ISANG lumang Facebook account ng isang
publication na connected ako dati ang paminsan-minsan ay binubuksan ko.
Tinitingnan ko ang updates ng ilan sa mga kakilala ko na friends ng account.
Marami ring friends ang account na iyon na hindi ko naman kilala at nagpa-add
lang; marahil ay mahigit isang libo.
Minsan ay biglang may nag-message sa akin na
nasa listahan ng friends pero hindi ko kilala. Ang tanong niya, “Puwedeng
mag-apply na writer?” Inayos ko lang ang composition ng sentence niya rito
dahil jejemon ang pagkakapag-message niya.
Reply ko sa kanya: “Sarado na po ang
publishing, mine-maintain ko lang itong FB account.”
Sagot niya: “K...”
Makalipas ang ilang araw ay muli kong
binuksan ang account. Bigla uli siyang nag-message: “Puwedeng kunin ninyo akong
writer?”
Sagot ko uli: “Sarado na nga po ‘yung
publishing, mine-maintain lang itong FB account.”
Nagulat ako sa reply niya: “Eh, bakit ang
sungit mo? Para nagtanong lang, eh...”
Sinabi ko sa kanya na noong una naman siyang
magtanong ay malinaw na sinabi kong sarado na ang publishing. Akala ko naman
‘kako ay naunawaan niya. At dahil sarado na nga, paano ko siya matatanggap na
writer?
Ang reply niya: “Dami mong sinasabi! Wala
namang kuwenta ang publishing n’yo pati mga magazine n’yo!”
Napangiti na lang ako. No sense makipagtalo
sa ayaw tumanggap ng paliwanag. Kaya nag-scroll na lang ako sa wall ng mga
posts.
Muli siyang nag-message: “Walang kuwenta
magazine n’yo! Sasabihin ko sa mga kaibigan ko na huwag bilhin ang magazine
n’yo!”
Nag-reply ako: “Wala na naman silang mabibili
kasi nga di na kami nagpa-publish.”
Sagot niya: “Basta sasabihin ko huwag na
kayong bilhin!”
Sinabi ko sa kanya na mukhang may problema sa
kanyang reading comprehension. Bakit ‘kako hindi mag-sink in sa kanya na sarado
na, as in stop operation na ang publishing, wala na kaming nakatinda sa market,
at kahit magsulat siya, saan ko ilalabas? Mag-try ‘kako siya sa mga active pa
na publications. Puwede ko ‘kako siyang irekomenda sa iba na kakilala ko.
Sagot pa rin niya: “Walang kuwenta magazine
n‘yo!”
Tanong kung sa kanya: “Kung walang kuwenta,
bakit atat na atat kang magsulat dito?” At inulit ko kung may problema ba sa
kanyang reading comprehension.
Pinagmumura na niya ako. Babae siya kaya
hindi ko naman ginantihan ng mura. Sabi ko na lang sa kanya: “Bukod sa issue sa
iyong reading comprehension, mukhang hindi rin tama ang pagpapalaki ng mga
magulang mo sa ‘yo. Ang pagiging writer ay hindi nadadadaan sa pagiging
mataray. Hindi rin puwedeng ipilit. At pinakaimportante ay marunong kang
umunawa sa naririnig at nababasa.”
Lalo siyang nagmura.
Again, walang sense makipagkomunikasyon sa
taong makitid ang utak kaya pinindot ko ang “block” sa pangalan niya. Hindi
masarap sa pakiramdam na minumura ka ng taong ni hindi mo kilala.
Make no mistake about it. Napaka-supportive
ko sa mga gustong magsulat at magdrowing. Habang may nade-develop akong mga
bagong talent, nakakatulong din sila sa akin kapag nagtatayo ako ng publishing.
May mga natulungan ako na negative din ang takbo ng utak at may mga attitude
problem, pero malalawak ang comprehension, at kung makipagtalo man sa akin ay
sa level na nagtatagpo pa rin ang aming idea sa iisang point. Pero itong
nag-message sa akin, bukod sa mali-mali na nga ang composition ng sentence ay
mukhang maliit pa ang utak. Sana pala ay napagawa ko ng sample story para
nalaman ko kung in or out.
Anyway, ang pagiging writer ay isang malaking
pananagutan sa iyong readers. Kung sa simpleng usapan pa lang ay hindi na
makatanggap ng rason o lohika ang utak, siguro ay kumambyo na muna sa ibang
career.
Hindi kailangan ang mataas na edukasyon sa
pagsusulat, ngunit kailangan ang research, pagbabasa, obserbasyon at
pagsubaybay sa gawa ng iba. Pero mainam din kung nakapag-aral.
Si Boy Abunda, sa kabila ng matagumpay niyang
career sa media ay kailan lang nakatapos ng pag-aaral. Sabi niya noon sa isang
panayam kung bakit siya naging successful, “Marami akong hindi alam. Sa mga
nagiging kasamahan ko ako natututo. Pero ang mga kakulangan ko sa kaalaman ay
dinaan ko sa attitude. Pag hindi ka ganoon kahusay, dapat mabait ka sa mga
taong sa palagay mo ay aakay sa iyong ambisyon.”
Very well said. At ang ganitong pananaw ay
applicable sa kahit anong career—writer ka man o welder.