Tuesday, December 7, 2010

TALIM Komiks ni Omie Remalante Jr.

Photobucket

Ang ‘Talim” Komiks ay likha ni Omie Remalante Jr. kasama ang iba pa kaya masasabing isa itong collaboration. P75 yata ang bili ko rito, wala ring senior citizen discount. Wala ring page number kaya binilang ko pa—28 pages. Colored ang cover, at black and white ang inside pages.
Sa cover pa lang ay given na ang kuwento na it’s all about vengeance. Sa superhero o action stories, ang hirap mag-isip ng plot na hindi tungkol sa paghihiganti. Sana ay maging challenge ito sa mga creators.
Sa unang pahina ay may balita na natagpuang patay si Entong Pula, isang pangalan na parang sa panahon pa nina Ka Floro Dery at Asiong Salonga. Maganda sana kung medyo relevant ang pangalan; halimbawa ay Piolong Hip-hop o Cocong Jejemon.
Second page, flashback noong buhay pa si Entong Pula na may pagka-Robin Hood sa neighborhood. Kung patay na ang antagonist sa unang pahina pa lang, bakit pa ako magkakainteres sa mangyayari sa kanya? Kumbaga, ibinigay agad ng writer ang isa sa kanyang mga ticking time bombs sana.
At ‘yun na nga, matapos ang pakikipaghuntahan ni Entong ay pauwi na siya at nakipag-hi, hello sa isang tsikas na hinabol niya ng tingin nang may pagnanasa. Isang tool na nagpapahiwatig ng kanyang other personality. Hindi pa niya nae-enjoy ang pag-sight sa wetpaks o derrière ng babae ay may sumapak na sa kanya. Enter Talim.
Nagulpi ni Talim si Entong at ipinaalala ng superhero sa antagonist ang panggagahasang ginawa nito sa kanyang GF at muntik na pagpatay sa kanya. May flashback na suwerteng nakaligtas si Talim sa ospital at nagkaroon ng amnesia. Hindi pa ipinaliwanag ng writer kung saan nakuha ni Talim ang power—kung mayroon man.
Tatakasan sana ni Entong si Talim pero natudla ito ng balaraw saka sinaksak. Sa pahina na “binigyan” ni Talim ng hustisya si Entong ay napaka-static ng illustration. Ni hindi kumampay ang kamay. Inaasahan ko pa naman na makakita ng eksenang para akong nanonood ng nagkakatay ng baboy. Ayaw ni G. Floro Dery ng action story na parang mga manekin ang character. Mapapalakas ang hitit ni Superkapre sa kanyang tabako kung ganito ang kanyang makikita.
Hindi pa tapos ang kuwento at mukhang masusundan pa ang mga pakikipagsapalaran ni Talim. Aalamin ko pa ang kanyang back story sa mga susunod na installment kaya kailangan kong mag-ipon ng pambili.
Konting hilot lang siguro sa script at puwede na. I hope na makapag-deliver ang writer ng mas may puwersang dialogue sa mga susunod na installment. Para kasing hindi barakong pakinggan kung may dialogue ang superhero na, “Ang kapal ng mukha mong gago ka!” Superhero ang bida, kaya hindi dapat parang tindera sa palengke na nakikipagsabunutan kung magsalita.
Hindi ako artist pero kailangan ang improvement sa artworks para sa kalugud-lugod na pagbabasa. Malupit naman ang art background ni Omie kaya sa mga susunod ay mas masisiyahan na siguro ako sa kanyang latag. Kailangang define ang mga karakter; iba ang bida kaysa ibang tauhan sa kuwento. Kailangang mas barako.
Promising ang rendition ng bida sa cover dahil professional colorist naman pala si Omie ayon sa interview na nabasa ko about him. Pero sa black and white ay hindi pa magrehistro sa isip ko ang hitsura ng kanyang bida. Talim in B&W for me is a cross between a softball umpire at ‘yung traffic aide na nagmamando sa may tulay ng Nagtahan papunta sa amin. Next issue, sana makita ko siya na mas makisig, maskulado at malinaw kung ano ba ang kanyang uniporme. Konting praktis din sa anatomy. Para sa mature readers ang komiks kaya may ilang eksenang kita ang boobs, pero hindi naman ako tinalaban. The logo, btw, is a winner—at pwedeng weapon kumpara sa ordinaryong hunting knife na ginamit ni Talim sa unang isyu.

9 comments:

Hazel Manzano said...

Medyo nailang nga akong bilhin itong Talim kasi naramdaman ko na hindi pang chikas ang istorya at drowing nito.

TheCoolCanadian said...

Panahon ni Flor Dery. Lol. Baka naman panahon ni PSG. Siya ang sumulat ng Asyong Salonga, eh.

Yung illustration, nag-AWOL yata ang right hand nung babaeng bangkay sa eksena. Di ko talaga makita. Yung left legf ng bangkay, parang buhay na buhay, hindi handusay.

Maliit na detalye, pero importante. Dalawa na lang ang babanggitin ko dahil iyon ang pinaka-obvious. Bigyan din natin ng pagkakataong makapuna yung ibang readers.

Oo nga pala, sana naman magkaroon ng Pinoy na superhero, na ang tema ay hindi paghihiganti kundi ang mapabuti ang pamahalaan ng Pilipinas. Tipong, sugpuin ang mga kurakot na politikos, pati na rin yung mga private citizens na nakikipag-deal ng under the table at mabubulgar na lamang kung kinasuhan nang magbayad ng buwis, di bah?

Mas makikinabang siguro ang bansang Pilipinas kung ganito ang mga kalaban ng mga superheroes kaysa kung sinong mga Pontius Pilate na mamamatay-tao at manggagahasa ng mga dilag. Iyong mga iyon, madaling ibalibag sa kulungan, samantalang itong mga politikos at sumasabit sa mga politikos para mabigyan ng MARUMI'T KARUMAL-DUMAL NA BIYAYA, ay karapat-dapat lamang na kalabanin ng superhero.

kc cordero said...

Cool C,
may konti akong free time kaya nagbabasa ako ng mga nabili kong indies. karamihan kasi sa feedbacks na nakukuha ko sa iba na bumili rin ay hindi nga raw magaganda ang kuwento at maraming loopholes, ganoon na rin sa artworks.
siguro mas dapat maging open ang mga creator sa obserbasyon ng mga readers, para sa kanila rin naman iyon. di bale raw na mahal ang komiks basta nasiyahan sila sa nabasa nila.
saan ka magpapasko?

Omi Remalante Jr. said...

KC,

Salamat sa magandang review mo ng Talim #1. Marami nga kaming naiwan na tanong sa isipan ng mambabasa at medyo tama ka sa ibang parte ng storya. Pero kung iisipin natin, di natin pwedeng siksikin sa isang issue ang buong kwento ng isang tao o character. Gusto nating palawakin pa ang istorya at palalimin pa puno't dulo kung sino ba yung at kung kaanu-ano ni talim ang biktima.

Sa pangalawang isyu ng talim ay unti unti ninyong malalaman ang kanyang pinagmulan at paano sya naging isang vigilante.

Tama rin si cool canadian. Di namin lilimitahan sa maliliit na kontrabida ang kalaban ni Talim. Sana'y abangan ninyo ang mga susunod na isyu ng Talim at asahan nyo na mas gaganda pa ito.

Muli, salamat sa inyong review at mabuhay po ang Pinoy Komiks!

- Omi Remalante Jr.

TheCoolCanadian said...

Dikong KC:

Ang problema lang sa ibang readers, atubili mag-comment dahil baka makasugat sila ng damdamin ng mga batang creators. Pinakamabuti talagang ipakita doon sa mga nagtrabaho sa komiks mismo.

Pupunta ako sa New York ngayong pasko. I'll stay there for 10 days until New Year. Tapos mag-a-attend ako ng isang maliit na gathering, yung horror story writers convention. Next year, dalawang writers convention ang pupuntahan ko, dito lang sa Vancouver. Yung una, dito sa Granville Island. Nasa West side lang ito ng Vancouver, nasa tabing dagat ng city. Ito yung International Writers Convention na ginaganap dito every year. Maganda rin ito dahil makakadupang palad mo ang mga best seller novelists at makakausap mo. Marami kang insights ma mapupulot. Yung isa naman evey summer, ang Surrey International Writers Convention. Nasa ikatlong city lang ito na malapit sa Vancouver. Kumbaga sa Manila, ito'y Marikina :)

Mas malaki ito dahil halos buong mundo ay nagsisidatingan dito. May mga iba't-ibang activities, may workshop, may mga agents na magre-represent sa mga writers, etc.

Ngayong taon, bago magwakas ito, type ko namang makipag-horror-an sa mga manunulat. Balita ko'y pupunta sina Dean Koontz at Stephen King.

kc cordero said...

Cool C,
ang sarap naman at makakatalamitam mo ang mga mahuhusay na horror writers like you. maganda talagang mag-invest ng panahon sa horror dahil laging ito ang panalong genre.
sana sa mga darating na mapanahon ay makapag-setup ka kahit online (via skype?) na workshop sa mga lokal na writers dito sa pilipinas.
merry christmas!

kc cordero said...

Omie,
siyempre naman ay lagi naming susuportahan ang mga comics creators ngayon dahil kung wala kayo ay ano pang local comics ang aming mababasa?
gusto ko ring umpisahan ang talakayan na bukas ang isipan ng creator at readers. mahalaga sa creator na alam niya ang needs ng kanyang market.
maganda rin ang talakayan kung professional ang treatment at hindi banatan nang banatan na nagiging personal kung minsan. salamat din at alam ninyo na ang purpose ko ay sa ikasusulong ng inyong komiks. fan mo ako kaya tiyak na lagi akong susubaybay sa komiks ng iyong grupo.

Anonymous said...

KC,

Anak ba ni Romeo Remalante si Omie Jr.? nakasabayan ko yung tatay niyan sa Colegio de Bellas Artes noong 60s, mas senior lang ako ng isang taon.
Kaya siguro maraming loopholes ang mga Indies dahil kulang sa editing. di paris ng mga mainstream nag e-employ talaga sila ng editors.
Merry Christmas sa iyo at ki JM!
BTW,JM, Uragon din itong mga Remalantes!

Auggie

kc cordero said...

Omie, may tanong si auggie.

Auggie, meri krismas din. :)