Hindi ito tungkol sa pelikula na may katulad na pamagat. Mas makakapagkuwento si Sharon Cuneta tungkol kay Keanu Reeves (the megastar has a huge crush on him, even joking that she’ll file a petition to divorce her senator husband if Keanu agrees to marry her) at si Ever Samson (Ever who, you might ask. Go read the PKMB!) ng Cabanatuan City tungkol kay Charlize Theron—mga bida sa nasabing pelikula. Ito ang aking version ng Sweet November.
Naalala ko lang na Nobyembre na nga pala. At bagaman’t marami akong gustong sulatin tungkol sa komiks, inuna ko na itong mga naging karanasan ko noong bata pa ako at nakatira sa aming antuking nayon sa Batangas.
Para malaman ninyo ang geography ng aming baryo circa 70s, ang bahay namin ay nasa loob ng kakahuyan—parang ang madilim, gubat na mapanglaw sa Florante at Laura. Walang kuryente. Malalayo ang kapitbahay. At ang tanging libangan ko kapag tanghali at nagsi-siesta ang aking ama’t ina (malalayo ang bahay ng mga posibleng kalaro) ay maupo sa aming hagdanan at makiramdam kung may engkantong daraan.
Nobyembre ang masayang buwan para sa akin. Hindi na ako masyadong umiigib sa balon dahil inaani na namin ang mga tanim na gulay. Ang madalas naming tanghalian at hapunan ay sinigang na hipon at pinasingawang (steamed) sitaw at iba pang gulay, na isinasawsaw sa kalamansi na may asin at dinikdik na sariwang luya. Kapag isda naman ang ulam ay siguradong nilagang talbos ng kamote, kalabasa o kaya ay puso ng saging—na ginataan ng maanghang. Kung medyo marami na ang populasyon ng aming alagang manok, tinola naman ang nakahain sa hapag at lumulutang ang mga hiwa ng sariwang manok sa sabaw na tinimplahan ng asin, paminta at luya. Ang meryenda ay halinhinang nilagang kamote, pritong saging at barakong kape, o kaya ay itlog na binabasag sa kumukulong timpla ng inasnang malunggay na may kamatis. Kapag nagugutom anumang oras ay may napipitas na bayabas, guyabano, at iba pang prutas na hindi seasonal. Paraiso para sa akin noon ang aming baryo.
Ang higit na pinananabikan ko pag Nobyembre ay ang panahon ng tagtsiko. Sa ganitong buwan ay nahihinog na ang tsiko (katumbas o kasabay na itintinda ng mansanas pag Disyembre). Ilang metro mula sa aming bahay ay may malaking puno ng tsiko, at tuwing umaga ay namumulot ako ng mga nalalaglag na hinog na. Ang iba ay may kagat pa ng ibon. Sabi ng aking ama ay aalisin ko lang ang pinagkagatan ng ibon bago ko kainin. Noon ay wala pa sa medical journal ang bird flu.
Kahit sikat na ang araw ay may hamog pa sa damuhan na dinadaanan ko, at nakakatuwa na makita sa damuhan ang ang mga bakas ng aking paa na nakamolde sa hamog. Nakayapak lang ako noon, at ang hamog siguro na iyon ang dahilan kung bakit maganda ang kutis ng aking talampakan kahit pa galing ako sa pagsasaka.
Paborito ko ang tsiko bukod sa langka. Siguro ay dahil minsan isang taon lang kung mamunga ito, hindi gaya ng ibang punongkahoy sa aming paligid.
Nag-iisa na ako sa piling ng mga magulang ko noon. Ang mga kapatid ko ay may kanya-kanya nang buhay—nag-asawa, naglayas, naghahanapbuhay. Menopause baby ako—nang ipanganak ako ay 57 na ang aking ama at 51 ang aking ina.
Isang madaling-araw iyon at nagising na agad ako. Madilim pa at tumanaw ako sa puno ng tsiko na napapalibutan ng mga alitaptap ang ibabaw. Malaking puno iyon at tila inaanyaya ako na magpunta na sa ilalim nito at kunin ang mga nalaglag na hinog na bunga. Ewan kung bakit bumangon na ako para puntahan ang puno.
Basambasa ang paa ko ng hamog sapagkat may kalamigan nang madaling-araw na iyon. Dala ko ang flashlight ng aking ama pero hindi ko pa pinaiilaw, pag nasa ilalim na lang ako ng puno ng tsiko. Nang malapit na ako sa puno ay may narinig akong parang dumadaing. Naalala ko ang kuwentuhan ng mga matatanda tungkol sa engkanto, at saka ako nakaramdam ng takot. At hindi ako dinadaya ng aking pandinig, may umuungol talaga at malapit lang. Parang sa may puno ng kape sa gilid naman ng puno ng tsiko.
Gusto kong tumakbo pabalik sa bahay nang muli kong marinig ang mga daing. Tumayo na ang mga balahibo ko sa takot, at dahil sa tension ay napailaw ko ang flashlight sa direksyon na pinagmumulan ng mga daing. Ganoon na lang ang gulat ko sa aking nakita.
Nakasandal sa puno ng kape at maalab na naghahalikan ang dalawa kong kapitbahay (medyo malalayo ang pagitan ng mga bahay). Sina Ivy at Ram. Nagulat din sila nang makita ako, napatigil sa kanilang marubdob na mga sandali, at nang makabawi sa pagkagulat ay hinatak ni Ram si Ivy at tumakbo sila papalayo. Nagbalik na rin ako sa bahay at nakalimutan ko na ang mga hinog na tsiko.
Si Ivy ay high school student noon sa kabayanan, fourth year. Isa sa pinakamaganda sa aming baryo. Kahawig siya ni Diana Zubiri. Masungit siya sa akin sa hindi ko malamang dahilan. May tindahan, at kapag siya ang nakatao roon ay hindi ako pinahihiram ng Liwayway. Lagi siyang bumibili ng Liwayway noon. May mga kapatid siya na kung minsan ay nakakalaro ko.
Si Ram ay mula sa medyo nakaaangat na pamilya sa baryo namin. Salbahe, at kapag nasa poso ng baryo ako para umigib ay lagi niya akong inuunahan kahit una ako sa kanya sa pila. Hindi ko maisip noon kung bakit ang isang first year college ay nang-aaway ng grade one student? May mga kapatid din siya na nakakalaro ko kapag Linggo at nagkikita-kita kami sa may labasan kapag dumarating ang nagrarasyon ng Esso Gasul (brand ng kesorene gas) na noon ay inirarasyon pa sa mga baryo (May isang pick-up truck na kulay puti na may malaking tanke sa likod na pinaka-pump station). Habang nagbebenta ng gas ay may libreng pasine (free movie) para sa mga bata at matanda. Animated movie, black and white na walang talkies.
Nang bumili ako ng Alhambra (sigarilyo ng matatanda) kay Ivy nang araw na iyon ay iba na ang ngiti niya sa akin. Iniabot din niya ang ilang kopya ng Liwayway na matagal na niyang ipinagdadamot sa akin. Lagi raw akong hihiram, sabi pa niya. Nang paalis na ako ay lumabas siya ng tindahan, inakbayan ako at bumulong. Huwag ko raw ipagsasabi ang nakita ko. Iyon ang una kong oryentasyon kung bakit naging utak-kriminal ako. Kung mananahimik pala ako, masusubaybayan ko ang nobela ni Pelagio S. Cruz, at hindi na ako magmumukhang busabos sa panghihiram sa kanya ng Liwayway.
Iba na rin ang pakita sa akin ni Ram sa igiban ng tubig. Siya ang nagpuno ng mga balde ko dahil ang papayat daw ng mga braso ko, kawawa naman ako. Hindi na niya ako tinatakot. Siya rin ang nagbuhat ng mga balde papunta sa amin. At siyempre, gaya nang inaasahan ko, nakiusap din siya na sana raw ay parang wala akong nakita.
At dahil utak-kriminal na ako, itinanong ko sa kanya kung ano ba ang mangyayari kung malaman ng iba? Papatayin daw siya ng ama ni Ivy. Sa isip-isip ko, aba, mawawala na pala ang balasubas sa pag-iigib ko kung sakali. Matapos niya akong maihatid sa bahay at maisalin ang tubig ay nagtanong siya: “Ano’ng gusto mo para atin-atin na lang ang nakita mo?” Sinabi ko sa kanya, at kinahapunan din ay ibinigay niya ang hinihingi kong bagong tirador—na matapos kong lagyan ng bato ay inumang ko sa kanya—bilang pagbibiro.
Lihim ang relasyon ng dalawa at wala sigurong nakaalam sa mga tagaroon sa amin maliban sa akin. May mga pagkakataon noon na nakakasalubong ko ang isa sa kanila at nararamdaman ko ang takot o pangamba sa mukha nila. But I am Forrest Gump reincarnated—wala akong pinagsabihan ng tungkol doon. A promise is a promise is a promise.
Hindi nagkatuluyan sina Ivy at Ram. Fling lang siguro ang naganap sa kanila noon. Si Ivy ay dumanas ng mabigat na pagsubok sa buhay, at inilarawan ko iyon sa nobelang ito:
Madilim ang nobelang ito at sana ay huwag na ninyong mabasa. Ilang officemates ko ang nagka-migraine dahil dito. May ilang sumulat sa akin at sinabing hindi nila tinapos basahin ang kuwento dahil muntik na silang atakihin sa puso. Kung mapapasakamay ninyo ang kopya nito, itapon n’yo na lang.
Sa ngayon ay nasa ibang bansa na si Ivy, and happily married. Late 90s ay nagkita kami sa aming baryo minsang nagbakasyon siya. Hindi ko mabasa sa mukha niya kung natatandaan pa niyang hawak ko ang isang lihim ng buhay niya. Biniro pa niya ako na mas cute ako noong bata pa ako. At sinabi niya sa mga kasama namin sa huntahan na siguro raw kaya ako napasok sa publishing ay dahil napakahilig kong magbasa noon at sa kanya pa nga ako nanghihiram.
Late 80s ko naman huling nakita si Ram na ngayon ay isa nang negosyante sa Pampanga. Natuwa siya na I was doing good in school then, tama raw iyon na mag-aral akong mabuti (nag-cum laude si Ram). Matured na at hindi na salbahe. Ano raw plano kong kunin pag nagkolehiyo ako, tanong niya. Sabi ko ay papasok ako sa PMA (childhood dream), at pag sundalo na ako ay babarilin ko siya sa pagitan ng mga mata.
Natawa siya. Noon kasi, minsan na napikon ako sa kanya bago ko pa sila nahuli ni Ivy ay sinabi ko sa kanyang magsusundalo ako paglaki ko at babarilin ko siya para makaganti.
“Hindi mo pala nalilimutan ang banta mo sa akin, ha?” sabi niyang natatawa.
Dahil may sense of humor na ako noon, sagot ko, “Matalas ang memorya ko, marami akong hindi nakakalimutan! Lalo na ‘yung isang umaga sa puno ng kape!”
At sabay kaming natawa nang malakas.
Hindi na siguro maninirahan si Ivy sa aming baryo gayundin si Ram. Sa parte ko, hindi ko pa matiyak. Wala na ang puno ng tsiko at iba pang punungkahoy sa aming malawak na bakuran. Hindi na rin nagkakahamog sa umaga o madaling-araw dahil sa global warming. Nagsisikip na ang paligid sa dami ng bahay at tao. Ang paghahalikan ng mga kabataan sa publiko ay hindi na itinatago sa puno ng kape, o itinuturing na isang kasalanan. Malaking henerasyon ng mga kabataan na sumunod sa akin ay ni hindi na nakapagbasa ng Liwayway.
Nasa piling na rin ng Maykapal ang aking ama’t ina—at kahit sino pa ang mamahala sa aming kusina ay hindi mapantayan ang luto nila at timpla.
Sinasariwa ko na lang sa gunita ang mga ganitong nakaraan na hindi na maibabalik. Binabago tayo ng panahon. Ang tanging nagbabalik ay ang mga petsa at buwan sa kalendaryo, gaya ng Nobyembre, na minsan ay nagpamulat sa akin ng reyalisasyon na may aksidenteng dumarating sa buhay, at nasa atin na kung paano natin gagawing makatuturan ang aksidenteng iyon sa ating pag-unlad bilang isang indibidwal.
Sabi nga ng Guns N’ Roses:
“And when your fears subside
And shadows still remain
I know that you can love me
When there's no one left to blame
So never mind the darkness
We still can find a way
'Cause nothin' lasts forever
Even cold November rain…”
5 comments:
KC,
Saang baryo ba ito sa Batangas ? sa Taal ba ?
At tungkol sa pagbabalik doon, may kasabihan: YOU CAN'T GO HOME AGAIN...
Ibig sabihin ,iba na, dahil yung nakalipas eh nakaukit na lang yun sa memory mo , pleasant or otherwise.
Langya, bata ka pa pala, marunong ka ng mag-blackmail LOL !
Gawan mo ulit ng kwento ito, maganda....
Auggie
Uncle KC:
In life, there are many hellos and goodbyes. It is earsier to say hello, it is harder to say goodbye.
But, in every happy hello, rest assured that it will entail a sad goodbye, no matter how happy the memories are in one's life , they bring sad feelings years later when a person tries to reminisce them.
Life is but a fleeting moment of hellos and goodbyes. And what's sad about fleeting moments in one's life is that – they will never come back again.
El tiempo puede flota, y la juventud puede se descolora.
Time may fleet, and youth may fade.
But, the desire in our hearts will always be there – to love, to live and to linger to old memories that only exist now in our memory.
Sayang nga at hindi na kasing-pristine ang mga lugar sa rural areas ng Pilipinas. Pero naaayon sa description ng iyong nayon, napakaganda ng lugar na ito na kahi't paano'y maaari mong sariwain sa iyong gunita. Nawala man ito sa balat ng lupa, naiwan naman ang ala-ala at kahulugan nito sa iyong pagkatao habang ikaw ay nabubuhay.
auggie,
balete 'yung baryo. may malaking puno ng balete sa ilog at doon kinuha ang pangalan.
jm,
right...It is earsier to say hello, it is harder to say goodbye.
kahit sa pagpasok lang sa isang company, masaya kapag bagong pasok ka, malungkot kapag paalis na—maganda man o pangit ang naging tour of duty.
World Of Warcraft gold for cheap
wow power leveling,
wow gold,
wow gold,
wow power leveling,
wow power leveling,
world of warcraft power leveling,
world of warcraft power leveling
wow power leveling,
cheap wow gold,
cheap wow gold,
buy wow gold,
wow gold,
Cheap WoW Gold,
wow gold,
Cheap WoW Gold,
world of warcraft gold,
wow gold,
world of warcraft gold,
wow gold,
wow gold,
wow gold,
wow gold,
wow gold,
wow gold,
wow gold
buy cheap World Of Warcraft gold d3a6l7cs
Post a Comment