Thursday, March 11, 2010
what if?
NASA kultura nating mga Pilipino ang pagsandal sa suwerte. Sa mga iglap na pangyayari na mayroon agad limpak-limpak na salapi sa ating mga kamay. Ito rin ang dahilan kung bakit mahilig tayong tumaya sa sugal (lalo na sa lotto at Bingo), at pagsali sa mga laro sa TV na may malalaking premyo.
Siyempre pa ay pinakamasarap na sagutin na tanong ay: “Ano ang gagawin mo kung tumama ka sa lotto?”
Ano nga ba? Maglalakbay ang isip natin sa kung anu-ano. Mahirap kasing mag-isip kung mayroon na tayong milyun-milyon sa dalawang kamay at kaya na nating bilhin ang halos kahit ano.
Kung sakaling mangyari sa inyo ang wishful thinking na ito, huwag agad mahulog sa kasakiman. Gawin nating halimbawa ang sumusunod na kuwento:
Pinaka-crucial na bahagi ng buhay ni Mando nang tanungin na siya ng TV game show host kung pipiliin na niya ang laman ng kahon o ang iniaalok sa kanya na P90,000. Kung praktikalidad ang paiiralin niya at ikukonsidera ang hirap na dinanas niya bago makalusot sa last stage ng game show, pipiliin na niya ang P90,000. Malaking tulong na iyon sa isang tulad niyang mahirap. Ngunit naisip din niyang paano kung P1 milyon ang laman ng kahon? Mas malaki ang maitutulong niyon sa kanya.
Pikit-mata, pinili niya ang kahon. Pinanaig niya ang kutob na mananalo siya nang mas malaki, parang iyon ang ibinubulong ng kanyang damdamin. Halos mapugto ang hininga niya nang ilabas na ng host ang laman ng kahon. At nang makita niya ang numero 1, na nangangahulugang nanalo siya ng P1 milyon, sa harap ng national television ay nawalan ng malay-tao si Mando—sa sobrang tuwa!
Instant milyunaryo si Mando. After one month ay na-claim niya ang pera at naideposito sa bangko. Simula nang manalo siya, araw-araw ay may nagyayaya sa kanya ng blowout. May nanghihingi ng balato. Ang iba ay dinadaan sa drama—maysakit daw ang anak at kailangan ang kahit P1,000 lang na pampagamot.
Sa unang pagkakataon, pakiramdam ni Mando ay isa siyang sugo ng langit. Para bang ang lahat ng problema sa kanilang barangay ay kaya niyang lutasin. Samantalang noong hindi pa siya nananalo, ni hindi na nga siya pautangin ng bigas at sardinas sa tindahan sa tapat nila. Siya ay isang karaniwang nilikha lang sa lugar na iyon na ni walang nagtatapon ng tingin. Sabagay, sino ba naman ang magpapautang lagi sa isang welder lang na bihirang magkaroon ng trabaho at ang asawa naman ay namamasukang labandera lang ng bayan?
Dumami rin ang kanyang 'financial adivers'. May nagsasabing ideposito raw niya ang P250,000 para sa kanyang pagtanda at ang natitira ay ipagpasarap naman niya. Edad 50 na si Mando at marami ang nagpapayo sa kanyang oras na para mag-enjoy naman siya sa buhay. Tumikim din daw siya ng GRO na sariwa, mestisa at 'daisy siyete'! Kailangan daw niyang tumikim ng batambata para magmukha rin siyang bata!
Ngunit may ibang plano si Mando. Matapos niyang ma-claim ang panalo ay nag-blowout siya ng ilang kawang pansit, bumaha ang tinapay at softdrinks sa kanilang buong barangay. Walang inuman na gaya ng gustong mangyari ng mga kalalakihan. Ang gusto lang niya talagang pasayahin ay ang mga bata.
Lima ang anak ni Mando na pawang nag-aaral. Ikinuha na niya ang mga ito ng sariling bank account na pinaglagakan niya ng para sa tuition fee. Bumili rin siya ng dyip na pamasada at iyon na ang ginawa niyang hanapbuhay. Ang kanyang asawa ay nagtayo naman ng tindahan. Binibiro pa nga ito ni Mando na pauutangin daw naman siya kahit sigarilyo lang—dahil noon nga ay walang nagpapautang sa kanya.
Walang naambunan ng grasya sa mga kapitbahay si Mando. Meaning, wala man lang siyang pinabalato. Ang katwiran niya, kapag nagpabalato siya ng ilan lang ay magkakainggitan lang at pagmumulan pa ng samaan ng loob. Mabuti na ang pare-parehong wala. Isa pa, sa napanalunan naman niya matapos maitago ang para sa edukasyon ng mga anak, makabili ng dyip at makapagpatayo ng tindahan ay halos maubos na rin ang isang milyon. Ang masarap nga lang, panatag na ang kalooban niya na kahit ano'ng mangyari, makatatapos ng pag-aaral ang kanyang mga anak at kahit paano ay may kinikita na silang mag-asawa araw-araw.
Dahil hindi nga siya nagpayanig at nagpabalato sa barangay, nag-iba ang tingin kay Mando ng mga kapitbahay. Yumabang na raw siya. Nuknukan daw pala siya ng damot samantalang noon ay kung kani-kanino nangungutang may makain lang. Manakawan daw sana siya. Kumatok sana ang dyip at malugi ang tindahan. Masunugan. Mabulunan habang kumakain at matuluyan! May mga ganoong factor, 'ika nga.
Hindi maiwasan ni Mando kung minsan ang sumama ang loob sa mga naririnig pero pinalalampas na lang niya. Para sa kanya, mas mabuti na ang pinaghandaan niya ang bukas. Naniniwala kasi siya na ang pera kapag galing sa mabilis na paraan, kapag hindi iningatan ay mabilis ding mauubos kaya nga nag-invest siya nang todo sa kanyang isang milyon. Marami na siyang narinig na kuwento tungkol sa mga instant millionaire na ubus-ubos biyaya at pagdating ng bukas ay nakatunganga. Alam din niyang lilipas din naman ang impresyon sa kanya ng mga kabarangay na nuknukan na siya ng kunat at mayabang mula nang magkapera.
Isa pa, bumabawi naman siya sa ibang paraan. Kapag may emergency, ipinagagamit niya ang dyip nang walang bayad. Dahil nakabili rin siya ng welding machine, kapag may nanghihiram ay okey lang sa kanya. Ang paraan niya ng pagbabalato ay idinaan na lang niya sa pakikisama.
Kaya ngayon, kapag nanonood siya ng mga game show at nakakakita ng nananalo ng milyon, iniisip ni Mando kung ano kaya ang nagiging desisyon ng winner pagkatapos? Ang maging one day millionaire ba o maging praktikal na tulad niya?
What if kayo ang manalo ng P1 milyon, ano'ng magiging diskarte n'yo?
Gayunpaman, mas mahalaga ang magsikap kaysa umasa sa suwerte. Darating ang suwerte kung ukol, pero sa isang nagsisikap makapag-aral, makahanap ng magandang hanapbuhay at makapag-impok, mas tiyak ang jackpot pagdating ng panahon.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
5 comments:
Dikong KC:
Napakaliit naman kasi ng 1 million pesos. Ni hindi pa ito makapagpapatayo ng bahay diyan sa Pilipinas. Tama lang naman na ilaan ito ng nanalo sa kanyang mga anak.
Kasi nga naman, walang maaasahan sa gobiyerno na kahi't isang kusing na tulong para sa mga naghihirap na mga mamayan. Paano na lang halimbawa kung may magkasakit nang malubha sa kanyang mga anak? Ang 1 million pesos ay kulang pang ipambili ng gamot.
Pero kung nanalo siya sa EL GORDO – the Christmas lottery in Spain, the biggest lottery in the world – and also one of the oldest, having started in 1812, eh ibang usapan na ito. Maski bigyan niya ng tig-be-veinte million pesos ang bawa't kapitbahay niya ay bale-wala. El Gordo has the biggest prize pool of any lottery in the world, last year totaling over TWO BILLION EUROS!
O, laban diyan ang mga kapitbahay niya? Magpipiyesta tiyak sa kanilang BaranGAY at harinawa'y magaganda ang magiging mga beauty queens sa kanilang baranGAY, if you know what I mean. He-he.
;)
JM,
wow, 2-b euros! thanks for the trivia. hehe, pag nanalo talaga niyan kahit weekly may search for mutya ng baranGAY. :)
Saludo ako sa tining ng iyong pag-analisa, bayaw. Tama rin si The CoolCanadian. Dahil sa inflation, hindi na gaanong malaki ang isang milyon, although napakalaking tulong pa rin, lalo't galing ka sa wala. Ang problema sa karamihan sa atin, kapag nakahawak ng pera, maski di malaki, inuuna agad ang sarap. Bahala na bukas, tutal, e sanay naman daw sa wala. Daming ganyan dito sa KSA, bayaw!
At siyempre hindi ka kasama roon, bayaw. hindi ka na bulagsak sa pera ngayon--kung kailan parang kumakaskas lang just like the old days, hehe.
KC,
Ganyan talaga ang syndrome nating mga Pinoy KC. INSTANT GRATIFICATION baga, kasi, baka wala ng bukas. Marami din akong alam na nagkamal ng maraming pera, pero hindi rin nagtagal dahil hindi sila komfortableng humawak ng malaking kwarta.
Auggie
Post a Comment