Wednesday, March 25, 2009
remembering pandan
FERDINAND ang tunay niyang pangalan. Anak siya ng isa kong kapatid na babae. Panganay si Pandan sa limang magkakapatid. Matanda naman ako sa kanya ng isang taon.
Namalayan ko na lang na magkasama kami sa bahay noong mga baby pa kami. Akala ko nga ay bunso ko siyang kapatid at hindi pamangkin. Hindi pa siya maalagaan ng kanyang ina noon dahil nagtatrabaho kaya kinuha muna ng aking ina. Masasakitin si Pandan noong bata pa, pero naging malusog nang maging seven years old na.
Dahil para nga kaming magkapatid at halos sabay lumaki ay siya ang pinakamalapit sa akin sa mga pamangkin ko. Naghiwalay lang kami nang mag-aral na ako. Lagi kasing umiiyak kapag wala pa ako kaya isinauli na ng kanyang lola sa kanyang ina na noon naman ay handa na sa pagpapamilya dahil nagkaroon din agad ng mga kapatid si Pandan.
Hindi siya mahilig sa basketball pero magaling sa baseball. Noong fourth year high school siya ay napagkampeon niya ang kanilang baseball team dahil sa kanyang homerun.
Kapag may mga okasyon sa aming pamilya ay laging kami ang magkadikit kapag nagkikita-kita. Sanay siya at hindi nao-offend sa aking sense of humor. Sa mga kuha sa pictures ay madalas na mapagkamalang ako siya, o siya ako. Kung minsan ay binibigyan niya ako ng damit niya dahil halos magkasukat lang kami.
Kumpara sa akin ay mas may direksyon ang buhay ni Pandan. Bago nagtapos ng high school ay sinabi niya sa akin na kukuha siya ng two-year electronics course at pagkatapos ay magte-training sa isang sikat na technical school sa Maynila. Ako naman noon ay nangangarap makapasok sa Philippine Military Academy, and later on ay nagplanong maging NPA. Tapos na siya sa mga plano niyang pang-edukasyon, ako naman ay hindi pa malaman kung ano talaga ang gusto sa buhay hanggang sa mag-settle na rin na magtapos ng vocational course.
Isa si Pandan sa pioneer sa Samsung Philippines. Nang nasa Atlas na ako ay dinalaw pa niya ako at binigyan ng car stereo dahil nakabili ako noon ng secondhand car. Binigyan ko naman siya ng Ray-ban sunglasses na napanalunan ko sa raffle. Tamang-tama raw sa kanyang pagmomotorsiklo.
Mahilig siya sa komiks kaya kung minsan ay may inuutusan siya para kumuha ng kopya sa akin. Nang magpakasal ako, the following year ay nagpamilya na rin siya.
Nabalitaan ko na lang na umalis siya sa Samsung dahil hindi nakonsidera sa promotion at nainsulto na ang naging supervisor nila ay mas mahusay pa siya. Pagkaalis sa Samsung ay nagtayo siya ng sariling electronics shop—na hindi agad naging successful dahil napasok ng mga magnanakaw at nalimas lahat ng units na ipinagagawa sa kanya.
Para makabawi sa kamalasan ay nagbuo muna siya ng disco mobile at ipinaaarkila kung saan-saan. Naging successful na ang kanyang venture na ito makalipas ang ilang taon, at sa pamamagitan ng pagho-home service, nakaipon ng puhunan at muling nakapagtayo ng shop. Maganda na ang naging resulta at nakapagtayo pa siya ng ilang branch ng kanyang electronics shop. Humanga ako sa kanyang business savvy.
Ang napansin ko lang, taun-taon ay nanganganak ang kanyang misis. Sabi ko sa kanya, kahit malaki ang kanyang kita, hindi rin niya mararamdaman pagtatagal dahil sa laki ng gagastusin niya sa mga anak lalo na pag nag-aral na ang mga ito. Naghahabol pala siya ng junior dahil hindi sila makatiyempo ng lalaki.
Nang matanggal ako sa Atlas ay naging bihira na ang aming pagkikita. Kung minsan ay tumatawag siya sa telepono at nag-uusap kami. Nagkukumustahan. Sa panahon na hindi maganda ang aking aspeto ng pananalapi ay nag-offer pa siya na magtayo ng shop sa area namin at siya ang bahala sa puhunan para raw may pagkakitaan ako. Sabi ko naman sa kanya ay hindi ko na linya ang mga trabahong teknikal. Bahagya rin niya akong nasumbatan na masyado akong artist ang pananaw sa buhay kaya wala akong lakas ng loob na magnegosyo. At tama siya roon…
Hanggang sa nawalan kami ng komunikasyon. Halos mga limang taon siguro iyon. Hindi ko alam kung bakit. Ang nabalitaan ko na lang ay nakapagpatayo siya ng grocery store at malakas ang kita. Sa isip-isip ko, darating ang araw ay magiging milyunaryo ang pamangkin ko.
Kaya gayun na lamang ang gulat ko nang mag-text sa akin ang pinsan kong si Arnel tungkol kay Pandan. Si Arnel ay isang nurse at employed sa munisipyo ng Batangas. Ganito ang naging pag-uusap namin ni Arnel:
ARNEL: ‘Insan, may sakit pala si Ferdinand, ano?
AKO: Wala akong balita. Paano mo nalaman?
ARNEL: Nakausap ko ang bayaw mo. Narine ako sa ospital sa Lipa City, naka-confine pala dine ilang araw na.
AKO: Gano’n ba? Alam mo naman ‘yang mga pinsan mo hindi marunong magbalita. Ano raw naging sakit?
Ang sumunod niyang text ay nagpahina ng aking mga tuhod.
ARNEL: Insan, huwag kang mabibigla… WALA na siya, eh. Ngayun-ngayon lang. Katatanggal lang ng mga support system. Nag-iiyakan sila rito. Kaya ko nga nakita ay lumabas ako dahil nasa kabilang kuwarto lang ako at may tsinek na pasyente ay biglang may nag-iyakan sa labas. Ngayon ko rin lang nalaman na naka-confine pala siya dine.
Nagde-deadline kami ng The Buzz Magasin noon at sa unang pagkakataon ay hindi ko malaman kung ano’ng gustong gawin ng katawan ko. Gusto kong humagulhol pero pinigilan ko ang sarili ko. Agad kong inayos ang mga gamit ko at umuwi na ako sa bahay at nagkulong sa CR. Nang wala nang nakakakita sa akin saka ako umiyak nang umiyak. Ang pakiramdam ko, namatayan ako ng bunsong kapatid.
Noong pareho pa kaming nasa Batangas ay saksi si Pandan kung paano ko kinakarga ang obligasyong dapat ay ang aking mga nakatatandang kapatid ang gumanap. Ang kanyang ina ay isa sa mga tumalikod sa tungkulin ng isang anak sa magulang. Nakita niya kung paano kami nagkaroon ng mabigat na komprontasyon ng kanyang ina dahil sa napakaraming isyung pampamilya. Matagal kaming hindi nag-usap ng kanyang ina, nagkabati na lang kami nang pumanaw ang aking ama. Sa kabila nito ay hindi kami nagkaroon ni Pandan ng iringan at madalas ay ako ang kanyang kinakampihan.
Kung napakasakit ng naging kamatayan ni Pandan ay higit pa sa doble ang naramdaman ko noong araw na dumalaw ako sa kanyang burol. Naroon siya sa loob ng ataul, batambata, malayo pa sana ang mararating pero napakaikli ng naging buhay. Sa pagmamasid ko sa kanyang mukha ay nag-flashback sa akin ang mga panahon noong pareho pa kaming bata na naglalaro, naghahati sa hinog na saging, nag-uunahan sa panghuhuli ng manok. Ang pag-iyak niya tuwing nagbibihis ako para pumasok sa school at pagpupumilit na sumama. Ang kanyang pagbabantay sa pagdating ko mula sa school at ang pagkislap ng kanyang mga mata kapag natanaw na niya ako.
Hindi pa rin ako nakaka-recover sa lungkot sa nangyari sa kanya. Matatagalan pa siguro. Marami akong regrets. Ni hindi ko nalaman na maysakit na pala siya. Hindi ko man lang siya nakita at nakausap sa mga huling araw niya.
Ngayon, March 25, 2009 ang unang death anniversary ni Pandan. Mula nang pumanaw siya ay hindi man lang siya nagparamdam sa akin. Hindi rin dumadalaw kahit sa panaginip. Nangangahulugan na masaya na siya sa kanyang kinaroroonan ngayon—at nagpapaluwag iyon sa aking dibdib.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
12 comments:
nakakalungkot naman ang kwento mo dahil sa hindi mo man lang sha nakita bago pumanaw. im sure nasa maganadang lugar na sha ngayon at buti na lang umalis sha ng samsung. iba talaga kapag negosyante. hindi rin advisable na employed lang tayo dahil wala tayong maiiwan sa mga anak natin if ever...
hazel,
oo nga e. sa ngayon naiisip ko na rin mag-start kahit maliit na negosyo at kahit wala sa line ng publishing.
KC:
Maybe Pandan worked too hard and forgot to pay attention to his health.
But, his mission here on earth is done and I'm sure he is at peace now.
The dead is set free, and the livving who were left behind will carry the cicatrix.
Such is the tragedy of life here on earth.
JM,
and findings ay nalason ang dugo. dahil siguro sa exposure sa lead na gamit sa paghihinang ng electronics spare parts.
Nalason ang dugo? IpaAutopsy nyo sya,baka may kapabayaan ang nurse o duktor. Septicemia(pagkalason ng dugo) ay common effect ng poor nursing and medicalcare tulad ng di pagsunod sa tamang aseptic technique sa pagiinsert ng swero o paghihiwa ng balat (in case ofsurgery) o sa pagpapasak ng mga tubo sa loob ng katawan. ang pagkalaqson ng dugo ay dahil sa toxins na dulot ng mga bacteria na nakapasok sa loob ng katawan(partikularsadaluyan ng dugo) na nagdulot ng impeksyon nakumakalat sa buong katawan.Umuuwi ito sa Septic Shock na nagdudulot ng agad na kamatayan.
btw,Registered nurseako.
Anito:
It's either that, or it wasn't septicemia at all, but LEAD POISONING (saturnism, plumbism, or painter's colic). The guy must had been exposed repeatedly to lead. The death certificate will confirm this.
I believe the patient's remains were autopsied?
Lead is used in the soldering process in the form of lead/silver filler metals (commonly used in electronics parts). When heated, lead oxide fumes are formed. Excessive exposure to lead oxide fumes can result in lead poisoning. Symptoms include loss of appetite, indigestion, nausea, vomiting, constipation, headache, abdominal cramps, nervousness, and insomnia. Lead is absorbed through the mucous membranes of the lung, stomach, or intestines and then enters the bloodstream
anito,
thanks for the info pero tama si JM (the cool canadian) na
'yung exposure ni pandan sa matagal na paggamit ng lead sa kanyang work kasi nga technician siya ang naging sanhi ng pagkalason ng kanyang dugo. his medical case is almost the same as that of francism.
Nakikiramay ako sa iyong kalungkutan, kapatid na KC. bagama't hindi ko nakikilala si Pandan ay para na rin siyang isang mabuting kaibigan na nakakalungkot ang pagpanaw.
Hinahangad ko ang kanyang mapayapang paglalakbay sa kabilang buhay.
dennis,
salamat. :)
ang lungkot ng mawalan ng isang ka-close na parang kambal bituka na kayo...
nasa maganda kalagayan na sya ngayon for sure...
dami tlagang magaganda sa batangas like agoncillo, balete, alitagtag
ang ganda nmn ng kwento mo.., kakatouch ung turingan nyo.., masakit talga un girl.., pro yaan mo n.., atleast masaya nmn na siguro xa sa kinaroroonan nya ngayon.., masay xa kac makakapagpahinga na xa.., sobrang pagod at effort rin cguro ang ginawa nya kea xa umunlad ng ganon,, di nya namamalayan na ang napapabayaan na nya ung health nya....., pro atleast alam n nya at masaya na xa dahil kh8 papano may maiiwan xa sa pamilya nya...
Post a Comment