Saturday, November 28, 2009
kuwento ng mga balasubas
NOONG bago tumanggap ng pension ang aking mga biyenan ay tinulungan ko sila na makapagpatayo ng maliit na tindahan para may pagkakitaan at paglibangan. Alam naman ninyo ang mga retirado, pag napaupo na sa bahay at napasarap na walang ginagawa ay tuloy na sa panghihina at kalaunan ay magpapaalam na sa mundo.
Pareho na silang mid-60s pero malalakas pa naman ang katawan. At mas lalo silang nabanat nang magtindahan na paano nga’y laging nakilos at paminsan-minsan ay nagbubuhat nang hindi naman kabigatan gaya ng mga bote ng softdrinks, at mga paninda kapag namimili.
Palibhasa’y noon lang nakapagtindahan, kapag tinatanong ko kung kumusta ang kita ay napapangiti lang ang aking biyenang babae. Okey raw sana—pero maraming mangungutang.
Sabagay, kahit saang lugar ka magtindahan, laging may mangungutang—at karamihan sa mga utangerong ito ay balasubas.
Sabi ko sa kanila ay huwag nang magpautang. Hindi ‘kako baleng walang benta pero hindi rin naman umalis ang puhunan. Pag kasi utang, nawala na nga ang paninda, hindi pa alam kung kailan magbabayad ang nangutang. Maghintay na lang ‘kako ng mainam na costumer. Saka pag talagang firm sila sa hindi pagpapautang, mapipilitang dumukot sa bulsa ang mga mangungutang kapag kailangang-kailangan ang gustong bilhin.
Kaya naglagay ang biyenan ko ng malaking karatula na, “Hindi na po nagpapautang, nauubos ang puhunan.”
Paminsan-minsan kapag wala akong pasok o ginagawa ay tumatambay ako sa tindahan at tinitingnan ko ang operasyon. Napansin ko na kahit nagdudumilat na ang paunawa na bawal na ang mga balasubas, este, mangungutang, ay may nagpipilit pa rin. Kapag ganoon ay itinuturo ako ng biyenan ko at sasabihing, “Ayaw nang magpautang ng manugang ko, siya ang namumuhunan.”
Pero mabait ang biyenan ko kaya tiyak na pag-alis ko sa tindahan, babalik pa rin ang balasubas, este, ang nangungutang.
At may style na bulok naman ang ibang mamimili, alam n’yo ba? Bibili halimbawa ng nasa pakete na mantika, mamaya ay isosoli at maanta (spoiled) na raw. Pero kung papansinin mo, malaki na ang kulang sa pakete. Ang hula ko, kumuha lang ng gagamitin sa pamprito at saka isosoli ang natira at sasabihing maanta na. Ganoon din sa sitsirya. Kapag nakain na ang kalahati ay ibabalik at makunat na raw. Hindi nauubusan ng paraan sa panloloko ang mga balasubas!
Kaya gumawa uli ng karatula ang biyenan ko: “Bawal nang magsauli ng binili!”
Noong isang araw ay muntik na akong hindi nakapagpigil at muntik nakapanampal dahil na naman sa isang kabalasubasan na aking nasaksihan. May dumating na babae at kumuha (take note: hindi niya sinabi ang salitang ‘pabili’ o ‘pagbilhan’) ng kalahating kaha ng sigarilyo. Nang maibigay ng biyenan ko ay saka sinabing, “Mommy (Mommy ang tawag sa kanya ng mga customer), mamaya na po ang bayad nito. Mamaya pa kasi ako makakasingil sa ipinaglabada ko. Gusto kasing magsigarilyo ng mister ko ay wala pa kaming pera. Nag-iinit pa naman ang ulo noon pag nagpabili ng yosi at hindi ko nabigyan.”
Para akong nakakain ng taba ng baboy na may swine flu at agad akong na-high blood sa aking narinig! Hindi ko kasi nagustuhan ang kanyang linya ng argumento. Ibig sabihin, ang tindang sigarilyo ng biyenan ko na uutangin niya ang sagot para hindi mag-init ang ulo ng kanyang mister? Napakasuwerte naman ng lalaking iyon, samantalang ang mga biyenan ko’y kandakuba sa pagbawi sa puhunan para sa kakarampot na tubo!
Bago nakapayag ang aking biyenan ay inagaw ko sa babae ang sigarilyo. Sabi ko, “Wala kaming pakialam sa init ng ulo ng mister mo. Hindi na kami nagpapautang. At hindi kami nagtitinda para maging solusyon sa kahunghangan ng mister mo. Kung mainit ang ulo niya at wala siyang masigarilyo, problema niya ‘yun!”
Hinihintay kong sumagot ang babae nang pabalang. Sa unang pagkakataon, kahit ako’y maginoo (ne medyo bastos) ay baka makapanakit ako ng babae. Salamat na lang at pagkatapos niyang magulat sa pagsabat ko ay umalis na lang at hindi na umangal.
Alam kong hindi naging komportable ang aking biyenan sa naging sitwasyon. Pero maige na iyon kaysa maloko na naman siya. Nang itanong ko kung sino ang bumibili na iyon, taga-kabilang kalye raw na talagang napakasutil mangutang, hindi na lang niya matanggihan.
Palagay ko ay mapapadalas ako sa pagtambay sa tindahan. Palagay ko rin, malao’t madali ay mapapaaway ako kapag may nakatapat akong medyo may sayad din sa utak.
No problem. Kung minsan, kailangang ipakita sa ibang tao, lalo na sa mga hunghang, na pumapalag tayo para mabawasan ang kanilang pambabalasubas.
Wednesday, November 18, 2009
Sunday, November 8, 2009
Huwag maglagay ng pressure sa sarili
NATURAL sa tao ang magtampo. At kapag nagtatampo ay nakapagbibitaw ng mabigat na salita—o banta. Ang mahirap, kapag nakapagbitaw na ng ganitong salita, ang pressure ay nasa iyong sarili na.
Gawin nating halimbawa ang isang kilala kong personalidad. Features editor siya ng isang babasahing pambabae na napakasikat. Global brand ang nasabing women’s magazine kaya naman nang ilabas dito sa Pilipinas ay natangay ng kasikatan nito ang sinasabi kong personalidad kaya naging kilala na rin ang pangalan niya sa publishing industry at maging sa entertainment world. Karamihan kasi sa mga cover niya ay mga celebrity na sikat.
Minsan ay nagkaroon sila ng argumento ng kanyang editor-in-chief at ng publisher dahil menor de edad ang celebrity na napisil niyang gawing cover story at interbyuhin para sa isang particular issue. Ang nasabing celebrity ay unti-unti nang nagkakapangalan noon sa showbiz at pinalalabas na hindi na menor. Pero aware ang EIC at ang publisher sa totoong edad ng celebrity.
Matigas sa kanyang paninindigan ang features editor na magamit na cover story ang menor de edad. Aniya ay kaya niyang lusutan iyon, at kung magkaroon man ng isyu o eskandalo, mas mapag-uusapan ang magasin at siguradong papatok lalo ang benta.
Ngunit mas takot ang publisher sa posibleng maging indulto, lalo na kung matawag ang pansin ng Department of Social Welfare and Development. Ang ginawa ng EIC at ng publsiher, kahit nasa imprenta na ang deadline ng magasin ay ipinabago pa rin sa ibang staff ang cover at inalis sa feature sa loob ang menor de edad.
Na-offend ang features editor at nasaktan ang ego. Agad siyang nag-resign at nagbanta: Maglalabas umano siya ng panibagong women’s magazine at pababagsakin niya ang dating magasin na pinaglilingkuran.
Dahil kilala na nga siya sa industriya ay madali siyang nakakuha ng financier para sa plano niyang bagong women’s magazine. Nakakuha siya ng staff at nabuo ang kumpanya. Sa unang tingin ay nasa pagsasakatuparan siya para sa banta na pababagsakin ang dating employer. Ngunit makalipas ang tatlong issue ay nagsara rin agad ang magasin dahil nainip ang financier sa return of investment, at nalakihan masyado sa overhead.
Bigo ang features editor sa kanyang banta. At dahil alam niyang nakarating sa dating employer ang nangyari sa kanyang project—lalo lang nasugatan ang kanyang ego.
Kamakailan ay nakuha uli siyang features editor sa isa pang lifestyle magazine kasi nga ay ito ang kanyang expertise. Ang masaklap, mukhang bago matapos ang 2009 ay magsasara na rin ang nasabing title. Gusto kong isipin kung ano ang pakiramdam niya ngayon. Ilang taon na ang nakararaan, ang kanyang banta sa dating employer ay nananatili pa ring walang katuparan.
Ito ang sinasabi ko—huwag nating lagyan ng pressure ang sarili natin kung tayo man ang nasa ganitong sitwasyon.
Marami na akong napanggalingang kumpanya. Ang ilan ay tinanggal din ako sa samutsaring kadahilanan. Sumasama ang loob ko pero hindi ako nagbabanta.
Ang pilosopiya ko, aalis ako na wala silang maririnig sa akin. Ngayon, kung may magandang mangyari sa akin sa aking panibagong tour of duty, sampal sa kanila iyon. Pero hinding-hindi ako nagbibitaw ng salitang gaya nang may ibabagsak ako, o may pagsisisihan sila sa pagtatanggal sa akin. Mahirap na.
Isa pa, ugaling bata naman iyon. Para bang dahil hindi ka naisali sa laro ay sasabihan mo ang ibang bata na, “Sige, bibili ako ng kendi hindi ko kayo bibigyan!”
Kung may kakayahan tayo, alam natin iyon sa ating sarili. Masibak man tayo sa trabaho kahit hindi natin kasalanan o dahil ipinaglaban lang natin ang ating karapatan, humayo tayo na walang galit sa dibdib. Magsimula tayo ng panibago na walang pabigat sa kalooban. Walang pressure. Ang oportunidad ay mas naghihintay sa mga nagpapakababa.
Sunday, November 1, 2009
cmma best komiks story - 1990
MARAMING salamat kay Erwin Cruz sa pagbibigay sa akin ng images ng kuwentong ito na sinulat ng dati kong kasamahan sa Atlas Publishing na si Benjie P. Valerio (nagtuturo ngayon sa KSA). Ang kuwentong ito ay nagtamo ng Unang Gantimpala sa Catholic Mass Media Awards bilang Best Komiks Story.
Na-publish ito noong December 1990 sa Pilipino Komiks, edited by Tita Opi (Ofelia Concepcion) and illustrated by Jess Olivarez. Sa okasyong ito ay pinarangalan na rin ng CMMA ang mga illustrator. Kung ano ang award na makuha ng writer ay iyon din ang igagawad sa illustrator. Isa ang CMMA sa unang kumilala sa husay ng mga taga-komiks, writer man o dibuhista.
Noong huling yugto ng dekada 80 at hanggang sa mag-resign siya noong mid-90s ay kinikilala si Ka Benjie bilang pinakamahusay na writer sa komiks, at hanggang ngayon, lalo na 'yung mga nakaabot pa ng kanyang kuwento ay natatandaan pa ang kanyang estilo. Mahusay siya sa mga neo-realism, at ang kanyang mga akda ay laging suportado ng mga datos na maingat niyang sinasaliksik.
Mapapansin din sa kuwentong ito ang pagiging relevant kahit halos dalawang dekada na ang nakalilipas mula nang malathala ito--pagpapatunay lang na karapat-dapat sa parangal na ibinigay ng CMMA.
At bilang patunay sa husay ni Ka Benjie, ang alam ko, bukod sa kuwentong ito ay dalawang kuwento pa niya ang naging finalist sa CMMA sa kasabay na taon.
Naririto ang buong kuwento:
Na-publish ito noong December 1990 sa Pilipino Komiks, edited by Tita Opi (Ofelia Concepcion) and illustrated by Jess Olivarez. Sa okasyong ito ay pinarangalan na rin ng CMMA ang mga illustrator. Kung ano ang award na makuha ng writer ay iyon din ang igagawad sa illustrator. Isa ang CMMA sa unang kumilala sa husay ng mga taga-komiks, writer man o dibuhista.
Noong huling yugto ng dekada 80 at hanggang sa mag-resign siya noong mid-90s ay kinikilala si Ka Benjie bilang pinakamahusay na writer sa komiks, at hanggang ngayon, lalo na 'yung mga nakaabot pa ng kanyang kuwento ay natatandaan pa ang kanyang estilo. Mahusay siya sa mga neo-realism, at ang kanyang mga akda ay laging suportado ng mga datos na maingat niyang sinasaliksik.
Mapapansin din sa kuwentong ito ang pagiging relevant kahit halos dalawang dekada na ang nakalilipas mula nang malathala ito--pagpapatunay lang na karapat-dapat sa parangal na ibinigay ng CMMA.
At bilang patunay sa husay ni Ka Benjie, ang alam ko, bukod sa kuwentong ito ay dalawang kuwento pa niya ang naging finalist sa CMMA sa kasabay na taon.
Naririto ang buong kuwento:
Subscribe to:
Posts (Atom)