
Matapos ang mahaba-haba na rin namang panahon ng pagsusulat ng kanyang mga pananaw, obserbasyon at mga karanasan ukol sa industriya ng komiks sa Pilipinas, nasa isang unfamiliar terrain ngayon ang aking kaibigang si Randy “Mr. Sold Out” Valiente matapos niyang ilabas ang kanyang aklat na ‘Komiks sa Paningin ng mga Taga-Komiks’ (in the book, it’s an unhyphenated ‘TagaKomiks’, I just follow the copy reading style that I’m using, force of habit), na may kaakibat na tulong mula kay G. Fermin Salvador, at sa ilang mga taga-komiks na nag-ambag ng kani-kanilang artikulo. Siyempre pa ay binubuklat na ito ngayon ng balana at binibigyan ng karampatang papuri at puna. Kung sa mga nakalipas na panahon ay si Randy ang ‘hunter’ ng mga naglalabasang babasahing may kaugnayan sa komiks, ngayon na siya ang naglimbag, siya naman ang hunted—thus goes the cliché, ‘the hunter becomes the hunted.’ At sa dami ng kritisismo na natatanggap niya ngayon sa PKMB, na posibleng dumami pa sa malapit na hinaharap, ‘kumbaga sa pelikula ni Steven Seagal ay para siyang under siege.
Welcome to the club, Randy.
Naranasan iyan ni Gerry Alanguilan nang ilathala niya ang Wasted at Elmer, ni Gilbert Monsanto sa kanyang Tropa at Rambol, nang ilabas ko ang Filipino Komiks, ng mga taga-Culture Crash at iba pang manga artists na naglabas na ng kanilang akda, at ng Sterling—sa panahon na pinipilit nating pasiglahin ang ating hanay.
Wala pa akong kopya ng ‘Komiks…’ dahil naramdaman kong mauubos sa Komikon ang dalang kopya ni Randy nang i-launch niya ito ay hindi ko muna kinuha ang aking complimentary copy (may 2 akong artikulo). Sinilip ko lang ang loob, ang pisikal na anyo at ang font na ginamit. I’m more conscious with the technical aspects ng mga inilalathalang babasahin sa ngayon dahil nga patuloy akong nagde-develop ng mga reading materials for CDE market.
Ang talakayan sa ‘Komiks…’ ay naumpisahan sa PKMB nang i-announce ni Randy sa ‘Palengke! Section’ kung saan-saan mabibili ang nasabing aklat. Dito na naglabasan ng kani-kanilang saloobin ang mga nakabasa na ng libro at ng mga hindi pa, partikular sa isyu ng paggamit ng isang contributing writer ng pen name sa halip na ang kanyang tunay na identity.
Ano nga ba ang problema sa paggamit ng pen name?
Mahabang talakayan ito at open ako sa maraming punto de vista sa bagay na ito. Sa kaso ko, ang KC Cordero ay pen name ko lang ngunit dito na ako kilala ng mga nakakabasa ng mga sinulat ko at maging ng mga taong personal kong kakilala (in fact, alien na sa akin ang tunay kong pangalan). Ito ay pen name na legal sapagkat lumabas at ginamit ko sa mga opisyal na publikasyon hanggang ngayon.
Uulitin kong hindi ko pa nababasa ang libro ni Randy. Sa usapin ukol sa isang contributor writer doon na gumamit ng pen name, masasabi kong iyon ay in bad taste kung ang artikulo niya ay tumuligsa, bumatikos sa iba pang contributing writer na kasama sa hanay ng mga nagsulat.
Nauunawaan ko rin ang damdamin ng ibang nagsulat na inilagay ang kanilang tunay na identity samantalang ‘yung isa ay hindi. Kahit noong bata pa tayo at puno pa ng kapilyuhan sa isip, pag tayong magkakabarkada halimbawa ay nagkasundo na sabay-sabay umihi sa pader, naaasar tayo kapag may isang hindi naglawit ng kanyang batotoy at sa halip ay tumakbo pauwi.
Naghain si Randy ng kanyang mga rason kung bakit hinayaan niyang may isang gumamit ng pen name. It’s his book; he calls the shot, ‘ika nga. At sa opinion ko, may natutunan tayo sa bagay na ito. Unti-unti, sa mga bagay na ginagawa nating mga komikero ay marami tayong natututunan.
Ako sa partikular ay namulat sa pangyayaring ito. Kung sa hinaharap ay makakuha rin ako ng sponsor para makapaglabas ng aklat at kukuha ako ng mga contributors, sasabihin ko na agad na, ito at si ganito ang mga kasama sa kalipunan ng mga writers, at si ganire ay gagamit ng pen name at ayaw magpakilala. Para malaman ko kung okey lang sa ibang writers ang ganitong sistema.
At kung sakali naman na sa atin ay may magpagawa uli ng artikulo, maganda siguro na linawin din natin kung sinu-sino baga ang ating makakasama. Puwede bang makahingi ng draft o overview ng sinulat ng iba. Baka kasama nga tayo sa nagsulat, isa rin pala tayo sa tinuligsa. Para naman tayong ginisa sa sariling mantika.
Ang mga ito ay mga bagong proseso na natutunan ko sa aklat ni Randy.
Sa mga susunod na araw ay umaasa akong ang mapagtatalakayan na ay ang tungkol na sa mga nilalaman ng ‘Komiks…’ sapagkat sayang naman kung mapag-uusapan ito dahil lang sa isang isyu na sa tingin ko ay na-overlook lang ng ating kaibigan. Magandang malaman natin ang sensibilidad ng mga writers sa kani-kanilang artikulo. Sa bagay na ito, sana ay makilahok ang gumamit ng pen name.
Kay Randy, mahirap bigkasin kung paano ko siya hinahangaan sa dedikasyon niya sa industriya at sa paglalabas ng aklat na ito. Gusto kong isipin na na-overwhelm siya realization ng kanyang project kaya naka-commit ng konting ‘reckless imprudence’. I am more than convinced that after this experience, he became a much, much better person. Ang pinakamatigas na bakal ay sadyang dumadaan sa pinakamainit na apoy.
To end this blog, I am leaving you a quote from Jean-Paul Sartre which I think best describes the above issue: “Men of letter must face the greatest dangers and render the most distinguished service to mankind.”