Thursday, March 12, 2009

of good name and great riches...

Photobucket

ISANG bagong kaopisina ko sa ABS-CBN Publishing at mula sa ibang department ang naging curious sa pangalan ko. Ano raw ang ibig sabihin ng KC? Mula nang gamitin ko ang nickname na ito ay makalibong beses na akong tinanong nang ganito.

Sa Atlas Publishing na lang ako naging KC. Nahabaan kasi ako sa Karlo Cesar kung bubuuin ko pa ang mga first names ko sa byline. Noong una ay may period pa ito sa bawat initials (K.C. Cordero) hanggang sa nakatamaran na siguro ng mga illustrator na lagyan ng period at naging KC na nga lang.
Sabi ng kaopisinang nabanggit ko na sa itaas, pag ipinanganak daw noong ‘60s at dalawa ang first name ay tiyak na galing sa mayamang angkan. Well, mayaman ang angkan ng tatay ko pero kami mismo ay hindi.

Ayon sa aking ama, ang aking lola ang nagbigay ng aking pangalan. No wonder na noong bata pa ako at buhay pa ang aking lola ay ako ang kanyang paboritong apo. At kung paano naisip ng lola ko ang aking pangalan ay isang interesting na kuwento.

Noong araw na barilin si Dr. Jose Rizal sa Bagumbayan ay isa ang aking lola sa mga sinundo ng mga sundalong Kastila para saksihan ang gagawing pagpaslang sa ating dakilang bayani. Mula sa Batangas ay ilang araw na naglakad ang aking lola kasama ang ilan pang ‘ilustrado’ mula sa lalawigan. Teener pa lang siya noon; about the age of the so-called dainty daisy.

Isa sa mga sundalong Kastila diumano ang nagkaroon ng crush sa aking lola. (Haba ng hair ni Lola!). Binigyan ng nasabing soldado ng espesyal na atensyon ang aking lola mula pagsundo hanggang sa paghahatid sa kanila pabalik sa Batangas.

Hindi doon natapos ang infatuation ng nasabing foot soldier sa aking lola at madalas na itong dumalaw sa kanya para manligaw. Ngunit ang panganay na kapatid ng aking lola ay isang barakong ‘cacique’ noong mga panahong iyon, at ang lugar na kanyang pinamamahalaan bilang lider ay isa sa malakas magpasok ng rentas internas sa kaban ng mga Kastila kaya nagawan nito ng paraan na maipalipat ng destino ang nasabing sundalo. Hindi naman yumabong ang pag-iibigan ng aking lola at ng sundalo ngunit nagkaroon siguro siya ng fondness rito kaya makalipas ang ilang dekada, ang pangalan ng nasabing sundalo ay siyang ipinangalan niya sa pinakahuli at paborito niyang apo.

Marami akong naging nicknames o bansag mula sa mga kababaryo ko at kaklase pero walang tumawag sa akin ng KC—at sa Atlas na nga lang nangyari iyon. At the height of my ‘freak popularity’ as a comics and paperback writer/editor, madalas akong mapagkamalang babae ng mga readers. Nakatatanggap ako noon ng fan mails mula sa mga lalaki at nagtatanong kung ‘dalaga’ pa ako. Nakatanggap din ako ng ilang marriage proposals, mula pa rin sa mga lalaki. Isang fan ko ang nag-ilusyon na kamukha ko raw siguro si Lucy Torres!

Madalas din akong mapagkamalang bakla. Sa mga gatherings ng mga writer ay naiipakilala ako na ang 70s-80s entertainment writer na si KC Guerrero. Ang mga ganitong insidente ang dahilan kung bakit may mga pagkakataon na binubuo ko ang mga pangalan ko sa byline para malaman ng readers na lalaki po ako. Nang sumikat si KC Montero ay nabawasan ang aking agony. May kapangalan na ako na lalaki rin.

Hindi ko alam kung bakit pero may mga kaopisina ako na ‘Karlo Cesar’ ang ipinangalan sa kanilang mga anak. Ano na kaya ang nangyari sa mga batang iyon ngayon?

Maging ang mga kapatid ko ay isinunod din sa pangalan ko ang ilan sa kanilang mga anak. Kaya sa baryo namin ay ilan-ilan ang pamangkin ko na ‘Karlo Cesar’; all of them bums and forgettable namesakes. The bastards can’t even tell the difference between a subject and a predicate. Worst, they can’t play good basketball.

Minsang nagbibiruan kami ng misis ko habang kumakain ay napag-usapan namin ang mga pangalan. Sabi ko sa kanya, ano kaya kung magpalit ako ng pangalan? Tanong niya, ano raw ang ipapalit ko?
She’s a big fan of Spider-man kaya sabi ko sa kanya, siguro ay Peter Parker. Hindi ba’t napaka-cool kung itatanong kung sino ang mister niya at ang isasagot niya ay walang iba kundi si Peter Parker Cordero?

Hindi niya natapos ang pagkain sa katatawa. At ang kanyang naging disposisyon, bahala raw ako pero hinding-hindi siya magpapalit ng pangalan para maging Mrs. Maryjane ‘Peter Parker’ Cordero!

At naisip ko rin naman, with such a big name comes great responsibilities. Aba, nakaka-pressure naman yata ‘yon! Kaya stick na lang ako sa pangalan ko ngayon.

Second year high school ako nang pumanaw ang mahal kong lola. Iyon ang panahon na masyado akong engrossed sa biology at bawat bagay na makita ko; tao, hayop o halaman, ay iniisip ko kung saang kingdom kasama, anong phylum, anong class, scientific name, etc. etc. Kung sa panahong ito nangyari ang kanyang pagpanaw, my criminal mind fully developed, tiyak na bago niya hinigit ang kanyang huling hibla ng hininga ay nakapagpamirma ako sa kanya ng dokumento na nagsasaad na isinasalin niya sa akin ang ilang puwesto niya sa palengke ng Batangas Public Market.

Honestly, naiisip ko ito kung minsan, and I guess that could have scared the hell of my relatives na siyang nakamana ng kanyang mga naiwang yaman. Ano ba naman ‘yung masingil ko si Lola sa pagbibigay sa akin ng isang pangalan na nagpapaalala sa kanya ng isang binatang marahil ay hinangaan din naman ng kanyang puso?

Ngunit sa mas madalas na pagkakataon ang takbo ng aking isip ay nasa liwanag. Naiisip ko, siguro nga ay nakatakdang punanaw si Lola na wala pa akong alam sa buhay para ang pamanang maiiwan niya sa akin ay wala sa porma ng pera o yaman kundi sa pagkakaroon ng maliit na pangalan pero minamahal at nirerespeto ng sinuman. Sabi nga sa Proverbs: 22: 1, “A good name is rather to be chosen than great riches…”

Minsang namimitas kami ng aking ama ng mga hinog na kape ay naitanong ko sa kanya na kung wala bang ibinigay na pangalan ang aking lola sa akin, may naisip ba siya na dapat kong naging pangalan? Matagal siyang nagbalik-tanaw sa diwa bago sumagot na wala raw. Hindi na raw siya nakapag-isip dahil naroon ang lola ko nang sumulpot ako sa sangmaliwanag—at pagkakita na mayroon akong LAWIT—oramismong nagdeklara kung ano ang aking magiging pangalan.

Hula ko lang… kung hindi ako pinangalanan ng aking lola ay malamang na naging junior ako dahil walang kapangalan ang aking ama sa mga kapatid kong lalaki. Kung nagkataon, makikilala sana ninyo ako hindi bilang Karlo Cesar A. Cordero kundi Luis A. Cordero II. Aba, may dating! Parang ang guwapo! Hindi na mukhang Lucy Torres kundi Richard Gomez.

At kung Luis nga ang naging pangalan ko, alam ko na kung ano ang aking magiging nickname at kung paano ninyo ako ige-greet kapag nagkikita-kita tayo.

Sige nga, sabay-sabay: “I love you, LUCKY… Cordero!”

4 comments:

Anonymous said...

Naalo tuloy yung lovestory ng lola ko. knidnap lang naman sya ng lolo ko kasi may ibang nobyo na sya dati.

Anonymous said...

KC,

Ito ang variation: CASEY CORDERO.
Pag tinanong ka ulit, sabihin mo Kansas City Cordero, pero kidding aside, mas terno sana kung Julius yung first name di ba ?


Auggie

Anonymous said...

nice drawing. cartoonist ka pala, KC?

Retired former govt. employee with a lot of time in his hands pretentiously social climbing in the internet through obscure and boring trivia only expanding his lame, unexciting self-enclosed personal universe at Golden Acres in the process :D

kc cordero said...

trying hard lang po, haha! email n'yo ako baka makapag-meet tayo minsan.

-KC