ISA
sa malaking perhuwisyong nagawa ni Yolanda ay ang pagkawasak ng coconut
industry sa Leyte. One third ng ating supply ng niyog ay nagmumula sa
probinsyang ito ayon sa Philippine Coconut Authority.
Last
year ay naging masigla ang “buko industry”. Sa mga mall at kanto ay nagsulputan
ang mga tindahan ng bottled buko. Masarap naman kasi lalo na pag nahaluan ng
ilang ingredients gaya ng gatas, asukal at arnibal.
May
mga pag-aaral din na nagsasabing may healing power ang buko bagaman at wala
pang medical journal tungkol dito. Sa mga probinsya ay pinaniniwalaang gamot
ang sabaw ng buko sa mga problema sa pag-ihi. Kung balisawsawin ka, buko ang
inumin. Kung may hangover, uminom ng malamig na buko at tanggal ang migraine.
Maraming
putaheng Pinoy naman ang nangangailangan ng gata ng niyog. Basta’t sinabing
“ginatan”, ang isa sa pangunahing sangkap nito ay gata. Maging sa mga kakanin
gaya ng puto, bibingka at suman ay kailangan ang niyog, gayundin sa mga
panghimagas gaya ng ginatang saging, kamote o pinindot (bilog-bilog).
Sa
tala ng PCA, nasa 208, 000 ektaryang niyugan ang nasalanta ng bagyo na may
mahigit 22 milyong puno ng niyog na namumunga. Nasa 120,000 pamilya naman o
halos 600,000 ang umaasa ng kanilang ikabubuhay sa industriyang ito. Ngayong
wala na ang mga niyog, para silang nakaharap sa blangkong pader kung kailan
muling makakabangon.
Wala
namang problema sa pagtatanim at tiyak namang tutulong ang pamahalaan para
muling makabawi ang mga magniniyog sa Leyte. Ang problema, aabutin ng lima
hanggang sampung taon bago muling mamunga ang itatanim na niyog. At depende pa
iyon sa variety.
Isa
sa mga hiling ng mga magniniyog sa pamahalaan ay ang malinis kaagad ang mga
nakatimbuwang na puno ng niyog para makapagsimula na silang magtanim. Ang iba
naman ay nagpaplanong taniman muna ng mga halaman o gulay na madaling mamunga
ang kanilang niyugan para kahit paano ay may kitain.
May
mangilan-ngilan daw na puno ng niyog na nakatayo pa rin, ngunit sa tingin nila
ay hindi na rin mamumunga kaya kailangan na ring putulin. Sa tantiya ng mga
magniniyog sa Leyte ay aabutin din ng ilang buwan bago matanggal ang mga
naghambalang na puno sa mga plantasyon. Plano nilang gawing tabla ang mga
nabuwal na puno para magamit sa pagtatayo nila ng pansamantalang tirahan.
Pero
hindi lamang ang mga magniniyog ang nasa industriyang ito ang apektado kundi
maging ang mga magkokopra. Ang kopra ay pinatuyong laman ng niyog at ang katas
nito ay ginagamit bilang sangkap ng sabon at shampoo. Ang pinakasapal (pinagkatasan)
naman ay pinoproseso bilang pagkain ng mga hayop.
Dahil
sa pangyayaring ito, hindi lang ang buko at niyog ang posibleng tumaas ang
presyo kundi maging ang sabon, shampoo at animal feeds. Kaya ngayon pa lang,
habang hindi pa ramdam ang epekto nito, i-enjoy na ninyo ang paborito ninyong
buko juice.
Kidding
aside, marami tayong kababayan na umaasa sa niyog bilang kanilang pangunahing
pinagkakakitaan. At ngayong mismong ang PCA ang nagsasabing maraming taon ang
bibilangin bago muling maitayo ang industriyang ito—linisin na kaagad ang mga
taniman at nang makapagsimula nang muli ang mga taga-Leyte sa pagtatanim ng
sinasabing “the tree of life”.
No comments:
Post a Comment