Buy na agad bago kayo maubusan!
Thursday, March 25, 2010
Sunday, March 21, 2010
kuwentong bisikleta
I HAVE a confession to make—hindi ako marunong magbisikleta. At malaking kapintasan iyon sa akin bilang isang lalaki.
Nagka-phobia ako rito. Noong bata pa ako at nasa bukid, madalas itakas ng dalawa kong pinsan ang bisikleta ng kapitbahay namin na nagtitinda ng pandesal. Ang bisikleta ng panaderong ito ay ‘yung malaki at nasa paa rin ang preno. Hindi niya inaalis ang dalawang malalaking lata na lagayan ng tinapay sa huli.
Hindi pa rin marunong magbisikleta ang dalawa kong pinsan noon at sa may callejon nila iyon pinagpapraktisan. Minsan ay nakita sila ng panadero, at sa galit ay magkasunod silang isinakay at itinulak nang mabilis. “Gusto n’yong matuto, ha!” galit na galit niyang sabi habang takot na takot ang dalawa kong pinsan.
Putok ang nguso ng isa kong pinsan nang bumangga sa puno ng sineguelas. Ang isa ko namang pinsan ay nabungian ng ngipin nang bumangga sa puno ng santol.
Hindi ako kinastigo ng panadero dahil una, hindi naman niya nakitang sumasakay ako. Ikalawa, alam kong takot siya sa tatay ko at delikado siya kapag nalamang nabangasan ako dahil sa kanya.
Pero ang dalawang pinsan ko ay natutong magbisikleta, ako’y hindi.
Nang sumikat ang pelikulang E.T. ay pumatok din ang BMX. May kaklase akong nagkaroon nito at minsan ay pinaangkas ako. Medyo may phobia na ako sa bike noon dahil nga sa nakita kong nasaktan ang dalawa kong pinsan. Pero dahil medyo gusto ko ring makasakay sa BMX ay umangkas ako. Matulin ang pagpapatakbo niya sa isa ring callejon sa lugar namin nang may makasalubong kaming baka na naghuhuramentado. Ang bilis ng takbo ng baka at bumubula ang bibig. Habol ito ng mga kalalakihan sa amin. Hindi nakaiwas ang kaklase ko dahil masikip lang ang callejon at maraming dawag sa magkabilang gilid. Hindi ko nagawang tumalon sa nerbiyos at naramdaman ko nang bumangga kami sa baka. Ang alam ko’y tumilapon ako nang mataas, bumagsak sa mga dawag at lumang pig fence ng callejon. Nagawa kong bumangon pero puno ako ng sugat at galos. Ang kaklase ko’y kinailangang isugod sa ospital sa kabayanan dahil nabalian ng balikat.
Mula noon, isinumpa ko na ang bisikleta dahil nadagdagan lalo ang phobia ko.
Iyon siguro ang dahilan kung bakit hindi na rin ako natutong magmaneho. Nakatatlong sasakyan na ako, (wala na ngayon) pero ni hindi ako nakapagpausad kahit isang metro. Hindi ako para sa ganito. Ang aking kumpareng Alex Areta ay mas matapang kaysa sa akin dahil natutong magmaneho kahit liyebo cuatro na. Ang bayaw kong hilaw na si Benjie Valerio noong nasa Atlas pa kami ay nag-enroll sa driving school nang makabili ng American car sa Subic. Nakakapagmaneho na rin si Benjie, at isa siyang biking enthusiast.
Ilang beses din kaming nag-set ng schedule ni DG Salonga (kapatid ni Pablo Gomez) noon para turuan niya akong magmaneho sa CCP, pero hindi ako sumisipot. “Napakaduwag mo naman!” isusumbat lagi sa akin ng matandang nobelista kapag kami’y nagkita.
Kaya noong teenager pa ako, kapag may lakad kami ng barkada, naka-bike sila at ako’y tumatakbo lang para makahabol. Ito siguro ang dahilan kaya ako naging track and field player ng aming department noong college.
At siguro, kung marunong akong mag-bike ay nakakapagmotorsiklo ako ngayon at mas magaan sana ang pagpasok kapag may deadline. Atat na atat akong magkaroon ng scooter, pero aanhin ko naman ay ni hindi ako marunong magbisikleta?
Anyway, kamakailan ay may napadaan na bakal-bote sa tapat namin at nakita ko ang bike sa itaas. Kasado pero luma na at maraming kulang na piyesa. Nakatuwaan kong bilhin, P300 lang daw tutal nahingi lang naman niya sa dating may-ari. Wala akong deadline kaya naisipan kong kalikutin.
May isang weird na bagay sa akin. Hindi ako marunong mag-bike pero marunong akong magkumpuni. Hindi ako marunong magmaneho pero marunong ako sa makina. Bago kasi ako nagsulat ay nagtrabaho ako sa Caltex Refinery sa Batangas at dito ako natutong magkalikot ng kahit ano. Hilig ko talaga ang mga mechanical na gawain. Noong first year college ako ay nakapag-overhaul kami ng aking kaibigan ng Isuzu C221 engine. At hanggang ngayon, kapag naglilinis ako ng mga electric fan at ibang gamit sa bahay, masarap pa rin na nalalagyan ng grasa ang kamay. Old habits are hard to break.
Gayunpaman ay napasubo ako sa mountain bike na nabili ko. Naikasa ko ang ibang piyesang kailangang idagdag, pero nahirapan ako sa kambyo. Hindi ko mai-setup. Ayaw ko namang maghugas ng kamay at manood sa youtube kung paano. Nagkataon na may malapit sa amin na repair shop ng bike, dinala ko. Mahusay ang naroong mekaniko, at sabi sa akin, kung hindi talaga bike mechanic ay mahihirapan sa kambyo dahil may mga timing na dapat gawin. Siningil ako ng P65, at tapos ang problema.
Hindi pa rin ako natututong mag-bike hanggang ngayon. Ang bike na na-assemble ko (OK, namin ng mekaniko) ay ginagamit ng… hulaan n’yo—mga kapitbahay. Ganoon naman ang sitwasyon, pag may bike ka, laging nahihiram ng buong barangay, Minsan nga ay nakakasalubong ko na kung sinu-sino ang gumagamit. Sa isip-isip ko lalo na pag sinasalakay ako ng pagiging a—hole: “Tingnan mo ang tarant--- at ni hindi bumati ay ginagamit ang bike ko!”
May nakita akong mini bike na napo-fold sa Toby’s. Maganda siguro na iyon muna ang pag-ensayuhan ko. Mahirap mabalian sa panahong ito lalo pa’t hindi na rin naman siguro ganoon katitigas ang aking mga buto.
Summer ngayon, nakakainggit ang mga nagbibisikleta. Maganda rin itong form of exercise. Susubukan ko na. Babalitaan ko kayo kung natuto ako—o naputukan ng nguso at tuluyan nang kalilimutan ang pangarap na pumadyak.
(Mula sa pagiging gusgusin sa larawan sa itaas ay heto na ang mountain bike, medyo pogi na. Kulang pa ng stand at reflector sa likod para talagang kumpleto na, pero puwede na rin dahil hinihiram lang naman ng mga kapaitbahay, he-he.)
Wednesday, March 17, 2010
ang kasalanan ni juan...
MAIKUWENTO ko lang, minsan ay may kapitbahay ako na tumawag sa akin sa telepono. Akala ko’y kung bakit. Noon ay wala pang cellphone. Akala ko ay may kung anong emergency sa mga kamag-anak ko sa Batangas. Iba ang pakay ng aking kapitbahay—sinisingil ako—sa utang ng aking kapatid.
Nagulat siyempre ako. Babae ang kapitbahay kong ito at kabarkada ng isa kong kapatid na babae.
Nagkuwento siya ng pangyayari. Magkabarkada sila ng isa kong kapatid at umutang pala sa bumbay, itong kapitbahay ko ang guarantor. Sa madaling sabi ay hindi nakabayad ang kapatid ko na wala namang trabaho, at lumaki na nang lumaki ang interes. Dahil hindi makabayad, ang kapitbahay ko bilang guarantor ang siya na ngayong sinisingil ng bumbay. Ganoon yata ang kalakaran sa five-six, at sa sistema ng mga bumbay sa pagpapautang. Pag sumablay ang nangutang, ang guarantor ang dapat magbayad.
Sabi ko sa kapitbahay ko ay bakit ako ang kanyang sinisingil? Ang sagot sa akin—ako raw kasi ang may pera.
Sa mga nakakakilala sa akin ay alam nilang ako nama’y hindi makunat. Gayunpaman, wala akong nabasa sa Bibliya, at wala rin naman akong nalalaman na batas na kapag may utang ang isang tao ay maaaring singilin sa kanyang kapatid. At ayoko rin naman na bayaran ang utang ng kapatid ko, at baka kapag naisalba ko siya sa indulto ay umulit pa, ang lagay ay lagi akong magbabayad sa utang na hindi naman akin.
Sabi ko sa kapitbahay ko ay hindi ako magbabayad dahil wala akong pera. At kahit ‘kako may pera ako, hindi pa rin ako magbabayad dahil hindi ko naman utang iyon. Sila-sila ang nagkakaintindihan sa utang na iyon, bakit ngayong hindi mabayaran ay bigla siyang nag-long distance sa akin at ako’y sisingilin?
Biglang nagtaas ng boses ang kapitbahay ko at ako’y pinagmumura. Pati mga namayapa kong magulang ay napasama sa pagmumura niya. At nagbanta pa na sasaktan ang kapatid ko at ang mga anak nito. Ang kapatid ko ay biyuda na may tatlong anak.
Gentleman ako pero nawala ang aking pagkamaginoo sa oras na iyon. Kakakain ko lang ng hapunan, manonood sana ako ng balita, nakatanggap ako ng tawag sa isang kapitbahay na sinisingil ako sa utang ng kapatid ko, at nang sabihin kong hindi ako magbabayad dahil wala naman akong kinalaman doon ay pinagsabihan ako ng masasama, idinamay ang mga magulang kong namayapa, at ngayon ay nagbabanta. Aba, hindi ba’t ibang usapan na ito?
Napamura na rin ako. Sabi ko sa kapitbahay ko, kung katabi ko lang siya ay baka binasag ko na ang bungo niya—at kung magkukrus ang aming landas, kahit hindi siya kagandahan ay gagahasain ko siya.
That was so mean of me at masyadong foul, na-realize ko na lang nang makalma na ako. Pero aaminin kong sumulak talaga ang dugo ko, at kung malapit lang ako sa bahay niya nang oras na iyon, siguradong headline ako sa mga tabloid kinabukasan. Idamay pa ba naman ang mga magulang kong namayapa na?
Ang pangit na insidenteng iyon ang isa sa mga dahilan kung bakit ayaw na ayaw kong umuwi sa aming baryo. At sasabihin ko sa inyo, napakaraming naningil sa akin na kapitbahay namin dahil sa utang ng mga kapatid ko. Hindi ko talaga maisip kung saan nanggaling ang ideyang dahil ikaw ang may pambayad, sisingilin ka sa utang ng iyong kapatid.
Ang nangyari sa akin ay nangyayari rin ngayon kay Sen. Noy Aquino bagaman at magkaiba lang ng sitwasyon. Sa ilang insidente na nagkaroon ng issue si Kris; una ay sa babaeng umiiyak nang tumawag kay James sa phone, at ikalawa ay sa naging pagwo-walkout ni Ruffa Gutierrez sa The Buzz ay ang kanyang kuya ang naging target. Huwag daw iboto si Sen. Noy bilang pangulo.
Masyadong isip-bata ang ganitong pananaw. Ang ibig bagang sabihin, sa anumang sala ng isang tao ay dapat parusahan ang kanyang kapatid? Sa kaso ni Kris, ang layo naman ng mga issues na kinasangkutan niya para ang maging bawi ng mga nakaatraso niya kung totoo man ay ang banatan ang pagkandidato ng kanyang kuya.
Ang nangyari sa akin, na posibleng nangyari na rin sa ibang tao gayundin ang sitwasyon ni Kris ay pagpapatunay lang na marami nang Filipino values ang hindi na pinahahalagahan ng marami sa atin. Napakasimple ng kasabihang tutugon dito na elementarya pa lang tayo ay itinuturo na ng ating mga guro, o mismong ng ating mga magulang: “Ang kasalanan ni Pedro ay hindi kasalanan ni Juan.”
At maikuwento ko na rin… madalas mabanggit na hindi dapat iboto si Sen. Noy dahil kay Kris. Ang dali naman nating makalimot…
Napakalaki nang nagawa ni Kris nang manalanta ang Ondoy sa atin last year. Napuwersa niya ang mga malalaking kumpanya na magbigay ng tulong. Sabi nga ay napakinabangan ang pagiging taklesa niya para dumukot sa bulsa ang mga higanteng korporasyon. Sa palagay ko, walang ibang individual na kayang gawin ang nagawa niya noon.
Samantala, ‘yung ibang lingkod bayan kuno na sanay maligo sa dagat ng basura at natutulog sa gitna ng kalsada, mga nagsasabing magpaparating ng bagong umaga, mga para sa mahirap, ay nangawala noong panahon ng Ondoy—natakot matangay ng baha. Well, Gibo was there because it’s his duty as DND chief and head of National Disaster Coordinating Council.
Panghuling kuwento, nagkaayos din naman kami ng kapitbahay ko na nakaaway ko nang minsang magkrus kami ng landas. Nope, hindi ko siya ginahasa… I don’t want her to enjoy!
Thursday, March 11, 2010
what if?
NASA kultura nating mga Pilipino ang pagsandal sa suwerte. Sa mga iglap na pangyayari na mayroon agad limpak-limpak na salapi sa ating mga kamay. Ito rin ang dahilan kung bakit mahilig tayong tumaya sa sugal (lalo na sa lotto at Bingo), at pagsali sa mga laro sa TV na may malalaking premyo.
Siyempre pa ay pinakamasarap na sagutin na tanong ay: “Ano ang gagawin mo kung tumama ka sa lotto?”
Ano nga ba? Maglalakbay ang isip natin sa kung anu-ano. Mahirap kasing mag-isip kung mayroon na tayong milyun-milyon sa dalawang kamay at kaya na nating bilhin ang halos kahit ano.
Kung sakaling mangyari sa inyo ang wishful thinking na ito, huwag agad mahulog sa kasakiman. Gawin nating halimbawa ang sumusunod na kuwento:
Pinaka-crucial na bahagi ng buhay ni Mando nang tanungin na siya ng TV game show host kung pipiliin na niya ang laman ng kahon o ang iniaalok sa kanya na P90,000. Kung praktikalidad ang paiiralin niya at ikukonsidera ang hirap na dinanas niya bago makalusot sa last stage ng game show, pipiliin na niya ang P90,000. Malaking tulong na iyon sa isang tulad niyang mahirap. Ngunit naisip din niyang paano kung P1 milyon ang laman ng kahon? Mas malaki ang maitutulong niyon sa kanya.
Pikit-mata, pinili niya ang kahon. Pinanaig niya ang kutob na mananalo siya nang mas malaki, parang iyon ang ibinubulong ng kanyang damdamin. Halos mapugto ang hininga niya nang ilabas na ng host ang laman ng kahon. At nang makita niya ang numero 1, na nangangahulugang nanalo siya ng P1 milyon, sa harap ng national television ay nawalan ng malay-tao si Mando—sa sobrang tuwa!
Instant milyunaryo si Mando. After one month ay na-claim niya ang pera at naideposito sa bangko. Simula nang manalo siya, araw-araw ay may nagyayaya sa kanya ng blowout. May nanghihingi ng balato. Ang iba ay dinadaan sa drama—maysakit daw ang anak at kailangan ang kahit P1,000 lang na pampagamot.
Sa unang pagkakataon, pakiramdam ni Mando ay isa siyang sugo ng langit. Para bang ang lahat ng problema sa kanilang barangay ay kaya niyang lutasin. Samantalang noong hindi pa siya nananalo, ni hindi na nga siya pautangin ng bigas at sardinas sa tindahan sa tapat nila. Siya ay isang karaniwang nilikha lang sa lugar na iyon na ni walang nagtatapon ng tingin. Sabagay, sino ba naman ang magpapautang lagi sa isang welder lang na bihirang magkaroon ng trabaho at ang asawa naman ay namamasukang labandera lang ng bayan?
Dumami rin ang kanyang 'financial adivers'. May nagsasabing ideposito raw niya ang P250,000 para sa kanyang pagtanda at ang natitira ay ipagpasarap naman niya. Edad 50 na si Mando at marami ang nagpapayo sa kanyang oras na para mag-enjoy naman siya sa buhay. Tumikim din daw siya ng GRO na sariwa, mestisa at 'daisy siyete'! Kailangan daw niyang tumikim ng batambata para magmukha rin siyang bata!
Ngunit may ibang plano si Mando. Matapos niyang ma-claim ang panalo ay nag-blowout siya ng ilang kawang pansit, bumaha ang tinapay at softdrinks sa kanilang buong barangay. Walang inuman na gaya ng gustong mangyari ng mga kalalakihan. Ang gusto lang niya talagang pasayahin ay ang mga bata.
Lima ang anak ni Mando na pawang nag-aaral. Ikinuha na niya ang mga ito ng sariling bank account na pinaglagakan niya ng para sa tuition fee. Bumili rin siya ng dyip na pamasada at iyon na ang ginawa niyang hanapbuhay. Ang kanyang asawa ay nagtayo naman ng tindahan. Binibiro pa nga ito ni Mando na pauutangin daw naman siya kahit sigarilyo lang—dahil noon nga ay walang nagpapautang sa kanya.
Walang naambunan ng grasya sa mga kapitbahay si Mando. Meaning, wala man lang siyang pinabalato. Ang katwiran niya, kapag nagpabalato siya ng ilan lang ay magkakainggitan lang at pagmumulan pa ng samaan ng loob. Mabuti na ang pare-parehong wala. Isa pa, sa napanalunan naman niya matapos maitago ang para sa edukasyon ng mga anak, makabili ng dyip at makapagpatayo ng tindahan ay halos maubos na rin ang isang milyon. Ang masarap nga lang, panatag na ang kalooban niya na kahit ano'ng mangyari, makatatapos ng pag-aaral ang kanyang mga anak at kahit paano ay may kinikita na silang mag-asawa araw-araw.
Dahil hindi nga siya nagpayanig at nagpabalato sa barangay, nag-iba ang tingin kay Mando ng mga kapitbahay. Yumabang na raw siya. Nuknukan daw pala siya ng damot samantalang noon ay kung kani-kanino nangungutang may makain lang. Manakawan daw sana siya. Kumatok sana ang dyip at malugi ang tindahan. Masunugan. Mabulunan habang kumakain at matuluyan! May mga ganoong factor, 'ika nga.
Hindi maiwasan ni Mando kung minsan ang sumama ang loob sa mga naririnig pero pinalalampas na lang niya. Para sa kanya, mas mabuti na ang pinaghandaan niya ang bukas. Naniniwala kasi siya na ang pera kapag galing sa mabilis na paraan, kapag hindi iningatan ay mabilis ding mauubos kaya nga nag-invest siya nang todo sa kanyang isang milyon. Marami na siyang narinig na kuwento tungkol sa mga instant millionaire na ubus-ubos biyaya at pagdating ng bukas ay nakatunganga. Alam din niyang lilipas din naman ang impresyon sa kanya ng mga kabarangay na nuknukan na siya ng kunat at mayabang mula nang magkapera.
Isa pa, bumabawi naman siya sa ibang paraan. Kapag may emergency, ipinagagamit niya ang dyip nang walang bayad. Dahil nakabili rin siya ng welding machine, kapag may nanghihiram ay okey lang sa kanya. Ang paraan niya ng pagbabalato ay idinaan na lang niya sa pakikisama.
Kaya ngayon, kapag nanonood siya ng mga game show at nakakakita ng nananalo ng milyon, iniisip ni Mando kung ano kaya ang nagiging desisyon ng winner pagkatapos? Ang maging one day millionaire ba o maging praktikal na tulad niya?
What if kayo ang manalo ng P1 milyon, ano'ng magiging diskarte n'yo?
Gayunpaman, mas mahalaga ang magsikap kaysa umasa sa suwerte. Darating ang suwerte kung ukol, pero sa isang nagsisikap makapag-aral, makahanap ng magandang hanapbuhay at makapag-impok, mas tiyak ang jackpot pagdating ng panahon.
Subscribe to:
Posts (Atom)