Tuesday, March 31, 2009
ABS-CBN + Precious Heart Romances
NATUTUWA ako para sa mga Tagalog romance pocketbook writers dahil maging ang kanilang mga obra ay magkakaroon na rin ng chance na mapanood sa TV. Maraming mahuhusay na Tagalog romance pocketbook writers ang nanatili na lang sa kanilang forte at hindi na sumubok sa ibang field gaya ng TV at film. Sa pamamagitan ng ugnayan sa pagitan ng ABS-CBN at ng higanteng romance pocketbook publication na Precious Heart Romances ay mapapanood na rin sa malapit na hinaharap ang kanilang mga piling obra.
Marami na rin akong nabasang pocketbooks ng PHR at talagang mahuhusay ang kanilang mga writers. Sa kabila ng pagtamlay ng maraming publications ay nanatiling matatag ang PHR at patuloy na humahakot ng mga fans.
Napakabait din ng publisher nito na si G. Jun Matias at napakadaling lapitan. Noong year 2001 ay tumawag lang ako sa kanilang publication at humingi ng mga kopya ng kanilang mga pocketbooks na ginamit kong sample dahil nag-conduct ako ng writing workshop. Kahit hindi niya ako kilala ay nagbigay siya ng mga kopya. No wonder na hanggang ngayon ay patuloy ang kanyang tagumpay.
Ang sumusunod ay ang lumabas na write-up ukol sa bagong proyekto ng ABS-CBN at ng PHR:
“ABS-CBN PARTNERS WITH PRECIOUS HEART ROMANCES”
by Napoleon Quinros
In its tradition of bringing the best drama series on television, ABS-CBN has partnered with Precious Heart Romances in coming up with teleserye based on well-loved romance novels. The Kapamilya network and one of the leading publishers of romance pocket books have signed the deal last February 12. Present in the contract signing were ABS-CBN Head for TV Production Cory V. Vidanes, Direk Lauren Dyogi, Precious Heart Romances Publisher Jun Matias, and Precious Heart Editor-in-Chief Edith Garcia.
Direk Lauren will be spearheading this project and he talked about what viewers can expect from these stories.
“First time ito for ABS-CBN that we acquired lots of titles para gawing teleserye. Gagawin natin ang ‘Bud Brothers’ na isinulat ni Rose Tan at ‘Kristine’ na isinulat ni Martha Cecilia. Usung-uso naman ngayon ‘yung libro na ginagawang TV series o pelikula tulad ng Harry Potter at Twilight. Maraming elemento sa libro ang sigurado akong magugustuhan ng mga tao kapag napanood nila sa TV. ‘Yung mga libro nina Rose Tan, Martha Cecilia, at iba pang writers, binabasa mo pa lang nakikita mo na kung paano lalabas sa telebisyon. Ang lakas ng kilig, ng romance element kaya maraming makaka-relate.”
Publisher Jun Matias said that he is honored with the trust that ABS-CBN gave to their books.
“Masaya kami. Noong una pa lang, sa 18 years ng Precious Heart, nakikita ko nang may potential ang mga books namin na magawa into TV or movie. I think now it’s about time kasi malaki talaga ang market ng romance pocketbooks. Hindi ako naniniwalang hindi nagbabasa ang Pinoy kasi ang sales namin sa Precious Heart, kahit wala kaming promo, bumebenta kami. Also most of Hollywood films ngayon based na rin sa mga books. Ngayon may market na ang mga books namin, confident kami at ang ABS-CBN na may makukuhang market sa TV.”
Matias added that he is very confident ABS-CBN will do justice in translating their pocketbook stories into teleserye.
“We trust ABS-CBN. Malaki na ang napatunayan nila. Thankful din naman kami that ABS-CBN trusted us. Of course may mga technicalities na dapat i-adjust pero open naman kami doon. Basta naroon pa rin ‘yung essence ng story, which I’m sure ay hindi pababayaan ng ABS-CBN.”
Wednesday, March 25, 2009
remembering pandan
FERDINAND ang tunay niyang pangalan. Anak siya ng isa kong kapatid na babae. Panganay si Pandan sa limang magkakapatid. Matanda naman ako sa kanya ng isang taon.
Namalayan ko na lang na magkasama kami sa bahay noong mga baby pa kami. Akala ko nga ay bunso ko siyang kapatid at hindi pamangkin. Hindi pa siya maalagaan ng kanyang ina noon dahil nagtatrabaho kaya kinuha muna ng aking ina. Masasakitin si Pandan noong bata pa, pero naging malusog nang maging seven years old na.
Dahil para nga kaming magkapatid at halos sabay lumaki ay siya ang pinakamalapit sa akin sa mga pamangkin ko. Naghiwalay lang kami nang mag-aral na ako. Lagi kasing umiiyak kapag wala pa ako kaya isinauli na ng kanyang lola sa kanyang ina na noon naman ay handa na sa pagpapamilya dahil nagkaroon din agad ng mga kapatid si Pandan.
Hindi siya mahilig sa basketball pero magaling sa baseball. Noong fourth year high school siya ay napagkampeon niya ang kanilang baseball team dahil sa kanyang homerun.
Kapag may mga okasyon sa aming pamilya ay laging kami ang magkadikit kapag nagkikita-kita. Sanay siya at hindi nao-offend sa aking sense of humor. Sa mga kuha sa pictures ay madalas na mapagkamalang ako siya, o siya ako. Kung minsan ay binibigyan niya ako ng damit niya dahil halos magkasukat lang kami.
Kumpara sa akin ay mas may direksyon ang buhay ni Pandan. Bago nagtapos ng high school ay sinabi niya sa akin na kukuha siya ng two-year electronics course at pagkatapos ay magte-training sa isang sikat na technical school sa Maynila. Ako naman noon ay nangangarap makapasok sa Philippine Military Academy, and later on ay nagplanong maging NPA. Tapos na siya sa mga plano niyang pang-edukasyon, ako naman ay hindi pa malaman kung ano talaga ang gusto sa buhay hanggang sa mag-settle na rin na magtapos ng vocational course.
Isa si Pandan sa pioneer sa Samsung Philippines. Nang nasa Atlas na ako ay dinalaw pa niya ako at binigyan ng car stereo dahil nakabili ako noon ng secondhand car. Binigyan ko naman siya ng Ray-ban sunglasses na napanalunan ko sa raffle. Tamang-tama raw sa kanyang pagmomotorsiklo.
Mahilig siya sa komiks kaya kung minsan ay may inuutusan siya para kumuha ng kopya sa akin. Nang magpakasal ako, the following year ay nagpamilya na rin siya.
Nabalitaan ko na lang na umalis siya sa Samsung dahil hindi nakonsidera sa promotion at nainsulto na ang naging supervisor nila ay mas mahusay pa siya. Pagkaalis sa Samsung ay nagtayo siya ng sariling electronics shop—na hindi agad naging successful dahil napasok ng mga magnanakaw at nalimas lahat ng units na ipinagagawa sa kanya.
Para makabawi sa kamalasan ay nagbuo muna siya ng disco mobile at ipinaaarkila kung saan-saan. Naging successful na ang kanyang venture na ito makalipas ang ilang taon, at sa pamamagitan ng pagho-home service, nakaipon ng puhunan at muling nakapagtayo ng shop. Maganda na ang naging resulta at nakapagtayo pa siya ng ilang branch ng kanyang electronics shop. Humanga ako sa kanyang business savvy.
Ang napansin ko lang, taun-taon ay nanganganak ang kanyang misis. Sabi ko sa kanya, kahit malaki ang kanyang kita, hindi rin niya mararamdaman pagtatagal dahil sa laki ng gagastusin niya sa mga anak lalo na pag nag-aral na ang mga ito. Naghahabol pala siya ng junior dahil hindi sila makatiyempo ng lalaki.
Nang matanggal ako sa Atlas ay naging bihira na ang aming pagkikita. Kung minsan ay tumatawag siya sa telepono at nag-uusap kami. Nagkukumustahan. Sa panahon na hindi maganda ang aking aspeto ng pananalapi ay nag-offer pa siya na magtayo ng shop sa area namin at siya ang bahala sa puhunan para raw may pagkakitaan ako. Sabi ko naman sa kanya ay hindi ko na linya ang mga trabahong teknikal. Bahagya rin niya akong nasumbatan na masyado akong artist ang pananaw sa buhay kaya wala akong lakas ng loob na magnegosyo. At tama siya roon…
Hanggang sa nawalan kami ng komunikasyon. Halos mga limang taon siguro iyon. Hindi ko alam kung bakit. Ang nabalitaan ko na lang ay nakapagpatayo siya ng grocery store at malakas ang kita. Sa isip-isip ko, darating ang araw ay magiging milyunaryo ang pamangkin ko.
Kaya gayun na lamang ang gulat ko nang mag-text sa akin ang pinsan kong si Arnel tungkol kay Pandan. Si Arnel ay isang nurse at employed sa munisipyo ng Batangas. Ganito ang naging pag-uusap namin ni Arnel:
ARNEL: ‘Insan, may sakit pala si Ferdinand, ano?
AKO: Wala akong balita. Paano mo nalaman?
ARNEL: Nakausap ko ang bayaw mo. Narine ako sa ospital sa Lipa City, naka-confine pala dine ilang araw na.
AKO: Gano’n ba? Alam mo naman ‘yang mga pinsan mo hindi marunong magbalita. Ano raw naging sakit?
Ang sumunod niyang text ay nagpahina ng aking mga tuhod.
ARNEL: Insan, huwag kang mabibigla… WALA na siya, eh. Ngayun-ngayon lang. Katatanggal lang ng mga support system. Nag-iiyakan sila rito. Kaya ko nga nakita ay lumabas ako dahil nasa kabilang kuwarto lang ako at may tsinek na pasyente ay biglang may nag-iyakan sa labas. Ngayon ko rin lang nalaman na naka-confine pala siya dine.
Nagde-deadline kami ng The Buzz Magasin noon at sa unang pagkakataon ay hindi ko malaman kung ano’ng gustong gawin ng katawan ko. Gusto kong humagulhol pero pinigilan ko ang sarili ko. Agad kong inayos ang mga gamit ko at umuwi na ako sa bahay at nagkulong sa CR. Nang wala nang nakakakita sa akin saka ako umiyak nang umiyak. Ang pakiramdam ko, namatayan ako ng bunsong kapatid.
Noong pareho pa kaming nasa Batangas ay saksi si Pandan kung paano ko kinakarga ang obligasyong dapat ay ang aking mga nakatatandang kapatid ang gumanap. Ang kanyang ina ay isa sa mga tumalikod sa tungkulin ng isang anak sa magulang. Nakita niya kung paano kami nagkaroon ng mabigat na komprontasyon ng kanyang ina dahil sa napakaraming isyung pampamilya. Matagal kaming hindi nag-usap ng kanyang ina, nagkabati na lang kami nang pumanaw ang aking ama. Sa kabila nito ay hindi kami nagkaroon ni Pandan ng iringan at madalas ay ako ang kanyang kinakampihan.
Kung napakasakit ng naging kamatayan ni Pandan ay higit pa sa doble ang naramdaman ko noong araw na dumalaw ako sa kanyang burol. Naroon siya sa loob ng ataul, batambata, malayo pa sana ang mararating pero napakaikli ng naging buhay. Sa pagmamasid ko sa kanyang mukha ay nag-flashback sa akin ang mga panahon noong pareho pa kaming bata na naglalaro, naghahati sa hinog na saging, nag-uunahan sa panghuhuli ng manok. Ang pag-iyak niya tuwing nagbibihis ako para pumasok sa school at pagpupumilit na sumama. Ang kanyang pagbabantay sa pagdating ko mula sa school at ang pagkislap ng kanyang mga mata kapag natanaw na niya ako.
Hindi pa rin ako nakaka-recover sa lungkot sa nangyari sa kanya. Matatagalan pa siguro. Marami akong regrets. Ni hindi ko nalaman na maysakit na pala siya. Hindi ko man lang siya nakita at nakausap sa mga huling araw niya.
Ngayon, March 25, 2009 ang unang death anniversary ni Pandan. Mula nang pumanaw siya ay hindi man lang siya nagparamdam sa akin. Hindi rin dumadalaw kahit sa panaginip. Nangangahulugan na masaya na siya sa kanyang kinaroroonan ngayon—at nagpapaluwag iyon sa aking dibdib.
Tuesday, March 17, 2009
piggy bank, yellow pad and netbook
KAPAG may mahigpit tayong pangangailangan saka natin naiisip kung bakit may mga pagkakataon na nagiging bulagsak tayo sa pera. Sabagay ay hindi naiiwasan ang ganoong attitude na kapag may hawak tayong pera ay nawawala tayo sa sarili kung ano ba ang dapat gawin dito o ano ang mas priority na bilhin. Usually kapag nakahawak tayo ng pera na medyo malaki, ang una nating naiisip na paglaanan ay ang mga bagay na ibinabandera ng mga commercials. Guilty ako sa ganitong aspeto at biktima ng mapanghalinang mga patalastas.
Kagaya noong December na on impulse ay bumili ako ng set ng RJ guitar and amplifier samantalang marami naman akong gitara sa bahay and I’m not a good guitar player. Bihira rin naman akong tumugtog. Natuwa lang ako sa porma at sa size. Matapos kong mabili, nakatambak lang sa bahay at ni hindi ko pa naise-setup man lang. Na-realize ko lang ang pagkakamali ko nang magdatingan ang bills at muntik na akong kinapos dahil sa hindi naman importanteng bagay na aking nabili.
Last week ay nagsabi sa akin si Inez na medyo kailangan na niya ng laptop dahil dumarami na ang kanilang research works at magsisimula na rin siya ng thesis at practicum. Unlike me ay hindi siya impulsive buyer. Nang magsimula siyang mag-college ay nalaman niyang kailangan niyang magtipid sa maraming bagay, hindi nga lang sa pagkain dahil importanteng malusog ang katawan. Ang gamit niyang cellphone ay noong nasa high school pa siya.
Sabi ko sa kanya ay puwede naman niyang gamitin ang laptop ko na halos hindi ko nabubuksan. Nagdadalawang-isip siguro siya dahil medyo malapad at may kabigatan kumpara sa naglalabasang netbooks ngayon. Nagkibit-balikat lang siya, based on her reaction, parang sinasabi niyang, “Sige, kung wala puwede na ‘yan.”
She’s doing well in school at matagal ko na ring plano na bigyan siya ng reward. Nagkataon naman na kung kailan siya nagsabi ay malakas ang aming gastos at malapit na uli ang kanilang enrolment. Hindi ko pa nakukumpleto ang pambayad niya para sa susunod na semester.
Saka ko naman naalala ang aking ‘piggy bank.’
Hindi naman talagang piggy bank. Para itong transparent na water jug na regalo sa akin ng aking mother-in-law three years ago. Nakatuwaan ko itong lagyan ng mga barya (P20, P50, P100) kapag may natitira sa bulsa ko, at P200 kapag payday mula nang matanggap ko. Kahit may mga pagkakataon na gipit kami ay pinaglalabanan ko ang tukso na buksan ito. Matapos naming mag-usap ni Inez ay sinilip ko ang ‘piggy bank’. Mukhang marami na talagang laman. Good thing na hindi ko naisipang magbukas ng account sa alinmang bangko ni Celso Delos Angeles at nagkasya na lang ako sa good old fashioned way of saving money, kung nagkataon nakasama pa ako sa nagoyo ng criminal genius. Binilang ko ang laman at mukhang mapapasaya ko ang aking dalagita.
Nag-Google ako ng mga available netbooks sa mga computer store. May ilang modelo na below P10,000 ang presyo at kung basic computing and Internet lang naman ay puwede na. Maliliit nga lang ang screen na 7 inches. Nang ipakita ko kay Inez ang mga unit ay mukhang hindi siya kumbinsido dahil maliit ang screen at hindi ganoon kalaki ang storage. Nang mag-search pa kami, ang Lenovo Ideapad ang nag-swak sa kanyang panlasa lalo pa at medyo maganda na ang size ng screen nito na 10.2 inches. Kung sakali, gusto raw niya ang kulay red.
Ang plano ko sana talaga ay mabilhan siya ng MacBook pero malabong makaipon agad ako sa panahong ito. Ang secondhand naman ay mataas din ang presyo, at dahil wala nang warranty, napakadelikado kapag nagkatrobol lalo pa at mahal ang spare parts ng Mac gaya ng naging karanasan ni Reno Maniquis.
Last Sunday ay nakuha ni Inez ang kanyang netbook. Nang magbayad ako ay dala-dala ko ang aking mga naipon at nagulat ang cashier sa sobrang daming barya na dala ko. Tumama ‘kako ako sa huweteng. At dahil cash ang payment, sangkatutak din ang nakulimbat kong freebies.
Habang tinu-tune up ni Inez ang netbook sa bahay ay ikinuwento ko sa kanya kung gaano kahirap ang buhay-estudyante noong araw. Maghihintay ka sa library kung kailan mo mahihiram ang libro na hindi puwedeng iuwi sa bahay. Kung walang pampa-xerox, madalian mong babasahin at isusulat sa yellow pad ang mahahalagang detalye at saka mo na lang ire-rewrite nang maayos pag-uwi sa bahay at pagsasamahin kung ano ang natanim sa isip habang nagbabasa at ang naitala sa yellow pad. Kapag naiwala mo pa ang pinagsulatang yellow pad, katumbas iyon ng file ngayon na aksidenteng na-trash, na-corrupt o kaya’y na-virus.
Ngayon, sa pamamagitan ng Internet ay walang limit ang pagkukunan ng impormasyon. Basta may WiFi, anytime ay puwedeng magbukas ng laptop at mahahanap ang mga kailangang tapusing assignment.
But that’s life. Kanya-kanyang panahon, kanya-kanyang sistema at sitwasyon.
Enjoy naman siya sa kanyang netbook at mukhang lalong na-inspire sa pag-aaral. Ako naman ay balik sa pag-iipon ng barya sa aking piggy bank na muntik nang mag-close account. Siguro ay mas lalakihan ko na ang ihuhulog dito ngayon dahil napatunayan kong malaki pala ang maitutulong lalo na sa mga pagkakataong kailangang-kailangan ang cash.
Thursday, March 12, 2009
of good name and great riches...
ISANG bagong kaopisina ko sa ABS-CBN Publishing at mula sa ibang department ang naging curious sa pangalan ko. Ano raw ang ibig sabihin ng KC? Mula nang gamitin ko ang nickname na ito ay makalibong beses na akong tinanong nang ganito.
Sa Atlas Publishing na lang ako naging KC. Nahabaan kasi ako sa Karlo Cesar kung bubuuin ko pa ang mga first names ko sa byline. Noong una ay may period pa ito sa bawat initials (K.C. Cordero) hanggang sa nakatamaran na siguro ng mga illustrator na lagyan ng period at naging KC na nga lang.
Sabi ng kaopisinang nabanggit ko na sa itaas, pag ipinanganak daw noong ‘60s at dalawa ang first name ay tiyak na galing sa mayamang angkan. Well, mayaman ang angkan ng tatay ko pero kami mismo ay hindi.
Ayon sa aking ama, ang aking lola ang nagbigay ng aking pangalan. No wonder na noong bata pa ako at buhay pa ang aking lola ay ako ang kanyang paboritong apo. At kung paano naisip ng lola ko ang aking pangalan ay isang interesting na kuwento.
Noong araw na barilin si Dr. Jose Rizal sa Bagumbayan ay isa ang aking lola sa mga sinundo ng mga sundalong Kastila para saksihan ang gagawing pagpaslang sa ating dakilang bayani. Mula sa Batangas ay ilang araw na naglakad ang aking lola kasama ang ilan pang ‘ilustrado’ mula sa lalawigan. Teener pa lang siya noon; about the age of the so-called dainty daisy.
Isa sa mga sundalong Kastila diumano ang nagkaroon ng crush sa aking lola. (Haba ng hair ni Lola!). Binigyan ng nasabing soldado ng espesyal na atensyon ang aking lola mula pagsundo hanggang sa paghahatid sa kanila pabalik sa Batangas.
Hindi doon natapos ang infatuation ng nasabing foot soldier sa aking lola at madalas na itong dumalaw sa kanya para manligaw. Ngunit ang panganay na kapatid ng aking lola ay isang barakong ‘cacique’ noong mga panahong iyon, at ang lugar na kanyang pinamamahalaan bilang lider ay isa sa malakas magpasok ng rentas internas sa kaban ng mga Kastila kaya nagawan nito ng paraan na maipalipat ng destino ang nasabing sundalo. Hindi naman yumabong ang pag-iibigan ng aking lola at ng sundalo ngunit nagkaroon siguro siya ng fondness rito kaya makalipas ang ilang dekada, ang pangalan ng nasabing sundalo ay siyang ipinangalan niya sa pinakahuli at paborito niyang apo.
Marami akong naging nicknames o bansag mula sa mga kababaryo ko at kaklase pero walang tumawag sa akin ng KC—at sa Atlas na nga lang nangyari iyon. At the height of my ‘freak popularity’ as a comics and paperback writer/editor, madalas akong mapagkamalang babae ng mga readers. Nakatatanggap ako noon ng fan mails mula sa mga lalaki at nagtatanong kung ‘dalaga’ pa ako. Nakatanggap din ako ng ilang marriage proposals, mula pa rin sa mga lalaki. Isang fan ko ang nag-ilusyon na kamukha ko raw siguro si Lucy Torres!
Madalas din akong mapagkamalang bakla. Sa mga gatherings ng mga writer ay naiipakilala ako na ang 70s-80s entertainment writer na si KC Guerrero. Ang mga ganitong insidente ang dahilan kung bakit may mga pagkakataon na binubuo ko ang mga pangalan ko sa byline para malaman ng readers na lalaki po ako. Nang sumikat si KC Montero ay nabawasan ang aking agony. May kapangalan na ako na lalaki rin.
Hindi ko alam kung bakit pero may mga kaopisina ako na ‘Karlo Cesar’ ang ipinangalan sa kanilang mga anak. Ano na kaya ang nangyari sa mga batang iyon ngayon?
Maging ang mga kapatid ko ay isinunod din sa pangalan ko ang ilan sa kanilang mga anak. Kaya sa baryo namin ay ilan-ilan ang pamangkin ko na ‘Karlo Cesar’; all of them bums and forgettable namesakes. The bastards can’t even tell the difference between a subject and a predicate. Worst, they can’t play good basketball.
Minsang nagbibiruan kami ng misis ko habang kumakain ay napag-usapan namin ang mga pangalan. Sabi ko sa kanya, ano kaya kung magpalit ako ng pangalan? Tanong niya, ano raw ang ipapalit ko?
She’s a big fan of Spider-man kaya sabi ko sa kanya, siguro ay Peter Parker. Hindi ba’t napaka-cool kung itatanong kung sino ang mister niya at ang isasagot niya ay walang iba kundi si Peter Parker Cordero?
Hindi niya natapos ang pagkain sa katatawa. At ang kanyang naging disposisyon, bahala raw ako pero hinding-hindi siya magpapalit ng pangalan para maging Mrs. Maryjane ‘Peter Parker’ Cordero!
At naisip ko rin naman, with such a big name comes great responsibilities. Aba, nakaka-pressure naman yata ‘yon! Kaya stick na lang ako sa pangalan ko ngayon.
Second year high school ako nang pumanaw ang mahal kong lola. Iyon ang panahon na masyado akong engrossed sa biology at bawat bagay na makita ko; tao, hayop o halaman, ay iniisip ko kung saang kingdom kasama, anong phylum, anong class, scientific name, etc. etc. Kung sa panahong ito nangyari ang kanyang pagpanaw, my criminal mind fully developed, tiyak na bago niya hinigit ang kanyang huling hibla ng hininga ay nakapagpamirma ako sa kanya ng dokumento na nagsasaad na isinasalin niya sa akin ang ilang puwesto niya sa palengke ng Batangas Public Market.
Honestly, naiisip ko ito kung minsan, and I guess that could have scared the hell of my relatives na siyang nakamana ng kanyang mga naiwang yaman. Ano ba naman ‘yung masingil ko si Lola sa pagbibigay sa akin ng isang pangalan na nagpapaalala sa kanya ng isang binatang marahil ay hinangaan din naman ng kanyang puso?
Ngunit sa mas madalas na pagkakataon ang takbo ng aking isip ay nasa liwanag. Naiisip ko, siguro nga ay nakatakdang punanaw si Lola na wala pa akong alam sa buhay para ang pamanang maiiwan niya sa akin ay wala sa porma ng pera o yaman kundi sa pagkakaroon ng maliit na pangalan pero minamahal at nirerespeto ng sinuman. Sabi nga sa Proverbs: 22: 1, “A good name is rather to be chosen than great riches…”
Minsang namimitas kami ng aking ama ng mga hinog na kape ay naitanong ko sa kanya na kung wala bang ibinigay na pangalan ang aking lola sa akin, may naisip ba siya na dapat kong naging pangalan? Matagal siyang nagbalik-tanaw sa diwa bago sumagot na wala raw. Hindi na raw siya nakapag-isip dahil naroon ang lola ko nang sumulpot ako sa sangmaliwanag—at pagkakita na mayroon akong LAWIT—oramismong nagdeklara kung ano ang aking magiging pangalan.
Hula ko lang… kung hindi ako pinangalanan ng aking lola ay malamang na naging junior ako dahil walang kapangalan ang aking ama sa mga kapatid kong lalaki. Kung nagkataon, makikilala sana ninyo ako hindi bilang Karlo Cesar A. Cordero kundi Luis A. Cordero II. Aba, may dating! Parang ang guwapo! Hindi na mukhang Lucy Torres kundi Richard Gomez.
At kung Luis nga ang naging pangalan ko, alam ko na kung ano ang aking magiging nickname at kung paano ninyo ako ige-greet kapag nagkikita-kita tayo.
Sige nga, sabay-sabay: “I love you, LUCKY… Cordero!”
Tuesday, March 10, 2009
the buzz magasin april 2009 issue
NGAYON ko lang na-realize na kahit pala associate editor ako ng The Buzz Magasin ay hindi na ako nakapagsusulat ng anumang articles dito, and I’m just doing what I am suppose to do—ang mag-edit ng mga submitted articles ng aming mga contributors, and from time to time ay magbigay ng opinion kung ano ang mga pagbabagong dapat gawin.
Sa mga unang isyu ng The Buzz Magasin noong umpisahan ito year 2003 ay laging marami akong sinusulat na articles, usually mga banner stories pa. Kumpara sa pagsusulat sa komiks, paperbacks, literary magazines and newspapers, I found out that writing showbiz articles was also some sort of a leap of faith. Napapasok mo ang teritoryo ng mga celebrities, nalalaman mo ang kanilang pagiging mortal sa kabila ng kasikatan. Bagong karanasan iyon sa akin noon, and it was amusingly fun. Iyon din ang panahon na ang The Buzz Magasin ay naglalaro ang circulation sa 100,000 copies per issue.
Pero kung nagtatrabaho kayo sa publication (o siguro kahit naman saang kumpanya), ang sitwasyon ay hindi laging bed of roses. At one point I decided that I should put my showbiz writings on hold and simply concentrate on editing chores.
Sa isyu ngayon, April 2009, na lalabas middle of this month ay nagsulat muli ako ng dalawang articles; a three-page tribute to the Pinoy king of rap Francis Magalona who passes away a couple of days ago, and a report on the much heralded reunion concert of the Eraserheads. Sana nabigyang-katarungan ko ang mga nasabing articles. Well, Tintin, our managing editor was so touched by my Francis M article that she lifted my last paragraph there and posted on her online journal.
On Saturday and Sunday (March 14-15), the whole staff of The Buzz Magasin will have a teambuilding and workshop to be held somewhere in San Pablo City. Medyo malapit siguro kina Ka Gerry Alanguilan, pero hindi namin siya aabalahin at baka makagat kami nina Boney at Milky—his now two famous dogs. If we wanna see the famous komikero in flesh, maybe the staff should attend in one of his komikero meetings.
Anyway, the teambuilding and the workshop are the much needed tools in our plans to reformat our magazine starting next issue para lalong mag-enjoy ang mga kapamilya at mga kapuso. Habang umaasa ako na makapagsulat muli ng maraming showbiz articles, target naman ng team na madoble o matriple ang aming circulation—na sa tingin ko ay hindi naman masyadong mataas na goal.
Saturday, March 7, 2009
FrancisM
NAGTATANGHALIAN kami kahapon sa The Loop ng ELJ Building, ABS-CBN nang kumalat ang usap-usapan na sumakabilang-buhay na si Francis Magalona. Nang makita kong ipina-flash sa TV screen ang balita, totoo na pala talaga. Isa ako sa milyun-milyong Pilipinong nakaramdam ng kalungkutan sa naganap.
Fan ako ni Kiko hindi siguro dahil sa kanyang musika kundi sa kanyang pagiging role model. Sa kabila ng kanyang pagiging abala sa trabaho ay maayos niyang naitataguyod ang kanyang pamilya. Isa rin siya sa mga artist na laging nagtataas ng antas ng pagiging Pilipino sa paningin ng mundo, at ang mensahe ng kanyang awitin ay nananawagan ng patriotismo.
Sa larangan ng musika, kasama siya sa mga nirerespeto ng mga musikerong mula sa iba’t ibang genre. Pinaangat niya sa mainstream ang Pinoy rap, at siya lang ang matagumpay na nakapag-merge ng rap at Pinoy rock.
Tapos na sana kami ng deadline ng April 2009 issue ng The Buzz Magasin noong Friday na pumanaw siya pero nag-request ako sa mga kasamahan ko kung puwede pang mag-extend ng araw para maihabol ang ilang pahinang tribute para kay Kiko, at pumayag naman sila. Kailangang kilalanin at dakilain ang mga nagawa at naiambag ng isang tunay na artist sa larangan ng musika at pelikula.
(NOTE: Above image lifted from Francis M’s online T-shirt store)
Sunday, March 1, 2009
'In His Steps' illustrated by Fred Carrillo
HINDI ko na inabutan na aktibo pa sa local comics si G. Fred Carrillo, but if my memory serves me right, noong bata pa ako ay drowing niya ang isang nobela sa Liwayway na bahagyang nasubaybayan ko na tungkol sa isang aso, named Rex, na nag-alaga ng batang lalaki na nakaligtas sa plane crash. Posibleng mali ako pero ang hagod at pigura ng mga karakter sa nobelang iyon ay hawig dito sa religious comics na siya ang nagdrowing.
Sa Booksale ko nadampot ang komiks na ito na may pamagat na ‘In His Steps’ at sinulat ni Charles Sheldon. Google yielded a lot of results about this comics and of Charles Sheldon when I searched about it at kung may makukuha akong images dahil tinatamad sana akong mag-scan. Naka-credit din ito kay Mang Fred. Maraming edition ang novel na ito at iba’t ibang artist ang nagdibuho.
Copyrighted ang edition na ito noong 1994 and it is safe to conclude na ginawa ni Mang Fred ang illustrations nito earlier than the said date. Sa editorial box ay malaki ang pangalan niya as the penciller, at siya rin ang nag-ink ng pages 1-23 at pages 81-92. Maganda ang quality ng papel na ginamit, perfect binding at makapal din ang cover.
May nakita akong image nito sa isang online store na nagbebenta ng mga gawa ni Mang Fred pero masyadong maliit kaya napilitan akong mag-scan ng cover at ilang pahina.
Dahil religious novel ay walang masyadong action scenes na nakapagpakita sana ng dynamics ng artworks ni Mang Fred, pero maoobserbahan ang ganda ng kanyang hagod at klasikong style.
Subscribe to:
Posts (Atom)