Thursday, December 13, 2007

'read or die hard'

May konting apprehension ang paglapit niya sa akin. Hindi nakapagtataka, marami ang nagsasabing ako ang klase ng tao na parang hindi madaling kausapin.
Kung alam lang nila…
Nang makakuha siya ng sapat na lakas ng loob ay tuluyan na siyang lumapit sa mesa ko. Isang linggo pa lang ako noon na nauupo, sometime in 2003, bilang opinion/literary editor ng Kabayan at Diwaliwan (under Manila Times) at hindi ko pa kilala ang mga contributors. Mukha siyang mabait, maliit na binata, in his early 20s, payat ngunit mukhang intelihente.
Magalang siyang bumati at sinabi ang kanyang pangalan. Naglitanya siya na marami na siyang nai-submit sa literary page ng Kabayan pero hindi naman ginagamit ng editor na pinalitan ko. At gusto raw niyang malaman ang status.
“Hindi ba’t nanalo ka sa Palanca?” sagot ko sa kanya.
Nagkaroon ng liwanag ang kanyang mukha. Sa likod ng kanyang isip, marahil ay sinasabi niyang mukhang may pag-asa siya sa bagong editor dahil kilala siya, at least, sa pangalan. O, posibleng natuwa siya sa agaran kong pag-recognize sa kanya.
Sinabi kong araw-araw akong nagbabasa ng dyaryo kaya kilala ko siya at may isang pagkakataon na nabasa ko ang tungkol sa kanya. Alam ko rin na sa kanyang libreng oras ay nagtuturo siya ng pagbabasa sa mga batang lansangan sa Binondo.
Mula sa araw na iyon, natuklasan ni Genaro R. Gojo Cruz, ang binatang kausap ko, na may mga tulad ko na kumikilala sa kanyang dakilang adhikain.
Mahusay na manunulat si Genaro at patunay rito ang marami niyang nakamit na karangalan. Nagtapos siya ng pagkaguro sa Philippine Normal University, at sa panahong nagkakilala kami ay propesor na siya at kumukuha ng masteral sa DLSU. Sa pagbabasa ko ng kanyang mga sinulat para sa Kabayan at Diwaliwan ay nakita ko ang lawak ng kanyang kamalayan.
Minsan ay naitanong ko kung ano ang nagtulak sa kanya para magturo ng pagbabasa sa mga batang lansangan? Sa kanyang estado, ‘kako, na may magandang trabaho, sikat, binata, ay dapat na nagpapasarap siya sa buhay; may night life at nagde-date ng mga hot chicks.
Dumating na lang daw sa kanya ang ‘calling’ na iyon, pero marahil din aniya ay may kinalaman ang kanyang pinagmulan dahil produkto siya ng pamilyang mahirap. Naranasan niya ang lahat ng mabibigat na pagsubok sa pag-aaral, at ngayon na may kakayahan siya, gusto niyang ibahagi ang kung anuman na meron siya sa mga batang kapuspalad. Kung hindi aniya matututo man lang magbasa ang mga batang ni hindi alam kung ano ang hitsura ng silid-aralan, ano na ang patutunguhan nila lalo pa at bigo ang pamahalaan na matugunan ang kakapusan sa programang pang-edukasyon? Kung marunong aniyang bumasa ang bata, kahit paano ay makaiiwas sa mga mapanganib na sitwasyon na ibinababala ng mga letra. O kung makahahawak sila ng aklat o anumang reading materials, alam nila kung ano ang gagawin doon sa halip na itapon lang. Kung titingin sila sa headlines ng mga dyaryo, may ideya sila kung ano na ang nagaganap sa ating kapaligiran. It’s better that they learn to read… or die hard due to ignorance.
Nang lumipat ako sa ABS-CBN Publishing noong 2004 ay ‘nagbitbit’ ako ng ilang kasamahan sa Manila Times na hindi masyadong nabibigyan ng break (mga graduate sa mga ordinaryong kolehiyo) ngunit malalaki ang potensyal na makilala sa pagsusulat. Isa si Genaro sa kanila, na nabigyan ng proyekto para sa isang librong pambata. Napaiyak ang aming editorial director sa plot ng kuwentong pambata na nai-pitch niya. Nasip ko, plot pa lang ay epektibo na—lalo na siguro kapag na-print na.
Malaki ang paghanga ko sa mga indibidwal at grupo na nagsusulong ng mga programa para mapalaganap ang pagbabasa. Sa pagbagsak ng edukasyon sa Pilipinas, naging tamad magbasa ang mga Pinoy. Isang naging kasamahan ko sa proyekto na may kinalaman sa book publishing ang nagsabi sa akin na sana raw ay makuha nating mga Pinoy ang ugali ng mga taga-India. Sumakay ka raw sa tren doon, makikita mong nagbabasa ang karamihan sa mga tagaroon kahit pa lumang-luma na ang reading material. Dito sa atin, aniya, kung hindi nagte-text, naka-MP4 o kaya ay kumakain ng sitsirya sa sasakyan sa halip na magbasa.
Isang kakilala ko rin na retiradong teacher na ngayon at pensyunada na ang tuwing alas tres ng hapon ay hinahagilap ang mga batang bobong magbasa sa kanilang kalye at tinuturuan niya. Hinahanap daw ng katawan niya, sabi sa akin, ang magutor. Magastos din dahil kung minsan ay kailangan pa niyang ibili ng ‘boy bawang’ ang mga bata para lang magpursigi. Pero masaya raw, masarap sa pakiramdam lalo na kapag nakikita niya ang improvement sa pagbigkas ng mga ito at pagkilala sa mga salita.
Sa mga organisasyon ay nangunguna na marahil ang tropa nina Tin, ang Read or Die Convention, sa pagsusulong ng awareness sa pagbabasa. Bagaman at sinasabi na ang mga OFW ay mga bagong bayani, bayani rin sina Genaro, ang retiradong guro na nakilala ko, ang RodCon, at iba pang may ganitong adhikain sa pagmumulat sa ating mga kababayan ng kahalagahan ng pagbabasa.
Sabi nga sa unang taludtod ng tula ni Virginia Licuanan:
When I read the storybooks of other land it seems
All those foreign countries are more wonderful than dreams…

Matagal ko nang hindi nakikita si Genaro. Ang huling nalaman ko sa kanya ay nagtuturo naman ng Wikang Tagalog sa mga estudyanteng Koreano.
Naalala ko lang siya nang kamakailan ay mapadaan ako sa underpass ng Manila City Hall. May mga batang lansangan na nagbabasa ng punit-punit kopya ng ‘Filipino Komiks.’ May naramdaman akong guilt habang magkakalumpon silang nagbabasa sa malakas na tinig at pautal-utal na pagbaybay ng mga captions at dialogues. Naisip ko, kasama kaya ang mga batang ito sa naturuan ni Genaro, at ngayon ay pilit na ginagamit ang kanilang natutunan?
Nang nag-aabang na ako ng sasakyan sa may Metropolitan Theater ay nakita ko naman ang isa pang grupo ng mga batang lansangan na magkakakubabaw at may hawak na punit na song hits na produkto ng isang publication na involved ako. Marurunong din sila bumasa kahit paano… at kinakanta nila ang isang awit tungkol sa Pinoy comics heroine ngunit para bang ang liriko ay kumukurot sa akin:
Mapapansin kaya…
Sa dami ng iyong ginagawa
Kung kaagaw ko ang lahat
…”
December 11 noon at naalala ko ang ginaganap na Read or Die Convention sa UP—at habang umaalingawngaw ang sintunadong boses ng mga bata—ay nahulog ako sa malalim na pag-iisip.

Photo Sharing and Video Hosting at Photobucket
Photo Sharing and Video Hosting at Photobucket
Photo Sharing and Video Hosting at Photobucket
REDEEMING FACTOR: Ang mga larawan sa itaas ay mga kuha ng anak ko (nasa kaliwa sa huling larawan) nang magturo ang kanilang section na bumasa at sumulat sa mga bata sa isang payak na pamayanan sa ParaƱaque City. Marami akong pinagkaabalahan noong aking kabataan, at kahit ngayon, kaya ni minsan ay wala akong naging oras para magturo ng pagbasa. Mabuti na lang at may anak ako na sumusunod sa mga adhikain nina Genaro, Tin at ng buong RodCon, at iba pa nating kababayan na makapagmulat ng kamalayan ng mga kapuspalad na kabataan sa pamamagitan ng pagbabasa at pagsulat.

7 comments:

Anonymous said...

Maraming salamat sa iyong isinulat. patuloy pa rin ako sa aking ginagawa dati kapag talagang amy libreng oras. maraming salamat sa iyong patuloy na pag-alala sa akin. Dalangin ko ang iyong patuloy na pagyabong bilang manunulat. Ngayon ako naman ang bumabasa sa iyong nakakaaliw na blog.

Narito ang aking email: bayanghikahos@gmail.com

kc cordero said...

ka genaro,
four years, man. akala ko nasa abroad ka na at nakapag-asawa ng koreana. mabuti naman at nasugagaan mo itong korning blog ko.
next year pag hindi ka masyadong busy ay baka mag-venture ako sa children's story books. sana makagawa ka ng mga kuwento.
salamat, at sana ay maging secretary ka ng decs o pununo ng komisyon ng wika sa malapit na hinaharap. :)

Anonymous said...

KC, baka puede naman akong magdrawing sa children's story buk na yan o kaya ay magkulay o
lay-out. Kahit saan puede ako basta art related boss. hehehe.

And kung may mga studies ka na about sa ilalabas mo o may mga kover ka na, puede kong kulayan ng libre. O puede akong gumawa ng mga masthead o lay-out ng kober. LIBRE!!! Makatulong lang sa paglikha.=)

Maraming Salamat!

kc cordero said...

rommel,
wow!
sige, at ngayon pa lang... salamat!

Anonymous said...

Salamat sa Tide at Naabot ko Ang Aking Pangarap
ni Genaro R. Gojo Cruz




Marami na akong narinig at nabasang kuwento ukol sa mga labandera. Napanood ko rin noong nasa kolehiyo ako ang pelikulang “Gloria Labandera”. Malapit na malapit sa akin ang kuwento ng mga labandera. Pangarap ko nga ring magnegosyo ng laundry shop balang araw. Basta ‘pag kuwento tungkol sa paglalaba o sa mga labandera, talagang interesado ako. Ito ay dahil ako mismo ay naging isang labandero noong ako ay hayskul.

Alam ko ang bigat at hirap ng pagiging isang labandera, di tulad ng mga babaeng nasa komersyal ng mga sabong-panlaba na laging nakangiti at tila di nabibigatan kahit sangkaterba ang kanilang dapat labhan.

Di tulad ng mga kuwentong aking narinig at napanood ukol sa mga labandera, wala akong pamilyang dapat suportahan, mga anak na dapat pakainin at buhayin, o sakit na kailangang pagalingin. Dagdag pa, madalas na laging babae ang pumapasok sa isipan kapag pag-uusapan ang paglalaba bilang isang hanapbuhay. Iba ang sitwasyon ko dahil isa akong lalake at isang teenager pa lang noon.

Ngunit tulad ng lahat ng labandera, taglay ko rin ang pag-asa at ang maganda’t makulay na pangarap. Gusto ko talagang makatapos ng hayskul.

Sa isang pribadong paaralan ako nag-aaral, kaya kailangan kong makaipon para sa aking buwanang matrikula. Tanda ko, 100 piso ang bayad sa akin sa para isang sakong damit. Si Aling Aida ang nagpapalaba sa akin. Siya ay may isang maliit na karinderya sa aming lugar. Kasabay ng pagbibigay niya ng isang sakong labada ang pagbibigay ng isang baretang Tide at 3 pakete ng noon ay Tide Ultra.

Bilang isang teenager, pagsasayang talaga ng oras para sa akin ang pagtambay, ang matagal na panonood ng tv at pakikinig ng music, ang pamimisikleta o paggala kung saan-saan. Di ko pinalilipas ang maghapong walang ginagawa. Inatupag ko ang pag-aaral at paglalabandero. Ang aking mga Sabado at Linggo ay nakalaan sa paglalaba ng damit nina Aling Aida.

Naging kaulayaw ko noon ang malalaking batya, timba, palo-palo at poso, ang mabibigat na pantalon, kumot, kobre-kama at kung anu-ano pa. Nagkusot ako. Hinarap at binaka ang mga bula at problema. Nagtanggal na malulupit na libag at mababagsik na mantsa. Nagkula. Nagbanlaw. Nagbanlaw. At nagbanlaw. Nagsampay. Nakadama ng matinding pagod. Natututong maghintay. Nagdasal na sana’y di umulan at sumikat nang matindi ang araw. Nagtupi ng mga damit na parang dinaanan ng plantsa. Pagkatapos, ihahatid ko na ang mga nilabhan kong damit kay Aling Aida nang ayos na ayos, kipkip ang pag-asang makakamit ko rin ang aking pinakamimithing pangarap. Buti na lang at nagkakaroon lagi ako ng panibagong sigla at lakas. Talagang di ko naging problema ang pagbabayad sa aking matrikula. Kayang-kaya ko itong bayaran.

Di ko kinaawaan ang aking sarili at lalong-lalo di ako nakadama ng pagkainggit sa aking mga kaklase na noo’y nahuhumaling sa pakikinig sa Eraserheads at Rivermaya, sa paglalaro ng kanilang Tamagochi, pagpindot sa noo’y usong-uso at makukulay na pager at iba pa.

Nagtatapos din pala ang lahat ng hirap! Nakatapos ako ng aking pag-aaral hanggang sa kolehiyo.

Ngayon, hawak ko na ang aking pangarap. Kay sarap nitong hawakan at damhin lalo na’t tunay na pinaghirapan at pinagsumikapan.

Walang pangarap na ibinibigay nang libre. Natutunan ko talagang walang shortcut sa pagkakamit ng pangarap. Lahat ng pangarap ay pinaghihirapan.

Tuwing babalikan ko ang aking pagiging labandero, nangingiti ako. Kung di ko siguro pinagbuti ang aking paglalaba, tiyak na di magpapalaba sa akin si Aling Aida at lalong di ko makakamit ang maayos na buhat at panatag na kalooban.

Salamat sa sangkaterbang labada na tumulong sa akin upang maging matatag. Salamat sa bawat pagsikat ng araw na nagbibigay sa akin ng pag-asa. Salamat kay Aling Aida na di nagdalawang-isip na ako’y kunin upang ako’y kanyang maging labandero. Salamat sa kahirapan dahil nasukat ko ang aking kakayahan.

At salamat sa Tide na aking naging katuwang sa mga panahong tila kay layo ng aking mga pangarap. Salamat nang walang hanggan at di mo ako iniwan.

Ito ang aking totoong kuwento, ang kuwento ng aking tagumpay!







Si Genaro R. Gojo Cruz ay isang guro sa Philippine Normal University at De La Salle University-Manila. Siya pa rin ang naglalaba ng kanyang mga damit dahil sa paglalaba niya nabubuo ang mahahalagang plano sa kanyang buhay. Maaari siyang sulatan sa: bayanghikahos@gmail.com

Anonymous said...

alay ko ang munting sanaysay kong ito sa iyo.

Anonymous said...

World Of Warcraft gold for cheap
wow power leveling,
wow gold,
wow gold,
wow power leveling,
wow power leveling,
world of warcraft power leveling,
world of warcraft power leveling
wow power leveling,
cheap wow gold,
cheap wow gold,
buy wow gold,
wow gold,
Cheap WoW Gold,
wow gold,
Cheap WoW Gold,
world of warcraft gold,
wow gold,
world of warcraft gold,
wow gold,
wow gold,
wow gold,
wow gold,
wow gold,
wow gold,
wow gold
buy cheap World Of Warcraft gold g3j6x7xp