Sunday, May 10, 2009

mother's day

Photobucket

MOTHER’S Day ngayon, May 10, 2009. Isa ito sa mga okasyon na nami-miss ko ang aking inay. Too bad na noong buhay pa siya at bata pa ako, ang ganitong okasyon ay hindi pa masyadong hyped. At any rate, ang okasyong ito ay isa sa mga nagpapabalik sa akin sa mga panahon na kasama ko pa siya gaya ng kanyang birthday, Pasko, New Year, at masakit mang sabihin, kapag death anniversary niya saka All Saint’s Day.
Maliit na babae lang ang aking ina at kahit malaking lalaki ang aking ama ay sa kanya siguro ako nagmana ng genes. Ang iba kong kapatid ay malalaki. Puno siya ng energy. Magandang kumanta at kahit mahirap lang ay walang inferiority complex. Marami siyang kaibigan sa aming baryo, at siya’y ate ng mga kapitbahay namin. Kahit noong binata na ako, pag nakahiga ako at kumakanta siya ng mga Tagalog songs, ang bilis kong makatulog. There’s something sa pag-awit niya na pakiramdam ko lagi ay isa akong sanggol na iniuugoy sa duyan.
Fifty-plus na siya nang ipanganak ako, and that qualified me for being a menopausal baby. Sinasabi naman nila ng aking ama na hindi na nila inasahang mabubuo pa ako, but they had fond memories of my childhood. Noong may isip na ako ay lagi nilang ikinukuwento kung paano ako ipinanganak, kailan ako unang lumakad, etc. Palibhasa’y ako na lang ang natitira sa bahay namin ay matiyaga niya akong naturuang bumasa. Kaya noon, kabilang ako sa mga hindi pa nag-aaral ay nakapagbabasa na.
Lumaki akong disiplinado ng mga magulang kaya I’m proud to say na hindi ako nagbigay ng sakit ng ulo sa mga magulang, lalo na sa aking ina. Kabilang pa ako sa henerasyon na ang suweldo ay ibinibigay sa ina pagkatapos bumawas ng konting panggastos. Dahil hirap nga kami sa buhay, natatandaan ko na nalaglag ang luha niya nang iabot ko ang aking unang suweldo. Marahil ay naisip niyang kahit paano, umpisa na iyon ng bahagyang pagbabago sa aming buhay.
Noong hindi pa ako nag-aaral, four years old siguro ako, isang araw ay biglang nahimatay ang aking ina. Nagkagulo ang aming mga kapitbahay at sabi’y kailangan siyang isugod sa ospital. Iyak ako nang iyak ako noon. Bago dumating ang sasakyan na maghahatid sa kanya ay nagkamalay naman siya ngunit mahahalata ang panghihina. Ilang sandali pa ay binuhat siya ng aking ama para dalhin na nga sa ospital. Ipinagbilin na lang ako sa isang kapitbahay na tingnan muna habang wala pa sila.
Nakaupo ako sa aming hagdan habang tinatanaw ko sila. Noon lang nagkasakit ang aking ina kaya nalulungkot ako. Nagulat na lang ako nang maya-maya ay bumalik siya at sa pagtataka ko ay nakalalakad na bagaman at mabagal. Lumapit siya akin at hinaplos ako sa pisngi at pinahid ang luha. “Babalik agad ako,” sabi niya. “Tahan na…” At ipinakita niya sa akin ang hinog na atis na nasa kanyang kamay. “Nakita ko sa daan kanina, hinog na. Baka maunahan ka pa ng ibon. Kainin mo na.” Humalik siya sa akin at nagbalik na sa sasakyan na maghahatid sa kanya sa ospital.
Hanggang ngayon, hindi ko makalimutan ang pangyayaring iyon. Nasa bingit na siya ng kamatayan, hinang-hina, ngunit nang makita ang hinog na na atis posibleng magpasaya sa kanyang bunso ay humugot nang lakas.
Una ko ring nadama ang totoong takot noong araw na inihatid niya ako sa eskuwelahan para mag-grade one. Kasama ang mahigit 20 bata na pawang banyaga sa paningin ko, gusto kong mapaiyak. Nang matapos ang pakikipag-usap niya sa aking guro at ihabilin ako, nang kumaway na siya para iwan ako, pakiramdam ko’y gumuho ang mundo. At nang uwian na, pagkarating sa bahay nang makita ko siyang muli ay parang dantaon kaming hindi nagkita at agad akong yumakap sa kanya. Ayaw kong mag-aral, sabi ko sa kanya. Ngunit sabi niya, “Kailangan, anak. Kailangan mong mag-aral para sa pagtanda mo.”
Mahilig siya sa radio at telebisyon kaya naman basta nagkakapera ako ay iyon ang regalo ko sa kanya, sa kanila ng aking ama. Iyon kasi ang wala kami noon kaya marahil nasa mga ganoong gamit ang kanyang passion.
May mga pagkakataon din na nagkaroon kami ng pagtatalo ngunit hindi nauuwi sa mabigat na komprontasyon. Marahil ay bahagi na lang ng aking paglaki na magkaroon kami ng magkaibang opinion sa iba’t ibang bagay. Sa pangkalahatan, laging ang suporta niya ay aking naaasahan.
Pinakamasakit na bahagi ng aking buhay ang pagpanaw ng aking ina. Natatandaan ko isang araw bago siya namatay ay iniabot niya sa akin ang titulo ng aming lupa. Bahala na raw ako para sa aking mga kapatid. Lagi siyang nakahawak sa aking kamay na parang ang batang akay niya noon sa palengke at baka mawala habang siya’y namimili. Panay ang pisil niya sa aking pisngi; alam niyang hindi na magbabalik ang mga ganitong sandali. Ako naman ay naubos na ang luha sa mga mata. Sa nakita ko sa kanyang kaanyuan, handa na siya sa pagharap sa Maykapal, at sa muling pagkikita nila ng aking ama.
Kabibili ko lang sa kanya ng bagong radio noon. Hindi niya inaalis sa kanyang tabi at kahit siguro hindi na niya nauunawaan ang pinakikinggan, gusto pa rin niyang ipakita sa akin kung paano niya pinahahalagahan ang regalo ng kanyang bunso.
Sa pagkakataon ding iyon ko nakita kung gaano kagiting ang isang ina. Kung nang iwan niya ako sa silid-aralan sa unang pagkakataon na puno ng takot sa katawan at halos mapaiyak, ang mga mata naman niya’y nagbabadya ng tapang at kahandaan sa kanyang pamamaalam sa mundo. Marahil ay dahil batid niyang naging makahulugan at makabuluhan ang kanyang naging paglalakbay.
Humingi ako ng tawad sa aking ina bago siya binawian ng buhay. Marahil ay naging mabuti akong anak ngunit pakiramdam ko ay marami pa rin akong kasalanan sa kanya. Ganoon pala iyon, ang pagiging anak, kahit gaano ka kabait, hindi maikukumpara kahit tuldok lang sa pagnanais mong huwag mawalan ng ina. At kahit gaano mo pala napasaya ang iyong ina, balewala iyon kapag alam mong malapit na siyang mawala, Walang hihigit sa mundo kundi ang pagkakaroon ng mga magulang… ng isang ina.
Happy Mother’s Day , Inay. Binabati ko rin ang lahat ng nanay. Kayo ang the best. At sa mga anak na mayroon pang ina, nakaiinggit kayo… sa araw na ito ay kapiling ninyo ang pinakadakilang regalo na mayroon sa mundo.

5 comments:

TheCoolCanadian said...

Dikong KC:

What can I say? I am absolutely moved by your story about your mother.

Totoo. Kahi't ginawa mo ang lahat ng magagawa mo para suklian ang mga kabutihan ng iyong ina ay hindi sapat iyon. Kahi't kailan ay hindi natin maaring bayaran pabalik ang kanilang kadakilaan.

Ang tanging magagawa natin ay pasalamatan sila at laging ilagay sa ating puso't isipan ang mga kabutihang ginawa nila para sa atin. Kagagaling ko lang sa sementeryo, nag-alay ng bouquet sa puntod ng aking ina. And as always, I have said my thanks to her and asked for forgiveness for whatever shortcomings I had when she was still alive.

The fruit you mentioned is a simple image, but it showed how deep is a mother's love for her child.

kc cordero said...

JM,
salamat sa iyo. sana ay lagi kang OK at patuloy na nae-enjoy ang buhay. sa maraming pagkakataon at sitwasyon ay maraming bagay ang magkapareho sa atin, gaya ng patuloy na pag-alala sa ating mga magulang. salamat. :)

Reno said...

Napaluha mo ako, KC. Pati doon sa kuwento ng atis. Patunay nga na kapag ika'y isang magulang, higit ang pagpapahalaga mo sa iyong mga anak kaysa sarili mo.

Saludo ako sa iyong ina, at sa lahat ng mga magulang na lubos ang pagmamahal sa kanilang mga anak (kasama na ang aking ama't ina doon).

kc cordero said...

reno,
thanks, sir. see you at the komikon :)

mgaputonimimi said...

alam mo po di ako lumaki sa nanay... minsan ko lang sya makita noong elementary days kasi nagttrabaho sya sa ibang bansa, pero sya ang taong nagpakita sakin kung paanu kumalma kahit hindi ko ito nature...

hay, ang ganda ng pagkasulat nyo... ambait din ng ina mo...

walang makakapalit sa pagmamahal ng isang ina...