Saturday, April 27, 2013

propesyunalismo


PUMANAW kamakailan ang nanay ng aking kaibigang si Benjie “TsongkiBenj” Felipe. May kaugnay na kuwento ang malungkot na kabanatang ito ng kanyang buhay sa kanyang showbiz column na lumabas noong February 27 sa The Daily Sun, isang bagong pahayagan. Nakikiramay tayo kay Tsongki, at sana’y madali siyang maka-move on.
Hindi tayo nagdalawang salita nang magsabi sa kanya na pakitulungan tayo sa pagbubukas ng The Daily Sun. Malakas na siya sa publiko dahil mayroon siyang dalawang radio program sa 92.3 FM radio ng TV5. Kilala siya sa entertainment field, at matagal din siyang naging editor-in-chief ng The Buzz Magasin ng ABS-CBN Publishing kung saan kami nagkasama. Hindi rin kami nag-usap kung magkano ang kanyang rate—ang importante sa kanya ay matulungan ang kanyang kaibigan.
Sa pagiging magkaibigan namin ay ako pa ang medyo may diprensya sa aming samahan. Iniwan ko siya sa isang programa niya sa radio kung saan ako ang writer/researcher niya. Hindi rin ako nakadalo sa binyag ng kanyang bunso dahil naroon ang isang dating business associate na nakaaway ko. Noong time na down ako financially ay inaabut-abutan niya ako ng pera. May ibinibigay pa siya noon na segunda manong kotse sa akin—na hindi ko naman kinuha dahil wala akong pambili ng gasoline. Baka ‘kako lalo lang akong magipit sa maintenance.
Anyway, naibalita niya sa akin na nakaburol nga ang nanay niya noon. Hindi naman ako nakadalaw dahil sunud-sunod ang aking deadline. Humingi na lang ako ng pasensya sa kanya, at sabi ko’y pag nakaluwag-luwag sa oras ay saka kami magkita. Nagpaabot din ako ng aking pakikiramay.
Pero sa lahat nang ito, sa kabila ng kanyang dalamhati ay nakabibilib ang kanyang propesyunalismo. Alam n’yo bang hindi niya nakakaligtaan ang kanyang showbiz column sa The Daily Sun? Tinitiyak niyang kahit may lungkot sa kanyang puso ay nakapaghahatid siya ng saya sa kanyang mga tagasubaybay.
At sa puntong iyan, saludo tayo sa kanyang propesyunalismo.
Nang huli kaming magkita ni Tsongki ay mahigit dalawang taon na yata ang nakararaan. Bagumbago ang kanyang sasakyan. Sabi pa niya sa akin ay may nabili siyang dalawang ekstaryang farm na balak niyang taniman ng gulay.
Nakakatuwa ang kanyang pag-asenso mula nang huli kaming magkasama sa trabaho. Masipag naman kasi siya dahil bukod sa pagiging anchor sa radio, entertainment writer, news writer ay isa rin siyang actor. Marami na siyang nalabasang pelikula, at nakakasama rin siya ngayon sa mga indie films. Walang masamang tinapay, ‘ika nga.
Pero bukod sa sipag at talent, malaking factor sa kanyang pag-unlad ang kanyang propesyunalismo. At muli niya iyong pinatunayan sa akin.

 

Saturday, January 5, 2013

happy new year!

http://s163.photobucket.com/albums/t309/kc013_photos/?action=view&current=toast.jpg" target="_blank">http://i163.photobucket.com/albums/t309/kc013_photos/toast.jpg
" border="0" alt="Photobucket">

ANG 2013 ay Year of the Snake, at dahil ako ay isinilang sa animal sign na ito sa Chinese Zodiac, malakas ang aking kutob na susuwertihin akong lalo ngayong taon. Sinabi kong “lalo” dahil lagi kong itinuturing ang aking sarili na masuwerte.
Sabagay, basta masipag ka naman at walang masamang tinapay sa trabaho tapos ay sasamahan mo pa ng konting tipid, susuwertihin ka talaga.
Anyway, looking back sa nakalipas na taon, unang-una ay nagpapasalamat ako na hindi nagunaw ang mundo noong December 21, 2012. Sa pagpasok kasi ng 2012 ay ito agad ang sumalubong sa atin—na magugunaw nga ang mundo sa petsang nabanggit. May mga tao talaga na sawa na yata sa kanin at gusto nang mamatay, gusto pa tayong idamay!
At aminin natin na bagaman at hindi tayo naniniwala, medyo kinabahan tayo lalo pa’t may mga binabanggit pa ang mga so-called experts and doomsayers na Mayan civilization and calendar. Buti na lang at ang Nasa Itaas na totoong nakaaalam kung kailan ang wakas ay nananatiling nagmamahal sa sangkatauhan.
Kaya sana ay mas magpapatag ito ng ating faith sa Kanya.
May mga goals ako last year na marahil naman ay aking na-achieve. Unang-una na rito ang pagtutok sa health. Paglalakad nang malayo ang aking naging form of exercise at dahil doon ay na-maintain ko ang aking timbang at lumiit ang tiyan. Sabi ng misis ko ay medyo gumanda rin daw ang aking balikat.
Naging matipid din ako sa pananalapi. May hinuhulugan kasi akong maliit na lote at medyo malapit nang matapos. Baka ngayong 2013 ay makumpleto ko na ang bayad.
Wala rin akong masyadong nakaaway last year dahil pinanindigan ko na maging cool sa kabila ng napakaraming epal sa paligid. “World peace” ang aking mantra, kaya naman ‘yung mga nakaaway ko ay binati ko na. Maging ‘yung isang tao na pinagplanuhan kong saksakin pag nagkrus ang aming landas ay nakipag-areglo na ako. Mas masarap ang payapang buhay kaysa napakaraming nakapatong sa balikat.
Mayroon din akong ilang nabiling “luho” pero ayaw ko nang ikuwento at baka maging mayabang ang dating sa readers. Pero iyon po ay mga necessity at kailangan sa trabaho at ng pamilya.
Kami namang mag-anak ay lalong naging close. Last year ang taon na medyo madalas kaming mag-bonding sa mall at mag-window shopping. Masaya na kami na busog ang mga mata sa gustong bilhin, pero hindi namin naiuuwi. Minsan kasi, may mga bagay na masarap lang pangarapin na nasa iyo kaysa talagang hawak mo na at wala na ang mystery.
Sa downside naman, ang 2012 ay taon sa akin ng mga “pagkasira” ng gadgets. Unang bumigay ang aking smartphone. Nawalan ng contact ang mga keypads at sabi ng technician ay naputol na ang mga linya ng circuit. Hindi ko na ipinagawa at nag-settle muli ako sa basic phone.
Bumigay rin ang aking monster laptop. Bago pa ito, more than two years old, kaya lang ay tapos na ang warranty nang masira. Nang ipa-check ko, ayaw nang galawin ng technician dahil lalo lang daw akong malalakihan sa gastos. Well, malaki-laki na rin naman ang kinita ng unit na iyon, pero siyempre ay nakakapanghinayang. May gustong bumili for P5,000 dahil ibebenta raw niya ang mga spare parts pero hindi ko pa dini-dispose. Iniisip kong baka minsan pag ini-on ko ay muling mabuhay. Fingers crossed.
Sumabog naman ang aking monster desktop! Earlier last year ay nagpa-assemble ako ng malakas na PC. Nang masira ang laptop ko ay ito naman ang lagi kong ginagamit. Minsang ini-on ko ay bigla na lang sumabog, parang dalawang inihagis na rebentador! Nang ipasilip ko sa computer store na binilhan ko, power supply raw ang bumigay. Under warranty pa naman kaya wala akong naging problema sa gastos.
Gayunpaman, medyo nagka-phobia ako na gamitin iyon kaya paminsan-minsan ko na lang binubuksan.
Tatlong nasirang gadgets, medyo malaking lugi. Pero ganoon talaga ang buhay. Minsan ay may sudden flow of affluence, may mga insidente naman that would cost you a fortune. Ang pasalamat ko lang, tapos na ako sa ganoong dilemma.
Ngayong taon, gusto kong mag-focus sa pagsusulat. Matagal na akong di nakapagsusulat nang mahaba kaya medyo nangangati ako na muling tumipa sa keyboard nang matagalan.
Tuloy pa rin ang concern sa health. Masarap namang maglakad-lakad at mag-exercise pag umaga.
Last year ay di ako masyadong nakapagbasa ng books, sana kahit tatlo man lang na libro ay makabasa ako this year.
Naroon pa rin ang plano ko na sana matuto na akong magbisikleta. Kung may magbibigay, thank you! Kahit luma, okey na okey iyon.
Hindi ko pa rin maituloy ang pagtatapos sa kolehiyo. Sa ngayon ay nag-iisip ako ng mga paraan para finally ay makatanggap na ako ng college diploma.
At sana, ngayong taon ay marami pa ring dumating na projects, manatiling healthy kaming mag-anak at mas kokonting stress ang dumating.
Happy New Year sa inyong lahat, at wish ko rin ang magandang kapalaran para sa inyo.

Friday, December 28, 2012

'duck walk'

http://s163.photobucket.com/albums/t309/kc013_photos/?action=view&current=dognduck.jpg" target="_blank">http://i163.photobucket.com/albums/t309/kc013_photos/dognduck.jpg
" border="0" alt="Photobucket">

NOONG isang araw ay nakatuwaan kong makipaglaro sa isa naming aso. Siya kasi ‘yung tipo ng aso na hindi maharot. Though paminsan-minsan ay tumatakbo, mas gusto niyang nakahiga sa ilalim ng mesa at tila nagmumuni-muni.
Sa panonood ko sa Animal Channel sa Cable TV ay sinasabi ng mga pet experts na mahalagang may pisikal na aktibidad ang mga pets lalo na ang mga aso. Kung lagi silang nakaungkot, mas prone sila sa pagkakasakit. At mas gusto kong makipaglaro sa aso dahil libre—kaysa sa ipagamot siya.
Since hindi ko siya maakit na lumabas sa ilalim ng mesa at tila nagpakamatay pa nang tinatawag ko ang pangalan, naisip kong mag-improvise ng style. Dahil nakaupo ako, biglang-bigla ay nakatuwaan kong mag-duck walk. Ito ‘yung habang nakaupo ka, ilalagay mo ang dalawang kamay mo sa likod saka ka lalakad na parang bibe sabay huni ng “kwak-kwak!”
Habang nagda-duck walk ako, mukhang naging epektibo sa aking pet. Nanlaki ang mga mata niya sa excitement, lumabas sa ilalim ng mesa at hinabol ako na para siyang humahabol sa bibe. ‘Yun nga lang, ang bilis ko namang napagod.
Habang umiinom ako ng tubig ay napatingin ako sa wall clock. Alas tres ng hapon. Bigla akong nag-down memory lane. May isang pangyayari sa buhay ko na may kinalaman din sa duck walk—noong grade one ako.
It was the ‘70s, folks, at grade one nga ako noon. Sa pagkatanda ko ay pissed off ang aming teacher dahil maraming hindi makabasa at sobrang iingay pa ng mga kaklase ko. Hinampas niya ng kanyang nakatatakot na stick (na alam kong maraming puwet na ang napalo kasama na ang sa mga kapatid ko at pinsan) ang mesa at sapat iyon para tumahimik ang klase.
Noong panahong iyon ay uso pa ang pagpaparusa ng mga guro sa mga estudyante. At kapag naparusahan ka ni Ma’am, stigma iyon. Gagawing joke sa iyo ng mga kaklase. Ipapanakot na isusumbong ka sa iyong ina na naparusahan ka ni Ma’am. At ang iyong nanay naman, sa halip na sugurin si Ma’am ay siguradong makukurot ka rin, mapipingot o mapapalo dahil sa hiya kay Ma’am. Noon ay ganoon ka-powerful ang isang guro—hindi tulad ngayon na mahawakan lang sa anit ang pupilong di makabasa ay kakasuhan na agad ng ina ang guro sa principal’s office at babantaang ipatatanggal sa serbisyo. Eh, paano naman kung bukod sa tanga talaga ang bata ay matigas pa ang ulo? Siyempre’y kahit papaano’y pipisikalin ni Ma’am.
Anyway, sabi ni Ma’am ay magda-duck walk ang sinumang mahuli niyang gagawa ng mali. ‘Yun nga lang, hindi namin define kung ano ‘yung mali. Siguro ay kung maingay o hindi makabasa.
Ilan agad ang nasampulan ni Ma’am. Para silang mga bibe na nagkarera sa loob ng classroom habang kumakwak-kwak. Siyempre pa ay walang makatawa dahil baka makasama sa mga nagmistulang bibe.
Kung bakit naman nang mapatingin sa akin si Ma’am ay bigla akong napahikab! Isinigaw niya ang pangalan ko sabay sabing sumama ako sa mga nagda-duck walk.
Marami akong kasuntukan noong ako’y grade one at kitang-kita ko sa mga mata nila ang tuwa. Na-shock naman ako dahil ano ba ang kasalanan ko? Hindi ako maingay. Mabilis akong magbasa dahil kahit grade one pa lang ako’y nababasa ko na ang mga kuwento sa komiks at mga prosa sa Liwayway. Napahikab lang ako may parusa na. Napaiyak ako.
Sa pagkatanda ko’y iyon ang unang pagkakataon na nagawa kong sumuway sa nakatatanda sa akin—at sa isang guro pa. Sabi ko sa sarili ko’y hinding-hindi ako lalakad na parang isang bibe—mangyari na ang mangyayari! Lalong tumaas ang boses niya nang maramdaman niyang hindi ako tatalima. Lumapit siya sa akin at hinila ako pero kumapit ako sa desk. Dala niya ang stick niya kaya alam kong pag tumayo’y ako ay tiyak na tiyak ang lagapak sa puwet. Ang pagkakakapit ko sa desk ay parang lingkis ng sawa sa puno. Anu’t anuman, hindi ako bibitaw.
Naramdaman ko ang lagitik sa may braso ko. Doon niya ako pinalo. Lalong lumakas ang aking iyak—na naging sigaw nang makita ko ang mapulang-mapulang guhit sa aking braso. Mas hinigpitan ko ang hawak sa desk. Sa isip-isip ko, patayin na ninyo ako pero hindi ako magpapaka-BiBe Gandanghari.
Hindi na niya sinundan ang palo sa akin, at sa pagkatanda ko, hanggang sa mag-uwian kami ay hindi na nag-lecture si Ma’am at nagpakopya na lang ng mga nakasulat sa pisara. Marahil ay nahimasmasan din siya sa sobrang lakas ng palo sa akin na parang matabang alupihan ang naging latay.
Nang umuwi ako ay nakita ng aking ina ang latay sa aking braso. Namumugto rin ang mga mata ko kaya alam niyang may nangyari sa school. Ikinuwento ko sa kanya, at sabi lang niya sa akin, sana raw ay nag-duck walk na lang ako. At nilagyan niya ng Vicks vaporub ang aking latay. Hindi na niya ako pinalo—pero tanung nang tanong kung hanggang sa mag-uwian daw ba ay galit pa sa akin si Ma’am. Alam kong mas concern siya sa galit ni Ma’am kaysa sa naging latay ko. Maging ang aking ama, nang makita ang latay ay simple lang ang naging reaksyon: matigas daw siguro ang ulo ko.
See? Kung ngayon nangyari ito, TV Patrol tiyak si Ma’am.
Mabuti na lamang at araw ng Biyernes naganap iyon. Dumaan ang Sabado’t Linggo na umiwas akong makipaglaro sa mga kaklase kong kapitbahay ko lang. Ayokong maging tampulan ng kanilang tukso at tawanan. Pagkakaligo ko ay nilalagyan ng Inay ng Vicks ang aking latay, kaya pagdating ng Lunes, wala na. Pero nagsakit-sakitan ako ng tiyan sa loob ng isang linggo para di muna ako pumasok dahil ayoko pang makita si Ma’am. Nahalata iyon ni Inay, at hinayaan muna niya ako. Kaya makalipas ang isang linggo, pagpasok ko uli ay wala na ang aking latay—at hindi ako tinatawag ni Ma’am sa recitation o anuman. Pero napapansin kong palihim niyang tinitingnan ang braso ko na kanyang inasbaran. May ilan akong kaklaseng hindi nakalimot sa insidente at tinutudyo ako na kaya di ako pumasok ay dahil napagpalo ako ni Ma’am.
Sa isip-isip ko, eh, ano? At least hindi ako naging bibe. Ang mga kaklase ko kasing napa-duck walk ni Ma’am, ang tukso nila lagi ay kung nakapangitlog na raw! Mas macho naman sa pakiramdam ang nakipagmatigasan ka kay Ma’am kaysa tuksuhin na may egg na lumabas sa iyong derrière, di baga?
Anyway, nakakapagod mag-duck walk para lang pasayahin ang isang matamlay na aso. Kamakailan ay nakabili ako ng laruang bibe na humuhuni. Basta narinig niya ang huni, sapat iyon para siya magrumpi at tumakbu-takbo.
Good boy!

Wednesday, December 5, 2012

vietnamese dream

http://s163.photobucket.com/albums/t309/kc013_photos/?action=view&current=vietnam.jpg" target="_blank">http://i163.photobucket.com/albums/t309/kc013_photos/vietnam.jpg
" border="0" alt="Photobucket">

DUMARATING din ako sa punto na nais kong magtrabaho sa abroad. Gusto ko naman ng ibang challenge. Makakita ng ibang kultura. At siyempre, gusto ko ring subukan kung talagang mabilis ang pag-asenso kapag sa ibang bansa nagtatrabaho.
Madalas mangyari sa akin ito kapag may mga disappointments ako sa mga kliyente ko rito sa Pilipinas. Ang ibang publication kung saan konektado ako ay kadalasang may hatid sa akin na sakit ng ulo.
Middle of this year ay nag-browse ako sa internet ng mga trabahong puwedeng pasukan. Mas gusto ko ang Asean countries para madali kong mai-adapt ang sarili ko lalo na sa klima at pagkain. Ang prayoridad ko talagang puntahan ay Vietnam dahil sinasabing papaunlad ang bansang ito. Nagpunta ako sa kanilang website at naghanap ng job opportunities.
May nakita naman ako na medyo eksakto sa mga qualifications ko—ang magturo ng Filipino language sa mga Filipino community roon. May mga kababayan kasi tayong doon na nagkaanak, o nagkaasawa ng tagaroon. Gusto nilang mahasa pa rin ang mga magiging anak nila sa ating wika—at suportado iyon ng Vietnamese government.
Nag-e-mail ako sa contact person ng nasabing job vacancy. Sinabi ko ang layunin ko na makapagtrabaho roon, at maging ang aking kapasidad para sa posisyon na hinahanap nila. Sumagot naman, at medyo nagulat ako sa mga alituntunin bago nila ako i-hire.
Ayon sa nag-reply sa akin, once na ma-hire nila ako ay maninirahan muna ako sa isang village. Libre lahat mula tirahan, pagkain, damit at iba pang pangangailangan. Isang taon ako sa village na iyon para maka-adapt sa kultura ng Vietnam. Pag-aaralan ko ang kanilang wika—at kailangang matuto ako. Sa loob din ng isang taon ay hindi muna ako makakapagbakasyon. Inaasahan din nila na sa loob ng isang taon, marami na akong alam tungkol sa Vietnam, sa wika nila at kultura. Pagkatapos ng pagsasanay na iyon at makapasa ako sa kanilang evaluation—tanggap na ako sa puwesto.
Medyo nag-alanganin ako. Unang-una ay mahina ako sa pag-aaral ng ibang wika. Wala kasi akong interes. Pero siguro naman ay mapagtitiyagaan ko rin. Kung naroon na ako, madali na lang siguro iyon lalo na kung pipilitin ko ang sarili ko. Kung lagi mo raw naririnig ang banyagang wika, masasanay rin ang iyong dila.
At nabasa ko ang tungkol sa kumpensasyon. Dito lalong lumaylay nang todo ang aking pag-asa.
Ayon sa nag-reply sa akin, sa loob ng isang taon na mananatili ako sa isang village at mag-aaral ng evertyhing Vietnamese, may allowance ako na $1,000. Lilinawin ko lang po—ang $1,000 ay sa loob ng isang taon, hindi ng isang buwan.
Ito ay dahil wala naman akong pagkakagastusan dahil shouldered nila ang lahat nang pangangailangan ko habang nasa village. Iniisip kong ang $1,000 marahil ay pocket money ko lang para sa ‘ika nga’y “much needed R&R.” Ibibigay naman daw agad iyon once na dumating ako sa village, nakapirma sa agreement at nagsimula ng training.
Siyempre’y hindi ko naman gagamitin sa “much needed R&R” ang pera at ipapadala ko sa aking pamilya rito sa Pilipinas. At kung iyon lang ang kikitain ko for a year (roughly P40,000/year), baka sa kuryente lang at iba pang bills ay di na kasya.
At paano kung after a year ay hindi ako makapasa sa kanilang evaluation? Uuwi akong luhaan. O kaya ay maghahanap ako roon ng ibang trabaho na di akma sa aking kakayahan. Sa edad kong ito, hindi ko na kayang mamasukan halimbawa sa mga restoran at maghugas ng plato. Medyo pasmado na ako, tiyak na lagi akong makakabasag ng mga baso.
Nag-e-mail uli ako sa nag-reply sa akin at nag-request na baka naman pwedeng $5,000 ang maging annual allowance ko (roughly P200,000 at baka maka-survive na rito ang pamilya ko for a year). Hindi na siya nag-reply. At maliwanag sa akin ang mensahe—kung ano ang patakaran nila, iyon ang dapat sundin. No buts, no ifs.
And there goes my Vietnamese dream.
Anyway, matapos ang aking pangangarap ay muling nagbalik sa akin ang diwang makabayan. Pilipino ako. Kung may kaunti man akong talento, dito ko dapat gamitin sa Pilipinas. Sabi nga ni Jay Ilagan sa pelikulang Kadete (na wala akong makitang kopya samantalang napakagandang pelikula nito) nang plano siyang ipadala sa Westpoint Academy matapos ang kanilang graduation sa PMA, “Gusto kong makita ang liwanag sa aking sariling bayan.”
Pero kung may maganda pa ring oportunidad sa ibang bayan, susubukan ko pa rin. Isa lang ang tiyak—babalik at babalik ako para rito makita ang bukang liwayway.
Pansamantala, hahayaan ko na lang ang mga disappointments ko sa mga publikasyon na aking pinaglilingkuran. Afterall, wala namang empleyado na walang issues laban sa kanyang pinamamasukan.

(Larawan mula sa vagabondjourney.com)

Monday, December 3, 2012

kuwentong renta

http://s163.photobucket.com/albums/t309/kc013_photos/?action=view&current=rent1.jpg" target="_blank">http://i163.photobucket.com/albums/t309/kc013_photos/rent1.jpg
" border="0" alt="Photobucket">
KAPITBAHAY ko si Choi. Binata, nagtatrabaho sa isang malaking hotel sa Makati City. Umuupa siya sa apartment na katabi lang namin. Dati ay tatlo silang magkakapatid doon at naghahati-hati sa upa. Nang magsipag-asawa ang dalawang kapatid niya at bumukod na, solo na niya ang renta.
For a while ay may mga kaopisinang single na nakasama si Choi sa apartment. Pero dahil problema sa lugar namin ang parking, at may mga kotse ang mga katrabaho niya, hindi nagtatagal. Makipot kasi ang aming kalye, bukod pa sa maraming may sasakyan din. Ang iba naman na walang sasakyan ay ayaw magpa-park sa kanilang tapat.
May common denominator kami ni Choi. Pareho kaming mahilig sa aso at badminton. Hindi kami nakapaglalaro ng badminton, pero madalas kaming nagkakatambayan sa labas dala ang aming mga aso. May alaga siyang malteze, ako naman ay bichon frise. Habang naghuhuntahan kami, naglalaro ang dalawang aso.
Aniya ay nahihirapan na siyang magbayad ng upa sa apartment. Nasa P7,000 pala kada buwan ang upa. Ipagpalagay na nating sumasahod siya ng P20,000 kada buwan, dahil binata siya at mahilig magdamit at sa tingin ko ay medyo may lifestyle bukod pa sa girlfriend, talagang mahihirapan siyang mabalanse ang kinikita.
Isang umaga ay nakarinig ako ng kalabugan na tila may nag-aaway. Narinig kong nagbabalitaktakan sina Choi at ang kanyang landlady. Sa pakikiusyuso ko, nalaman kong tinanghali ng gising si Choi at nabuwisit nang katukin ng landlady para singilin sa buwanang upa. Sabi pa ni Choi, akala mo raw naman ay mamamatay na ang landlady kung mamayang hapon pa siya magbabayad.
Ang away ay nauwi sa barangay--hindi naman sa Face to Face ni Tsang Gellie.
Nang minsang magkahuntahan uli kami ni Choi ay sinabi ko sa kanyang bakit di na lang siya kumuha ng condo unit? May mga unit ngayon within Metro Manila na P4,000 lang ang monthly na hulog. Rent to own pa. Siyempre nga lang ‘kako, ang kailangan niya ay pang-down payment na siguro naman ay mahahagilap niya. Kung magde-date sila ng GF niya ay puwedeng sa condo na lang, takeout ng pagkain at DVD marathon. Kung gustong mag-loving-loving, di na rin kailangang mag-check in.
Natawa siya nang malakas.
Sabi ko pa sa kanya, ang P7,000 na ibinabayad niya sa landlady niya ay halos 2 buwan na ng condo unit na sa malao’t madali ay magiging kanya. Posibleng hindi kalakihan ang space, pero dahil solong katawan naman siya ay hindi niya kailangan ang malawak na tirahan. Wala pang landlady na tatalak sa kanya pag na-late siya ng bayad. Isang studio-type lang na may higaan, kusina at bathroom, ayos na sabi ko pa sa kanya.
Nakita kong napaisip siya.
Matapos ang aming pag-uusap ay hindi ko masyadong napagkikita si Choi. Nabalitaan ko rin na ipinadala niya ang kanyang aso sa kanyang nanay sa Pangasinan. Kaya pala ‘kako wala na kaming dog bonding moments.
Isang gabi ay may narinig akong ugong ng malaking sasakyan sa labas. Maya-maya pa ay tinatawag ni Choi ang aking pangalan. Paglabas ko, masaya siyang kumamay sa akin. Magpapaalam na raw siya. Nakakita raw siya ng condo unit sa may Sta. Ana, Manila. Mas malapit sa kanyang opisina sa Makati, at P3,700 daw ang hulog kada buwan. Nag-down payment daw siya ng P100,000—na hiniram muna niya sa kanyang mama.
Ayos ‘kako. Mainam na ‘yung solo niya ang lugar. Minsan daw ay susunduin niya ako para ipakita ang place. ‘Yun nga lang, bawal daw ang aso. Sige ‘kako, para may bonding pa rin. Sabi ko pa ay baka matuloy na rin ang plano naming paglalaro ng badminton. At inihabol ko ang, "Good luck sa libreng check-in, ha?" Natawa na naman siya nang malakas.
Isa lang si Choi sa maraming nakikita ko na umuupa ng malaki sa paninirahan sa apartment samantalang marami namang murang tirahan na rent to own. Karamihan kasi sa ating mga kababayan ay hindi iniisip ang mag-invest sa bahay o tirahan. Mas gusto ang naninirahan. Natatakot kasi sa mga 15 years to pay scheme. Sa bilis ng panahon ngayon, malalaman mo na lang 15 taon na pala ang nakalipas—at kung kumuha ka ng bahay o condo na magiging iyo balang araw mare-realize mo na lang na bayad ka na pala. Kaysa naman makalipas ang 15 taon, nangungupahan ka pa rin at bilanggo sa kasungitan ng landlord.
Sa mga kabataan ngayon na may trabaho na, umpisahan agad ninyong ipundar ang bahay gaano man ito kaliit. Walang pinakamasarap kundi ang paninirahan sa bahay o condo na sa iyo talaga—cash mo man binili ito o hulugan. Huwag kayong mamimihasa na nagrerenta dahil ang binubuhay lang ninyo ay ang inyong kasera.

 

Wednesday, November 28, 2012

ako ay may lobo

Photobucket

LAGI akong namamangha sa lobo. Palibhasa kasi ay lumaki ako sa bukid na puro halaman lang ang nasa paligid, kapag nakakakita ako ng lobo noong bata pa ako ay rocket science na iyon sa akin. May mga pinsan ako sa kabayanan na mas matatanda sa akin, pag dinadalaw nila ako sa bukid ay lobo ang pasalubong nila sa akin, at sapat iyon para maglakbay ako sa ibang dimension habang nilalaro ko.
At siguro nga ang mga bata ay talagang fascinated sa lobo. Nang mag-second birthday ang anak ko ay sa bukid na nilakihan ko namin ginanap. Ang buong paligid ay pinalibutan namin ng lobo. Hindi pa man nagsisimula ang program, ang mga nanay ng mga batang imbitado ay nakapuwesto na sa mga lobo para pitasin. Actually, saglit lang ay kanya-kanya na silang kuha para sa kanilang mga anak. Parang mas importante pa ang lobo kaysa sa spaghetti at cake na handa.
Nang nag-aaral na ako, may mga tindang kendi na may kakambal na lobo. Kung kasing-edad ko kayo or mas matanda kaysa sa akin, aminin ninyong alam ninyo itong sinasabi ko. ‘Yun nga lang, hindi lumilipad ang lobong ito. Hinihipan, at nagkakaroon lang ng movement kapag ini-release ang hangin. Hindi ako nakakabili dahil walang pambaon, pero nakikilaro ako sa mga kaklase kong meron sa paghabol sa lobo pag pinakakawalan. Kung minsan, pag nagsasawa na sila o gusto ng ibang kulay, ibinibigay nila sa akin ang luma. Pinalolobo ko iyon pagdating sa bahay, isinasabit sa aming dingding at ini-imagine na umaangat sa ere gaya ng lobong kargado ng helium. Iyon ang masarap sa pagiging bata, ang imahinasyon ay parang katotohanan na rin.
Anyway, kamailan ay naimbitahan ako ng isang kaibigan na mag-attend ng 7th birthday party ng kanyang anak sa isang sikat na pizza house sa may UN Avenue. Tumanggi ako noong una dahil wala naman akong anak na maliit. Sabi niya ay kokonti ang bisita dahil mga matatanda naman talaga ang invited. May nauna na raw kasing celebration kung saan invited ang mga kalaro at kaklase ng anak niya. This time, mga kapamilya at kaibigan naman ng parents ang invited. May ganoon yata silang tradisyon pag may anak na sumasapit sa ikapitong taon. Dahil mahigpit ang imbitasyon, umoo ako.
Maganda ang venue at sa hagdan pa lang (sa second floor ginanap ang kainan) ay marami nang naka-display na lobo. Pumisil-pisil pa ako sa mga kumpul-kumpol habang umaakyat. Sa loob ay marami ring nakasabit sa mga upuan. May libre ring face painting. Sabi ng kaibigan ko, lahat ay dapat magpapintura ng mukha. Bagama’t ayoko ay hindi ko rin naman planong magpaka-killjoy. Nilagyan ng painting na dragon ang aking mukha at braso. For a while ay nagbalik ako sa pagkabata. Sabagay, walang ganito noong panahon ko. It’s not too late to rock and roll, ‘ika nga.
Nang matapos ang selebrasyon ay nakatuwaan kong magbitbit ng isang lobo. Habang nasa dyip ako ay pinagtitinginan ako ng mga pasahero. Naghilamos ako ng mukha, pero ang dragon sa kamay ko ay di ko inalis. Obvious na galing ako sa children’s party. But what the heck; kanya-kanyang trip lang ‘yan, at ‘ika nga ay walang basagan.
Ang lobo ay balak kong ipalaro sa dalawa kong dogs. Naalala ko noon na nag-uwi rin ako ng lobo mula sa party ng ABS-CBN at tuwang-tuwa ang dalawa nang ipalaro ko. Nang sumabog, kapwa sila nagtago sa ilalim ng mesa at matagal na di nakalabas. Nasa mga mata nila ang guilt dahil iniisip nilang may nasira silang gamit. Tuwang-tuwa ako noon sa expression nila at gusto ko uling ma-witness ang ganoong eksena.
Nang naglalakad na ako papauwi sa amin ay may nakasalubong akong nanay na nangangalakal at may tulak na kariton ng bote diyaryo. May tatlong anak siyang maliliit na nakasakay sa kariton. Ang batang lalaki, na sa wari ko ay pinakamatanda, ay kumislap ang mata pagkakita sa lobong dala ko. Sabi niya, “Kuya, akin na lang po ang lobo.”
Huminto sa pagtutulak ng kariton at tumingin sa akin ang nanay, at ngumiti na parang nakikiusap. “Akin na lang po ang lobo,” ulit ng bata, at maging ang dalawa niyang kapatid ay nanghihingi na rin. Tuwang-tuwa sila. Nagkibit-balikat lang ako at nagdiretso sa paglalakad.
Pagdating ko sa bahay ay excited na sumalubong ang dalawang dogs sa akin. Agad kong binitawan ang lobo at masaya nilang nilaro. Wala pa yatang ten seconds, “Boom!” Sumabog na ang lobo at ang dalawang dogs gaya ng dati ay nagtago sa ilalim ng mesa dahil sa guilt.
Pero mas matindi ang guilt na naramdaman ko...
Noon lang nag-sink in sa akin kung gaano kasaya sana ang mga musmos kung ibinigay ko sa kanila ang lobo. Baka mas kumislap ang kanilang mga mata, mas maluluwang ang mga ngiti. Baka natuwa ang nanay nila na hirap na hirap sa pagbobote-diyaryo at di sila mabilhan ng laruan. Baka hanggang ngayon, nilalaro pa nila ang lobo na iilang segundong pinaglaruan at pinasabog ng dalawang dogs.
Guilt...
Lapse in judgment. Sana pala ibinigay ko na lang sa kanila.
Iniisip ko na lang ngayon na sana’y nakalimutan na ng mga bata na minsan ay may maramot na mama silang nakasalubong at di sila binigyan ng lobo. At sana rin ay may ibang tao na mas mabait kaysa sa akin na sa paglilibut-libot nila araw-araw sakay ng kariton ng nanay nila, ay naaabutan sila kahit lumang laruan na nagpapakislap ng kanilang mga mata at naghahatid ng ngiti sa kanilang mga mukha.

Tuesday, November 13, 2012

salamin

Photobucket

GUMAGAMIT na ako ng salamin sa pagbabasa. Naramdaman ko ang paglabo ng aking mga mata noong 2006 pa. Nag-text sa akin ang misis ko, nang babasahin ko na, hindi ko na mabasa samantalang noong umaga ay nakapag-proofread pa ako ng article na nakasulat sa maliliit na tipo.
For a while ay may struggle sa akin kung magsasalamin na ba ako o hindi. Galing ako sa pamilya na both sides ay mabilis lumabo ang mga mata. May mga pinsan ako na high school pa lang ay nagsasalamin na.
Anyway, inabot pa ng isang taon bago ako nagdesisyon na magsalamin na. Kailangan ko na, lalo na sa uri ng aking hanapbuhay.  Hindi kailangang magkamali sa pagtipa sa keyboard, at kailangan kong laging nagbabasa ng iba’t ibang reading materials.
Sa isang sikat na optical center ako nagpagawa ng salamin. Mahusay ang optometrist. High-tech na rin ang kanilang gamit sa pagti-check sa kalagayan ng mata ng pasyente. Pagsilip ko sa kanilang machine, may printout na lumabas at nakalagay na roon ang grado ng aking mata. Maayos pa naman daw, may astigmatism lang ako. Ibig sabihin ay hindi na balanse ang linaw ng aking mga mata. Sinukatan ako. Maraming lenses ang ipinasubok sa akin hanggang sa makuha ang swak na swak sa aking mata. Pagkalipas ng dalawang araw ay nakuha ko ang aking salamin—at napakalaking ginhawa ang naidulot niyon sa akin lalo na sa pagbabasa. Sa malayo naman ay malinaw pa ang aking tingin hanggang ngayon dahil far-sighted ako.
Dahil naging concern na ako sa aking mga mata, at may lahi rin kami na nagkakaroon ng katarata, nagpatingin na rin ako sa ophthalmologist para makatiyak lalo pa’t lagi rin akong may nararamdamang iritasyon kapag matagal na akong nagbabasa. Natuwa naman ako nang malaman kong healthy pa ang aking mga mata at walang signs ng pagkakaroon ng katarata. Pagod lang daw kaya laging nagluluha—at binigyan niya ako ng pampatak para marelaks at ipatak ko raw tuwing umaga bago ako magtrabaho. Kulang daw sa lubrication ang aking mga mata.
Naging suki ko naman ang optometrist na pinagpagawaan ko ng salamin--na kahawig pa ng aking isang ninang sa kasal, kaya "ninang" na ang tawag ko sa kanya though di naman niya ako binibigyan ng discount. Nakailang palit ako sa kanya ng frame—medyo mahal nga lang dahil kilala na sila sa industriya. Wala rin akong nagiging problema sa pagbabasa sa mga lens na ginagawa nila dahil nga high-tech ang kanilang mga aparato.
Nitong bago nag-undas ay nagkaroon ako ng problema. Naiwan ko kung saan ang aking salamin at di ko na ma-locate. Senior moment? Hindi pa naman siguro (lol). Dahil long weekend at marami akong nakaantabay na libro na gustong basahin, malaking problema sa akin ang pagkawala ng mahalagang instrumento sa ngayon ng aking pang-araw-araw na buhay.
Kung bakit naman sinumpong ako ng pagkakuripot, at sa halip na sa suki kong optometrist ay sa malapit lang sa lugar namin na klinik ako nagpunta. Ang naisip ko lang naman, malapit at madali kong makukuha. Medyo malayo kasi sa amin ‘yung suki ko dahil kailangan ko pang sadyain sa mall.
Matanda na ang optometrist na nag-attend sa akin. Pumili lang ako ng murang frame. Tinanong niya ang edad ko. May ipinasukat siya sa aking lens. Itinanong kung nababasa ko ang mga letra sa ibinigay niyang parang cue card. Okey rin, sabi ko. Pero di kagaya sa suki ko, wala siyang machine na ipinasilip sa akin. Hindi rin siya nagpasukat sa akin ng iba't ibang lens. Old school, naisip ko na lang.
Kinabukasan ay kinuha ko na ang salamin. Sinubukan ko, okey naman. Nagbayad ako, umuwi sa bahay at naghanda na sa pagbabasa. Saka ko natuklasan ang problema.
Hindi talagang katugma ng aking mata ang salamin. Na-realize kong iginawa lang ako ng lolang optometrist ng reading glass at ang pinagbatayan lang niya ng lens ay ang aking edad. At dahil magkaiba ang grado ng aking dalawang mata, sandali lang at naramdaman kong hindi okey ang salamin. Nahihilo ako at parang masusuka.
Nakahiyaan ko namang ibalik sa klinik bagaman at may karapatan ako. Ayoko na lang bigyan ng alalahanin ang matandang optometrist na habang sinusukatan ako ng salamin noong unang punta ko sa klinik niya ay napakaraming kuwento tungkol sa kanyang malawak na karanasan sa paggawa ng salamin sa mata. Nang naghuhuntahan kami ay para akong nakatagpo ng isang long lost grandma. Saka ewan ko, pero ayokong nagbibigay pa ng mga alalahanin sa mga nakatatanda lalo na kung mabait. Lugi ang pakiramdam ko, pero may mga pagkakataon na nangyayari ang ganito.
At isang bagay ang na-realize ko ngayon. High-tech na ang panahon at kailangan ang mga bagay na tulad ng pagpapagawa ng salamin ay sa mga moderno na klinik na talaga ikonsulta. Higit sa lahat—kung saan subok mo na ang isang bagay, doon ka dapat mag-stick.
Ngayon, sinulat ko ang blog na ito gamit ang salamin sa mata mula sa suki kong optometrist—at napakasarap muling tumipa ng mga letra.