta sampung taon na ang nakalilipas ay buhay pa rin, pero mahina na at nakatali.
Nanlulumo ako sa estado ng bahay. Ang dating magandang arkitektura ay halatang napabayaan at nilipasan ng panahon. Isa ito sa mga unang proyekto ng arkitektong kapatid ng aking ama. Sa tahanang ito nahubog ang maraming bagay sa akin. Maraming malulungkot at masasayang alaala. Sa mga darating na panahon ay gagawin kong project ang restoration nito, at hindi ko na patitirahan sa aking mga kapatid para hindi na mapariwarang muli.
At siguro’y dadalasan ko na ang pagdalaw sa aming baryo. Mahirap sa pakiramdam ang maging banyaga sa lupang pinanggalingan--at walang mapuwestuhan sa pamanang bahay ni Tatay.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
6 comments:
Dikong KC:
Oo nga. Idyllic pa ang lugar. Puwede mong i-landscape ang front and backyard, gaganda ang kapaligiran. Alisin na ang mga manok, dahil cruelty to animal ang SABONG. Ito ang hindi ko maintindihan sa Pilipinas. Bawal ang JUETENG, pero legal ang SABONG! Ang Jueteng, sugal lang. Ang sabong, sugal na, kalupitan pa sa hayop. Hindi ba't isang kontradiksiyon ito sa isang bansang kristiyano daw? Nakababaliw, hindi ba? Nauuwi lahat sa hypocrisy.
Nagalit na namn daw ako. Pero, maganda ngang alagaan mo ang ipinamana sa iyo ng iyong ama. Huwag mong hayaang yurakan ito ng mga taong walang pagmamalasakit sa isang bagay na naging mahalaga saiyong mga magulang noong sila'y nabubuhay pa.
JM,
konti na lang ang alagang panabong namin ngayon wala pa yatang 20 heads. ang mga kapatid ko ay nagtayo na ng tindahan para may pagkakitaan, mataas na rin kasi ang gastos sa pag-aalaga ng panabong.
priority ko na maayos agad itong bahay. puwede na rin kasi akong mag-stay rito kahit one week/month kasi home-based naman ang mga trabaho ko. parang masarap uling magtanim :)
Tama ang naisip mo, bayaw. Sa mga darating na panahon, magbarik tayo diyan. Magkasama nating balikan ang masasayang sandali natin sa Atlas noon.
Mabuhay ka.
ang ibon daw ay laging gustong umuwi sa sariling pugad pagsapit ng hapon.
he he.
para akong ibon.
gusto ko na ring tumira sa batangas, sa baryo namin, sa Putol.
Kaya lang ay narito na sa Maynila ang bahay... saka ang maliit na hanapbuhay, bukod sa pagsusulat.
kunsabagay, sabi mo nga, home-based naman ang trabaho natin, puwede kahit saan.
masarap mag-alaga ng baboy at kambing... masarap magpakuya-kuyakoy sa lilom (lilim) ng punong mangga... masarap magpapawis sa pagdudukal sa maliit na taniman ng mga gulay...
-- mga bagay na noon ay kinabagutan ko, ngayon ay gusto kong balikan.
mangungumpay
KC,
Ang swerte mo naman at naipamana sa iyo ang bahay. Sa mga kapatid mong iba, ano naman ang kanilang minana?
Mi kasulatan ba? kung wala KC, be wary, kasi maaring mag-claim din ang mga utol mo. Maganda nga ang bahay mo KC, konting renovation lang aayos iyan. I-utang mo sa PAG_IBIG, HOME IMPROVEMENT LOAN, 30 years to pay at fix interests rate, sandali lang iyan. Teka member ka ba sa PAGIBIG ? mag member ka muna kung hindi pa.
Auggie
auggie,
may karugtong na lote ito sa bandang likod na pag-aari rin ng tatay ko, iyon ang pinaghatian ng mga kapatid ko. nabili niya iyon from his retirement money.
nasa bukana itong part ko na minana naman ng tatay ko sa lola ko, tapos isinalin niya sa akin--ako kasi ang pinakakamukha niya, hehe :)
Post a Comment