Wednesday, December 30, 2009
palaman lang si chiz sa kuwentong ito...
GUSTO kong ipagpag ang pangyayaring ito sa akin ngayong 2009 para naman sa 2010 ay hindi ko na dala-dala. Aaminin kong may second-thought ako na sulatin ito, pero siguro ay may mapupulot ang ilang readers sa naging karanasan ko.
Bago natapos ang Agosto 2009 ay sinabihan ako ng isang kakilala na may gagawin kaming tabloid. Ang publisher ay bagong kakilala niya, at mayroon silang magandang business deal na niluluto. Sa business deal nila ay hindi na ako kasali.
Magiging managing editor ako ng tabloid at ang kakilala ko ang editor in chief. Eight pages ang tabloid, at lalabas mula Lunes hanggang Biyernes.
Ayon sa kakilala ko ay sinabi na niya sa publisher kung magkano ang suweldo ko. Lilinawin ko lang na bago ko pa nakilala ang publisher, ang kakilala ko na ang nagsabi kung magkano ang magiging suweldo ko—na para sa akin ay maliit.
Pero ako naman ay marunong makisama kaya sige na nga. Isa pa, medyo kailangan ko rin ng ekstrang kita dahil mahirap ang buhay.
I assumed na ang gagawin ko ay kolum ko, editorial at front page.
Sa madaling sabi ay naumpisahan ang proyekto. Ako na rin ang kumuha ng layout artist at ng editorial cartoonist.
Unang araw pa lang ng deadline ay naramdaman ko ng hindi okey ang sitwasyon. Sa aming bahay muna ginawa dahil ayoko nang pumasok sa opisina. Ako pa ang sumundo sa artist, nagdesisyon kung ano ang magiging template—at sa halip na 3 pahina ay 6 ang ginawa ko dahil ako pa ang gumawa ng mga balita at ibang laman.
Sinabi ko na sa kakilala ko na hindi ko kaya ang gayung sitwasyon. Ayoko na, first and last issue ko na ‘yun. Hindi naman siya umimik.
Kinabukasan ay tinawagan niya ako at nag-usap kami. Mahalaga aniya ang business deal nila ng publisher dahil nakakatulong iyon sa kanyang negosyo. Naawa naman ako kaya sabi ko, sige, ituloy natin ang dyaryo at baka-sakali na maka-adjust ako sa sitwasyon na araw-araw ay may ginagawa. Pero hindi na ‘kako puwede sa bahay mag-deadline, humanap na lang sila ng ibang place.
Kung nagtataka kayo kung bakit walang opisina, nagkasundo kami ng publisher na hindi na mag-oopisina para matipid sa gastos. Tutal sa pamamagitan ng internet ay kaya namang tapusin ang deadline.
Pero hindi dito natapos ang problema dahil may isyu sa pagitan ng kakilala ko at ng layout artist pagdating sa kanilang working schedules. At nagsabi sa akin ang layout artist na mukhang hindi rin siya tatagal, lalo pa at sa bahay naman nila tinatapos ang deadlines. Pagdating pa raw doon ng kakilala ko saka gumagawa ng materials nito dahil walang computer sa bahay. Ang kakilala ko ay may issues din naman kontra sa layout artist dahil masyado raw maraming tao sa bahay ng mga ito, at mahirap ang parking. Sabi ko ang pinakasolusyon ay magkaroon siya ng sariling laptop para sa bahay naman niya linisin ang finished pages.
Sa madaling sabi, bumili ng laptop ang kakilala ko at pansamantala ay naplantsa ang mga problema.
Pumasok naman ang problema sa publisher.
Ayon sa publisher ay hindi niya gusto ang tinatakbo ng tabloid dahil masyadong showbiz. Siyanga pala, ang publisher ay isang abogado at tawagin natin siyang si “Atty.”
Nagpaliwanag ako kay Atty. na unti-unti ay maaalis naman sa pagka-showbiz ang tabloid dahil nangangapa pa lang kami dahil halos lahat ay ako ang sumusulat ng laman. Naghahanap din siya ng magagandang artikulo, pero ang gusto niya ay hindi siya magbabayad.
Naisip ko tuloy, kung magsusulat ako ng mga articles pero hindi na ako mag-e-edit ay kikitain ko na ang suweldo ko sa kanya. Ang nangyayari tuloy, nagsusulat na ako, nag-e-edit pa pero ang suweldo ay kayliit. Hindi pa ako makaalis sa bahay dahil araw-araw ang deadline. Sa totoo lang, medyo nasasagasaan na rin pati ang iba kong trabaho.
At anim na pahina ang ginagawa ko araw-araw! Samantalang managing editor lang ako at hindi EIC.
Dagdag pa rito, kapag busy ang kakilala ko ay ako na rin ang gumagawa ng pahina niya, kaya may mga pagkakataon na 8 pahina ang ginagawa ko araw-araw!
Alam kong hindi ito normal kaya kinausap ko ang publisher. Sabi ko sa kanya ay kailangan namin ng dagdag na tao dahil nabubulunan ako ng trabaho ay maliit lang naman ang suweldo ko. Aniya ay hindi posible ang dagdag na tao, pero may solusyon.
Napansin daw niya na mas skilled ako kaysa kakilala ko kaya ako na ang gagawin niyang EIC tutal ay nakita niyang ako rin naman halos ang gumagawa ng dyaryo. Sabi ko ay nakakahiya sa kakilala ko. Siya raw ang bahala tutal ay siya ang publisher. Sabi ko, basta gawin niyang malinaw ang usapan dahil ayokong lumabas na nanulot ako. Pero ayoko rin naman ‘kako na parang nagamit naman ako sa business deal nila kung anuman iyon. Pakiramdam ko kasi ay nae-exploit ako ng dalawa.
Nagkausap sila at medyo hindi naging maganda ang resulta. Pero dahil sa business deal nila ay pumayag na rin ang kakilala ko na mag-step down as EIC at maging section editor na lang. At sasabihin ko sa inyo, mula noon ay naging delingkwente ang pagpapadala niya ng materials, at madalas kaysa hindi ay inaabot ako ng gabi sa pagte-check ng finished layouts dahil sa kanya.
At ang publisher naman palibhasa’y abogado ay maligalig pa sa batang pinadedede. Ipinagmamalaki niya sa akin na kaibigan niya si Sen. Chiz Escudero, na noon ay matunog na kakandidato sa pagkapangulo. Mahigpit ang bilin niya sa akin—walang write-ups tungkol sa mga kalaban ni Chiz, and if possible, dapat naman ay may balita (na maganda) tungkol kay Chiz.
Nagsuspetsa ako na gusto niyang gamitin ang tabloid niya para sa kandidatura ni Chiz.
In fairness to Atty., bukod sa “Chiz factor” ay wala naman siyang angal sa mga ginagawa ko sa dyaryo at appreciated niya ang mga sinusulat ko. ‘Yun nga lang, naramdaman ko na super kuripot siya.
Hindi kumpleto ang unang suweldo ko at na-delay pa nang ilang araw. Pinalampas ko muna iyon. Natagalan din bago siya nakapagbigay ng external hard drive sa layout artist (napuno na kasi ang HD ng laptop niya). At bukod sa tabloid, pinagagawa niya ng extra na trabaho ang layout artist pero kasama na iyon sa suweldo sa tabloid.
Sa pagdaan ng mga araw ay lumala ang sitwasyon dahil hindi gusto ni Atty. ang mga materials ng kakilala ko dahil masyado raw libelous. Sabi ko sa kanya, batay sa usapan namin ay hindi ko pakikialaman ang materials ng kakilala ko kaya siya ang umareglo sa problema. Madalas niya akong tawagan tungkol sa ganitong sitwasyon, mainit ang ulo niya. Reklamo naman ng kakilala ko, hindi tumupad si Atty. sa naging business deal nila at napakapangit nang ginawa nito na parang sinabotahe ang negosyo niya. Naramdaman kong hindi na okey ang sitwasyon sa pagitan naming tatlo dahil may kanya-kanya na kaming issues sa isa’t isa. Napapagod ako emotionally at physically sa isang trabahong hindi ko ma-enjoy dahil sa dami nang nagsusulputang problema.
At gusto ko nang umayaw. Marami akong nami-miss sa buhay dahil sa dedikasyon sa propesyon, bukod pa sa wala naman akong maramdaman na may patutunguhan ang mga ginagawa ko. Magtatapos na noon ang Setyembre pero pakiramdam ko ay isang taon ko nang ginagawa ang nasabing tabloid sa tindi ng mga kaganapan—lalo pa’t dumalaw si Ondoy na talaga namang nakaka-depress.
Isang araw ay excited na tumawag si Atty. sa akin at sinabing sa ganitong petsa ang magiging headline namin ay “Chiz for president!” Magdiriwang kasi si Chiz ng birthday on October 11, 40 years old na ang senador, at sigurado raw si Atty. na magdedeklara ng kandidatura ang kanyang kaibigan. Scoop daw ito at kami ang mauunang magbalita sa mismong araw ng birthday ng senador.
Hindi ko alam pero may reservation ako sa pagkandidato ni Chiz. May pakiramdam ako na hindi matutuloy. Siguro, kung matagal ka nang nag-oobserba sa ating political landscape, matututo ka nang bumasa ng kilos ng mga pulitiko. At aaminin kong hindi ako kampante sa magiging headline namin come October 11.
Gayunpaman ay nagbibiruan kami ng layout artist. Sabi ko, pag napaupo si Chiz sa Malakanyang, dahil BFF ito ni Atty. ay malamang na mapuwesto kaming dalawa sa Office of the Press Secretary. Baka maging Usec pa ako. Siya naman ‘kako ang magde-design ng bagong website ng OPS-PIA.
Nawala ang euphoria nang September 30 ay hindi ako nakasuweldo. Gayundin ang artist. Para akong nanghina. Ang layout artist, napaiyak sa pagkadismaya.
Unang linggo ng October ay nag-text sa akin si Atty. Out of town daw siya, nasa kanya ang tseke ko. Pag nagkita raw kami ay iaabot niya, o kaya ay idedeposito niya sa account ko. Huwag ko raw kalilimutan ang headline sa Oct. 11.
A-singko na ng October ay di pa rin siya nagpaparamdam. Hindi rin siya nagdeposito sa bangko. Tinatamad na talaga ako.
Kinabukasan ay wala na akong ganang magtrabaho pero naghanda pa rin ako ng materials. Sabi ko sa layout artist ay mag-check siya ng account niya. After a while ay tumawag ang artist, sabi raw ni Atty. ay okey na ang salary. Pupunta raw siya sa bangko para tingnan.
Nagpunta rin ako sa bangko para mag-check. Walang pumasok sa aking account. Pagbalik ko sa bahay ay tumawag sa akin ang artist, umiiyak. Kalahati lang daw ang ipinasuweldo sa kanya ni Atty. Sabi ko, sa akin ay wala. Tuluyan nang uminit ang ulo ko.
Ang deadline na gagawin namin noon ay may dalawang full page ads. Sabi ko sa layout artist ay gawin pa rin namin pero hindi ipadadala sa printer, basta tapusin lang. Bibigyan ko ‘kako ng leksyon si Atty.
‘Yun na nga, kinabukasan ay tumawag sa akin ang layout artist at pinagmumura raw siya ni Atty. Bakit daw hindi kami nag-deadline. Sabi raw niya ay hindi ako nagpadala ng materials. For some strange reasons, hindi naman ako tinawagan ni Atty. Ang layout artist ang inaaway niya. Galit na galit daw sa telepono.
Almost P60,000 ang halaga ng 2 full page ad sa isyung iyon na hindi masisingil ni Atty. kung hindi lalabas ang isyu nang araw na iyon. Hindi naman ako ganoon kasama, bago mag-alas onse ng umaga, sapat na oras para ma-print ang tabloid, ay ipinadala ko sa printer ang mga materials for printing. By that time, devastated na si Atty.—at alam niyang sinunog ko na ang tulay sa pagitan namin.
Nag-usap kami ng layout artist at humingi ako ng pasensya sa kanya dahil nadamay siya sa napakaraming problema ng tabloid. Huwag na rin ‘kako niyang isoli ang external HD, ‘yun na ang bayad sa hindi ipinasuweldo sa kanya ni Atty.
Noong birthday ni Chiz ay hindi pa nagdeklara ng kandidatura ang butihing senador. ‘Kuryente’ ‘ika nga ng mga peryodista ang scoop ni Atty. Hindi rin ako nagkamali ng kutob.
Kinakasihan pa rin ako ng Diyos. Kung pinasuweldo ako ni Atty. ay natuloy ang headline sa kanyang tabloid noong Oct. 11 na “Chiz for president!’ Nasaan na kaya ang kredibilidad ko ngayon kung nagkataon?
Hindi na ako nagkainteres na ituloy ang tabloid dahil lalaki lang nang lalaki ang utang ni Atty. sa akin at sa layout artist. Magagaya kaming dalawa sa mga nag-a-apply sa abroad na lagay nang lagay sa illegal recruiter sa pag-asang makakaalis pero hindi naman. Kaya bago pa lumaki ang utang, itigil na lang.
Nagbanta si Atty. na idedemanda kami. Kita mo nga naman! Kami na ang hindi pinasuweldo ay kami pa ang madedemanda. Natakot ang layout artist palibhasa ay babae at bata pa, saka siya ang laging hina-harass ni Atty. Sabi ko sa layout artist, wala naman kaming kontrata, walang pinanghahawakan si Atty. na naging empleyado kami. Saka anu’t anuman, idudulog ko sa National Press Club ang aming problema.
Up to this day, wala pa naman akong natatanggap na summons.
To be fair, bago natapos ang October ay nagdeposito naman si Atty. sa aking account—‘yun nga lang, napakalaki ng kulang.
Sabagay, sanay na akong magantso. Ang Risingstar nga ay “milyon” ang hindi ibinayad sa akin sa suweldo, materials, copyright at royalty. Na-shock kayo, ano? Pero ibang kuwento iyan—baka next year ko na isulat dahil mas mahaba.
Kamakailan ay nakatanggap ako ng email mula kay Atty. Naririto ang kabuuan bagaman at may ilan akong na-edit para maproteksyunan ang katauhan ng ibang sangkot dito. Ang e-mail niya, copy furnished ang layout artist, ay may subject na “Closure” at ganito ang nilalaman:
Dear KC and (layout artist),
I would like to believe na kahit papaano may pinagsamahan naman tayo kaya am writing this.
When the two of you abruptly left (the tabloid), (layout artist) was the recipient of my understandable anger (Sorry for that, [layout artist]). I also appreciate your apology as I understand you can only layout if there is no material.) I also texted KC to call me but to date, he has yet to do so. I believe that as Editor, he has the obligation to formally inform the Publisher of his intentions. I deliberately did not want to talk to (layout artist) yet before KC and I got to talk. Since I don't think any explanation of that sort is forthcoming (since I made my texted request last week pa), am writing this to convey to you my thoughts on the matter as I want to close this matter already.
Ang ipinagtataka ko to date is why the sudden stoppage? Ganoon na ba ako kasama to deserve that? Am I that so bad that the staff can drop out of an engagement without even sufficient notice such that the issue had to be late and my contractual arrangement with (government agency) be affected?
To be candid about it, KC voiced out to me previously the matter of (kakilala ko) not submitting his articles. But I think I have already corrected that. Sabi naman ni (kakilala ko) nag-submit naman daw siya ng article for that issue. Besides, the salary was increased from (amount) to (amount) when he took over (kakilala ko) post.
Ang ipinagtatampo ko lang naman is that sana binigyan nyo ako ng notice at the time na hindi n’yo na balak gawin iyong issue. Hindi iyong late na tayo saka ninyo ako sasabihan na hanggang diyan na lang. From what I learned from my employee days, before making such a decision like that, it is the employee's duty to make a turn-over, inventory etc. and at least, sufficient time to enable the employer to continue his business in the smoothest way possible. Under the circumstances, it may be not wise to ask for a prior notice of 1 month as is usual but at least you should have given me a week para di naman naapektuhan negosyo ko.
Because of the incident, muntik nang matanggal ang accreditation ng (tabloid). In fact, ngayon lang kami ulit makapaglalabas ng issue ulit. I hope you realize ang impact ng inyong sudden disengagement.
I am now ready to talk because nasolusyonan ko na ang problema. We are back at (government agency) so we can relegate this chapter as part of (tabloid) birth pains. Hopefully, the next time you accept a similar engagement, you will also take what happened as a learning experience.
P.S.
(To layout artist),
I had to withhold the balance of your salary pending return of the hard drive. Pasensya ka na but I had to do it as I think, resignations are usually attended by making an inventory. Sabi ko naman, as soon as you return it, you can get the balance of P3,000. Also, you left yata some streamer in our office na nakasama doon sa tarps. I was trying to call you to arrange its return. If we do not hear anything from you on that, we will assume that you no longer need those.
-Atty
**
For the record ay wala akong natanggap na text message mula kay Atty. para tawagan siya. Nagtataka nga ako kung bakit ang layout artist ang inaaway niya samantalang lagi naman siyang tumatawag dati sa akin. Siguro ay dahil hindi nga niya ako pinasuweldo.
Hindi na rin kami nag-uusap ng aking kakilala, at nalaman ko na marami na siyang napagkuwentuhan na may gap daw kaming dalawa at may sama ako ng loob sa kanya.
Nakapagtataka na sa email ni Atty. ay marami siyang binanggit tungkol sa employer-employee relationship pero hindi niya nabanggit na dapat, tuwing a-kinse at katapusan, magpasuweldo sa tauhan ang employer. At sana ‘yung kabuuan ng suweldo ko ay ibinigay niya para kumpleto ang closure. After all, pinagmukha ko namang totoong diyaryo ang kanyang tabloid kaya nga nakapasa sa standards ng government agency na kliyente niya.
At sa kakilala ko naman, kung ano ang inaakala niyang gap namin at sama ng loob ko sa kanya, iisa lang ang kahulugan noon—guilt. Dahil alam niya, sa naging business deal nila ni Atty., kami ng layout artist ang nagdusa.
Ngayon, tuwing nagkikita kami ng layout artist ay natatawa na lang kami sa aming naging karanasan. Hindi na ‘kako kami makakapasok sa Malakanyang dahil umatras na si Sen. Chiz sa pagkapresidente—at pansamantalang iniwan ang pangakong bagong umagang darating sa 2010.
Off-topic, kung tumuloy si Sen. Chiz, sa kanya na ang boto ko—kahit hindi ko nakilala si Atty.
At magaan na rin ang pakiramdam ko ngayon, dahil sa ilang buwang nakalipas, parang tsonggong nakasakay sa balikat ko ang bagay na ito—na ngayon ay tuluyan ko nang naipagpag.
Maraming salamat sa pagbabasa ninyo, at pasenya na at kayo ay aking naging sounding board. Sana rin ay maihayag ng mga taong kasama sa kuwentong ito ang kanilang nasa damdamin para naman hindi ang panig ko lang ang inyong marinig. Sana magkalakas sila ng loob na magkuwento rin…
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
7 comments:
Iyan ang hirap talaga pag lagi kang sumasabak sa "informal economy" natin. No contracts, no professionalism. Lahat dinadaan sa "gentlemen's agreement" at tiwala. Kung sa umpisa pa lang me kontrata kayo kung saan malinaw ang inyong mga duties and responsibilities, business relationship, etc., hindi ganito sana kalaki ang problema.
Pero kahit wala pa yang kontrata, malinaw na may employer-employee relationship 'yan. At ayon sa labor laws natin ang di pagbigay sa inyo ng sahod (at di pagbayad ng SSS contribution, etc) ay illegal. Baka pa nga me constructive illegal dismissal dito e. Abogado pa 'yung employer 'nyo, that makes it even worse.
I'm sure kakarmahin yan si atty. naku, nakakainis talaga mga taong mapang abuso sa writers and artists. akala nila ya kay dali ng trabaho... ano kamo? rising star mapang abuso din??? lolz... more article about this please!
A HAPPY NEW YEAR'S GREETINGS TO YOU KC !
Just charged it to experience.
Na take two ka na, huwag ka ng mag pa Strike 3. With the wisdom & sad experience , sana, huwag ng mauulit.
At kung sasabit ka sakali sa pulitiko, doon na sa may enough resources para at least mabayaran naman ang stress at pagod mo...
Auggie
yikes. delikado po talaga mag-freelance gig ng walang kontrata o deposit. lalo pa't sobrang buyer's market dito sa atin.
Yan talaga ang hirap pag walang kontrata at nakasalalay lang sa pagiging mag'kaibigan' ang kasunduan o agreement.
Last year din ay nilapitan ako nung isang kakilala nating writer/artist (kilala mo rin ito) at nagpa-drawing ng komiks ni Mar Roxas, 18 pages + cover (color). Hindi naibigay ang mga terms na hirit ko -- rate, downpayment, etc. pero ginawa ko pa rin dahil sa matinding pakiusap itong kakilala natin .
Wala sana akong balak i-submit lahat ng page hanggat hindi bayad kahit yung usapang downpayment man lang, pero matindi ang pakiusap nung kakilala natin at naawa naman ako dahil alam kong struggling din sa buhay.
kaya hayun... nung mai-email ko na yung last page, ni hindi na nagparamdam uli hanggang ngayon.
Nakakalungkot nga, pinipilit nating mabuhay ang kulturang pinoy na 'palabra de honor' pero may mga kakilala at kaibigan tayo na pagdating sa usaping pera ay nasisira. madali namang sabihin kung wala pang pambayad, maghintay-hintay muna at mauunawaan natin iyon, kaysa sa pinaaasa tayo sa wala.
My good grief, kawawa naman kayo kuya. Naku pati rin yang "Risingstar issue" nyo gusto ko rin marinig. Mabuti't at may nababasa akong mga blog mula sa mga taong may kranasan na sa mga ganitong trabaho, at least, may idea na ko kung ano ang mga pwedeng mangyari sa akin at ang maaari kong gawin.
Tsk.tsk. sana this 2010 hindi na kayo mapasabak sa ganyang problema!
Post a Comment