ISA ang insidenteng ito sa mga bagay na
hanggang ngayon ay nakasakay pa rin sa aking balikat at hindi ko maipagpag.
Marahil ay marami sa inyo ang makaka-relate sa kuwento kong ito.
Nakatanggap ako ng text message sa isang
numero na hindi nakalagay sa aking phone book. Nakuha raw niya ang number ko sa
isa kong pamangkin. Nagpakilala na anak daw siya ng isang pinsan ko na nasa
malayong probinsya. Dahil may load ako nang araw na iyon ay tinawagan ko ang
number.
Totoo naman ang sinabi niya. Katabi pa niya
noon ang kanyang ama na pinsan ko, at nagkausap kami. Sa pagkatanda ko, huli
kong nakita ang pinsan kong ito noong 1997 pa nang ilibing ang aking ina.
Hindi ko pa nakita kahit minsan ang anak na
ito ng pinsan ko. May asawa na rin ito at mga anak ayon sa kanyang kuwento.
Sinabi niyang pagluwas daw niya ng Maynila ay gusto niya akong makita. Sabi ko,
okey lang.
Makalipas ang ilang araw ay nag-text siya uli
sa akin. Nasa Maynila na raw siya. Saan ‘kako siya nag-i-stay. Nagulat ako nang
sabihin niyang sa Philippine General Hospital.
Sa pagpapalitan namin ng text messages ay
nalaman kong may cancer pala siya, at malala na. Wala na raw siyang buhok at
mahinang-mahina na. Puntahan ko raw siya.
Na-off ako sa sitwasyon. Mula kasi nang
parehong bawian ng buhay sa ospital ang aking ama’t ina ay nagka-phobia na ako
sa ospital. Ang aking ama ay halos dalawang linggong naratay, gayundin ang
aking ina bago binawian ng buhay. Sa haba ng mga panahon ng kanilang paghihirap
sa pakikipaglaban sa sakit ay iba’t ibang mukha rin ng naghihirap na mga pasyente
ang aking nakita. Sa kalunus-lunos na mga senaryong iyon, doon nagsimula ang
aking trauma na pumasok ng ospital o makakita ng maysakit. Kaya pag may kapatid
akong naoospital, sinasabi ko sa kanila na pasensya na kung di ako nakadalaw—at
alam naman nila ang aking predicament.
Nagdahilan na lang ako sa anak ng aking
pinsan na medyo busy pa ako sa trabaho at stay-in sa opisina. Kung kasama naman
‘kako niya ang kanyang ama, baka puwedeng magkita na lang kami ng tatay niya.
Pero ibang kamag-anak daw ang kasama niya.
Ang labis na nakabigla sa akin ay nang
sabihin niyang makikiusap muna siya na sa amin sila tutuloy dahil wala silang
matutuluyan. Nagka-migraine ako sa kanyang request.
Iba kasi ang sitwasyon sa probinsya kapag
manunuluyan ka. Malawak ang bakuran, may malalakaran o mapupuwestuhan ang mga
bisita sa labas. May mga kasama sa bahay na talagang taumbahay lang kaya may
mag-aasikaso ng pagluluto ng pagkain at ibang pangangailangan.
Dito sa Maynila ay iba...
Sa kaso ko, maliit ang aming bahay na halos
kasya lang kaming mag-anak. Walang ibang matutulugan o mapupuwestuhan kahit isa
lang na bisita. Minsang dinalaw ako ng kaibigan kong galing South Korea,
naghanap pa ako ng murang otel na tutuluyan niya just to extend my hospitality.
At siyanga pala, bahay iyon ng aking misis—hindi sa akin.
Pero ngayon na medyo marami ang magiging
bisita, hindi ko alam ang gagawin. Kung makikipanuluyan, ibig sabihin ay medyo
magtatagal lalo pa’t yao’t parito sa PGH. Kaya nahihiya man ako, sinabi ko sa
kanya ang aking mga predikamento.
Iba rin ang mind-set ng kamag-anak na galing
probinsya. Ang akala ay pinagdadamutan agad pag tinanggihan. Nahalata ko iyon
sa naging reply niya sa akin. “Kung sino pa ang inaakala ko na makakatulong sa
amin siya pa palang tatanggi.”
Na-off ako sa sitwasyon. May naramdaman din akong
tampo. Sa haba ng panahon na wala kaming naging komunikasyon, dumating siya
para magpatulong at hindi naman ako handa. Mabigat sa dibdib dahil kailangan
kong manimbang sa kasalukuyan kong kalagayan at sa damdamin niya. At sa
kalagayan niya ay alam kong sensitibo siya.
Mula noon ay lagi akong nakakatanggap ng text
messages ng panunumbat mula sa kanya—na kalaunan ay nakasanayan ko na. Ang
pinakahuling mensahe na natanggap ko: “Maramot kayo...”
Pumanaw na ang anak na ito ng pinsan ko.
Hindi ako makaharap sa kanyang ama dahil alam kong may tampo rin siya sa akin.
Gayunpaman, sabi ng isang kapatid ko, pag nagkikita sila ay kinukumusta naman
ako.
Dahil sa nangyari ay sinabihan ko ang mga
kapatid at pamangkin ko na huwag basta ibibigay kahit kaninong kamag-anak namin
ang number ko nang wala akong pahintulot. Ikinuwento ko sa kanila ang nangyari,
at ang malaking guilt na nasa dibdib ko ngayon kung hindi sana nalaman ng
namayapa ang aking contact number at nagkaroon kami ng maikling komunikasyon.
Kung mayroon kayong kuwento na kagaya ng
aking naging predikamento, hindi kayo nag-iisa. Marahil ay sadya lang may mga
pangyayari sa buhay natin na kahit di natin ginusto ay patuloy na kukurot at
duduro sa ating konsensya—isang pagkakataon na inakalang nagdamot tayo ng
tulong sa maling panahon at maling pagkakataon.
1 comment:
Malungkot ang nangyari sa inyo ng iyong kamag-anak. Huwag kang magkaroon ng guilt dahil hindi nila dapat inisip na ang demand nila ay mapagbigyan. Nagtanong sila kung puwedeng makatuloy sa inyo, kapag ang sagot ay negative, ang tamang response ay: "okay lang, salamat na rin." Unang-una ay hindi naman kayo close at hindi naman sila nakipag-communicate sa iyo until the time when they needed to stay in your place. It was wrong to harass you and called you names. It's foul, unfair, and inappropriate.
May that relative of your find peace in the afterlife and must have realized by now what you've gone through because of that unfortunate chapter in your lives.
JM
Post a Comment