MASAYA
ang naging pagtanggap ng mga Pinoy sa panalo ni Manny Pacquiao laban kay
Brandon Rios noong Linggo. Marami na naman ang umiidolo at humahanga sa kanya.
Sa mga social networking sites, nang sumilip ako ay napakarami ng hashtag na “#Proud
to be Pinoy.”
Hindi
nakapagtataka. Everybody loves a winner.
At
isa ito sa mga mali sa ating kultura...
Sa nakaraang dalawang talo ni Manny—kay
Timothy Bradley at sa makabiyak-pangang knockout kay Juan Manuel Marquez (not
related to our editor-in-chief Danny “Bambo” Marquez)—ay wala halos sumalubong
sa kanya sa airport. Kumalat din sa internet ang mga larawan niyang walang
malay at nakahalik sa canvass at ginawang katatawanan. Ang karamihan sa mga
manipulated photos na ito ay mga Pinoy rin naman ang gumawa. Hindi gaya kapag
nanalo siya tulad ngayon na para siyang Sto. NiƱong gala na isa’t isa ay gusto
siyang mahipo at mahawahan ng grasya.
Ganoon
tayo kadaling makalimot. Samantala, bago ang dalawang sunod na pagkatalo niyang
iyon ay lagi nating inia-identify kay Manny ang ating pagiging Pilipino.
Hindi
lang naman sa Pambansang Kamao nangyayari ang ganitong sitwasyon. Kahit sa
atin, naranasan nating mahalin ng ating mga kamag-anak at kaibigan sa panahong
may negosyo o magandang trabaho tayo. Pero once na mabangkarote o kaya’y
matanggal sa trabaho, karamihan sa mga taong malalapit sa atin ay iniiwasan na
tayo na parang isang ketongin.
Isang
kaibigan ko ang nagkuwento sa akin na noong nagtatrabaho pa siya bilang OFW sa South
Korea ay napakarami niyang kamag-anak at kaibigan. Marami rin sa mga ito ang
nakautang sa kanya. Palibhasa’y binata pa siya noon, sige lang siya sa
paglalabas ng pera. Mabangung-mabango raw ang pangalan niya sa kanilang lugar.
Kung kakandidato nga raw siya ay tiyak na talo ang kanilang incumbent barangay
chairman.
Nang
matapos ang kanyang kontrata ay nanghinayang siya sa pambayad sa tiket pauwi
rito sa atin. Nagkataon pang may dati siyang kasamahan doon na nag-alok sa
kanya na magtrabaho sila nang walang kontrata (dahil expired na ang kanilang
working visa) sa kilala nitong employer. Medyo mababa nga lang ang suweldo.
Pumayag siya.
Iyon
nga lang, after six months ay nahuli sila ng mga awtoridad at ipinatapon dito
sa Pilipinas. At na-block list pa siya sa South Korea.
Sinubukan
niyang mag-apply sa ibang bansa pero tila naubusan na siya ng suwerte. Hindi na
siya nakaalis.
Ang
siste, may mga kaibigan siyang nagkalat ng tsismis na nanggahasa raw siya ng
batang babaing South Korean kaya napalayas sa nasabing bansa. May iba namang
ang sinasabi ay nagtulak siya roon ng droga. Napabalita rin na nagnakaw siya.
At karamihan sa mga nagkakalat na ito ng maling balita tungkol sa kanya ay
napautang niya noon.
Nang
magsimula siyang maningil ng pautang ay wala ni isang nagbayad. Meron pang
nanisi sa kanya na dapat ay naging mabait siya sa South Korea para hindi siya
nawalan ng trabaho. Isa naman ang nagsabing nagpapanggap lang siyang walang
pera pero tiyak daw na marami siyang nakatago sa bangko na kinita niya sa drug
deal.
Ang
tindi, ano po?
Ang
ginawa ng aking kaibigan, ibinili niya ng traysikel ang nalalabing pera at iyon
ang ginamit para kumita. Sa isip-isip niya, once na ngitian siyang muli ng
suwerte, never again na magiging mapagbigay siya.
Ang
ganitong sitwasyon ay malinaw na naisalarawan sa 1996 movie ni Tom Cruise na
“Jerry Maguire.” Kung may time kayong panoorin, maganda ang pelikulang ito at
makaka-relate kayo sa mga karakter. Bagay na bagay rin ang tagline nito na
“Everybody loves him... everybody disappeared.”
May
pagkakaiba si Manny at ang aking kaibigan. Hindi siya nagtampo sa mga Pinoy
kahit nag-disappear na tayo nang akala natin ay laos na siya. Inialay pa niya
ang panalo sa mga kababayan nating nasalanta ni Yolanda. At dahil diyan, lalo
natin siyang dapat hangaan—kahit hindi na mahalin—dahil hindi naman tayo
marunong magmahal ng ating mga national pride through thick and thin.
No comments:
Post a Comment