Sunday, March 21, 2010
kuwentong bisikleta
I HAVE a confession to make—hindi ako marunong magbisikleta. At malaking kapintasan iyon sa akin bilang isang lalaki.
Nagka-phobia ako rito. Noong bata pa ako at nasa bukid, madalas itakas ng dalawa kong pinsan ang bisikleta ng kapitbahay namin na nagtitinda ng pandesal. Ang bisikleta ng panaderong ito ay ‘yung malaki at nasa paa rin ang preno. Hindi niya inaalis ang dalawang malalaking lata na lagayan ng tinapay sa huli.
Hindi pa rin marunong magbisikleta ang dalawa kong pinsan noon at sa may callejon nila iyon pinagpapraktisan. Minsan ay nakita sila ng panadero, at sa galit ay magkasunod silang isinakay at itinulak nang mabilis. “Gusto n’yong matuto, ha!” galit na galit niyang sabi habang takot na takot ang dalawa kong pinsan.
Putok ang nguso ng isa kong pinsan nang bumangga sa puno ng sineguelas. Ang isa ko namang pinsan ay nabungian ng ngipin nang bumangga sa puno ng santol.
Hindi ako kinastigo ng panadero dahil una, hindi naman niya nakitang sumasakay ako. Ikalawa, alam kong takot siya sa tatay ko at delikado siya kapag nalamang nabangasan ako dahil sa kanya.
Pero ang dalawang pinsan ko ay natutong magbisikleta, ako’y hindi.
Nang sumikat ang pelikulang E.T. ay pumatok din ang BMX. May kaklase akong nagkaroon nito at minsan ay pinaangkas ako. Medyo may phobia na ako sa bike noon dahil nga sa nakita kong nasaktan ang dalawa kong pinsan. Pero dahil medyo gusto ko ring makasakay sa BMX ay umangkas ako. Matulin ang pagpapatakbo niya sa isa ring callejon sa lugar namin nang may makasalubong kaming baka na naghuhuramentado. Ang bilis ng takbo ng baka at bumubula ang bibig. Habol ito ng mga kalalakihan sa amin. Hindi nakaiwas ang kaklase ko dahil masikip lang ang callejon at maraming dawag sa magkabilang gilid. Hindi ko nagawang tumalon sa nerbiyos at naramdaman ko nang bumangga kami sa baka. Ang alam ko’y tumilapon ako nang mataas, bumagsak sa mga dawag at lumang pig fence ng callejon. Nagawa kong bumangon pero puno ako ng sugat at galos. Ang kaklase ko’y kinailangang isugod sa ospital sa kabayanan dahil nabalian ng balikat.
Mula noon, isinumpa ko na ang bisikleta dahil nadagdagan lalo ang phobia ko.
Iyon siguro ang dahilan kung bakit hindi na rin ako natutong magmaneho. Nakatatlong sasakyan na ako, (wala na ngayon) pero ni hindi ako nakapagpausad kahit isang metro. Hindi ako para sa ganito. Ang aking kumpareng Alex Areta ay mas matapang kaysa sa akin dahil natutong magmaneho kahit liyebo cuatro na. Ang bayaw kong hilaw na si Benjie Valerio noong nasa Atlas pa kami ay nag-enroll sa driving school nang makabili ng American car sa Subic. Nakakapagmaneho na rin si Benjie, at isa siyang biking enthusiast.
Ilang beses din kaming nag-set ng schedule ni DG Salonga (kapatid ni Pablo Gomez) noon para turuan niya akong magmaneho sa CCP, pero hindi ako sumisipot. “Napakaduwag mo naman!” isusumbat lagi sa akin ng matandang nobelista kapag kami’y nagkita.
Kaya noong teenager pa ako, kapag may lakad kami ng barkada, naka-bike sila at ako’y tumatakbo lang para makahabol. Ito siguro ang dahilan kaya ako naging track and field player ng aming department noong college.
At siguro, kung marunong akong mag-bike ay nakakapagmotorsiklo ako ngayon at mas magaan sana ang pagpasok kapag may deadline. Atat na atat akong magkaroon ng scooter, pero aanhin ko naman ay ni hindi ako marunong magbisikleta?
Anyway, kamakailan ay may napadaan na bakal-bote sa tapat namin at nakita ko ang bike sa itaas. Kasado pero luma na at maraming kulang na piyesa. Nakatuwaan kong bilhin, P300 lang daw tutal nahingi lang naman niya sa dating may-ari. Wala akong deadline kaya naisipan kong kalikutin.
May isang weird na bagay sa akin. Hindi ako marunong mag-bike pero marunong akong magkumpuni. Hindi ako marunong magmaneho pero marunong ako sa makina. Bago kasi ako nagsulat ay nagtrabaho ako sa Caltex Refinery sa Batangas at dito ako natutong magkalikot ng kahit ano. Hilig ko talaga ang mga mechanical na gawain. Noong first year college ako ay nakapag-overhaul kami ng aking kaibigan ng Isuzu C221 engine. At hanggang ngayon, kapag naglilinis ako ng mga electric fan at ibang gamit sa bahay, masarap pa rin na nalalagyan ng grasa ang kamay. Old habits are hard to break.
Gayunpaman ay napasubo ako sa mountain bike na nabili ko. Naikasa ko ang ibang piyesang kailangang idagdag, pero nahirapan ako sa kambyo. Hindi ko mai-setup. Ayaw ko namang maghugas ng kamay at manood sa youtube kung paano. Nagkataon na may malapit sa amin na repair shop ng bike, dinala ko. Mahusay ang naroong mekaniko, at sabi sa akin, kung hindi talaga bike mechanic ay mahihirapan sa kambyo dahil may mga timing na dapat gawin. Siningil ako ng P65, at tapos ang problema.
Hindi pa rin ako natututong mag-bike hanggang ngayon. Ang bike na na-assemble ko (OK, namin ng mekaniko) ay ginagamit ng… hulaan n’yo—mga kapitbahay. Ganoon naman ang sitwasyon, pag may bike ka, laging nahihiram ng buong barangay, Minsan nga ay nakakasalubong ko na kung sinu-sino ang gumagamit. Sa isip-isip ko lalo na pag sinasalakay ako ng pagiging a—hole: “Tingnan mo ang tarant--- at ni hindi bumati ay ginagamit ang bike ko!”
May nakita akong mini bike na napo-fold sa Toby’s. Maganda siguro na iyon muna ang pag-ensayuhan ko. Mahirap mabalian sa panahong ito lalo pa’t hindi na rin naman siguro ganoon katitigas ang aking mga buto.
Summer ngayon, nakakainggit ang mga nagbibisikleta. Maganda rin itong form of exercise. Susubukan ko na. Babalitaan ko kayo kung natuto ako—o naputukan ng nguso at tuluyan nang kalilimutan ang pangarap na pumadyak.
(Mula sa pagiging gusgusin sa larawan sa itaas ay heto na ang mountain bike, medyo pogi na. Kulang pa ng stand at reflector sa likod para talagang kumpleto na, pero puwede na rin dahil hinihiram lang naman ng mga kapaitbahay, he-he.)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
8 comments:
Dikong KC:
Cycling is like swimming. The moment you learn it, you'll never forget it.
I think what caused all your miseries in your cycling experience is this: someone must hold the back of the bike while you're starting to learn how to balance yourself. Huwag bibitiwan ng humahawak habang hindi ka pa nasasanay sa pagbalnse nito. Now, kapag nakita ng tumutulong sa iyo na nakakabalance ka na, iyan ang tamang oras para bitiwan-hawakan, hawakan-bitiwan ang likod ng bisikleta.
Walang mga mukhang mababangas sa ganitong paraan ng pagtuturo.
Mas madali mag-drive ng kotse kaysa matutong magbisikleta. Sa driving, hindi mo kailangan ang magbalanse. Nakaupo ka lang. You might have some difficulty if you're learning how to drive a standard transmission car, pero para mas madali kang matuto at magkaroon ng confidence, automatic transmission would be easier. Within 4 hours of driving, ayos na. Marunong ka na. Then, you have to familirize yourself with the traffic light, driving rules and signage to follow. Other than these little things, patuka sa chicken ito. Tandaan mo ang awiting ginawa ni Mike Velarde (hindi si El Shaddai ito, ha?) kundi yung magaling na composer: "Takot lamang ay di mo pakinggan."
Hala na, yayain si Alex Areta na hawakan ang likod ng bisikleta para matuto ka sa loob ng isang araw. At mag-enrol sa driving school (huwag doon sa QC na pinag-aralan ko noong 15 years old ako), dahil isasabak ka sa road rage ng lasenggong instructor.
To conclude:
Cycling is like swimming, and
swimming is like driving, and driving is like marriage: sometimes smooth-sailing, other times rough.
Something which reminds us all of life. O, di ba, ho, Dikong KC?
Mahilig ka pala sa makina. Ako ang hilig ko't pangarap ay maging karpintero at magsasaka. Kaya nga bumili ako ng table saw, rotary saw, reciprocating saw, drills, etc., at tuwing Springtime ay siguradong nagbubungkal ako ng lupa para magtanim, habang binibigkas ko yung first 2 stanzas ng tula (ni Teo S. Buhain ba?) Ang Magsasaka:
Sa maghapong singkad,
ikaw ay nasa linang.
Sulong moy'y araro,
batak ng kalabaw.
Di mo pinapnsin
ang lamig at ginaw.
Ang basal na lupa'y
mabungkal mo lamang.
Iyong isinabog
ang binhi sa lupa,
sa ikalulunas
ng iyong dalita.
Tag-ani'y dumating
Sa dili-kawasa,
lahat ng hirap mo'y
nagbihis ng tuwa.
I know I sound insane at baka akalain mo high ako sa drugs, pero weather-weather lang iyan, sabi nga ni Presidentiable Erap.
Kapag di ka pa nakumbinsing mag-bisikleta at mag-drive, ewan na lang. I am expecting to read in your next blog entry: "nagbibisikleta at Nagda-drive na ako."
pinakamahirap palang mag-drive ng isang karag-karag na sasakyan, katulad ng naging sasakyan ko noon.
nag-overheat nang minsang umuwi kami sa batangas, nagkataon pa naman na nasa SLEX kami.
iginilid ko. inihinto ko sa ilalim ng isang tulay. sinita kami ng SLEX patrol. gustong hatakin. sabi ko, inihinto ko lang dahil nahihilo ang misis ko dahil naglilihi.
ganu'n nang ganu'n hanggang makauwi kami dito sa Cainta. overheat... hinto... pag sinita, naglilihi. at nakauwi kami nang maluwalhati. isang karanasang di ko malilimutan kaya sumumpa akong hindi na uli bibili ng karag-karag na sasakyan.
kabayangalex17
JM,
This year ay plano ko talagang mag-aral sa driving school at makabili kahit multicab na matipid na sa gaas, magaan pa ang maintenance. Alam mo ba na kung marunong akong magmaneho, puwede ko nang ikonsidera ang aking buhay na talagang charmed life.
Mahilig din ako sa carpentry, will blog soomething about it in the future.
'Yung poem, correct me if I'm wrong pero baka TEO S. BAYLEN ang sumulat.
Itong aking kabayang alex areta ay sadyang malakas ang loob kaya nga madaling natutong magmaneho. sa panliligaw lang ito noon medyo nerbiyoso, hehe.
KC,
Totoo iyan KC, katulad ng halos lahat ng bagay, lakas ng loob lang ang kailangan. Gurang na rin ako ng matutong mag -drive. Pag wala ka kasing da-drive-n , madaling makalimutan, hindi paris ng pagbibisikleta, bumabalik agad ang balance kung marunong ka pa noong bata ka pa.
Auggie
Subukan mo nga matuto. Nasa isip ang susi. Mahirap sa una pero talga namang magi-enjoy ka sa huli.
Ito ang payo ko: simulan mo sa maliit na bike, yung kaya mong tayuan pag hindi ka maka balanse. Kahit hindi ka muna magpidal, basta mabalanse mo lang sarili mo.
Pag nagawa mo iyan, okay ka na at maaring gumamit na bike na sukat sa iyo.
Good Luck!
kulas,
yes, sir. will buy a foldable bike made in japan next payday, 'yung maliit lang. :)
Just take care always KC. It's a good hobby and exercise, too. And of course, environment-friendly!
KC, sa Cartimar maraming bisikleta at mas mura kaysa sa mga mall. Pati mga folding bikes marami.
Post a Comment