Saturday, November 28, 2009

kuwento ng mga balasubas

Photobucket

NOONG bago tumanggap ng pension ang aking mga biyenan ay tinulungan ko sila na makapagpatayo ng maliit na tindahan para may pagkakitaan at paglibangan. Alam naman ninyo ang mga retirado, pag napaupo na sa bahay at napasarap na walang ginagawa ay tuloy na sa panghihina at kalaunan ay magpapaalam na sa mundo.
Pareho na silang mid-60s pero malalakas pa naman ang katawan. At mas lalo silang nabanat nang magtindahan na paano nga’y laging nakilos at paminsan-minsan ay nagbubuhat nang hindi naman kabigatan gaya ng mga bote ng softdrinks, at mga paninda kapag namimili.
Palibhasa’y noon lang nakapagtindahan, kapag tinatanong ko kung kumusta ang kita ay napapangiti lang ang aking biyenang babae. Okey raw sana—pero maraming mangungutang.
Sabagay, kahit saang lugar ka magtindahan, laging may mangungutang—at karamihan sa mga utangerong ito ay balasubas.
Sabi ko sa kanila ay huwag nang magpautang. Hindi ‘kako baleng walang benta pero hindi rin naman umalis ang puhunan. Pag kasi utang, nawala na nga ang paninda, hindi pa alam kung kailan magbabayad ang nangutang. Maghintay na lang ‘kako ng mainam na costumer. Saka pag talagang firm sila sa hindi pagpapautang, mapipilitang dumukot sa bulsa ang mga mangungutang kapag kailangang-kailangan ang gustong bilhin.
Kaya naglagay ang biyenan ko ng malaking karatula na, “Hindi na po nagpapautang, nauubos ang puhunan.”
Paminsan-minsan kapag wala akong pasok o ginagawa ay tumatambay ako sa tindahan at tinitingnan ko ang operasyon. Napansin ko na kahit nagdudumilat na ang paunawa na bawal na ang mga balasubas, este, mangungutang, ay may nagpipilit pa rin. Kapag ganoon ay itinuturo ako ng biyenan ko at sasabihing, “Ayaw nang magpautang ng manugang ko, siya ang namumuhunan.”
Pero mabait ang biyenan ko kaya tiyak na pag-alis ko sa tindahan, babalik pa rin ang balasubas, este, ang nangungutang.
At may style na bulok naman ang ibang mamimili, alam n’yo ba? Bibili halimbawa ng nasa pakete na mantika, mamaya ay isosoli at maanta (spoiled) na raw. Pero kung papansinin mo, malaki na ang kulang sa pakete. Ang hula ko, kumuha lang ng gagamitin sa pamprito at saka isosoli ang natira at sasabihing maanta na. Ganoon din sa sitsirya. Kapag nakain na ang kalahati ay ibabalik at makunat na raw. Hindi nauubusan ng paraan sa panloloko ang mga balasubas!
Kaya gumawa uli ng karatula ang biyenan ko: “Bawal nang magsauli ng binili!”
Noong isang araw ay muntik na akong hindi nakapagpigil at muntik nakapanampal dahil na naman sa isang kabalasubasan na aking nasaksihan. May dumating na babae at kumuha (take note: hindi niya sinabi ang salitang ‘pabili’ o ‘pagbilhan’) ng kalahating kaha ng sigarilyo. Nang maibigay ng biyenan ko ay saka sinabing, “Mommy (Mommy ang tawag sa kanya ng mga customer), mamaya na po ang bayad nito. Mamaya pa kasi ako makakasingil sa ipinaglabada ko. Gusto kasing magsigarilyo ng mister ko ay wala pa kaming pera. Nag-iinit pa naman ang ulo noon pag nagpabili ng yosi at hindi ko nabigyan.”
Para akong nakakain ng taba ng baboy na may swine flu at agad akong na-high blood sa aking narinig! Hindi ko kasi nagustuhan ang kanyang linya ng argumento. Ibig sabihin, ang tindang sigarilyo ng biyenan ko na uutangin niya ang sagot para hindi mag-init ang ulo ng kanyang mister? Napakasuwerte naman ng lalaking iyon, samantalang ang mga biyenan ko’y kandakuba sa pagbawi sa puhunan para sa kakarampot na tubo!
Bago nakapayag ang aking biyenan ay inagaw ko sa babae ang sigarilyo. Sabi ko, “Wala kaming pakialam sa init ng ulo ng mister mo. Hindi na kami nagpapautang. At hindi kami nagtitinda para maging solusyon sa kahunghangan ng mister mo. Kung mainit ang ulo niya at wala siyang masigarilyo, problema niya ‘yun!”
Hinihintay kong sumagot ang babae nang pabalang. Sa unang pagkakataon, kahit ako’y maginoo (ne medyo bastos) ay baka makapanakit ako ng babae. Salamat na lang at pagkatapos niyang magulat sa pagsabat ko ay umalis na lang at hindi na umangal.
Alam kong hindi naging komportable ang aking biyenan sa naging sitwasyon. Pero maige na iyon kaysa maloko na naman siya. Nang itanong ko kung sino ang bumibili na iyon, taga-kabilang kalye raw na talagang napakasutil mangutang, hindi na lang niya matanggihan.
Palagay ko ay mapapadalas ako sa pagtambay sa tindahan. Palagay ko rin, malao’t madali ay mapapaaway ako kapag may nakatapat akong medyo may sayad din sa utak.
No problem. Kung minsan, kailangang ipakita sa ibang tao, lalo na sa mga hunghang, na pumapalag tayo para mabawasan ang kanilang pambabalasubas.

5 comments:

Anonymous said...

Masakit talaga sa ulo ang negosyong tindahan. Kapag hindi ka nagpautang, lalalabas kang swpang at walang kaluluwa sa sa mga balasubas at mga timawa.

Ang solusyon: alisin na ang lahat ng PAMBISYONG LAMAN sa tindahan. Alisin na lahat ang laman kung kainakailangan. Mas maige pang mamuhunan na lamang sila ng freezer at YELO na lang ang ibenta. Tubig lang at plastic ang puhunan, hindi nasisira, at tubong lugaw pa.

Hindi na kinakailangan pang mamili ng kung anu-ano at magbubuhat ng kung anu-ano.

Wala na silang sakit ng ulo, wala nang makakapangutang ng malakihan, dahil, ilang libong yelo ba ang puwede nilang utangin? Na kapag nalusaw ay wala na?

Naintindihan ko ang problemang isinalaysay ninyo. Ang masama nito, baka sa susunod ay hindi lang mauwi sa sagutan, baka magkapatayan pa.

Hazel Manzano said...

nakakainit ng ulo... marami kasing pinoy na "poverty mentality" na utang lang ng utang hanggang kayang manlamang sa kapwa... hindi na aasenso tong bansa.

TheCoolCanadian said...

Dikong KC:

Holy cow! Ang tapang mo pala!
Ala-ey, tunay ka ngang isang matapang na Batanginyo!

Ang mahirap lang nito, baka ang dalawang mga matatanda ang balikan ng mga hunghang ay mahirap na.

Pero yung suggestion ni anonymous, parang nakaka-L! Teka, bago ako ma-misunderstood, ang ibig kong sabihin, nakakaLUGOD! Oo nga naman. Tubig lang ang puhunan at koryente poara sa freezer.

Kaso lang, nag-ba-black out diyan sa atin, di ba? E di yung tubig, naging yelo, balik uli sa tubig. Well, hindi pa rin nasayang ang puhunang tubig! Ehe-he-he. Brilliant ang naisipan na ito ni anonymous.

Parang Biblical pala ito:

"From water it came, to water it will return."

Parang yung quote sa Bible:
"From dust you came to dust you will return."

My apologies to the Biblical text, Genesis 3:19 (King James Version):

"In the sweat of thy face shalt thou eat bread, till thou return unto the ground; for out of it wast thou taken: for dust thou art, and unto dust shalt thou return."

Kawawa naman ang dalawang matanda.
Sa dapit-hapon ng kanilang mga buhay ay nagagawa pang abusuhin ng mga taong walang pagpapahalaga sa kapuwa.

Ito namang babae, nagpapaka-baliw sa pagsunod sa asawa niyang batugan at wala yatang alam gawin kundi magpalaki ng kanyang YAGBOLS. Wala palang means, bakit nagbibisyo pa?

Ay, purbida nga yawa! Bangag sang ina!

Anonymous said...

KC,

Maliwanag na inaabuso yung mga biyenan mong senior citizens. Iyan din ang hirap sa isang lumpen na neighborhood, na ang survival mode ay ang pag si-siga-siga. Dapat dalasan mo ang tambay diyan KC, at mag-laro ka ng beynte-nueve, habang nagbabantay. Duro-an ang laro diyan.

Auggie

pribadi said...

Duh aku kepenget banget berteman dengan orang Filipina tapi sayangnya aku cuma bisa berbahasa Indonesia saja nih !