Wednesday, October 29, 2008
nilapis lang!
AKALA ko noong una ko itong makita ay cook book para sa pagluluto ng mga putaheng fat free, komiks pala. Nang buklatin ko, ang ganda ng concept.
Kasinlaki ng regular bond, hardbound, perfect binding, 96 pages at mataas ang quality ng papel, ang unang naka-attract sa akin ay ang illustrations—unadorned pencil renderings modified only by eraser. Hindi na tinintahan.
Ang “Fat Free” ay illustrated biography ni Jude Wilner. Maganda ang kuwento dahil walang itinago ang writer sa madilim niyang nakaraan dahil lang sa isang problema—ang pagiging mataba. At dahil wala nga siyang itinago, maging ang sexcapades niya ay tinalakay, though para sa akin, kahit hindi masyadong ginawang graphic iyon ay madadala rin ng kuwento ang readers sa isang rollercoaster ride dahil sa napakaraming sanga ng mga pangyayari.
Ang illustrator na si Mary Wilshire ay nagtrabaho rin pala sa Marvel (Power Pack, Red Sonja, Spider-Man and Barbie). Sa foreword ng graphic novel ay may papuri sa kanyang artworks sa Fat Free:
“As the reader can see, Wilshire succeeded in surpassing expectations with the 349 original pencil drawings that comprise this book. Some have been brought to a very detailed “finished” state, while others are minimally sketched. The result is a mosaic in varying shades of emotional intensity. Wilshire’s drawings masterfully capture the body language, gestures and facial expressions of the author at every age, weight and emotion. They have a life of their own that goes far beyond visual storytelling.
The result is a fitting counterpoint to Jude Milner’s honest painful and funny account of her lifelong battles with her body. In some of the drawings, one can even see the variations and sequences of the pencil meeting the paper. Thus, the reader can follow not only Jude’s story but the sweep, wit and truth of Wilshire’s pencil.”
Noong 1990 ay nakagawa ako ng ganitong konsepto kasama ang illustrator na si Alfred Pacolor. Kinomisyon kami ng isang engineer na naka-develop ng deep well (gripo) na nanalo ng award at tinawag niyang Magsaysay Deep Well at itinayo sa mga lugar sa Mindanao. Ganito rin kalaki ang komiks at hindi rin tinintahan ang illustrations. Hindi nga lang kami nabigyan ng kopya dahil sa Mindanao na naimprenta, pero nabayaran kami nang maayos.
Ginamit ko rin ang ganitong konsepto sa “Nginiiig! Horror Magasin” kung saan napakagaganda ng pencil illustrations ni Vincent Kua.
Btw, baka may kopya pa ng “Fat Free” sa Pick-A-Book (I’ve heard na pag-aari ang bookstore na ito ng dating basketball star na si Jun Limpot).
Monday, October 20, 2008
manyak!
NOONG isang araw ay umuwing umiiyak ang isang dalagang estudyante na kapitbahay namin. Nakiusyoso ako dahil nagkakagulo, at napagpag-alaman ko na ilang araw na pala siyang sinusundan ng isang mama kapag papasok sa school, gayundin pag papauwi na.
Maraming beses na raw ang insidenteng ito at kailan lang nalaman ng kanyang ina. Seaman ang tatay ng bata at nagkataong nasa barko pa. May pagkamataray ang ina ng dalaga kaya agad sumugod kung saan man nakatira ang mama na laging susunud-sunod sa anak niya.
Nalaman namin na taga-dulong kanto lang ng kalyeng kahugpong ng kalye namin ang tirahan ng mama. At nakausap niya ang mga magulang nito.
At lalo lang uminit ang ulo ng ina ng dalaga sa naging komprontasyon.
Bakit?
May sayad o baliw pala ang mamang naisip ko na may pagkamanyak kaya mahilig susunud-sunod sa magandang esyudyante. Aba, eh, kahit daw naman sakay na ‘yung dalaga sa dyip ay sinusundan pa. Kaya para makaiwas masundan kung minsan ay nagtataksi pa ‘yung dalaga. Tingnan n’yo nga namang dagdag na gastos pa iyon dahil lang sa pag-iwas sa balasubas na lagi raw nag-aantabay sa kanyang pagdaan.
At nang isumbong na nga raw ina ng dalaga sa mga magulang ang baliw, ang sabi raw ay madalas namang pinagsasabihan ito. Talaga lang daw matigas ang ulo, at palibhasa nga ay baliw kaya hindi makaintindi.
Tanong ng ina ng dalaga, paano ngayon ang gagawin? Nagkaka-phobia ang anak niyang dalaga at ayaw nang pumasok dahil sa takot.
Ang sagot daw ng mga magulang ng baliw, “Bahala na ho kayo. Kung gusto n’yo ay patayin na ninyo hindi kami magdedemanda. Ayos lang. Tutal problema din naman namin ang sira-ulong ‘yan!”
Muntik na raw siyang nakapanampal ng tao dahil sa kitid ng katwiran ng mga kausap. Sa isip-isip niya, hindi rin normal ang takbo ng utak ng mga kaharap niya. Kung naririto lang daw ang mister niya, baka ibang usapan na ang nangyari.
Hindi ko napigilang kabahan sa sitwasyon. May anak din akong dalaga na roon nagdaraan sa lugar ng baliw. Paano kung ang anak ko ang sundan ng baliw na iyon at malaman ko?
Nagpapakabait na ako at ayoko nang napapaaway, pero parang pag sa anak ko nangyari iyon ay baka umuwi ako ng Batangas, kunin ang pamanang samurai ng tatay ko at pagbalik ko ay tatagpasin ko na parang puno ng saging ang leeg ng baliw. Susmaryosep!
Naiisip ko lang naman ang karahasang ito pero hindi ko naman po kayang gawin. Walang pinakamainam kundi ang buhay na walang kaaway.
Pinayuhan ko ang mag-ina na magsumbong sa aming barangay captain dahil usapin iyon na dapat ay sa tanggapan ng aming puno idulog. Sumunod naman siya. Nang ang chairman na ang nakipag-usap sa mga magulang ng baliw, nagkasundo na hindi muna palalabasin ang mamang manyak sa oras na may mga papasok at pauwi na estudyante. Gumaan ang kalooban ng ina ng dalaga at maayos na muli ang pagpasok ng kanyang anak.
Maging ako ay napayapa. Gayunpaman ay pinayuhan ko ang anak ko na sa mga pagkakataong ganoon ay maging handa ang isip niya. Huwag padadaig sa takot. Tumakbo agad o sumigaw para makatawag ng atensyon ng iba. Panatilihin niyang kalmado ang isip. Araw-araw ko siyang ino-orient sa ganitong paghahanda sa panganib.
Maging babala sana ito sa inyo na sa ating paligid ay nagkalat ang mga walanghiya na ang takbo ng isip ay may kubabaw ng diyablo. Mag-ingat tayo at payuhan din ang inyong mga anak na maging alerto sa panganib. O, kung may banta sa kanilang kaligtasan, sabihin agad sa inyo bago mahuli ang lahat.
Sunday, October 19, 2008
bladimer usi's 'unggutero'
NATUTUWA ako para sa kaibigan kong si Bladimer Usi dahil sa wakas ay nasa market na ang joke book niyang “Unggutero.” Ang joke book na ito ay isa sa mga naiwan kong project (well, hindi lang na-print pero ako pa rin ang nag-ayos noon) sa Risingstar. Ito ang unang major project ni Blad sa paggawa ng joke book dahil may mga kasunod na pala na ipa-publish naman ng The Manila Times at ng Mind Masters Publishing. Congrats, pare!
Nakasama ko sa Manila Times, Kabayan at Metro News si Blad noong 2003. Nauna pa siya sa akin nang ilang buwan doon. Siya ang in-house artist ng lahat ng titles—mga spot drawings para sa mga articles at literary pieces. Nahasa siya sa aming mahusay na art director sa Times na si Boy Togonon na siyang nag-guide sa kanya ng tamang landas sa mundo ng cartooning.
Nagulat pa si Blad nang malaman na doon na ako nagwo-work sa Times at magkatabi pa kami ng mesa. Kuwento niya sa akin, noong una siyang nag-try sa trabahong publishing ay pinangarap niyang maging writer at sa akin siya unang nag-submit ng story noong editor pa ako sa Atlas Publishing. Sabi niya, pagkabasa ko raw ng kuwento niya, nagkomento raw ako na maghanap na lang siya ng ibang trabaho. Ibig sabihin ay hindi ko nagustuhan—kaya nagpasya siyang mag-aral magdrowing hanggang matuklasan niyang ang mundo niya pala ay sa cartooning.
Hindi ko na matandaan ang anekdota niyang ito, pero natutuwa ako na sinunod niya ang aking payo. Ngayon ay isa siya sa mga aktibong member ng Samahang Kartunista ng Pilipinas (SKP), editorial cartoonist ng ilang tabloids sa bansa at may regular gig din siya sa mga titles ng Risingstar at sa nagbabalik na Funny Komiks.
Ang “Unggutero” ay mabibili sa lahat ng bookstores sa bansa. Ang cover ay kinulayan ng sikat na sikat na si Freely Abrigo na may spot cartoons din sa loob. Inendorso rin ito nina Roni Santiago at Teresita Ang See—patunay na maraming naniniwala sa husay ng isang Bladimer Usi.
Nauuso ngayon ang mga joke books at lumalaban ang mga ito sa lakas ng benta ng mga horror titles.
Thursday, October 16, 2008
'filipino independent komiks'
NABANGGIT ko sa isa kong blog entry kamakailan na sa darating na Komikon 2008 ay maglalabas ako ng ‘Kriminal Komiks’. May konting pagbabago. Nagdesisyon akong buhayin ang ‘Filipino Komiks’ pero magiging ‘Filipino Independent Komiks’ na ito.
Dalawang magkaibang issue ang sabay na ilalabas ko. Ang una ay old school type na may konting impluwensya ng foreign underground comics, at ang ikalawa ay cartoon ang illustration pero seryoso ang story. Ako lahat ang sumulat ng kuwento. Uunahan ko na ang mga spoilers; old school ang approach ko kaya don’t bother to lecture me about modern and the ‘in’ comics. I’m so stubborn and a gambler—and definitely never mind losing money, time and effort basta trip ko ang ginagawa ko. I am making those very clear, my beloved anonymous readers and critics, though I’ll still entertain your ‘scholarly’ views and comments. Anyway, President Roosevelt once said, “Every schoolboy thought they’re smarter than the [US] president.”
Bagaman at kaya kong ‘mambraso’ sa mga maliliit na printing press na kaibigan ko o kakilala na itakbo naman nila ang komiks ko, okey na siguro na pansamantala ay photocopy na lang muna. I’m still in the process of testing the waters in the indie market.
Hindi ko alam kung ano ang magiging reaksyon ng Atlas Publishing dito. Hindi ko rin alam kung magre-react ang mga may-ari ng Risingstar na medyo kahidwaan ko ngayon. Ang dalawang kumpanyang nabanggit, two years ago, ay nagkaroon ng tug-of-war kung sino ba ang mas may karapatan sa titulo; Pilipino of Filipino? Ngayong ‘independent’ na ako ay mas malaya akong makapag-iisip kung ano ang mga posibilidad para maituloy ko ang konsepto na aking binuo. There may be legal problems ahead, pero saka ko na iyon iintindihin.
Nang hindi na nasundan ang Filipino Komiks noong 2006 ay nanghinayang ako sa maraming ‘What Ifs’ kung nagpatuloy ito. Naisip ko lang lately na baka destined ang titulong ito na maging sariling pag-aari ko.
Ang sumusunod ay ilan sana sa mga laman ng Issue No. 2 kasama ang art gallery rin sana ng mga baguhang hindi pa nakapag-publish ng kanilang trabaho at isang mahabang interview kay G. Jess Jodloman tungkol sa plano sana ng kanilang pamilya na ilabas nang buong isyu ang Ramir.
Cover concept by DELL BARRAS
From the origonal title 'Hiblang Abo' illustrated by NER PEDRINA
GRIPO by RANDY VALIENTE
REBELDE by REY VILLEGAS
BILANGGO by GERRY ALANGUILAN
***
Ang mga sketches sa itaas ay mga character study ni NOVO MALGAPO para sa mini-novel na pinagtambalan namin para sa unang issue ng Filipino Independent Komiks. Si Novo, ayon kay JM Lee, ang klase ng illustrator na malayo ang mararating.
Thursday, October 9, 2008
'tubos sa hinanakit'
BIHIRA akong magkimkim ng hinanakit. Lumaki akong api-apihan bilang anak-mahirap ngunit dahil mulat ako sa pangaral na hindi dapat magkaroon ng hinanakit sa kapwa o sa kalagayan sa buhay ay naging passive ako kahit sa mga taong umaagrabyado sa akin.
May mga pagkakataon nga lang na siguro ay tao lang ako at hindi maiwasan ang pagkakaroon ng hinanakit—isa na ang kuwentong ito.
Nang mamatay ay aking ama, unang pagkakataon na may nabawas sa aming pamilya, ay nawalan ako ng motibasyon at sabi ko sa sarili ko ay palilipasin ko ang isang taon hanggang makapagbabang luksa sa kanya bago ko muling ayusin ang aking buhay. Malungkot ako noon at walang araw na hindi ko naiisip ang mga panahon na kasama ko ang aking ama.
Sinisi ko rin ang sarili ko na bakit sa Maynila pa ako nagtrabaho. Kung nasa Batangas ako, siguro ay nasubaybayan ko ang kanyang kalusugan. Hindi rin siguro siya tumigil sa mga gawaing bukid dahil may makakatulong pa. Kadalasan ay isinisisi ang panghihina ng mga matatanda sa bukid sa kanilang biglaang paghinto sa mga gawain, paupu-upo na lang sa bahay at nanonood ng TV.
Lagi rin akong dumadalaw sa sementeryo noon—halos linggu-linggo kasama ang aking ina na labis ding nalungkot sa pagpanaw niya. Laman ako ng simbahan sa Batangas para ipagdasal ang kanyang kaluluwa.
Isang araw matapos kong magsimba ay naisipan kong tumambay muna sa parke na katabi lang ng simbahan sa Batangas. May isang grupo ng mga matatanda sa di- kalayuan at may mga nagpapakain sa kanila. Isang pamilyar na pigura ang nakita ko.
Ang panganay kong kapatid.
Kumunot ang aking noo sa eksena. Pinakakain niya ang mga matatandang naroroon. Ang panganay kong kapatid ay maayos ang buhay, pensyunada at asawa ng isang dating major sa Philippine Air Force. Tumayo ako at bahagyang lumapit sa puwesto nila. Noong panahong iyon ay nasa edad 60 na siguro siya.
Naramdaman siguro niyang may nakatingin sa kanya kaya saglit lang at napasulyap siya sa may gawi ko. Nakita ko ang saya sa kanyang mukha pagkakita sa akin at pagkislap ng mga mata, at agad lumapit.
Itinanong niya kung anong ginagawa ko roon. Hindi ako sumagot. Punung-puno siya ng sigla. Itinuro ang mga matatanda. Pinakakain daw niya. Bahagi ng kanyang obligasyon sa organisasyon ng mga senior citizen na kinabibilangan niya. Nalilibang daw siya tutal ay wala na naman siyang ginagawa.
Diretso ang kuwento niya at halatang masaya nga siya sa.
Samantalang ako ay punung-puno ng hinanakit sa kanya.
Sa mga panahon na nakaratay ang aming ama ay ni hindi ko siya nakitang dumalaw—at nagpahigop man lang sa matandang maysakit ng mainit na sabaw. Nasaan siya noon? Tapos ay heto siya ngayon at nagpapakain ng isang ni hindi niya kilala…
Hindi ko nasabi sa kanya ang bagay na iyon at kinimkim ko na lang sa aking dibdib.
Maging sa mga kapatid kong lalaki ay malaki ang aking hinanakit. Hindi nila inasikaso ang pag-aaral at kung anu-anong ginawa sa buhay. Nang wala na ako sa Batangas ay nagbalik sila roon at humingi ng bahagi ng kanilang lupa—na parang ang aral sa Bibliya ukol sa alibughang anak. At mabait ang aking ama, ipinagpaalam lang niya sa akin at sitwasyon, at ako naman ang anak na ang sinabi ng magulang ay laging iginagalang.
Estranghero ako sa aking mga kapatid at marahil ay ganoon din sila sa akin. Nang ipanganak ako ay malalaki na sila, ang iba ay may mga pamilya na. Wala akong rekoleksyon na nakasama ko sila noong bata pa ako. Sa mga pagkakataon nagkakasama-sama kami pag pista o may ikinasala na kaanak, namatay o anumang okasyon, masasaya silang nagkukuwentuhan at ako nasa isang tabi lang. Kapag umuuwi ako sa aming ancestral house at nadaratnan ko sila roon, saglit lang at isa-isa na silang mag-aalisan at maiiwan akong mag-isa na walang kahuntahan.
Gayunpaman ay mahal sila ng aking ama’t ina. Noong bata pa ako, sa hapag-kainan ay nagkukuwento sila ng mga anekdota tungkol sa aking mga kapatid. Hanggang sa huling sandali ng buhay ng aking ama’t ina ay ang mga kapatid ko pa rin ang kanilang inaalala—na huwag ko raw pababayaan.
Matagal na kaming walang komunikasyong pero kamakailan ay nagkita-kita muli kaming magkakapatid sa libing ng bunsong kapatid ng aking ama—na malapit na sanang mag-100 taon. Matatanda na rin ang aking mga kapatid, at sa tingin ko ay maliliit na sila. Ang panganay pala namin ay halos 80 anyos na (lahi kami ng mahahaba ang buhay). Naroroon pa rin ang pagkaestranghero namin sa isa’t isa; nagtanguan lang kami at nagngitian.
Nang maghihiwa-hiwalay na kami ay isa-isang yumakap sa akin ang mga kapatid kong babae. Naroon ang pagkasabik. Pinilit kong huwag mapaiyak ngunit aaminin kong sa unang pagkakataon ay naramdaman kong mahal pala nila ako. Ang mga pisil nila sa aking kamay ay sapat para mawala ang mga hinanakit na kinimkim ko para sa kanila.
Nagpasama naman ako sa mga kapatid kong lalaki dahil gusto kong silipin ang lumang palengke na madalas kong tambayan noon. Tatlo ang kapatid kong lalaki. Nang nasa palengke na kami ay itinuro sa akin ng pinakamatanda kong kuya ang laruang kotse—noong first birthday ko raw ay ganoon iniregalo niya sa akin. Nang mapadaan naman kami sa isang bakery, sabi ng isa kong kuya, noong bata pa ako ay madalas niya akong subuan ng tinapay dahil hindi raw ako kumakain ng kanin. Ibinili naman ako ng isang kuya ko ng inihaw na saging dahil alam daw niyang paborito ko iyon.
Nagulat ako na may rekoleksyon naman pala sila tungkol sa akin.
Nang ihatid nila ako sa sakayan ng bus at isa-isa silang nagsabi ng, “Mag-iingat ka, Utoy…” (Utoy ang tawag nila sa akin) ay hindi na nagpapigil ang luha sa aking mga mata at kusa na iyong nag-umalpas. Nasa tinig kasi nila ang lantay na pag-aalala para sa kanilang kapatid.
At sapat iyon para matubos ang kung anumang hinanakit mayroon akong nakatago para sa kanila.
Mananatili siguro kaming estranghero sa isa’t isa ngunit hindi mababago ang katotohanang iisang dugo ang nananalaytay sa aming mga ugat—at taglay niyon ang nakatagong pagmamahalan na hindi namin naipadama sa isa’t isa dahil sa age gap at maagang paghihiwa-hiwalay.
(Note: flickr photo by justphotography)
Subscribe to:
Posts (Atom)