Tuesday, December 9, 2008
kumusta ang iyong pasko?
DALAWA sa mga dati kong kasamahan sa komiks ang ngayon ay nasa abroad na at nagtuturo bilang English teachers—sina Benjie Valerio at Manny Camara.
Si Benjie ay naging editor sa Atlas Publishing at humawak ng Hiwaga, TSS, True Experience at Drakula. Nasa Jubail, KSA siya ngayon. Bago siya nagtungo sa abroad ay nagtayo siya ng video shop, naging disc jockey bago naging English professor sa isang unibersidad habang tinatapos ang kanyang masteral. Sa aking pananaw ay siya ang pinakamahusay na naging editor sa Atlas—tatlong beses nagwagi sa Catholic Mass Media Awards sa kategoryang Best Comics Story.
Si Manny naman ay graduate ng psychology at matagal na naging trainor sa isang recruitment agency. Sideline lang niya ang pagsusulat noon; forte niya ang magsulat sa Ninja Komiks at ng mga horror stories dahil sa husay niyang mag-research. Nasa Thailand siya ngayon as an English teacher; pero bago iyon ay opisyal siya ng kanilang kooperatiba sa Quezon, naging principal sa high school at kalaunan ay naging English professor sa Quezonian Institute. Kolumnista rin siya sa The Batangas Post.
Nagpapalitan kaming tatlo ng e-mail. Ang mababasa ninyo ay ang e-mail ni Benjie kay Manny na ipinadala rin niya sa akin—para maramdaman natin kung ano ba ang nasa damdamin ng isang OFW na malayo sa pamilya at sariling bayan—lalo na sa panahon ng Kapaskuhan:
***
Magandang araw sa iyo, Pareng Manny. Kumusta ka na riyan sa Thailand? Sana'y nasa maayos kang kalagayan sa tuwina.
Ilang araw na lang at Pasko na naman. Unang pasko mong malayo sa pamilya; ako'y pang-apat na. May nararamdaman ka bang diwa ng Kapaskuhan diyan sa lugar mo? Dito sa Jubail ay wala. Walang-wala. Ang ramdam na ramdam dito ay ang lamig dahil sa pagpasok ng winter. Pero ‘yung mga kinasanayan nating Christmas carols sa radyo, ang nakakakulili pero nakakatuwang "Sa maybahay ang aming bati..." ng mga bata, Ang Christmas display sa COD (meron pa ba hanggang ngayon?), ang kutitap ng mga parol at Christmas lights, ang simbang-gabi, ang Kris Kringle sa mga opisina at eskuwelahan, ang bibingka at puto-bumbong... haay, pare, bakit nga ba kailangan pa nating lumayo sa mga mahal natin para lang kumita nang maganda?
Pero iyon na mismo ang sagot sa tanong, di ba, pare? Nasa mga lugar natin ngayon ang oportunidad na kumita nang maganda. Sabi nga ng mga Arabo: Alhamdulillah (Salamat sa Diyos!). ‘Yung isang taon kong suweldo noon sa pinagturuan kong State U diyan ay isang buwan lang dito. Napakalaking bagay, lalo na sa ekonomiya nating papabaon sa implasyon. Kita mo, pare, noong mga aktibo pa tayo sa cause-oriented groups ay implasyon na ang isa sa tema natin. 20 taon na ang nakalipas, ang implasyon na parang aso lang noon ay dinosaur na ngayon.
Suweldo namin noong isang araw. Siyempre, paglabas sa trabaho ay diretso na ako sa remittance center. Pare, maluluma ang pila sa Titanic noong araw. Inabot ako nang dalawang oras bago nakarating sa counter. Ganoon karami ang nagpapadala. Mga Pinoy lang iyon. Sa kabilang pila, mga Pakistani, Indian, Bangladeshi, Nepali... basta, puro Asyano. Wala kang makikitang puti. Pero pinakamarami at pinakamahaba ang pila ng mga Pinoy. "Masaya na naman bukas sa Pinas!" sabi ng isa. Na totoo naman, pare. Ayon sa stats, nasa 1.1 million na ngayon ang OFW dito sa KSA. Sa palitan ngayon na SR1-Php13, kung bawat OFW rito ay magpapadala ng at least ay 100 riyals, magkano iyon sa pera natin. Sa KSA pa lang iyon. Kung isasama mo pa ang galing sa ibang destinasyon (Rome, USA, Japan, UAE, atbp), malulula ka. Tama ang sabi nilang ang OFW ang nagpapasigla sa foreign reserve ng bansa. Modern day heroes nga raw, di ba?
Kasama ka na ngayon sa mga "bayani," pare. Kasama ka na sa napagkukunan ng pondo na sa malao't madali ay gagastusin o ibubulsa ng mga gahaman sa gobyerno. Pag-uwi mo nga pala, obligado kang pumunta sa POEA para magbayad ng PhilHealth at OWWA dues. Okey lang ‘yung PhilHealth at nagagamit ng pamilya ko, pero ‘yung sa OWWA at sa POEA na wala namang nagagawa sa welfare ko at ng mga kasama ko rito, ewan ko. Pero walang magagawa, tayong maliliit ay kailangang sumunod sa batas lalo pa't hindi naman Arroyo at Bolante ang mga apelyido natin.
Pero balik tayo sa Pasko, pare. Isinusulat ko ito'y nakikinig ako ng Christmas songs sa background. Doon man lang ay maramdaman natin ang diwa ng Pasko at lumabnaw nang konti ang ngitngit sa pamahalaan nating walang kuwenta. Tanong ko sa iyo, pare: Alam ba ni GMA ang damdamin ng isang ama na hindi nakakasalo sa pagkain at nakakatabi sa pagtulog ang kanyang mga anak? Palagay ko'y hindi. Hindi niya alam na walang kapalit na halaga ang bawat ngiti at tawa ng iyong anak na hindi mo naririnig. Hindi mababayaran ang maging saksi ka sa pagbibinata (binata na nga pala ang inaanak mo, pare!) o pagdadalaga ng iyong anak. Walang katapat ang kasiyahang makatulong ka sa paggawa ng assignment at project at minsan-minsan ay maka-attend sa PTA meeting. Lumalaki ang bank account natin, totoo iyan, pero lumalaki rin ang agwat ninyong mag-aama, at mahirap na iyong bawiin. Iyong mga hinaing noon ng MIGRANTE na nababasa lang natin sa peryodiko, damang-dama ko na ngayon.
Hanggang kailan, pare? Hanggang makatapos ang mga bata siguro, kung ganoon ay ilang taon pa mula ngayon. O hanggang gumanda ang ekonomiya? Ay, pare, napakatagal siguro noon, baka dito na ako magretiro. Huwag naman. Noong araw na OCW pa ang tawag sa atin, ito'y pansamantalang remedyo lang sa unemployment doon sa atin. Nang lumaon, naging phenomenon na. Ngayon, mukhang national policy na. Pati mga kurso sa kolehiyo ay ibinabagay na hindi sa pangangailangan ng labor market sa Pilipinas kundi sa kung ano ang in-demand sa ibang bansa. Natatandaan mo noong nag-boom ang PT sa atin, ang daming gustong maging therapist. Pagkatapos ay caregiving. Ngayon ay nursing naman ang "ginigiling" sa mga diploma mills. Ano naman ang susunod? Samantala, ang mga nasa pamunuan ay abala kung paanong papalitan ang Konstitusyon at nang mapalawig ang kanilang panunungkulan (at mapahaba ang pagsipsip sa yaman ng bayan, na karamihan ay galing sa atin).
Sayang, pare. Ang husay ng Pinoy. Dito sa aming eskuwelahan, kahit ang mga puti ay hanga sa ating abilidad (una na ang kakayahan nating magsalita ng ingles) at sigasig sa trabaho. Iyong komite na hawak ko sa school ay Puti ang kalahati ng miyembro, pero saludo sila sa atin. Ibig kong sabihin, iyong sikhay natin sa trabaho at husay sa paggampan ng gawain, dapat sana ay sa mga kolehiyo at opisina sa atin natin nagagamit. Hindi sa bayan ng may bayan. Isipin mo, pare, ang mga OFW na umaalis araw-araw sa Pilipinas ay ang bulto ng mga Pinoy na may kakayahan. Hindi ko sinasabing mga walang kakayahan ang mga naroroon; ibig ko lang sabihin, dapat sana'y sa ating bayan natin nagagamit at naiaalay ang mga kakayahan nating ito. Pero kailangan natin ng pera, e, di ba, pare?
Noong umuwi ako sa atin last August, sumalubong sa akin sa NAIA ang poster ni GMA: Ramdam ang kaunlaran. Kitang-kita ko sa ngiti niya na ramdam nga niya ang (pansariling) kaunlaran. Ikaw, pare, ramdam mo na ba ang kaunlaran? Well, sa ating mga OFW, dapat lang na maramdaman natin iyon... lalo na ng ating mga pamilya. We deserve it, after all. Ngunit sa kabila ng pag-unlad, nakapalaman doon ang mga hinagpis at himutok na ramdam na ramdam natin sa bawat araw na malayo tayo sa pamilya.
Marami pa akong gustong sabihin, pare, pero sa susunod na lang. Nalulungkot na kasi ako, at ang ginagamit kong panlaban sa lungkot ay tulog. Ito ang aking coping mechanism, 'ika nga. ikaw, pare, how do you cope?
Hanggang sa muli. Ingat ka riyan. Mabuhay tayong lahat!
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
4 comments:
siguro nga'y isang sulat lang ito ni benjie sa isang kaibigan, pero puwedeng i-address sa lahat ng kagaya niyang ofw, na ramdam na ramdam ang lungkot dahil miss ang pamilya... lalo't magpapasko.
punung-puno ng damdamin.
simple at magaan ang lenguwahe pero mabigat ang dating. sapul na sapol ang mensaheng nasa dibdib din ng marami, pero isang Benjie Valerio lang ang makapagpapahayag ng ganoon kadulas.
merry Christmas sa kanya.
at sa ating lahat!
alex areta...what a pleasant surprise! been a long time! huli tayong nagkita nung me project tayo sa abs-cbn, remember? kumusta ka na, pare ko? natutuwa ako't "lubog" ka pa rin sa industriya hanggang ngayon. gusto kong lumubog uli pero di ko na alam kung paano.
maligayang pasko sa iyo at sa iyong mga mahal sa buhay!
bayaw,
di ko sukat akalaing makarating dito sa blog mo ang email ko. nonetheless, galing iyan sa puso ko. mabuhay ang mga tulad mong nagsisikap na pasiglahin ang kinamulatan nating industriya.
maligayang pasko sa iyo!
(bpv)
benjie,
itinadhana yata akong maging alipin ng industriyang ito. he he he!
kahit medyo late na, maligayang pasko sa iyo diyan at masayang bagong taon!
Post a Comment