Wednesday, December 1, 2010

inner conflict...

Photobucket

LATELY ay napapansin kong medyo makakalimutin na ako. Dahil ako ang klase ng tao na mahilig sa safety measures, bago ako umalis ng bahay at walang tao sa amin ay binubunot ko ang lahat ng electrical appliances sa pagkaka-plug sa outlet. Ngayon, malayo na ako sa amin ay hindi ko ma-recall kung nai-off ko ba ang ref at ang TV, naalis ko ba sa saksakan ang mga electric fans? Para makatiyak, bumabalik pa ako. Hassle…
Aminado naman ako na tumatanda na ako at may doubt na rin ako sa aking memorya. Hindi na ako gaya nang dati na malupit ang ‘memory card’ at kayang mag-memorize kahit gaano karaming phone numbers. Nang mauso ang cellphone, kahit ang number ko ay hindi ko makabisado. Kaya ang mga passwords ko sa e-mail ay inililista ko na, maging ang sa ibang site na kailangan ang username at passwords.
Kamakailan lang ay matinding kalimot ang nangyari sa akin. Hindi ko matandaan ang pangalan ng kapitbahay kong karpintero dahil may ipalalagari sana ako. Kahit anong piga ko sa utak ay hindi lumabas ang kanyang pangalan at kinailangan ko pang itanong kay misis—na nagkomentong sana raw naman ay huwag ko siyang makalimutan!
Anyway, noong isang araw ay nagkaroon ako ng guilt dahil palagay ko ay aksidenteng nakapandaya ako sa isang botika rito sa amin. Nag-withdraw ako sa bangko, nagdala ng maruruming damit sa laundry shop at pagkatapos ay bumili ng vitamins at ilang gamit sa katawan gaya ng sabon at deodorant at saka nga pala cellphone load. Habang bumibili ako ay nagkuwenta sa isip ang pharmacist, siguro ay para pahangain ako (o magpa-cute dahil ako’y bagong ahit—ahit Rubie, ahit pogi) sa husay niyang magkuwenta beho sa isip. Sabi pa niya sa akin matapos ang kanyang mathematical calculation: “Tandaan mo, Kuya, ha? P381.50 ang binili mo lahat.”
Pagbalik niya ay dala ang resibo at sukli. “Muntik na, Kuya,” sabi niya. “P381 lang pala! Pero pwede na, di ba?” Sa isip-isip ko, kung exam sa math, mali pa rin siya.
Habang papauwi ay nakakita ako ng okoy (lumpiang munggo at iba pang laman-loob) at para akong natakam. Mukhang malinis din ang sukang sawsawan kaya nagpa-takeout ako ng dalawa para tigisa kaming mag-asawa. Pagdukot ko sa bulsa ay nagtaka ako. Bakit parang sobra ang sukli mula sa botika?
Sa pagkaalam ko ay P500 lang ang iniabot ko sa pharmacist pero ang sukli ay pang-P1,000. Pero dahil galing nga ako sa bangko, at nalibang ako sa pagpapa-cute, este, pagkukuwento niya ay baka nga P1,000 ang naiabot ko. Hindi ko matandaan…
Nakarating ako sa amin na may pagdududa sa sitwasyon. Ang problema kasi, ang perang na-withdraw ko ay naisama ko na sa natitira kong pera at hindi ko matandaan kung ilan ang P500 at ang P1,000. Tinamad naman akong bumalik sa botika dahil medyo gabi na at maraming jejemon na nakatambay sa aming kalye na pag nakikita ko ay kumukulo ang dugo ko at gusto kong pagsasaksakin na isa-isa. Kaya lang, hindi ko rin naman magawa dahil ayokong maghimas ng rehas na parang si Gerardo Biong of the Visconde Massacre, at baka paglaya mula sa kulungan ay nagbabasa na ako ng Bibliya. Naku, mapapalaban ako ng debate kay Supremong Kapre, the great Flory Dery!
Anyway again, habang kinakain ko ang lumpia na may maasim-maanghang na sukang sawsawan ay iniisip ko ang “sobrang sukli.” Ayokong makalamang sa kapwa, the same way na ayoko rin namang malalamangan. Naalala ko tuloy ang insidente sa Komikon October 2009 sa Megamall. Magkatabi kami ni Ner Pedrina, may bumili sa kanya ng Sanduguan issues worth P300. Inabutan siya ng buyer ng P1,000, at sinuklian niya ng P700. Maya-maya, hinahanap na niya ‘yung P1K. Ipinatong lang daw niya sa table pero nawala. Hindi na niya nakita. Masaklap, nawalan na siya ng komiks worth P300, nawala pa ‘yung P1K. Pero hindi naman siya nalungkot masyado dahil malaki naman ang kanyang suweldo. Nanghinayang lang siya dahil portion of his profit sana during that event ay ibibigay niya sa mga nabiktima ng Ondoy.
Balik tayo sa botika. Mahigpit sa pera ang may-ari niyon. Pag nagbayad ka ay talagang may pansilip siya kung japeyk ang iyong moolah. Mahilig naman siyang magsukli ng mga nabubulok nang denominations lalo na ang beinte pesos.
Nagkaroon din kami dati ng away. Matindi. Magsasara na sila minsan at bumibili ako ng gamot sa sakit ng ulo. P500 ang dala kong pera, at dahil mura lang naman ang mefenamic acid ay hinanapan ako ng kanyang pharmacist ng barya. Sabi ko ay wala. Sabi ko pa, tutal ay lagi naman ako roong bumibili, iiwan ko na lang ang P500 at bukas ko na kukunin ang sukli. Matindi lang talaga ang migraine ko.
Tumayo mula sa kaha ang may-ari at kinuha sa pharmacist ang pera ko at pagalit na isinoli sa akin, sabay sabing: “Sarado na ang kaha! Kunin mo ang pera mo, ayoko ng mga ganyang kondisyon pag magsasara na kami!” Sinabi niya iyon na parang isang Espanyolang nagalit nang todo sa hardinerong Indio.
Nawala ang migraine ko sa galit. Sabi ko sa kanya: “Mayabang ka, ha? Magkakasubukan tayo…”
Nasa Manila Times pa ako noon kaya ang nangyari ay isinulat ko sa aking kolum. Detalyado. Nakalagay pa sa title ang pangalan ng botika: “Walang budhi ang may-ari ng __________ Pharmacy.” Kinuwestyun ko kung lisensyado ba ang mga pharmacist dahil bakit mukhang mga menor de edad? Bakit hindi nag-iisyu ng resibo, nandadaya ba sa BIR? Bakit tumatanggi sa kostumer, hindi ba labag sa Consumer Act of the Philippines? Etc, etc.
Nakakunot ang noo ng aming editor in chief nang mabasa, at sabi sa akin ay mag-ingat daw ako sa libel. Sabi ko ay totoong nangyari, at dahil ako naman ay mabuting (ubu-ubo!) editor niya ay pinagbigyan ako na mailathala. Kinabukasan, nagdala pa ako ng kopya sa botika at sabi ko sa pharmacist ay ipabasa sa amo niya para mahimasmasan.
Matagal akong hindi bumili sa botikang iyon pero sabi ng mga kapitbahay kong suki roon ay nag-iisyu na raw ng resibo. Sinubukan kong minsan na bumili uli, may resibo na nga. But old habits are hard to break, kalaunan ay hindi na uli sila nagbibigay pero kapag ako ang bumibili, kahit sachet lang ng deodorant ay binibigyan ako. At ni minsan ay hindi na ako sinulyapan ng may-ari, kesehodang bagong ahit-Rubie ako.
Patuloy ang aking pagdududa kung sobra nga ba ang sukli o hindi. Kung sobra, dapat isoli. Kung hindi, siyempre ay hindi.
Paano ako ngayon makatitiyak? Naisip ko kung gaano kahigpit ang may-ari sa pera. Ilang beses niyang iniilawan sa machine na pang-test kung fake o hindi ang ibinayad sa kanya. Imposible naman na malusutan siya lalo pa kung malaki ang mawawala sa kanya. Kung magtatanong naman ako kung hindi ba nagkamali siya ng pagsusukli, paano kung umiral ang kasuwapangan niya at sabihing oo? Ako naman ang lugi.
Paano kung hindi ko isoli kung talagang nagkamali at sa pharmacist niya bawiin? Kawawa naman ‘yung bata.
Ang simple ng kuwento pero ang bigat ng conflict na nagkakahalaga ng P500. Pero ang totoong halaga ay ‘yung values ng tao. You see, kung hindi siya suwitik, hindi baleng ako na ang malugi. Na dahil duda ako sa memory ko, ibabalik ko na lang just to clear my conscience. Pero dahil madaya nga siya at malaki ang hindi ibinubuwis sa pamahalaan, mayroon akong doubt sa kanya na baka siya ang hindi maging honest. Ito ang kuwento na ang bida (ako) ay may conflict na pansarili (internal) na ang outer conflict (may-ari ng botika) ay hindi alam na conflict niya ay ako rin ang nagpapasan. Uh, that’s Creative Writing 101.
Dahil ako ang bida, ako ang gumawa ng resolusyon. Pupunta ako kinabukasan sa botika at pag sinabi ng pharmacist na sabi ng amo niya ay nagkamali siya ng pagsusukli, voila, wala nang problema. Heto ang P500, tapos ang kuwento. Everybody happy. Patayin ang mga ilaw, isara ang telon.
Kinabukasan ay dumaan ako. Wala pang ibang kostumer. Naroon ang may-ari. Ni hindi na naman tumingin sa akin. Nakangiti naman agad sa akin ang pharmacist at ang bungad niya: “Hi, Kuya, ano’ng bibilhin mo? Kukuwentahin ko uli sa isip, ha?”
Bumili ako ng load worth P100. This time ay sinigurado ko na ang denomination. Siyanga pala, hindi na kinuwenta sa isip ng pharmacist!
Sa reaksyon ng mag-amo ay mukhang wala namang problema. Ibig sabihin, hindi siya nagkamali ng pagsusukli sa akin kagabi. Somehow, gumaan ang aking pakiramdam.
Somehow…
Dahil aaminin ko I’m still doubtful… Hindi ko alam kung kailan ako matatahimik.
Magtatapos ang kuwentong ito sa isang resolusyon na ngayong marami na akong nakakalimutan ay magiging maingat na ako para hindi na maulit ang katulad na pangyayari. At dahil sa aking palagay ay kakaunti pa naman ang aking nagagawang kasalanan, (cough! cough!) kung nagkamali man ako sa disposisyon sa sitwasyong naganap, humihingi ako ng tawad. May mga kasalanang hindi sinasadya…

(Maraming salamat sa grouchyoldcripple.com na pinagkunan ko ng larawan sa itaas.)

6 comments:

big benjie said...

bayaw, me kasabihang luma: a short pencil is better than a sharp memory. at any rate, normal lang yan na minsan-minsan, e, pumapalya ang memorya. we're humans after all. ang masama lang, e, pag nalimutan mo na kung ano ang pangalan mo LOL!

Anonymous said...

wala kang kupas!

kabayang alex

kc cordero said...

bayaw,
nagkita pala kayo ni ipe. di bale pagbalik mo na lang uli.

kabayan,
nahihingahan mo laang ako kaya gay-an!

TheCoolCanadian said...

Diyaske ka, Dikong KC:

Naglipana ikamo ang mga JEJEMONS sa paligis ng neighborhood mo, pero hindi mo ipinaliwanang kung ano at sino ba itong mga JE-JE-MONs?

Mga ano ito? Ano ang katumbas nila sa North America? Goth? Neo-Nazi? Pan-handlers? Madalas kong mabasa ito sa web, pinag-uusapan, pero walang magpaliwanag kung mga ano baga ini? Paghahambalusin silang lahat ni Supremong Kapre niyan.

Kastila pala ang may-ari ng botica sa neighborhood mo. Ihasa mo ang iyong Castillan at rapiduhin mo ng walang humpay na mura at insulto para bumalik na siya patungong España.

Ahora, le estoy saludando Feliz Navidad y una Feliz Año Nuevo porque puede ser que no esté aquí antes de la Navidad.

kc cordero said...

Cool C,
Long time no hear, Ka Joe. I was about to email you nauna ka lang magparamdam, he he. Alam ko kasing pag ganitong Christmas Season ay nagbabakasyon ka sa Spain. Hayaan mo kukunan ko ng pictures ang mga jejemon at ilalagay ko rito sa blog para makita mo ang hitsura ng mga sinalipak. :)

TheCoolCanadian said...

Diyata't sila pala ang mga tinatawag na Je-je-mons. Mga mukha silang TRAPO.

Subali't, nguni't, datapuwa't... kung busilak naman ang kanilang mga kalooban, sasali na rin ako sa kanila. Magsusuot na rin ako ng ukay-ukay winter socks na abot sa tuhod! Wow. Fantastic fashion statement ini.

Turan mo nga, Dikong KC – sila ba'y MASASAMANG LOOB? Sila ba'y mapagsamantala sa kapuwa? Nananakit ng mahihina, pumapatay nang walang pakundangan? Nagdadagdag-bawas sa eleksiyon, nag sasaboy ng National Artist award sa hindi naman kasali sa listahan ng mga hurado? Nagpapanggap ba silang Hari o Reyna ng komiks? Sila ba'y hindi nagbabayad ng kanilang mga buwis matapos kumita ng mala-himalang bilyon pesos... ang kalakarang bayaran sa mga writers kuno diyan sa Pinas ngayon?

Ganito ba kaiitim ang mga budhi nitong mga Jejemons?

Kung ganito nga, itatapon ko sila sa dagat-dagatang apoy nang tuluyan nang matupok nang paulit-ulit nguni't walang katapusang paghihirap sa init na animo'y anime na naka-loop ang pagsunog sa kanila!

O sila ba'y nagtataglay ng mabubuting budhi? Mukhang trapo, naro'n na ko, pero, hindi kaya ginintuan naman ang kanilang mga puso?

Kung sila'y tulad nitong nabanggit sa hulihan, KAAGAPAY nila akong tatahaak patungo sa ikatatagumpay ng kanilang mga pangarap.

VIVA LOS JEJEMONS!

Kung minsan, dahil sa kabataan ng isang nilalang, siya'y napapagaya sa mga bagay na awkward, katawa-tawa, kabaliw-baliw na mga pag-aayos sa sarili.

Wala silang iniwan sa mga HOBOS noong 1940s, BEATNIKS noong 1950s, HIPPIES noong 1960s, DISCOMANIACS noong 1970s, PUNKROCKERS noong 1980s, GENERATION X noong 1990s, at ngayong 2000's – GENERATION Y.

Kung sila'y nabibilang lamang sa huling grupong ito, lapitan mo sila't makipag-beso-beso ka na at dalhin mo sila sa Starbucks para magsipagkape kayo roon at makapaghuntahan ng buhay-buhay. Ihambing kung ano ang kaibhan ng iyong henerasyon sa kanilang henerasyon. Dito unti-unting maglalaho ang inyong generation gap.

Ang bentahe pa nito... HINDI KA NA MAHA-HIGH BLOOD sa suya. Dahil makikilala mo sila na... aba'y mga ordinaryong tao rin pala ang mga Jejemons na ito, may mga pangarap, may mga kabiguan at tagumpay, may mga pamilyang nagmamahal din sa kanila.

Tapos, uuwi ka sa iyong tahanan, mauupo sa rocking chair (ubo, ubo), tatanaw sa papalubog na araw, sabay bulong sa sarili ng... Hay, life is so beautiful.
:)